Gumamit ng Mabisang Introduksyon
1. Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng unang mga Kristiyano ng iba’t ibang introduksyon?
1 Ipinangaral ng unang mga Kristiyano ang mabuting balita sa mga tao na iba’t iba ang kultura at relihiyon. (Col. 1:23) Bagaman iisa ang mensahe—ang Kaharian ng Diyos—iba-iba ang introduksyon. Halimbawa, nang nakikipag-usap si Pedro sa mga Judio na may malaking paggalang sa Kasulatan, sinipi niya si propeta Joel. (Gawa 2:14-17) Sa kabilang dako naman, pansinin kung paano nangatuwiran si Pablo sa mga Griego gaya ng nakaulat sa Gawa 17:22-31. Sa ngayon, may mga teritoryo kung saan iginagalang ng mga tao ang Kasulatan, at malaya nating nagagamit ang Bibliya sa bahay-bahay. Pero baka kailangan tayong maging mas maingat kapag nakikipag-usap sa mga hindi Kristiyano o sa mga walang interes sa Bibliya o sa relihiyon.
2. Paano natin magagamit ang alok na literatura para matulungan ang mga taong gumagalang at hindi gumagalang sa Bibliya?
2 Mabisang Gamitin ang Alok na Literatura: Ang mga alok na literatura para sa taóng ito ng paglilingkod ay magbabago tuwing ikalawang buwan at magtatampok ng mga magasin, tract, at mga brosyur. Kahit karamihan ng mga tao sa ating teritoryo ay hindi interesado sa Bibliya, maaari pa rin nating ipakipag-usap sa kanila ang isang artikulo na kukuha ng kanilang interes. Maaaring hindi tayo makapagbasa ng teksto sa unang pagdalaw o tuwirang bumanggit sa Bibliya, ngunit kung nagpakita ng interes ang may-bahay, maaari tayong dumalaw-muli upang tulungan siya na tumibay ang pananampalataya sa Maylalang at sa Kaniyang kinasihang Salita. Sa kabilang dako naman, kung nangangaral tayo sa lugar kung saan iginagalang ng mga tao ang Bibliya, maaari tayong gumamit ng literatura at isang angkop na introduksyon. Sa katunayan, ang aklat na Itinuturo ng Bibliya o ang mga brosyur na Listen to God o Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman ay maaari nating ialok sa lahat ng panahon, anuman ang alok sa buwang iyon. Ang mahalaga ay gumamit tayo ng mabisang introduksyon.
3. Bakit maihahalintulad sa lupa ang puso ng mga tao sa ating teritoryo?
3 Ihanda ang Lupa: Ang puso ng tao ay parang lupa. (Luc. 8:15) Ang ilang lupa ay nangangailangan ng maraming paghahanda bago magkaugat at tumubo ang mga binhi ng katotohanan mula sa Bibliya. Ang mga ebanghelisador noong unang siglo ay matagumpay na nakapagtanim sa lahat ng uri ng lupa, at nagdulot ito sa kanila ng kasiyahan at kagalakan. (Gawa 13:48, 52) Magtatagumpay rin tayo kung bibigyang-pansin natin ang ating mga introduksyon.