Magtamasa ng Kabutihan Dahil sa Inyong Pagpapagal
1. Bakit maaari tayong mawalan ng sigla sa ministeryo?
1 Dinisenyo ang tao na magtamasa ng “kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal.” (Ecles. 3:13) Pero kapag hindi natin nakikita ang mabubuting resulta sa ating ministeryo, maaari tayong masiraan ng loob at mawalan ng sigla. Ano ang makatutulong sa atin na manatiling positibo?
2. Bakit dapat tayong maging makatotohanan sa inaasahan nating pagtugon ng mga tao sa ating ministeryo?
2 Maging Makatotohanan: Tandaan na bagaman kaunti lang ang tumugon sa pangangaral ni Jesus, walang-alinlangang matagumpay ang kaniyang ministeryo. (Juan 17:4) Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa manghahasik, inihula ni Jesus na ang karamihan ay hindi tutugon sa tulad-binhing mensahe ng Kaharian. (Mat. 13:3-8, 18-22) Gayunman, malaki pa rin ang naisasakatuparan ng ating puspusang pagsisikap.
3. Paano tayo maaaring ‘mamunga’ kahit kaunti lang ang tumutugon sa ating pangangaral?
3 Kung Paano Tayo Namumunga Nang Marami: Sa ilustrasyon ni Jesus, ang mga tumatanggap sa mensahe ay “nagbubunga.” (Mat. 13:23) Kapag sumibol ang tangkay ng trigo at lumaki, hindi ito namumunga ng maliliit na tangkay ng trigo, kundi ng bagong binhi. Kaya ang bunga ng matagumpay na mga Kristiyano ay hindi laging nangangahulugan ng bagong mga alagad, kundi ng paulit-ulit na paghahasik ng mas marami pang binhi ng Kaharian sa gawaing pangangaral. Higit na “kabutihan” at kagalakan ang naidudulot nito, tumugon man o hindi ang mga tao. Nakatutulong tayo sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. (Isa. 43:10-12; Mat. 6:9) Nagkakaroon tayo ng pribilehiyong maging mga kamanggagawa ng Diyos. (1 Cor. 3:9) At ang gayong “bunga ng mga labi” ay nagpapalugod kay Jehova.—Heb. 13:15, 16.
4. Ano ang maaaring maging resulta ng ating ministeryo nang hindi natin namamalayan?
4 Bukod diyan, ang ating pagpapagal ay maaaring magbunga nang hindi natin namamalayan. Posibleng ang ilan na nakarinig sa pangangaral ni Jesus ay naging mga alagad lang pagkamatay niya. Sa katulad na paraan, ang binhi ng Kaharian ay maaaring hindi agad mag-ugat at tumubo sa puso ng isa. Baka maging Saksi pa nga siya nang lingid sa ating kaalaman. Talagang napakalaki ng nagagawa ng ating ministeryo. Kaya ‘patuloy sana tayong mamunga nang marami’ at patunayang alagad tayo ni Jesus.—Juan 15:8.