Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Jonas
1. Ano ang magagandang katangian ni Jonas?
1 Ano ang naiisip mo kapag binanggit si propeta Jonas? Iniisip ng ilan na siya ay duwag o di-maawain. Pero maliwanag na nagpakita siya ng kapakumbabaan, lakas ng loob, at pagsasakripisyo. Paano natin ‘kukuning parisan’ ang magagandang katangian ni Jonas?—Sant. 5:10.
2. Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jonas?
2 Kapakumbabaan: Noong una, tinakasan ni Jonas ang atas na ibinigay sa kaniya. Hindi ito nakapagtataka dahil kilaláng mararahas ang mga Asiryano, at ang Nineve ay tinawag na “lunsod ng pagbububo ng dugo.” (Na. 3:1-3) Gayunman, dinisiplina ni Jehova si Jonas, na nagpakita ng kapakumbabaan nang tanggapin niya ang atas sa ikalawang pagkakataon. (Kaw. 24:32; Jon. 3:1-3) Bagaman tinakasan niya noon ang kaniyang atas, ginawa pa rin niya ang kalooban ni Jehova. (Mat. 21:28-31) Determinado rin ba tayong mangaral ng mabuting balita, kahit na tayo’y dinidisiplina o may teritoryong mahirap pangaralan?
3. Anu-anong bahagi ng iyong ministeryo ang nangangailangan ng lakas ng loob at pagsasakripisyo?
3 Lakas ng Loob at Pagsasakripisyo: Nang manganib ang buhay ng mga marinero dahil sa pagtakas ni Jonas patungong Tarsis, handa niyang isakripisyo ang kaniyang buhay. (Jon. 1:3, 4, 12) Nang maglaon, sa pagtupad ng kaniyang atas sa Nineve, nagtungo siya sa sentro ng lunsod, marahil para maghanap ng angkop na lugar upang ihayag ang hatol ni Jehova. Patunay iyan na hindi siya duwag kundi isang propetang malakas ang loob! (Jon. 3:3, 4) Kumusta naman tayo? Kailangan ang bigay-Diyos na lakas ng loob upang makapangaral nang may katapangan sa kabila ng pagsalansang. (Gawa 4:29, 31) Kailangan ang pagsasakripisyo upang makapaglaan ng panahon at mga tinatangkilik para sa ministeryo.—Gawa 20:24.
4. Bakit dapat nating bulay-bulayin ang parisang iniwan ng mga propeta ni Jehova?
4 Sa tuwing magbabasa ka ng tungkol sa isa sa mga propeta ni Jehova, makikinabang ka kung iisipin mo ang iyong sarili na nasa kalagayan niya. Tanungin ang sarili: Ano kaya ang magiging reaksiyon ko? Paano ko matutularan ang kaniyang magagandang katangian? (Heb. 6:11, 12) Tatalakayin sa mga artikulo ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa hinaharap ang mahahalagang aral na matututuhan natin sa iba pang tapat na mga propeta ni Jehova.