Introduksiyon sa 2 Timoteo
Manunulat: Pablo
Saan Isinulat: Roma
Natapos Isulat: mga 65 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Ang 2 Timoteo ang huling liham na isinulat ni apostol Pablo sa patnubay ng espiritu ng Diyos.
Isinulat ni Pablo ang 2 Timoteo noong huling pagkabilanggo niya sa Roma bago siya mamatay. (2Ti 1:16, 17; 4:6-8) Posibleng nasa Efeso pa si Timoteo noon, dahil hinimok siya ni Pablo na manatili roon. (1Ti 1:3) Sa liham na ito, nalaman ni Timoteo na nananatiling tapat si Pablo sa kabila ng mga problema at pag-uusig. Siguradong napatibay nang husto ang kabataang ito sa halimbawa ni Pablo.—2Ti 1:8, 12; 2:3, 8-13; 3:10, 11.
Lumitaw ang pangalan ni Timoteo sa 11 sa 14 na liham ni Pablo sa Bibliya. Pero sa liham na ito, lalo pang nakita kung gaano sila kalapít sa isa’t isa. Tinawag ni Pablo si Timoteo na “anak na minamahal.” (2Ti 1:2, 4, 5) Gaya ng isang ama, pinayuhan niya si Timoteo para patuloy itong sumulong at makapanindigan laban sa huwad na mga guro. (2Ti 2:7, 20-23; 4:1-5) Pinakiusapan niya si Timoteo na dalawin siya agad at dalhin ang ilan sa mga kailangan niya.—2Ti 4:9, 13, 21.
Paulit-ulit na idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng Kasulatan. Tutulong ito kay Timoteo na makapanindigan laban sa huwad na mga guro at maging handang-handa sa paglilingkod sa loob at labas ng kongregasyon.—2Ti 2:15; 3:14-17; 4:2, 5.
Sa liham na ito, inihula ni Pablo kung gaano kasamâ ang magiging kalagayan sa hinaharap. Sinabi niyang darating ang panahon kung kailan ‘hindi na tatanggapin ng mga tao ang kapaki-pakinabang na turo’ at sa halip ay papalibutan ang kanilang sarili ng mga gurong magsasabi ng gusto nilang marinig imbes na ng katotohanan. (2Ti 4:3, 4) Inihula rin ni Pablo na “sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan” dahil sa pagsamâ ng ugali ng mga tao.—2Ti 3:1-5.
Ang ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo ay kinikilala at ginagamit ng sinaunang mga manunulat at komentarista, gaya ni Polycarp ng ikalawang siglo C.E. Sa sinaunang mga koleksiyon ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinama rin ang liham na ito sa mga akda ni Pablo. Halimbawa, kasama ito sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E. Kasama rin ang liham na ito sa mahahalagang manuskrito ng Bibliya gaya ng Codex Sinaiticus at Codex Alexandrinus.—Tingnan din ang “Introduksiyon sa 1 Timoteo.”