GAWA
Mga Study Note—Kabanata 27
kami: Gaya ng mababasa sa study note sa Gaw 16:10 at 20:5, may mga bahagi ng aklat ng Gawa kung saan gumamit ang manunulat nitong si Lucas ng mga panghalip na nasa unang panauhan, gaya ng “namin” at “kami.” (Gaw 27:20) Ipinapakita nito na sinamahan ni Lucas si Pablo sa ilang paglalakbay nito. Makikita sa paggamit ni Lucas ng mga panghalip na nasa unang panauhan sa bahaging ito ng Gawa hanggang sa Gaw 28:16 na sinamahan niya si Pablo papuntang Roma.
opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.
mabait: Ang salitang Griego na phi·lan·throʹpos at ang kaugnay nitong salita na phi·lan·thro·piʹa ay tumutukoy sa pagpapakita ng malasakit at interes sa ibang tao. Matapos maglakbay nang mga 110 km (70 mi) pahilaga sa loob ng isang araw, dumaong ang barko nila sa Sidon, sa baybayin ng Sirya. Lumilitaw na hindi gaya ng isang ordinaryong kriminal ang trato kay Pablo ng opisyal ng hukbo na si Julio, posibleng dahil mamamayang Romano si Pablo at hindi pa siya napatunayang may-sala.—Gaw 22:27, 28; 26:31, 32.
barko: Barkong kinakargahan ng butil. (Gaw 27:37, 38) Nang panahong iyon, Ehipto ang pangunahing imbakan ng butil ng Roma. Ang mga barko ng mga Ehipsiyo na may kargang butil ay dumadaong sa Mira, isang malaking lunsod malapit sa baybayin sa timog-kanluran ng Asia Minor. Naghanap ng ganoong barko ang opisyal ng hukbo na si Julio, at pinasakay niya rito ang mga sundalo at bilanggo. Siguradong mas malaki ang barkong ito kaysa sa sinakyan nila sa simula ng kanilang paglalakbay. (Gaw 27:1-3) Marami itong kargang trigo, at may sakay itong 276 katao—mga tripulante, sundalo, bilanggo, at malamang na iba pa na papunta rin ng Roma. Ang Mira ay nasa hilaga ng Alejandria, at posibleng regular itong dinadaanan ng mga barko mula sa lunsod na iyon ng Ehipto. Posible ring dahil sa pasalungat na hangin (Gaw 27:4, 7), napilitan ang barkong ito na mag-iba ng ruta at dumaong muna sa Mira.—Tingnan ang Ap. B13.
pag-aayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala: O “pag-aayuno sa panahon ng taglagas.” Lit., “pag-aayuno.” Ang terminong Griego na “pag-aayuno” ay tumutukoy sa tanging pag-aayuno na iniutos sa Kautusang Mosaiko, ang pag-aayunong may kaugnayan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, na tinatawag ding Yom Kippur (sa Hebreo, yohm hak·kip·pu·rimʹ, “araw ng mga pagtatakip”). (Lev 16:29-31; 23:26-32; Bil 29:7; tingnan sa Glosari, “Araw ng Pagbabayad-Sala.”) Ang ekspresyong “pasakitan ang sarili,” kapag iniuugnay sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang anyo ng pagkakait sa sarili, kasama na ang pag-aayuno. (Lev 16:29, tlb.) Ipinapakita ng paggamit ng terminong “pag-aayuno” sa Gaw 27:9 na kasama ito sa pangunahing paraan ng pagkakait sa sarili tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. Ang pag-aayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala ay ginagawa sa dulo ng Setyembre o pasimula ng Oktubre.
buhay: Ang salitang Griego na ginamit dito, psy·kheʹ, ay tumutukoy sa mismong tao o sa buhay niya.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe,” at Ap. A2.
Euroaquilo: Sa Griego, Eu·ra·kyʹlon; sa Latin, euroaquilo. Ito ay hangin mula sa hilagang-silangan na tinatawag na gregale ng mga mandaragat ng Malta. Ito ang pinakamalakas na hangin sa Mediteraneo. Napakadelikado nito lalo na sa isang barkong may malalaking layag, dahil madali itong tataob sa ganitong bagyo.
maliit na bangka: Ang salitang Griego na skaʹphe ay tumutukoy sa isang maliit na bangkang hila-hila ng barko o sakay ng isang malaking barko. Ginagamit ito para makarating sa dalampasigan ang isang tao kapag nakaangkla na ang barko malapit sa baybayin, para magbaba ng mga kargamento, o para hilahin ang barko at iliko ito. Puwede rin itong gamiting pansagip ng buhay. Para hindi ito lumubog o mawasak kapag may bagyo, isinasakay ito sa barko.
Sirte: Ang pangalang Griego na Syrʹtis ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “hilahin.” Sirte ang tawag sa dalawang gulpo na makikita sa nakapaloob na bahagi ng baybayin ng hilagang Aprika (sa baybayin ng Libya ngayon). Ang kanlurang gulpo (sa pagitan ng Tunis at Tripoli) ay tinatawag noong Sirte Minor (Gulpo ng Gabès ngayon). Makikita naman sa silangan ang Sirte Mayor, na kilalá ngayon na Gulpo ng Sidra. Takót ang mga mandaragat noon sa mga gulpong ito dahil sa matataas na bunton ng buhangin (sandbank), na nagbabago-bago ng puwesto dahil sa galaw ng tubig. Sinabi ng Griegong heograpo noong unang siglo C.E. na si Strabo tungkol sa mga sasakyang pandagat na nasadsad sa buhanginan: “Bihirang makaalis dito nang ligtas ang isang sasakyang pandagat.” (Geography, 17, III, 20) Sinabi ni Josephus (The Jewish War, 2.16.4 [2.381]) na marinig pa lang ng mga tao ang “Sirte,” natatakot na sila.—Tingnan ang Ap. B13.
malakas na unos: Lit., “hindi munting unos.” Ang ekspresyong Griego na ito ay tumutukoy sa isang malakas na bagyo. Noong panahon ni Pablo, ginagamit ng mga mandaragat ang araw o mga bituin sa nabigasyon, kaya talagang nahihirapan sila kapag maulap ang langit.
walang mamamatay sa inyo: O “walang isa mang buhay ang mawawala sa inyo.” Ang salitang Griego na ginamit dito, psy·kheʹ, ay tumutukoy sa mismong tao o sa kaniyang buhay.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe,” at Ap. A2.
pinaglilingkuran ko: O “pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod; sinasamba ko.”—Tingnan ang study note sa Gaw 26:7.
Dagat ng Adria: Noong panahon ni Pablo, ang terminong ito ay tumutukoy sa katubigan na mas malaki kaysa sa kasalukuyang Dagat Adriatico. Sinabi ng Griegong heograpo na si Strabo na ang pangalang ito ay mula sa lunsod ng Atria, na nasa bukana ng Ilog Po at sa tinatawag ngayong Gulpo ng Venice. (Geography, 5, I, 8) Ang lunsod ng Adria ngayon sa Italya ay malayo-layo sa baybayin. Lumilitaw na Adria ang itinawag sa mga katubigan sa palibot ng sinaunang lunsod na ito, at nang maglaon, ito na rin ang itinawag pati sa buong Dagat Adriatico, Dagat Ionian, at sa mga katubigan ng Mediteraneo sa silangan ng Sicilia (at Malta) at kanluran ng Creta.—Tingnan ang Ap. B13.
20 dipa: Mga 36 m (120 ft). Ang dipa ay isang yunit ng pagsukat na puwede ring gamitin sa pagsukat sa lalim ng tubig. Ang dipa ay ang distansiya sa pagitan ng dulo ng mga daliri kapag nakaunat ang dalawang braso ng isang tao at sinasabing katumbas ng apat na siko (mga 1.8 m; 6 ft). Ang salitang Griego para sa “dipa” (or·gui·aʹ) ay mula sa salita na nangangahulugang “iunat; abutin.”—Tingnan ang Ap. B14.
15 dipa: Mga 27 m (90 ft).—Tingnan ang study note sa 20 dipa sa talatang ito at Ap. B14.
276: Sa iilang manuskrito, ibang bilang ng nasa barko ang binanggit, pero 276 ang mababasa sa mas maraming manuskrito, at ito rin ang sinusuportahan ng karamihan ng iskolar. Ang mga barko noong panahong iyon ay nakakapagsakay ng ganoon karaming pasahero. At may binanggit si Josephus na barkong may sakay na mga 600 katao na nawasak habang naglalayag papuntang Roma.