1 CORINTO
Mga Study Note—Kabanata 12
hindi pa mananampalataya: O “mga tao ng ibang mga bansa.”
kaloob: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang espirituwal na mga kaloob ng Diyos sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. (1Co 12:1) Ang mga kaloob na binabanggit sa 1Co 12:8-10 (tingnan ang mga study note sa mga talatang ito) ay mga kakayahang di-karaniwan sa tao. Ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, para maibigay ang mga kaloob na ito. Ang espiritu ng Diyos ay puwedeng kumilos sa iba’t ibang paraan at sa iba’t ibang lingkod niya para maisakatuparan ang isang partikular na bagay. Kaya naman hindi pare-pareho ang kaloob, o espesyal na kakayahan, na tinanggap ng mga Kristiyano noon. Ang salitang Griego na ginamit dito, khaʹri·sma (lit., “kaloob dahil sa kabaitan”), ay lumitaw nang 17 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at kaugnay ng terminong khaʹris, na karaniwang isinasaling “walang-kapantay na kabaitan.”—Tingnan ang study note sa Ro 6:23.
pananalita ng karunungan: O “mensahe ng karunungan.” Tumutukoy ito sa karunungan na hindi lang basta makukuha ng isang Kristiyano sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at pamumuhay kaayon nito. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay isang di-pangkaraniwang kakayahan ng isang tao na magamit nang matagumpay ang kaalaman niya. Siguradong malaking tulong ang karunungang iyan sa pagresolba sa malalaking problemang kinaharap noon ng bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Posibleng tinanggap ni Pablo ang kaloob na ito, at malamang na nagamit niya ito sa pagsulat ng mga liham na naging bahagi ng Salita ng Diyos. (2Pe 3:15, 16) Ipinangako ni Jesus na tatanggapin ng mga Kristiyano ang kaloob na di-pangkaraniwang karunungan kapag kailangan nilang ipagtanggol ang pananampalataya nila.—Luc 21:15; Gaw 6:9, 10.
pananalita ng kaalaman: Ang kaalamang tinutukoy dito ni Pablo ay hindi ang kaalaman tungkol sa Diyos na dapat pagsikapang makuha ng lahat ng Kristiyano para maging alagad. (Ju 17:3; Ro 10:14) Makahimala ang kaalamang ito; higit pa ito sa kaalamang puwedeng matutuhan ng sinumang Kristiyano. Halimbawa, posibleng nagamit ni apostol Pedro ang “pananalita ng kaalaman” sa kaso ni Ananias. May nalaman siya na hindi niya sana malalaman kung hindi ito isiniwalat ng banal na espiritu—ang pagsisinungaling ni Ananias sa kongregasyon tungkol sa pera.—Gaw 5:1-5.
pananampalataya: Lahat ng Kristiyano ay dapat magkaroon ng pananampalataya (Ro 10:10; Heb 11:6), pero espesyal na pananampalataya ang tinutukoy dito ni Pablo. Lumilitaw na dahil sa ganitong uri ng pananampalataya, makahimalang napagtagumpayan ng mga Kristiyanong may ganitong kaloob ang tulad-bundok na mga problema na puwedeng makahadlang sa tapat na paglilingkod nila sa Diyos.—1Co 13:2.
kaloob na magpagaling: Tumutukoy sa makahimalang kakayahan na magpagaling ng lahat ng uri ng sakit. Hindi kailangan ng maysakit na gumawa ng madamdaming paghahayag ng pananampalataya para mapagaling siya. (Ju 5:5-9, 13) Sa halip, ang mas kailangang magkaroon ng malaking pananampalataya ay ang nagpapagaling. (Mat 17:14-16, 18-20) Ang kaloob na ito ay matibay na ebidensiya na pinagpapala ng espiritu ng Diyos ang bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano.—Gaw 5:15, 16; 9:33, 34; 28:8, 9.
kakayahang gumawa ng himala: O “kakayahang gumawa ng makapangyarihang gawa.” Lit., “pagkilos ng kapangyarihan.” Lumilitaw na malawak ang saklaw ng kakayahang tinutukoy dito ni Pablo. Posibleng kasama dito ang pagbuhay-muli sa mga patay, pagpapalayas ng demonyo, at pagbulag pa nga sa mga mang-uusig. Malaki ang epekto nito sa mga nagmamasid; dahil dito, marami ang sumama sa kongregasyong Kristiyano.—Gaw 9:40, 42; 13:8-12; 19:11, 12, 20.
humula: Masasabing humuhula ang lahat ng Kristiyano kapag sinasabi nila sa iba ang katuparan ng mga hula sa Salita ng Diyos. (Gaw 2:17, 18; tingnan ang study note sa Gaw 2:17; 21:9 at Glosari, “Hula”; “Propeta.”) Pero ang mga may kakayahang humula na binanggit dito ni Pablo ay kaya ring magsabi ng mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, sa tulong ng espiritu, inihula ni Agabo na magkakaroon ng malaking taggutom at na mabibilanggo si Pablo dahil sa pag-uusig ng mga Judio. (Gaw 11:27, 28; 21:10, 11) Talagang napatibay ng kaloob na ito ang mga kongregasyon.—1Co 14:3-5, 24, 25.
kumilala ng pananalita mula sa Diyos: Ang pariralang ito, na literal na nangangahulugang “kaunawaan ng espiritu,” ay tumutukoy sa makahimalang kakayahan na maunawaan ang mga kapahayagang mula sa Diyos. Malamang na kasama sa kaloob na ito ang kakayahang malaman kung ang isang kapahayagan ay galing sa Diyos o hindi. Siguradong nakatulong ang kakayahang ito para maprotektahan ang kongregasyon mula sa huwad na mga propeta. (2Co 11:3, 4; 1Ju 4:1) Tiyak na nakatulong din ito sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem para malaman kung anong bahagi ng Kautusan ang “kinakailangan” pang sundin ng mga Kristiyano. (Gaw 15:19, 20, 28, 29) Kailangan din ng patnubay ng mga Kristiyano para malaman nila kung anong mga liham at akda ang dapat mabasa ng mga kongregasyon at kung ano ang magiging bahagi ng kanon ng Bibliya. Halimbawa, nang sabihin ni apostol Pedro na “pinipilipit ng mga walang alam at di-matatag” ang mga liham ni Pablo, gaya ng ginagawa nila “sa buong Kasulatan,” ipinahiwatig niya na bahagi ng Kasulatan ang ilang isinulat ni Pablo. (2Pe 3:16) Makasisiguro tayo na ginabayan ng espiritu ng Diyos ang pagpili ng mga aklat na magiging bahagi ng kanon ng Bibliya, at tiyak na ginamit niya dito ang mga Kristiyano na may ganitong kaloob.—2Ti 3:16; tingnan sa Glosari, “Kanon”; “Ruach; Pneuma.”
magsalita ng iba’t ibang wika: Dahil sa kaloob na makapagsalita ng iba’t ibang wika, naibabahagi ng isang Kristiyano ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga taong nagsasalita ng wikang hindi niya alam. Kaya naman noong 33 C.E., naibahagi ng mga Kristiyano ang “tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos” sa maraming dayuhan na pumunta sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes. (Gaw 2:1-12) Nang maglaon, pinaalalahanan ni Pablo ang mga taga-Corinto na sa paggamit ng kaloob na ito, dapat nilang tiyakin na maisasalin ang mensahe nila at dapat na magsalit-salitan sa pagsasalita ang mga may ganitong kaloob.—1Co 14:4, 5, 9, 27.
wika: Tingnan ang study note sa Gaw 2:4.
magsalin sa ibang wika: Kapag may ganitong kaloob ang isang Kristiyano, kaya niyang isalin ang isang mensahe sa wika na hindi niya sinasalita. Ang mensahe ng isang nagsasalita ng ibang wika ay makakapagpatibay lang sa mga nakakaintindi ng wikang iyon, kaya malaking tulong ang kaloob na magsalin. Sinabihan ni Pablo ang mga nagsasalita ng iba’t ibang wika na magsalita lang kung mayroon silang tagapagsalin para maintindihan ng buong kongregasyon ang mensahe at mapatibay silang lahat.—1Co 14:27, 28.
magmalasakit sa isa’t isa ang mga bahagi nito: Lit., “mag-alala para sa isa’t isa ang mga bahagi nito.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito (me·ri·mnaʹo) ay ginamit din sa 1Co 7:32, kung saan sinabi ni Pablo na “laging iniisip ng [isang Kristiyanong] walang asawa ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon.” (Tingnan ang study note sa 1Co 7:32.) Ito rin ang pandiwang ginamit sa 1Co 7:33, na tumutukoy sa pagmamalasakit ng asawang lalaki sa asawa niyang babae. Sinabi rin ni Pablo na lagi siyang“nag-aalala [sa Griego, meʹri·mna, na kaugnay ng pandiwang me·ri·mnaʹo] para sa lahat ng kongregasyon.” (2Co 11:28) Gustong-gusto niyang matiyak na lahat ng alagad ay mananatiling tapat sa Anak ng Diyos hanggang sa wakas. Ginamit din ni Pablo ang terminong ito para ilarawan ang malasakit ni Timoteo sa mga kapatid sa Filipos. (Fil 2:20) Ipinapakita ng paggamit ng pandiwang ito sa 1Co 12:25 na dapat magkaroon ang bawat miyembro ng kongregasyong Kristiyano ng matinding pagnanais na masapatan ang espirituwal, pisikal, at materyal na pangangailangan ng mga kapananampalataya nila.—1Co 12:26, 27; Fil 2:4.
himala: O “makapangyarihang gawa.”—Tingnan ang study note sa 1Co 12:10.
kakayahang manguna: Ang salitang Griego na ginamit dito, ky·berʹne·sis, ay nangangahulugang “pangunguna; paggabay; pamamahala; pangangasiwa.” Kailangan ng mga tagasunod ni Jesus ng mahusay na patnubay para matupad nila ang atas na “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat 28:19, 20) Ang mga miyembro ng kongregasyon na may kakayahang manguna ay may awtoridad na magtatag ng mga bagong kongregasyon at pangasiwaan ang mga gawain ng lahat ng kongregasyon. (Gaw 15:1, 2, 27-29; 16:4) Ang terminong Griegong ito ay kaugnay ng isang pandiwa (ky·ber·naʹo) na literal na nangangahulugang “magpatakbo ng barko.” Ang kaugnay nitong pangngalan, ky·ber·neʹtes, ay ginamit nang dalawang beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at isinaling “kapitan ng barko.”—Gaw 27:11; Apo 18:17.
tagapagsalin: Tingnan ang study note sa 1Co 14:5.