TITO
Mga Study Note—Kabanata 2
kapaki-pakinabang: Lit., “nakapagpapalusog.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.
matatandang lalaki: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo (pre·sbyʹtes) ay tumutukoy sa literal na may-edad na mga lalaki sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan din ang Luc 1:18; Flm 9.) Kaugnay ito ng terminong Griego (pre·sbyʹte·ros) na naunang ginamit ni Pablo sa liham na ito nang payuhan niya si Tito na ‘mag-atas ng matatandang lalaki sa bawat lunsod.’ (Tit 1:5; tingnan ang study note sa Gaw 11:30.) Pero makikita sa konteksto na dito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang lahat ng may-edad na Kristiyanong lalaki, tagapangasiwa man sila sa kongregasyon o hindi. Ang totoo, nagbigay si Pablo ng mga tagubilin para sa iba’t ibang edad sa kongregasyon, gaya ng “matatandang babae” at “mga nakababatang lalaki.”—Tit 2:3-6.
may kontrol sa kanilang paggawi: O “katamtaman ang pag-uugali.” Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
seryoso: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:8.
may matinong pag-iisip: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
matibay ang pananampalataya, sagana sa pag-ibig, at nagtitiis: Sa orihinal na Griego, ginamit dito ni Pablo ang salita para sa “malusog,” na tumutukoy sa pisikal na kalusugan. (Luc 5:31) Pero ginamit ito dito ni Pablo sa makasagisag na diwa para pasiglahin ang “matatandang lalaki” na manatiling malusog sa espirituwal.
Sa katulad na paraan, ang matatandang babae: Ipinakita ni Pablo na mahalaga rin ang papel sa kongregasyon ng may-gulang na Kristiyanong mga babae, gaya ng “matatandang lalaki” na kababanggit lang niya. Halimbawa, puwedeng maging magandang impluwensiya sa nakababatang mga babae ang “matatandang babae.” (Tit 2:2, 4, 5) Napapalibutan ang mga pamilya sa Creta ng mga taong mababa ang moralidad at ng huwad na mga gurong “pami-pamilya ang inililihis . . . sa katotohanan.” (Tit 1:11, 15, 16) Kaya pinasigla ni Pablo ang may-gulang na mga babae na patibayin ang mga pamilyang Kristiyano.
gumawi nang kagalang-galang: O “gumawi nang angkop sa mga banal.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “kagalang-galang” ay ginagamit noon sa sekular na mga akda para tumukoy sa mga saserdote at iba pa na “gumaganap ng sagradong mga atas.” Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong pagpapakita ng matinding paggalang sa Diyos. (Ihambing ang 1Ti 2:10.) Ang salitang Griego naman dito para sa “gumawi” ay tumutukoy sa mga pagkilos na udyok ng saloobin ng isang tao. Kailangang tandaan ng mga babaeng Kristiyano na binanggit ni Pablo na ang paggawi at ipinapakita nilang saloobin sa araw-araw ay dapat na kaayon ng sagradong mga pamantayan ni Jehova.
hindi naninirang-puri: Gusto ni Pablo na maging magandang halimbawa ang matatandang Kristiyanong babae—hindi nila dapat hayaang mauwi sa tsismis at paninirang-puri ang pakikipagkuwentuhan nila. (Aw 15:3; 1Ti 3:11; tingnan ang study note sa 2Ti 3:3.) Sinabi pa niya na hindi sila dapat naglalasing (lit., “nagpapaalipin sa maraming alak”). Dahil kapag nakainom sila nang sobra, malamang na makapagsalita sila nang padalos-dalos at mauwi ito sa paninirang-puri.—Kaw 20:1; 23:33.
guro ng kabutihan: Idiniriin ng ekspresyong ito ang isang mahalagang papel ng matatandang babae sa kongregasyon. Sa isang liham ni Pablo, isinulat niya na hindi puwedeng maging guro sa kongregasyon ang mga babae, dahil sa matatandang lalaki lang ibinigay ng Diyos ang atas na iyon. (1Ti 2:12; tingnan ang mga study note sa 1Ti 2:11.) Pero ipinapakita dito ni Pablo na may mga pagkakataong puwedeng magturo sa iba ang mga babaeng Kristiyano. Sa ministeryo at sa impormal o pribadong pakikipag-usap nila, natuturuan nila ang iba sa pamamagitan ng sinasabi at ginagawa nila. Kaya nagiging mabuting impluwensiya sila sa iba.
mapayuhan nila ang mga nakababatang babae: Ang salitang Griego na isinalin ditong “mapayuhan” ay puwede ring isaling “mapaalalahanan; masanay.” Kaugnay ito ng mga terminong isinasaling “may matinong pag-iisip” sa ibang bahagi ng liham na ito. (Tit 1:8; 2:2, 5, 6) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo sa iba na maging maingat, gumawi nang angkop, o maging matalino sa pagdedesisyon. Makakapagbigay ng ganiyang maibiging tulong ang matatandang babae sa nakababatang mga babae kung magpapakita sila ng mabuting halimbawa at magbibigay ng payo mula sa Kasulatan. Nagtitiwala si Pablo na tatandaan ng tapat na mga Kristiyanong babae ang mga payong isinulat niya tungkol sa paggalang sa dignidad at personal na buhay ng iba.—1Te 4:11; 1Ti 5:13.
mahalin ang kanilang asawa: Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa pariralang ito ay kadalasan nang ginagamit bilang papuri sa isang mahusay na asawang babae. Alam ng apostol na hindi awtomatikong mamahalin ng isang babae ang asawa niyang lalaki. Maraming babae noon ang walang kalayaang pumili ng mapapangasawa nila. Kaya sa ilang kaso, hindi ganoon kadali para sa mga babae na mahalin ang asawa nila.
mahalin ang kanilang mga anak: Gaya ng naunang ekspresyon (“mahalin ang kanilang asawa”), ang pariralang ito ay salin ng isang salitang Griego na kadalasan ding ginagamit bilang papuri sa isang mahusay na asawang babae. Ipinapakita ng payo ni Pablo na ang likas na pagmamahal ng ina sa mga anak niya ay puwede pang mapalalim. Mapapatibay ng matatandang babae ang mga pamilya sa kongregasyon kung papayuhan nila ang nakababatang mga ina na patuloy na mahalin at patnubayan ang mga anak nila.—2Ti 1:5; 3:14, 15.
masipag sa gawaing-bahay: O “maasikaso sa bahay.” Noong panahon ni Pablo, kahit na puwede ring gawin ng mga lalaki ang gawaing-bahay, kadalasan nang mga babae ang gumagawa nito. Pero hindi sinasabi ni Pablo na sa bahay lang dapat manatili ang mga babae; hindi kasi iyan kaayon ng mga prinsipyo sa Bibliya. (Kaw 31:10-31; Gaw 18:2, 3) Sinasabi lang ni Pablo na mahalagang asikasuhin ang pamilya at ang mga pangangailangan nila sa bahay. Kung pababayaan ng mga Kristiyanong babae ang pamilya nila, makakasamâ ito sa reputasyon ng kongregasyon at sa dala nilang mensahe. Posible ring ginamit ni Pablo ang ekspresyong “masipag sa gawaing-bahay” bilang kabaligtaran ng walang-saysay na mga gawaing umuubos sa panahon ng ilang babae. (1Ti 5:13, 14) Parehong binigyan ni Jehova ang mga lalaki’t babae ng mahahalagang pananagutan sa pag-aalaga ng sambahayan nila.—1Ti 5:8 at mga study note.
nagpapasakop sa kanilang asawa: Tingnan ang study note sa Col 3:18.
nang sa gayon, ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan ng masama: Ipinakita ni Pablo sa naunang mga talata kung paano dapat kumilos sa araw-araw ang mga babaeng Kristiyano. At ipinaliwanag niya dito kung bakit. Kung pangit ang halimbawa ng mga babaeng Kristiyano, pangit din ang magiging tingin ng mga di-Kristiyano sa “salita ng Diyos.” Iisipin nila na hindi naman nakakabuti sa mga tao ang mensahe ng mga Kristiyano. Pero kung mahusay ang paggawi ng isang babae, magiging maganda ang epekto nito sa pangalan ng Diyos at sa mensahe Niya, at baka maudyukan pa nga ang ilan na maging Kristiyano.—1Pe 2:12; tingnan ang study note sa Col 3:8.
patuloy mong himukin ang mga nakababatang lalaki: Dito, gumamit si Pablo ng mas mapuwersang pandiwa kaysa sa “magsalita,” na ginamit niya sa Tit 2:1. Sa kontekstong ito, ang pandiwang Griego para sa “himukin” ay nangangahulugang “gumamit ng awtoridad para mahikayat ang iba.” (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Pero hindi dapat maging mabagsik si Tito sa paggamit ng awtoridad niya, kundi dapat siyang “maging halimbawa [sa nakababatang mga lalaki] sa paggawa ng mabuti.” (Tit 2:7) Gumamit din si Pablo ng pandiwang nasa anyong patuluyan (isinalin ditong“patuloy mong himukin”), na nagpapakitang kailangang patuloy na magpaalala ni Tito.
matinong pag-iisip: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
angkop na pananalita na hindi mapipintasan ng iba: Ang salitang Griego para sa “angkop” ay puwede ring isaling “nakapagpapalusog” o “kapaki-pakinabang.” Totoo, puwede pa ring mapintasan kahit ang perpektong pananalita. (Ihambing ang Ju 6:58-61.) Pero ang terminong isinalin ditong “hindi mapipintasan ng iba” ay tumutukoy sa angkop na pananalita na walang makatuwirang basehan para pintasan. Makakabuti sa reputasyon ng kongregasyon ang magandang halimbawa ni Tito sa pagsasalita, at puwede pa nga nitong maipahiya ang mga kumakalaban dito.
Ang mga alipin ay dapat magpasakop sa kanilang mga panginoon: Baka maisip ng iba na itinataguyod dito ni Pablo ang pang-aalipin, pero sinasabi lang niya ang realidad noong panahon niya na hindi mababago ng mga Kristiyano. Totoo, hinimok ni Pablo sa 1Co 7:21 ang mga Kristiyanong alipin na kung may legal na paraan para lumaya sila, “samantalahin [nila] ang pagkakataon.” Pero hindi ito posible para sa lahat. Kaya dito, pinasigla niya ang mga Kristiyanong alipin na maging masipag at papurihan si Jehova sa pamamagitan ng mga ginagawa nila.—Tingnan ang mga study note sa 1Ti 6:1.
hindi ninanakawan: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “ninanakawan” ay hindi ang pinakakaraniwang terminong ginagamit para sa “magnakaw.” Literal itong nangangahulugang “magtabi para sa sarili,” pero puwede rin itong mangahulugang “gamitin ang pondo para sa sariling kapakinabangan” o “waldasin ng isa ang pera na ipinagkatiwala sa kaniya.” Sa Gaw 5:2, 3, ito rin ang salitang ginamit para sa kasalanan ni Ananias, at isinalin itong “lihim na ipagkait.” Sa Griegong Septuagint, ito rin ang pandiwang ginamit sa Jos 7:1 para tumukoy sa pagkuha ni Acan sa ilang bagay na para kay Jehova. Ayon sa isang reperensiya, maraming alipin noong panahon ni Pablo ang “inaatasang mamilí at kadalasang pinagkakatiwalaang humawak ng malaking halaga ng pera.” Kaya may mga natutuksong magnakaw sa panginoon nila. Pinapatunayan ng Kristiyanong mga aliping hindi nagpapadala sa tuksong ito na talagang mapagkakatiwalaan sila.—Tingnan ang study note sa Efe 4:28.
lagi silang magdulot ng papuri sa: O “lagi nilang magayakan ang.” Ang terminong Griego na puwedeng isaling “magayakan” ay ginamit din para tumukoy sa magagandang bato na nagsilbing palamuti sa templo ni Herodes, sa magagandang katangian ng mga babaeng Kristiyano, at sa ganda ng Bagong Jerusalem. (Luc 21:5; 1Ti 2:9; 1Pe 3:5; Apo 21:2) Gaya ng ipinakita dito ni Pablo, puwede ring maipakita ng isang Kristiyano ang ganda ng mensahe ng Diyos at magdulot dito ng kapurihan. Puwedeng maging interesado sa mga turo ng Bibliya ang mga tao kapag nakikita nila ang isang aliping Kristiyano na magalang at masunurin sa panginoon niya. Malinaw nilang makikita ang pagkakaiba ng aliping Kristiyano at ng aliping kilaláng tamad, mahilig makipagtalo, at may tendensiyang magnakaw.
ating Tagapagligtas, ang Diyos: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.
nagliligtas: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:4.
sa lahat ng uri ng tao: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:4.
Sinasanay tayo nito: Tinutukoy dito ni Pablo ang “walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.” Nagpakita ng dakilang pag-ibig at walang-kapantay na kabaitan ang Diyos na Jehova sa mga tao nang ibigay niya bilang pantubos si Kristo Jesus, kaya naman nagkaroon ng pag-asang ‘maligtas ang lahat ng uri ng tao.’ (Tit 2:11; Efe 1:7; 2:4-7) At gaya ng sinabi ni Pablo, sinasanay ng ganitong kabaitan ang isang tagasunod ni Kristo. Ito ang pumapatnubay at nagpapakilos sa kaniya na gawin ang tama. (2Co 5:14, 15) Kapag natutuhan ng isang Kristiyano kung ano ang ginawa ni Jehova para sa kaniya, gugustuhin niyang mamuhay sa paraang magpapasaya sa Ama niya sa langit. Halimbawa, pagsisikapan niyang alisin ang maling mga pagnanasa at masasamang ugali na karaniwan sa “sistemang ito” na pinamamahalaan ni Satanas. (Tingnan ang mga study note sa Efe 2:2.) Pagsisikapan niya ring makapagpakita ng magagandang katangian, gaya ng katinuan ng isip, katuwiran, at makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2; 4:7.
di-makadiyos na paggawi: Tingnan ang study note sa Ro 1:18 para sa paliwanag sa ekspresyong “di-makadiyos na paggawi,” na kabaligtaran ng “makadiyos na debosyon.”
makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.
sistemang ito: O “panahong ito.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:17; Glosari, “Sistema.”
kamangha-manghang pag-asa: O “pag-asang nagpapasaya sa atin.” Sa Bibliya, ang pag-asa ay tumutukoy sa “paghihintay nang may pagtitiwala sa isang bagay na tiyak na mangyayari,” gaya ng sinasabi ng isang reperensiya. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pag-asa ng ilang tao na mabuhay muli bilang imortal na mga espiritu at maging kasamang tagapamahala ni Jesu-Kristo sa “kaniyang Kaharian sa langit.” (2Ti 4:18; Apo 5:10) Pagpapalain ng Kahariang iyon ang mga sakop nito sa lupa at bibigyan sila ng pag-asa na mabuhay magpakailanman. Talagang nakakapagpasaya ang mga pag-asang ito para sa mga sabik na naghihintay sa katuparan nito. Isa pa, ang “maligayang Diyos” mismo ang nagbigay ng garantiya na matutupad ang mga pangakong ito. (1Ti 1:11) Ang salitang Griego na isinalin ditong ’kamangha-mangha,’ o “nakapagpapasaya,” ay isinaling “pinagpala” sa ibang Bibliya. Parehong idiniriin ng mga saling iyon ang pagsang-ayon ng Diyos sa mga umaasa sa mga pangako niya.—Ihambing ang study note sa Mat 5:3.
maluwalhating paghahayag: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinaling “paghahayag” (e·pi·phaʹnei·a) ay tumutukoy sa nakikita at matibay na ebidensiya ng isang bagay; puwede rin itong tumukoy sa pagpapakita ng awtoridad o kapangyarihan. (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:14.) Dito, iniugnay ni Pablo ang ganitong paghahayag sa katuparan ng binanggit niyang “kamangha-manghang pag-asa.” Para sa pinahirang mga Kristiyano, kasama dito ang pag-asang mabuhay muli at mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Ipinapakita sa Bibliya na mangyayari lang ang pagkabuhay-muli sa langit kapag nagsimula na ang “panahon ng presensiya ng Panginoon” na si Jesus. (1Te 4:15-17) Ang pagbuhay-muling ito ay bahagi rin ng “maluwalhating paghahayag ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” Sa kapangyarihan ng Diyos, nahayag si Jesus at sinimulan niyang gantimpalaan ang mga pinahirang Kristiyano na namatay na.
ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Kristo: Tinatalakay dito ni Pablo ang “maluwalhating paghahayag” ng Diyos at ni Jesu-Kristo. Karaniwan na, kay Jesus lang iniuugnay ang terminong “paghahayag.” (2Te 2:8; 1Ti 6:14; 2Ti 1:10; 4:1, 8) Dahil diyan, sinasabi ng ilang iskolar na iisa lang ang tinutukoy dito, kaya isinalin nila ang pariralang ito na “ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.” Ginagamit nila ang tekstong ito para patunayan na sa Kasulatan, si Jesus ang “dakilang Diyos.” Pero maraming iskolar at tagapagsalin ng Bibliya ang sumusuporta sa salin ng Bagong Sanlibutang Salin, kung saan dalawang magkaibang indibidwal ang binanggit.—May iba pang sumusuportang reperensiya na makikita sa Kingdom Interlinear, Ap. 2E, “Of the Great God and of [the] Savior of Us, Christ Jesus.”
para mapalaya tayo: Lit., “para matubos tayo.” Ang pandiwang Griego dito ay ginagamit noon para tumukoy sa pagpapalaya sa isang alipin o bihag sa digmaan sa pamamagitan ng pantubos. Ito rin ang pandiwang ginamit sa 1Pe 1:18, 19, kung saan sinasabing ang mga Kristiyano ay “pinalaya [o “tinubos,” tlb.]” sa pamamagitan ng “mahalagang dugo” ni Kristo.—Tingnan din ang study note sa Mat 20:28.
lahat ng uri ng kasamaan: Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng “kasalanan ay paglabag sa kautusan.” (1Ju 3:4) Pero hindi lang sa paggawa ng kasalanan tumutukoy ang kasamaan. Kasama rin dito ang kawalan ng paggalang sa mga utos ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 24:12.) Siyempre, alam ni Pablo na hindi lubusang malaya sa kasalanan ang di-perpektong mga Kristiyano. (Ro 7:19-23) Pero nagbago na ang paraan ng pamumuhay nila; hindi na nila binabale-wala ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. At dahil sa mga ginagawa ni Jesus bilang saserdote, nasa ‘puso at isip na nila’ ang kautusan ni Jehova. (Heb 10:14-16; Ro 7:25; 8:2, 4; Tit 2:12) Kaya masasabing ‘napalaya sila sa lahat ng uri ng kasamaan.’
isang bayan na espesyal niyang pag-aari: Nilinis at “pinalaya” ang mga tagasunod ni Kristo sa pamamagitan ng “mahalagang dugo” na ibinigay niya bilang pantubos. (1Pe 1:18, 19; Heb 9:14) Kaya matatawag silang “espesyal niyang pag-aari.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa “espesyal niyang pag-aari” ay puwedeng tumukoy sa isang “mamahaling pag-aari at natatanging kayamanan.” Katulad ito ng sinabi ni Jehova sa bayang Israel noon: “Kayo ay magiging espesyal [o, “minamahal”] na pag-aari ko mula sa lahat ng bayan.” (Exo 19:5; tlb; tingnan din ang Deu 7:6; 14:2.) Mula noong Pentecostes 33 C.E., nagkaroon si Jehova ng isang bagong “bansa” sa lupa, ang “Israel ng Diyos,” “isang bayan na . . . pag-aari ng Diyos.” (1Pe 2:9, 10; Gal 6:16 at study note) Kaya ang pinahirang mga Kristiyano ay matatawag na ‘espesyal na pag-aari’ ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. Pero ang “bayan” na ginamit dito ay hindi lang tumutukoy sa mga pinahirang Kristiyano. Kasama dito ang “ibang mga tupa” ni Jesus na masigasig na sumusuporta sa kanila. (Ju 10:16) Mahal na mahal silang lahat ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo.—Ihambing ang Aw 149:4; Hag 2:7.
buong pusong gumagawa ng mabuti: O “masigasig sa paggawa ng mabuti.” Sinabi ni Pablo na ‘buong puso,’ o masigasig at sabik, na gagawin ng mga Kristiyano ang tama sa paningin ng Diyos. Kasama sa ‘mabubuting’ gawa ang paggawa ng mabuti sa iba, pagpapakita ng mga katangiang bunga ng espiritu ng Diyos, at higit sa lahat, pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mat 24:14; Gal 5:22, 23; Tit 2:1-14; San 1:27; 1Pe 2:12.
Patuloy mong ituro ang mga bagay na ito, at patuloy kang magpayo at sumaway: Tinapos ni Pablo ang liham niya kay Tito sa pagbibigay ng mga bilin na pahigpit nang pahigpit kung ikukumpara sa sinundan nito. Alam ni Pablo na para sa ilan, baka paalala lang ang kailangang ibigay ng isang tagapangasiwa, ang iba naman ay kailangan nang tumanggap ng payo, at ang iba pa ay kailangan nang sawayin. At may ilan naman na baka kailangang tumanggap ng tatlong ito. Sa umpisa, baka kailangan lang silang ‘turuan’ ni Tito, pero kung hindi sila makikinig, baka kailangan na silang ‘payuhan.’ At kung hindi pa rin sila kikilos, kailangan na silang ‘sawayin.’ Hindi dapat mag-alangan si Tito na gawin ang tatlong bagay na ito dahil alam niyang binigyan siya ng “awtoridad” para sa atas na ito.
Hindi ka dapat hamakin ng sinuman: Dito, gumamit si Pablo ng isang pandiwang Griego na puwedeng magpahiwatig na minamaliit si Tito ng mga kumakalaban sa kaniya. Pero dapat tandaan ni Tito na bilang isang hinirang na matandang lalaki, may “awtoridad” siya na magpayo at sumaway sa mga sumisira sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon.—Ihambing ang 1Ti 4:12, kung saan gumamit si Pablo ng isang katulad na pandiwa para ipakitang posibleng hinahamak ng ilan si Timoteo dahil sa pagiging kabataan niya.