FILEMON
Mga Study Note
Liham kay Filemon: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat sa Bibliya. Sa kilaláng manuskrito na Codex Sinaiticus noong ikaapat na siglo C.E., ginamit ang pamagat na “Kay Filemon” sa dulo ng liham.
Ako si Pablo . . . at kasama ko si Timoteo: O “Mula kay Pablo . . . at Timoteo.” Si Pablo ang sumulat ng liham na ito kay Filemon, pero isinama niya si Timoteo sa panimulang pagbati, gaya ng ginawa niya sa iba pa niyang liham. (2Co 1:1; Col 1:1; 1Te 1:1; 2Te 1:1) Kasama ni Pablo si Timoteo nang isulat niya ang liham na ito noong unang pagkabilanggo niya sa Roma. (Tingnan ang study note sa Fil 1:1.) Posibleng kilala ni Filemon si Timoteo dahil kasama ito ni Pablo sa Efeso nang maipangaral ang mabuting balita sa iba pang lunsod sa rehiyong iyon, kasama na ang Colosas.—Gaw 19:22; 1Co 4:17; 16:8-10; tingnan ang Ap. B13; tingnan din ang study note sa 1Co 16:9.
isang bilanggo: Sa maraming liham ni Pablo, tinawag niya ang sarili niya na “isang apostol” ni Kristo Jesus. (Para sa halimbawa, tingnan ang 1Co 1:1; Efe 1:1; Col 1:1; 1Ti 1:1; Tit 1:1.) Pero lumilitaw na ayaw niyang mapilitan si Filemon na sundin siya dahil lang sa isa siyang apostol. Kaya ginamit niya rito ang salitang “bilanggo,” na ayon sa isang reperensiya ay “isang katawagang aantig sa puso ng kaibigan niya.” Ipapaalala nito kay Filemon ang mahirap na kalagayan ni Pablo, na posibleng makakatulong sa kaniya na tumugon nang positibo sa pakiusap ni Pablo sa liham na ito.—Flm 9-12, 17.
isang bilanggo alang-alang kay Kristo Jesus: Lit., “isang bilanggo ni Kristo Jesus.” Ibinilanggo si Pablo sa Roma dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo.—Flm 9; tingnan ang study note sa 2Ti 1:8.
Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa: Si Filemon ay miyembro ng kongregasyon sa Colosas, isang lunsod sa lalawigan ng Asia. (Col 4:9) Posibleng si Pablo ang nagpatotoo sa kaniya para maging Kristiyano. (Flm 19) Hindi nangaral si Pablo sa Colosas, pero malamang na nakilala niya si Filemon sa Efeso nang “[marinig] ng lahat ng naninirahan sa lalawigan ng Asia ang salita ng Panginoon.” (Gaw 19:10) Hindi nakasama ni Pablo si Filemon sa mga paglalakbay niya bilang misyonero, pero itinuturing niya itong kamanggagawa dahil tumulong ito na mapalaganap ang mabuting balita.—Tingnan ang study note sa Ro 16:3; 1Co 3:9.
Apia . . . Arquipo: Bukod kay Filemon, ang dalawang miyembrong ito lang ng kongregasyon na nagtitipon sa bahay ni Filemon ang nabanggit ni Pablo sa pangalan sa liham na ito. Kaya sinasabi ng maraming iskolar na si Apia ay asawa ni Filemon at si Arquipo naman ay anak nila. Sinasabi rin ng ilan na binanggit ni Pablo sina Apia at Arquipo dahil naging alipin ng pamilya si Onesimo. Kung gayon, lahat sila ay dapat magbigay-pansin sa sinabi ni Pablo sa liham na ito. Magkakapamilya man sila o hindi, may magandang dahilan si Pablo na banggitin sina Apia at Arquipo. Binigyang-dangal ni Pablo si Apia nang tawagin niya itong kapatid naming babae. Malamang na ang Arquipo sa liham na ito ay ang Arquipo rin na binanggit ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Colosas. (Tingnan ang study note sa Col 4:17.) At tinawag niya si Arquipo na kapuwa namin sundalo, na nagdiriin ng malapít na kaugnayan niya rito at ng pagiging tapat nito at matapang na lingkod ni Kristo.—Ihambing ang Fil 2:25.
at sa kongregasyong nagtitipon sa iyong bahay: Pangunahin nang kay Filemon patungkol ang liham na ito ni Pablo, pero para din ito kina Apia at Arquipo at sa buong kongregasyon. Madalas na sa mga bahay nagtitipon ang mga Kristiyano noong unang siglo. (Col 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 16:19.) Kahit na pangunahin nang si Filemon ang kausap ni Pablo sa buong liham, kapansin-pansin na gumamit siya ng mga Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan na isinaling “sumainyo,” “ninyo,” at “kayo” sa talata 3, 22, at 25. Kaya posibleng gusto ni Pablo na mabasa ang liham na ito sa buong kongregasyon. Siguradong makikinabang sila sa mahahalagang kaisipan at prinsipyong nasa liham.
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
kapag binabanggit kita sa mga panalangin ko: Maraming matututuhan mula sa pananalitang ito kung paano manalangin si Pablo. Makikita sa mga panalangin niya tungkol kay Filemon na mapagpasalamat siya (“pinasasalamatan ang aking Diyos”), madalas siyang manalangin (“Lagi kong”), at espesipiko ang panalangin niya (“binabanggit kita”). Gumamit dito si Pablo ng panghalip na nasa anyong pang-isahan, na nagpapakitang partikular niyang ipinapanalangin ang kaibigan niyang si Filemon.—Ihambing ang Ro 1:9; 1Co 1:4; Efe 1:16; Fil 1:3-5; 1Te 1:2.
pananampalataya mo at pag-ibig: Itinampok sa personal na liham na ito ang pananampalataya at pag-ibig. Madalas pag-ugnayin ni Pablo ang dalawang ito. (Efe 1:15; Col 1:4) Dito, kinomendahan niya si Filemon (na ang pangalan ay nangangahulugang “Mapagmahal”) sa pagkakaroon ng mga katangiang ito. Naipapakita ni Filemon ang pananampalataya at pag-ibig niya kay Jesus sa paraan ng pakikitungo niya sa mga banal, o sa mga kapananampalataya niya.
puso: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo (splagkhʹnon), na isinaling “puso,” ay literal na tumutukoy sa mga laman-loob. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa matinding damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao o sa pinanggagalingan ng damdaming iyon. (Tingnan din ang study note sa 2Co 6:12.) Ginamit ulit ni Pablo ang salitang Griegong ito sa talata 12 at 20. Sinasabi sa isang reperensiya: “Makikita sa madalas na paggamit ni Pablo sa salitang ito sa maiksing liham niya kay Filemon kung gaano siya kaapektado sa isyung ipinapakipag-usap niya.”
kapatid: Madalas na “kapatid” ang tawagan ng unang mga Kristiyano. (Ro 16:1; 1Co 7:15; Flm 1, 2) Sa paggamit ng terminong ito, naipapakita ng mga Kristiyano ang pagkakaisa nila at malapít na ugnayan bilang isang espirituwal na pamilya, na ang Ama ay si Jehova. (Mat 6:9; 23:9; Efe 2:19 at study note; 1Pe 3:8) Ayon sa ilang iskolar, nang tawagin ni Pablo si Filemon na “kapatid” dito at sa talata 20, gumamit ang apostol ng anyo ng pantawag na nagpapakita ng napakalapít na ugnayan nila. Kaya naman puwede itong isaling “kapatid ko” o “mahal na kapatid,” gaya ng mababasa sa iba pang Bibliya.
puwedeng-puwede kitang utusan . . . dahil isa akong apostol ni Kristo: O “may malaking kalayaan ako sa pagsasalita may kaugnayan kay Kristo na utusan ka.” Ang salitang Griego na par·re·siʹa na ginamit sa ekspresyong ito ay pangunahin nang nangangahulugang “katapangan sa pagsasalita.” Puwede sanang gamitin ni Pablo ang awtoridad na ibinigay sa kaniya ni Jesus bilang isang apostol. Pero gaya ng ipinaliwanag niya sa sumunod na talata, hindi niya ito gagamitin para utusan si Filemon at hindi rin niya sasamantalahin ang kaugnayan nila bilang magkapananampalataya para pilitin itong gawin ang ayaw nito. (Flm 9, 14) Kaya sa kontekstong ito, malamang na ginamit ni Pablo ang termino para sa “kalayaan sa pagsasalita” para tumukoy sa tapatang pag-uusap ng isang magkaibigan.
mas gusto kong makiusap sa iyo salig sa pag-ibig mo: Gaya ng nabanggit ni Pablo, kilalá si Filemon sa pag-ibig niya kay Kristo at sa mga kapananampalataya niya. (Flm 5, 7) Nagtitiwala ang apostol na dahil sa pag-ibig ni Filemon, mauudyukan siyang magpakita ng malaking kabaitan sa pagkakataong ito. (Flm 21) Pero alam ni Pablo na hindi niya mapupuwersa si Filemon na magpakita ng pag-ibig. Gaya nga ng sinasabi ng isang reperensiya tungkol sa talatang ito, “mauudyukan ang isa na magpakita ng pag-ibig, pero hindi siya mapipilit.”
matanda na: Posibleng nasa mga 50 o mahigit 60 anyos na si Pablo nang isulat niya ang liham na ito. Ayon sa ilang reperensiya, ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa “isang lalaki na 50-56 anyos.” Pero sa Griegong Septuagint, ginamit ang terminong ito para kina Abraham at Eli na di-hamak na mas matatanda. (Gen 25:8; 1Sa 2:22; LXX) Kaya hindi magagamit na basehan ang salitang ginamit dito ni Pablo para malaman ang edad niya nang sumulat siya kay Filemon. Mas makakatulong pa ang ibang impormasyon tungkol sa buhay ni Pablo. Halimbawa, naging Kristiyano siya noong mga 34 C.E., at isinulat niya ang liham na ito kay Filemon pagkalipas ng mga 25 taon, noong 60-61 C.E. Nang makumberte siya, nasa edad na siya para makilala at pagkatiwalaan ng mataas na saserdote. Sinasabi ng ilan na posibleng magkaedad sila ni Jesus o mas bata lang si Pablo nang kaunti. Sa ilang Bibliya, ang salitang Griego na ginamit dito ay isinaling “embahador.” Pero mas maraming iskolar ang pabor sa saling “matanda,” na kahawig ng pagkakasalin ng salitang ito sa Luc 1:18 at Tit 2:2.—Ihambing 2Co 5:20 at study note; Efe 6:20 at study note.
bilanggo alang-alang kay Kristo Jesus: Tingnan ang mga study note sa Flm 1.
Onesimo: Alipin si Onesimo ng Kristiyanong si Filemon, at posibleng ninakawan niya ito bago siya tumakas papuntang Roma, kung saan siya naging Kristiyano. (Flm 18; tingnan ang study note sa Col 4:9.) Kahit na tungkol kay Onesimo ang maikling liham na ito ni Pablo, dito pa lang siya unang nabanggit. Ipinaliwanag ni Pablo na noong nakabilanggo siya sa Roma, naging parang ama siya kay Onesimo. Tinawag pa nga siya ni Pablo na anak ko, na nagpapakitang posibleng ang apostol ang tumulong sa kaniya para maging Kristiyano.—Ihambing ang 1Co 4:15; Gal 4:19.
Wala siyang silbi . . . noon, pero ngayon ay malaking tulong siya: Ipinakita dito ni Pablo ang malaking pagbabagong nangyari kay Onesimo. “Wala siyang silbi” noon; posibleng hindi talaga siya maaasahang alipin bago pa niya layasan ang panginoon niya. (Tingnan ang study note sa Flm 18.) Pero ngayong isa na siyang Kristiyano, “malaking tulong” na siya kay apostol Pablo at siguradong pati na rin kay Filemon.
Wala siyang silbi . . . malaking tulong siya: Ang pangalang Onesimo ay nangangahulugang “Kapaki-pakinabang; Malaking Tulong,” na ayon sa ilang reperensiya ay karaniwang pangalan noong unang siglo C.E., lalo na ng mga alipin. Sa talatang ito, ang salitang ginamit ni Pablo para sa “malaking tulong” ay kasingkahulugan ng pangalang Onesimo. Gumamit din si Pablo ng magkasalungat pero magkatunog na mga salitang Griego para sa ‘walang silbi’ (aʹkhre·stos) at “malaking tulong” (euʹkhre·stos). Ang pinangalanang “malaking tulong” ay matagal na naging ‘walang silbi,’ pero ngayon, talagang “malaking tulong” na siya.—Tingnan ang study note sa Col 4:9; Flm 10.
Pinababalik ko siya sa iyo: Nang pabalikin ni Pablo si Onesimo kay Filemon, ipinakita niyang nagpapasakop siya sa gobyerno. (Ro 13:1) Totoo, pinasigla ni Pablo ang mga alipin na kung may legal na basehan sila para makalaya, “samantalahin” nila ito. (1Co 7:21) Pero alam din niya na hindi dapat pagsikapang baguhin ng mga Kristiyano ang nakatatag nang batas may kinalaman sa pang-aalipin dahil hindi sila binigyan ni Kristo ng awtoridad na gawin ito.—Ju 17:15, 16; 18:36 at study note; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:1.
na talagang napalapít sa puso ko: O “na mahal na mahal ko.”—Tingnan ang study note sa Flm 7.
maalalayan niya ako: Posibleng maraming naiisip si Pablo na paraan kung paano siya maaalalayan ni Onesimo. Ang salitang Griego na di·a·ko·neʹo (“maglingkod”) ay pangunahin nang tumutukoy sa mapagpakumbabang paglilingkod sa iba. Sa kontekstong ito, puwede itong tumukoy sa pagkuha at paghahanda ng pagkain para kay Pablo o pagtulong sa kaniya sa iba pang praktikal na paraan. Sa mapagpakumbabang paglilingkod ni Onesimo kay Pablo, nasusuportahan niya ang “mabuting balita.”—Tingnan ang study note sa Luc 8:3; 22:26.
bukal sa puso: O “ayon sa kalayaan mong magpasiya.” Alam ni Pablo na si Filemon ang magdedesisyon kung ano ang dapat gawin kay Onesimo. Kaya sinabi ni Pablo: “Ayokong gumawa ng anumang bagay kung walang permiso mo.” Nagtitiwala siya na gagamitin ni Filemon nang tama ang kalayaan nitong magpasiya at kikilos ito udyok ng pag-ibig. (2Co 9:7) Mahalagang turo sa Kasulatan ang paggamit ng isang tao ng kalayaan niyang magpasiya pagdating sa personal niyang buhay. (Deu 30:19, 20; Jos 24:15; Gal 5:13; 1Pe 2:16) Ang salitang Griego na isinalin sa talatang ito na “bukal sa puso” ay ginamit nang maraming beses sa Septuagint para tumukoy sa kusang-loob na mga handog. (Lev 7:16; 23:38; Bil 15:3; 29:39) Hindi inoobliga ni Jehova ang mga lingkod niya na magbigay ng ganitong handog, at hindi rin niya pinaparusahan ang mga hindi nagdadala nito. Dahil ang mga handog na ito ay ekspresyon ng pag-ibig at pagpapahalaga sa Diyos, hindi ito puwedeng hingin nang sapilitan.
Baka ito talaga ang dahilan kaya siya humiwalay sa iyo: Parang ipinapahiwatig dito ni Pablo na may kinalaman si Jehova sa nangyari kay Onesimo, na naging Kristiyano matapos itong lumayas sa panginoon niya. Puwede na siyang tanggapin ulit ni Filemon, hindi bilang isang alipin, kundi bilang kapatid sa espirituwal. Ipinakita pa ni Pablo na anumang problema ang naidulot ng paglayas ni Onesimo, sandali (lit., “isang oras”) lang iyon kung ikukumpara sa nabuo nilang kaugnayan sa espirituwal na mananatili magpakailanman. “Walang hanggan” silang maglilingkod nang magkasama.—Jud 21; Apo 22:5.
higit pa sa alipin, bilang minamahal na kapatid: Ipinapakita dito ni Pablo na ang pangunahin nang ugnayan nina Filemon at Onesimo ay magkapatid na Kristiyano at magkamanggagawa sa ministeryo. (Mat 23:8; 28:19, 20) Posibleng naging alipin ulit si Onesimo sa sambahayan ni Filemon, pero posible ring pinalaya siya ni Filemon, gaya ng sinasabi ng ilang iskolar. (Tingnan ang study note sa Flm 12.) Kung nanatili mang alipin si Onesimo, siguradong naging mahusay na lingkod na siya dahil Kristiyano na siya at nagpapagabay na sa mga prinsipyo sa Kasulatan.—Efe 6:5-8; Col 3:22, 23; Tit 2:9, 10; tingnan ang study note sa 1Ti 6:2.
kaibigan: Ang salitang Griego na isinalin ditong “kaibigan” ay literal na nangangahulugang “kabahagi.” Ginamit niya ang terminong ito na puwede ring isaling “kasamahan; katuwang” para ipakitang magkapantay lang sila ni Filemon. Ginagamit din ang terminong ito noon para sa magkasosyo sa negosyo. (Luc 5:10; 2Co 8:23; 1Pe 5:1) Pero sa kontekstong ito, nagpapahiwatig ito ng malapít na pagkakaibigan. Ganito inilarawan ng isang reperensiya ang ugnayan nina Pablo at Filemon: “‘Magkaibigan’ sila . . . dahil iisa ang Panginoon nila. Dahil sa matibay na ugnayang ito, nasisiyahan silang gumawa nang magkasama habang nagpapakita ng pananampalataya at pag-ibig.” Kapansin-pansin din na ginamit ng sinaunang Griegong manunulat na si Aristotle ang terminong ito para ilarawan ang isang kaibigan. Sinabi niya: “Ang isang kaibigan ay isang kabahagi.”
malugod mo siyang tanggapin: Malaki ang tiwala ni Pablo kay Filemon na gagawin nito ang tama. Nang panahong iyon, hinahagupit, pinapaso, o pinapatay pa nga ng ilan ang masuwaying mga alipin nila—para maturuan ang iba pang alipin ng sambahayan nila na maging masunurin.
singilin mo iyon sa akin: Karaniwan ang ekspresyong ito noon sa pagsagot sa utang ng iba, gaya ng makikita sa iba pang dokumento noong unang siglo C.E. Kaya sinasabi ng ilang iskolar na bago tumakas si Onesimo, posibleng nagnakaw siya sa panginoon niya at ikinatuwirang kailangan niya ng pambili ng pagkain at pambayad sa pamasahe sa barko. Gustong-gusto talaga ni Pablo na magkasundo ang dalawang Kristiyanong ito kaya naman handa siyang bayaran ang utang ni Onesimo.
Ako mismong si Pablo ang sumusulat nito: O “Ako, si Pablo, ang sumusulat nito gamit ang sarili kong kamay.” Malamang na si Pablo mismo ang sumulat ng maikling liham na ito, kahit na hindi niya iyon karaniwang ginagawa; dahil kung talagang may problema sa paningin si Pablo, mahihirapan siyang gawin iyon. (Tingnan ang study note sa Gal 4:15; 6:11.) Pero sinasabi ng ilang iskolar na posibleng gumamit lang dito si Pablo ng isang lagda niya at sumulat ng ilang salita gamit ang sarili niyang kamay. Alinman diyan ang totoo, ang sulat-kamay niya ay nagdagdag ng bigat sa kahilingan niya at nagsilbing garantiya sa pangako niyang bayaran ang anumang utang ni Onesimo.
utang mo rin sa akin ang buhay mo: Ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na tinulungan ni Pablo si Filemon na maging Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Flm 1.) Ipinapaalala dito ni Pablo kay Filemon na nalugi man siya sa pinansiyal, walang-wala ito kung ikukumpara sa mga pagpapalang natanggap niya.—Flm 18; ihambing ang Efe 1:18; 2:12.
puso ko: Tingnan ang study note sa Flm 7.
Nagtitiwala akong: Sigurado si Pablo na gagawin ni Filemon ang hiling niya. Gumamit siya rito ng isang salitang Griego na nagpapakita ng matibay na pagtitiwala, at madalas niya itong gamitin sa mga liham niya. Halimbawa, ginamit niya ito para ipakitang nagtitiwala siya na tutuparin ng Diyos ang layunin Niya para sa Kaniyang bayan. (Fil 1:6) Ginamit niya rin ito para tumukoy sa tiwala ni Jesus sa Diyos. (Heb 2:13) Sa Ro 8:38, isinalin ang salitang ito na “kumbinsido ako.” Sigurado si Pablo na gagawin ni Filemon ang hiling niya nang hindi napipilitan. Gaya nga ng sabi ni Pablo, higit pa sa sinabi ko ang gagawin mo. Malamang na dahil sa tiwala niyang ito, naudyukan si Filemon na makipagtulungan nang masaya at bukal sa puso at gawin pa nga ang higit sa hinihiling ni Pablo.
dahil umaasa akong sa tulong ng mga panalangin ninyo: Gumamit dito si Pablo ng Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan at isinalin itong “ninyo,” kaya posibleng tumutukoy ito sa panalangin ng buong kongregasyon na nagtitipon sa bahay ni Filemon. (Tingnan ang study note sa Flm 2.) Ipinapahiwatig ni Pablo na malaki ang magagawa ng ganitong mga panalangin—puwede siyang lumaya mula sa pagkabilanggo sa Roma. Kaya kinikilala ni Pablo na ang panalangin ng tapat na mga Kristiyano ay puwedeng makapagpakilos sa Diyos na Jehova na gawin nang mas maaga ang isang bagay o gawin pa nga ang isang bagay na hindi Niya sana gagawin.—Heb 13:19.
makababalik ako sa inyo: O “mapalalaya ako para sa inyo.” Gumamit dito si Pablo ng isang ekspresyon na puwedeng literal na isaling “ibabalik ako sa inyo dahil sa kabaitan,” ibig sabihin, bilang sagot sa mga panalangin ng kongregasyon sa Colosas. Sinabi ng isang reperensiya na gumamit dito si Pablo ng pandiwang nasa anyong passive, na nagpapahiwatig na “ang Diyos lang ang makakapagpalaya kay Pablo.”
Epafras: Isang Kristiyano sa Colosas na posibleng naging malaking tulong sa pagtatatag ng kongregasyon doon. (Tingnan ang study note sa Col 1:7; 4:12.) Nang unang mabilanggo si Pablo sa Roma, pumunta doon si Epafras. Malamang na nanatili siya roon, dahil nang bumati si Pablo, tinukoy siya nito na “kapuwa ko bihag dahil kay Kristo Jesus.”
kapuwa ko bihag: O “kapuwa ko bilanggo.” Hindi lang kay Epafras ginamit ni Pablo ang terminong Griegong ito; sa iba niyang liham, ginamit niya rin ito para kina Aristarco, Andronico, at Junias. (Ro 16:7; Col 4:10) Posibleng nabilanggo talaga sila kasama ni Pablo. Pero sinasabi ng ilan na ginamit lang ni Pablo ang terminong ito para ipahiwatig na lakas-loob siyang dinalaw sa bilangguan ng mga kapananampalataya niyang ito at nanatili pa nga silang kasama niya.
Marcos: Tingnan ang study note sa Col 4:10.
Aristarco: Isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica na naglakbay kasama ni Pablo. Malamang na isa siyang Judio. (Tingnan ang study note sa Col 4:11.) Hindi niya iniwan si Pablo sa mapanganib na mga sitwasyon. Halimbawa, magkasama sila nang umugin sila sa Efeso at nang bumuo ng pakana laban kay Pablo ang mga Judio sa Gresya. (Gaw 19:29; 20:2-4) At nang ipadala si Pablo sa Roma bilang bilanggo, sumama ang tapat na kaibigan niyang ito. Sa paglalakbay, nawasak ang barko nila. (Gaw 27:1, 2, 41) Lumilitaw na patuloy na inalalayan ni Aristarco si Pablo noong nakabilanggo ito sa sarili nitong bahay sa Roma. (Gaw 28:16, 30) Malamang na nabilanggo rin si Aristarco nang ilang panahon kasama ng apostol, kaya nasabi ni Pablo na “talagang napalalakas” siya nito.—Col 4:10, 11; tingnan din ang study note sa Flm 23; 2Co 8:18.
Demas: Tingnan ang study note sa Col 4:14; 2Ti 4:10.
Lucas: Tingnan ang study note sa Col 4:14.
nagpapakita kayo ng magagandang katangian: O “nagpapakita kayo ng magagandang saloobin.” Sa pagtatapos ng liham ni Pablo, gumamit siya ng Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan, at malamang na para ito sa mga binanggit niya sa talata 1 at 2, kasama na ang “kongregasyong nagtitipon sa . . . bahay” ni Filemon. (Flm 2 at study note) Gusto ni Pablo na sumakanila ang walang-kapantay na kabaitan ni Jesu-Kristo habang nagpapakita sila ng magagandang saloobin. Dito, ang terminong “saloobin” ay salin ng salitang Griego na pneuʹma, na karaniwang isinasaling “espiritu.” Sa kontekstong ito, ang pneuʹma ay tumutukoy sa puwersa o sa nangingibabaw na takbo ng isip ng isang tao na nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Dahil sa pagpapala ni Kristo, patuloy silang makakapagsalita at makakapamuhay kaayon ng kalooban ng Diyos at ng halimbawa ni Kristo.—Gal 6:18 at study note; Fil 4:23.