HEBREO
Mga Study Note—Kabanata 5
maglingkod sa Diyos: Posibleng dalawang aspekto ng gawain ng isang mataas na saserdote ang naiisip dito ni Pablo. Una, gaya ng lahat ng saserdote sa Israel, kinakatawan ng mataas na saserdote ang bayan sa harap ni Jehova. Inihahain ng mga saserdote ang handog ng bayan at nagsusumamo para sa kanila. Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ang mataas na saserdote lang ang maghahain ng mga handog. (Lev 16:2, 17, 24) Ikalawa, kinakatawan din ng mga saserdote si Jehova sa harap ng bayan sa pamamagitan ng pagtuturo tungkol sa Diyos at sa mga kautusan niya.—Lev 10:8-11; Mal 2:7; tingnan din sa Glosari, “Saserdote.”
mga kaloob at hain para sa mga kasalanan: Sa Kautusang Mosaiko, may ilang bagay na puwedeng ihandog ng bayan kay Jehova bilang pasasalamat o para makuha ang pagsang-ayon niya. (Lev 7:11, 12; Deu 16:17) Ang ilang handog naman ay pambayad-sala. (Lev 4:27, 28) Pero dito, ipinapakita ng konteksto na ang ekspresyong “mga kaloob at hain” na ginamit ni Pablo ay tumutukoy sa anumang inihahandog ng mataas saserdote. (Heb 5:3; ihambing ang Lev 9:7; 16:6.) Ganiyan din ang pagkakagamit ng apostol sa “mga kaloob at mga hain” sa Heb 8:3 at 9:9.
Kaya niyang makitungo nang may malasakit sa mga kulang sa unawa at nagkakasala: Ang mataas na saserdote na nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko ay kailangang maghandog para sa sarili niyang kasalanan. (Heb 5:3) Ipinapaalala nito sa kaniya na hindi siya perpekto at may mga kahinaan din. Dahil diyan, malamang na mas mapakitunguhan niya “nang may malasakit [o, “mahinahon”]” ang kinakatawan niya sa paghahandog. Ipinagtatapat ng mga nagkasala ang kasalanan nila, at sa ilang kaso, kailangan nilang magbayad sa nagawan nila ng mali. (Exo 22:1; Lev 6:4, 5; Bil 5:7) Tinatawag silang “mga kulang sa unawa at nagkakasala [o, “naliligaw”]” dahil epekto lang ng kahinaan nila ang pagkakasala nila at hindi dahil masuwayin sila.—Ihambing ang Lev 5:17-19; Bil 15:27, 28.
hindi niya nakakalimutang mahina rin siya: O “apektado rin siya ng mga kahinaan niya.” Ang pandiwang Griego na isinalin ditong ‘hindi niya nakakalimutan’ ay literal na nangangahulugang “napapalibutan.” (Tingnan din ang Heb 12:1, kung saan ginamit din ang salitang Griegong ito.) Ginamit din ito sa Gaw 28:20, kung saan ang sinabi ni Pablo ay puwedeng literal na isaling “nakapalibot sa akin ang tanikalang ito.” Makasalanan ang isang di-perpektong taong mataas na saserdote, kaya “hindi niya nakakalimutang mahina rin siya.” Para bang nakapalibot sa kaniya ang mga kahinaan niya, gaya ng damit na nakabalot sa kaniya. (Ihambing ang Zac 3:3, 4.) “Kaya kailangan niyang maghandog para sa mga kasalanan niya.” (Heb 5:3; Lev 9:7; 16:6, 11) Walang mataas na saserdoteng makakapantay kay Kristo Jesus, ang Mataas na Saserdote sa langit, na walang kasalanan.—Heb 7:26-28.
tinawag siya ng Diyos, gaya ni Aaron: Posibleng naiisip ng ilang Hebreong Kristiyano kung paano naging mataas na saserdote si Jesus, samantalang hindi naman siya galing sa angkan ni Aaron. Kaya ipinaliwanag ni Pablo na naging mataas na saserdote si Aaron, hindi dahil sa minana niya ito, kundi dahil inatasan siya ng Diyos. (Ihambing ang Exo 28:1; Bil 3:10.) Ganiyan din kay Jesus. Direkta siyang “tinawag . . . ng Diyos,” pero ang pagiging mataas na saserdote niya ay magpakailanman. (Heb 5:5, 6) Noong panahon ni Pablo, ang mga Judiong mataas na saserdote, gaya ni Caifas, ay karaniwan nang inaatasan—at inaalis kung minsan—ng mga Romanong opisyal. (Gaw 4:6 at study note) Kahit pa galing sa angkan ni Aaron ang matataas na saserdoteng iyon, hindi nila masasabing “tinawag [sila] ng Diyos.”—Ihambing ang Heb 7:13-16.
hindi niluwalhati ng Kristo ang sarili niya sa pag-aatas sa kaniyang sarili bilang mataas na saserdote: Niluwalhati si Jesus ng Ama niya, si Jehova, na tumawag sa kaniya para maging Mataas na Saserdote. Nangyari ito noong 29 C.E. nang bautismuhan si Jesus. Mapagpakumbaba niyang inialay ang sarili niya sa paggawa ng kalooban ng Ama niya, kasama na ang paghahandog ng sarili niyang buhay at paglilingkod bilang Mataas na Saserdote ni Jehova magpakailanman. (Heb 5:6; 10:8, 9) Ipinahayag ni Jehova ang pagmamahal at pagsang-ayon niya sa Anak niya at pinahiran si Jesus ng banal na espiritu; sa ganiyang paraan, niluwalhati ng Diyos ang Kristo. (Tingnan ang study note sa Mar 1:11.) Ang kaluwalhatiang ito na galing mismo sa Ama ni Jesus, ang Diyos na Jehova, ay di-hamak na nakahihigit sa anumang kaluwalhatian ng iba pang mataas na saserdote na pinagsikapan nilang makuha o ipinagmamalaki nila dahil nanggaling sila sa angkan ni Aaron.—Ihambing ang Ju 8:54.
“Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama”: Sinipi ni Pablo sa ikalawang pagkakataon sa liham na ito ang Aw 2:7. (Tingnan ang study note sa Heb 1:5.) Natupad ang mga salitang ito noong bautismuhan si Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Naging walang-hanggang Ama rin si Jehova kay Jesus sa espesyal na paraan nang buhayin niyang muli ang Anak niya at bigyan ng imortal na buhay sa langit.—Gaw 13:33, 34; tingnan ang study note sa Ro 1:4.
sa isa pang bahagi ng Kasulatan: Sa sumunod na bahagi, sinipi ni Pablo ang Aw 110:4. Maraming beses niyang sinipi o binanggit ang ideya ng talatang ito sa liham niya sa mga Hebreo.—Heb 6:20; 7:3, 11, 17, 21; 10:12 at study note.
isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec: Dito unang binanggit si Melquisedec sa liham sa mga Hebreo. Pareho siyang hari at saserdote noong panahon ni Abraham. (Gen 14:18) Hindi minana ni Jesus kay Melquisedec ang pagkasaserdote niya. Sa halip, ang pagkasaserdote niya ay “gaya” lang ng kay Melquisedec. Lumilitaw na ang Diyos mismo ang nag-atas kay Melquisedec bilang hari at saserdote ng lunsod ng Salem. Sa katulad na paraan, inatasan din ng Diyos si Jesus na maging Hari ng Kaharian ng Diyos at Mataas na Saserdote.—Para sa higit pang impormasyon tungkol kay Melquisedec, tingnan ang mga study note sa Heb 7:1.
nagsusumamo at nakikiusap si Kristo: Posibleng partikular na naiisip dito ni Pablo ang panalangin ni Jesus habang naghihirap siya sa hardin ng Getsemani. Dahil ito ang pinakamatinding pagsubok sa katapatan niya, paulit-ulit at marubdob siyang nanalangin sa kaniyang Ama.—Luc 22:41-45; tingnan ang study note sa Gaw 4:31; Fil 4:6.
nang may paghiyaw at mga luha: Ipinakita ni Pablo na si Jesus, ang pinakakuwalipikadong maging Mataas na Saserdote, ay may malaking pananampalataya at masidhing damdamin. Buong tiwala niyang ibinuhos ang laman ng puso niya sa kaniyang Diyos at Ama. Hindi espesipikong binanggit sa mga Ebanghelyo na lumuha si Jesus habang marubdob siyang nananalangin sa hardin ng Getsemani. Pero lumilitaw na iyan mismo ang pagkakataong tinutukoy dito ni Pablo, at ginabayan siya ng espiritu para idagdag ang nakakaantig na detalyeng ito. (Luc 22:42-44; tingnan din ang mga study note sa Mat 26:39; ihambing ang 1Sa 1:10, 12-18; 2Ha 20:1-5; Ne 1:2-4; Aw 39:12.) Ang ekspresyong “paghiyaw” ay puwede ring tumukoy sa mga sinabi ni Jesus habang naghihingalo siya sa pahirapang tulos. (Mat 27:46; tingnan din ang Aw 22:1, 24.) May dalawa pang ulat sa Bibliya kung saan sinabing umiyak si Jesus. Umiyak siya sa pagdadalamhati malapit sa libingan ng kaibigan niyang si Lazaro. (Tingnan ang study note sa Ju 11:35.) At noong pumasok siya sa Jerusalem sakay ng isang batang asno, umiyak siya nang malakas dahil sa masaklap na mangyayari sa lunsod.—Tingnan ang study note sa Luc 19:41.
pinakinggan siya: Gaya ng inihula, pinakinggan at sinagot ni Jehova ang marubdob na mga pagsusumamo ni Jesus. (Isa 49:8; tingnan ang study note sa 2Co 6:2.) Sa maraming paraan, ipinakita ng Diyos na pinapakinggan niya ang Anak niya. Nagpadala siya ng anghel para patibayin si Jesus. (Luc 22:43) Iniligtas din niya ang Anak niya sa kamatayan nang buhayin niyang muli si Jesus. Isa pa, dininig niya ang mapagpakumbabang pakiusap ng Anak niya: “Mangyari nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Luc 22:42) Nangyari talaga ang kalooban ng Diyos. Kasama diyan ang pagbibigay sa Anak niya ng regalo na di-hamak na nakahihigit sa hiniling ni Jesus—ang imortalidad.—Ju 17:5; 1Ti 6:16.
kaniyang makadiyos na takot: Inilalarawan ng ekspresyong ito ang matinding paggalang ni Jesus sa Ama niya at sa sagradong mga bagay. Saklaw ng terminong Griego na ginamit dito ang “matinding paghanga sa presensiya ng Diyos.” Kitang-kita kay Jesus ang ganiyang paghanga at paggalang sa kaniyang Ama. Inihula pa nga tungkol sa Mesiyas na sasakaniya “ang espiritu . . . ng pagkatakot kay Jehova” at “makadarama siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova.” (Isa 11:2, 3) Ang terminong Griego para sa “makadiyos na takot” ay lumitaw din sa Heb 12:28.—Tingnan ang study note sa Heb 11:7; ihambing ang study note sa Col 3:22.
natuto siyang maging masunurin: Dati nang masunuring Anak ng Diyos si Jesus, kahit na may ilang “anak ng tunay na Diyos” sa langit na nagrebelde. (Gen 6:2) Bago pa bumaba si Jesus sa lupa, naipakita na niya ang kapakumbabaan at pagiging masunurin. (Isa 50:5) Pero noong maging tao siya, natutuhan niyang maging masunurin sa harap ng mahihirap na kalagayan na hindi niya mararanasan kung nasa langit siya. (Fil 2:8; Heb 10:9) Kaya nasubok at naging perpekto, o ganap, ang pagiging masunurin niya. Sa gayon, mabibigyan ni Jehova ang masunuring mga tao ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan niya.—Tingnan ang mga study note sa Heb 5:9.
pagkatapos niyang maging perpekto: Nilalang ang Anak ng Diyos bilang isang perpektong espiritu; at sa buong buhay niya bilang tao sa lupa, “hindi siya nagkasala.” (1Pe 2:22) Pero para magampanan niya ang isang espesyal na atas, ang pagiging Mataas na Saserdote para sa mga tao, kailangan niyang “maging perpekto” sa isa pang diwa. Ang mga salitang Griego na isinasaling “maging perpekto,” “perpekto,” o “pagiging perpekto” ay puwedeng mangahulugang maging ganap, maabot ang isang tunguhin, at matupad ang isang layunin. (Ihambing ang study note sa 1Co 13:10.) Noong nabuhay si Jesus bilang tao, naging perpekto siya, o kuwalipikadong-kuwalipikado, na maglingkod bilang maunawaing mataas na saserdote dahil napanatili niya ang katapatan niya sa lahat ng pagsubok, kahit pa nga sa harap ng kamatayan.—Heb 2:17; 4:15; 5:10; tingnan ang study note sa Heb 2:10.
siya ang naging daan para sa walang-hanggang kaligtasan: Ang Diyos na Jehova ang pinakapinagmumulan ng “walang-hanggang kaligtasan.” (Isa 45:17) Pero si Jesus ang gagamitin niya para mailigtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, na minana nila kay Adan. (Ihambing ang Luc 1:68, 69 at study note; 2:30.) Dahil si Jesus ang Mataas na Saserdote, “siya ang naging daan” para maligtas ang masunuring mga tao. Tinatawag din si Jesus na “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.”—Heb 2:10 at study note; tingnan din ang study note sa Gaw 3:15; 1Ti 1:1.
mataas na saserdote gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec: Tingnan ang study note sa Heb 5:6.
Marami kaming masasabi tungkol sa kaniya: Ibig sabihin, tungkol kay Jesus bilang “mataas na saserdote gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.” Sinimulang talakayin ni Pablo ang mahalagang paksang ito sa Heb 5:6, pero pinutol niya muna ito para isingit ang payo na “sumulong . . . sa pagiging maygulang.” (Heb 6:1) Ipinagpatuloy niya ang paghahambing kay Jesus at kay Melquisedec sa Heb 6:20.
mahirap itong ipaliwanag: Ganito ang sinabi ng isang diksyunaryo tungkol sa salitang Griego na isinalin ditong “mahirap . . . ipaliwanag”: “Gaya ng makikita sa konteksto, hindi ang paksa ang problema, kundi ang mga tagapakinig.”
mabagal kayo sa pag-unawa: Ang salitang Griego na isinalin ditong “mabagal” ay puwedeng lumarawan sa isa na mabagal matuto, hindi tumutugon, walang pakialam, o tamad pa nga. Tinawag ang mga Hebreong Kristiyano na mabagal sa pag-unawa dahil hindi nila naiintindihan o ayaw nilang intindihin ang mga bago o malalalim na bagay sa Kasulatan at ayaw din nila itong sundin. Nakalimutan pa nga nila ang mga katotohanang natutuhan nila. (Heb 5:12; tingnan ang study note sa Heb 5:14.) May ilan sa kanila na ‘napabigatan’ ng mga problema sa buhay at panggambala sa sanlibutan kaya nawala ang pokus nila sa espirituwal na mga bagay. (Luc 21:34-36; ihambing ang Heb 2:1; tingnan ang study note sa Heb 6:12.) Hindi naisip ng mga Hebreong Kristiyano na hindi puwedeng manatili sa iisang antas ang pananampalataya; alinman sa lalakas ito o hihina.
dapat sana ay mga guro na kayo ngayon: Nang isulat ni Pablo ang liham sa mga Hebreong Kristiyano, halos 30 taon nang naitatag ang kongregasyon sa Jerusalem. Kaya dapat sana, “ngayon [lit., “dahil sa panahon”],” naituturo na nila ang mga paniniwala nila sa iba. Napakahalagang bahagi ito ng ministeryo ng bawat Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Pero nahihirapan pa rin ang ilan sa kanila na maintindihan at tanggapin ang malalalim na katotohanan. Kaya paano nila iyon maituturo sa iba?—Tingnan ang study note sa Heb 5:11.
panimulang mga bagay: Ang ekspresyong Griego para sa “panimulang mga bagay” ay karaniwan nang nangangahulugang “pangunahing mga elemento ng anumang bagay,” gaya ng bawat letra ng alpabetong Griego. (Ihambing ang study note sa Gal 4:3.) Dito, ang “panimulang mga bagay” ay tumutukoy sa pinakasimple o pangunahing mga turo ng “mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” Kasama ito sa mga unang dapat matutuhan ng mga Hebreong Kristiyano para maintindihan nila ang mas malalalim na katotohanan. (Heb 6:1 at study note) Ayon sa isang reperensiya, ang pariralang “panimulang mga bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos” ay nagpapahiwatig na ang mga Kristiyanong ito ay “kailangang magsimula ulit, hindi man lang sa unang kabanata, kundi sa pag-aaral ng elemento ng alpabeto.”
mga sagradong kapahayagan ng Diyos: Tumutukoy ito sa Hebreong Kasulatan at lumilitaw na pati na sa mga turo ni Jesu-Kristo at ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya.—Tingnan ang study note sa Ro 3:2.
gatas ulit ang kailangan ninyo: Gatas ang pangunahing pagkain ng mga sanggol, kaya angkop na ilustrasyon ito para sa pinakasimple at pangunahing mga katotohanang dapat matutuhan ng mga Kristiyano. Pero nag-aalala si Pablo dahil hindi pa rin nakalampas sa mga turong ito ang mga Hebreong Kristiyano. Ang totoo, paatras pa nga sila; para bang bumalik sila ulit sa gatas. Kaya pinayuhan niya silang kumain ng “matigas na pagkain.” (Tingnan ang study note sa Heb 5:14.) Pinayuhan na rin ng ganito ni Pablo ang mga taga-Corinto noon. (Tingnan ang study note sa 1Co 3:2.) Pero sa ibang konteksto, ginamit ang gatas para tumukoy sa lahat ng nakakapagpalusog na katotohanang dapat maunawaan ng mga Kristiyano, baguhan man sila o matagal na.—1Pe 2:2.
hindi nakaaalam ng salita ng katuwiran: Ginamit ni Pablo ang terminong (“hindi nakaaalam”) madalas gamitin para sa mga baguhan, o walang karanasan. Lumilitaw na hindi lubusang naintindihan ng mga Kristiyanong iyon ang salita ng Diyos dahil hindi sila nasanay na isabuhay ito araw-araw. Angkop lang na tinawag ni Pablo na “salita ng katuwiran” ang mga turo sa Bibliya dahil ipinapaliwanag nito kung ano ang tama at mali sa paningin ng Diyos.—Tingnan ang study note sa 2Co 5:19; 9:9.
isang sanggol: Hindi ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na laging masamang maging gaya ng “isang sanggol.” (Tingnan ang study note sa 1Co 14:20.) Pero sa kontekstong ito, binanggit ang isang sanggol dahil konektado ito sa ilustrasyon tungkol sa gatas; idinidiin nito na ang mga Hebreong Kristiyano ay hindi sumulong, o naging maygulang.
matigas na pagkain: Tinutukoy dito ni Pablo ang nakakapagpalusog at mas malalalim na katotohanan kung ikukumpara sa “gatas,” o sa pinakasimple at pangunahing mga katotohanang madaling maiintindihan ng mga bagong mánanampalatayá. (Tingnan ang study note sa 1Co 3:2; Heb 5:12.) May mga halimbawa ng “matigas na pagkain” sa liham na ito ni Pablo. Ipinaliwanag niya ang papel ni Jesus bilang “mataas na saserdote gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec,” ang kahigitan ng pagkasaserdote ni Kristo sa mga saserdoteng Levita, at ang iba pang malalalim na paksa.—Heb 5:6, 10, 11; 6:20; 7:11, 15-17.
mga maygulang: O “matitibay ang pananampalataya.”—Tingnan ang study note sa Efe 4:13; Heb 6:1; ihambing ang 1Co 2:6 at tlb.
kakayahang umunawa: Ginagamit kung minsan ang terminong Griegong ito para tumukoy sa literal na mga bahagi ng katawan ng tao na ginagamit para makakita, makarinig, o makalasa. Pero dito, tumutukoy ito sa kakayahan ng maygulang na mga Kristiyano na gamitin ang isip nila para makagawa ng matatalinong desisyon at maingatan ang kaugnayan nila sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Fil 1:9, kung saan ang kaugnay nitong salitang Griego ay isinaling “malalim na unawa.”
sinanay: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo, gy·mnaʹzo, ay literal na nangangahulugang “magsanay (bilang atleta).” (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Kung paanong puspusang nagsasanay ang mga atleta, kailangan ding magsikap ng mga Hebreong Kristiyano na patuloy na gamitin at hasain ang kanilang “kakayahang umunawa.” Kailangan nilang pag-aralan ang mga prinsipyo sa Kasulatan. (2Ti 3:16, 17) At kung ginagamit nila ang kanilang kakayahang umunawa, o isinasabuhay ang mga natututuhan nila, masasanay nila ang kakayahan nila at magiging “maygulang” sila.
makilala ang tama at mali: Ipinakita ni Pablo na kailangang magsikap ng mga Hebreong Kristiyano para maging maygulang. (Heb 5:11-13) Kapag nasanay nilang mabuti ang kanilang “kakayahang umunawa,” hindi sila madadaya at makakagawa sila ng mga desisyong kaayon ng mga pamantayan ng Diyos. Bilang maygulang na mga Kristiyano, mas madali nilang makikita ang pagkakaiba ng tama at maling turo o paggawi.—Ro 16:19; 1Co 14:20.