Ang Pastol at ang Kaniyang mga Tupa
Mahirap ang trabaho ng isang pastol. Minsan, nabibilad siya sa araw, nahahantad sa lamig, at kulang sa tulog. (Gen 31:40; Luc 2:8) Pinoprotektahan niya ang kawan mula sa mababangis na hayop, gaya ng leon, lobo, at oso, pati na sa mga magnanakaw. (Gen 31:39; 1Sa 17:34-36; Isa 31:4; Am 3:12; Ju 10:10-12) Iniingatan ng pastol ang kawan para hindi mangalat ang mga ito (1Ha 22:17), hinahanap ang nawawalang tupa (Luc 15:4), binubuhat ang mahihina o pagod na tupa sa kaniyang dibdib (Isa 40:11) o balikat, at inaalagaan ang maysakit at nasaktan (Eze 34:3, 4; Zac 11:16). Madalas na gamitin ng Bibliya ang mga pastol at ang gawain nila sa makasagisag na paraan. Halimbawa, inihahalintulad si Jehova sa isang Pastol na nag-aalaga sa mahal niyang mga tupa, ang kaniyang bayan. (Aw 23:1-6; 80:1; Jer 31:10; Eze 34:11-16; 1Pe 2:25) Tinatawag si Jesus na “dakilang pastol” (Heb 13:20) at “punong pastol.” Sa pangunguna niya, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ay nagpapastol sa kawan ng Diyos nang maluwag sa loob, may pananabik, at hindi naghihintay ng kapalit.—1 Pe 5:2-4.
Kaugnay na (mga) Teksto: