Puno ng Sikomoro
Ang puno ng sikomoro, o igos-mulberi (Ficus sycomorus), ay isang beses lang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa ulat tungkol sa pagpunta ni Jesus sa Jerico noong tagsibol ng 33 C.E. (Luc 19:1-10) Kapamilya ng punong ito ang puno ng igos at puno ng mulberi, pero naiiba ito sa sikomoro ng North America. Ang bunga ng sikomoro ay kahawig ng bunga ng igos. Tumataas ang sikomoro nang 10 hanggang 15 m (33 hanggang 50 ft), matibay ito, at puwede itong mabuhay nang daan-daang taon. Matatagpuan ito sa Lambak ng Jordan, at mababasa sa Hebreong Kasulatan na marami ring ganitong puno sa Sepela sa pagitan ng mga kapatagang malapit sa dagat at ng mga burol sa Judea. (1Ha 10:27; 2Cr 1:15; 9:27) Nananatiling berde ang dahon nito sa buong taon, at mayabong ito kaya masarap lumilim dito. Dahil diyan, madalas itong itanim sa tabing-daan. Maikli at malapad ang katawan nito at mababa ang pagtubo ng mga sanga nito, kaya madali lang itong maaakyat ng maliit na taong gaya ni Zaqueo.
Kaugnay na (mga) Teksto: