Upuan Para sa Importanteng mga Bisita sa Handaan
Noong unang siglo, karaniwan nang humihilig sa mesa ang mga tao kapag kumakain. Ipinapatong ng mga tao ang kaliwang siko nila sa kutson at kumakain gamit ang kanang kamay nila. Ayon sa tradisyon ng mga Griego at Romano, karaniwan nang may tatlong mahahabang upuan na nakapalibot sa mababang mesa sa silid-kainan. Ang ganitong silid-kainan ay tinatawag ng mga Romano na triclinium (Latin ng salitang Griego na nangangahulugang “silid na may tatlong mahahabang upuan”). Noong una, siyam lang ang nakakaupo rito, tigtatatlo sa bawat mahabang upuan, pero nang maglaon, gumamit na ang mga tao ng mas mahahabang upuan para mas marami ang makaupo. Ang importansiya ng isang bisita ay makikita sa puwesto niya sa silid-kainan. May upuan para sa mga di-gaanong importanteng bisita (A), mayroon para sa mas importante (B), at mayroon din para sa pinakaimportante (C). Nakadepende rin ang importansiya ng isang bisita sa puwesto niya sa upuan. Mas mahalaga siya kaysa sa nasa kanan niya, at mas mahalaga naman sa kaniya ang nasa kaliwa niya. Pero sa isang pormal na handaan, karaniwan nang umuupo ang punong-abala sa unang puwesto (1) sa upuan para sa mga di-gaanong importante. Ang pinakaprominenteng posisyon ay ang ikatlong puwesto (2) sa gitnang upuan. Hindi malinaw kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ng tradisyong ito sa mga Judio, pero lumilitaw na ito ang tinutukoy ni Jesus nang turuan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa kahalagahan ng kapakumbabaan.
Kaugnay na (mga) Teksto: