Antioquia ng Sirya—Sinaunang Sentro ng Kristiyanismo
Ang Antioquia ng Sirya ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Sirya. Isa ito sa tatlong pangunahing lunsod sa Imperyo ng Roma noong unang siglo, kasama ng Roma at Alejandria. Itinatag ang Antioquia sa silangang bahagi ng Ilog Orontes (1), at dati itong may sakop na isla (2). Makikita ang daungan ng Seleucia mga ilang milya sa ibaba ng lunsod na ito. Makikita sa Antioquia ang isa sa pinakamalaking karerahan ng kabayo at karwahe (3) noon. Kilalá ang Antioquia sa malapad na kalsada nito na may mga kolonada (4), na nilatagan ni Herodes na Dakila ng marmol. Nang maglaon, binubungan ni Tiberio Cesar ang mga kolonada nito at pinunô ang kalsada ng mga mosaic at estatuwa. Iba’t ibang lahi ang nakatira sa lunsod na ito, at may malaking komunidad dito ng mga Judio (5). Mula sa grupong ito, marami ang naging Kristiyano. Sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad ni Jesus. (Gaw 11:26) Sa paglipas ng panahon, marami ring Gentil ang naging mánanampalatayá. Noong mga 49 C.E., nagkaroon ng isyu sa pagtutuli, kaya ipinadala ang isang grupo ng mga kapatid, kasama sina Pablo at Bernabe, sa lupong tagapamahala sa Jerusalem para humingi ng tagubilin. (Gaw 15:1, 2, 30) Ang Antioquia ang naging tirahan ni apostol Pablo sa lahat ng tatlong paglalakbay niya bilang misyonero. (Gaw 13:1-3; 15:35, 40, 41; 18:22, 23) Makikita sa mapang ito ang posibleng hitsura ng mga pader ng lunsod sa paglipas ng maraming siglo.
Kaugnay na (mga) Teksto: