Ang mga Tapyas ng Bato ng Tipang Kautusan
Nasa “kaban ng tipan” na binabanggit sa Heb 9:4 ang dalawang tapyas ng bato kung saan nakasulat ang Sampung Utos. Ang 10 utos na iyon ang batayan ng tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel. Si Jehova mismo ang sumulat ng Sampung Utos sa harap at likod ng mga tapyas bago niya ito ibigay kay Moises sa Bundok Sinai. (Exo 31:18; 32:15) Pagbalik ni Moises sa kampo ng Israel at makitang sumasamba ang bayan sa guya, galit na galit siya at inihagis niya ang dalawang tapyas ng bato kaya nagkadurog-durog ang mga ito. (Exo 32:19) Dahil diyan, nagpagawa ang Diyos kay Moises ng dalawang bagong tapyas, at isinulat ulit dito ni Jehova ang Sampung Utos. (Deu 10:1, 2) Pinalitan ang Sampung Utos at ang lahat ng iba pang bahagi ng tipang Kautusan noong 33 C.E. Ipinalit dito ang bagong tipan sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel. Sa halip na sa bato, isinulat ni Jehova sa puso ng mga kabilang sa bagong tipan ang mga utos niya. (Heb 8:10, 13) Pero dapat pa ring sundin ng bayan ni Jehova ang mga prinsipyong makukuha sa Sampung Utos.—Ro 13:8-10.
Kaugnay na (mga) Teksto: