Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Ukraine
Sa loob ng halos tatlong dekada, nakinabang ang mga Saksi ni Jehova sa isang batas sa Ukraine na nagbibigay ng alternatibong serbisyong pansibilyan para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa konsensiya. Dahil sa serbisyong pansibilyan na ito, nakakatulong sila sa publiko at napapanatili nila ang malinis na konsensiya.
Pero nang magsimula ang digmaan sa Ukraine noong Pebrero 24, 2022, hindi na naprotektahan ang karapatan para sa alternatibong serbisyong pansibilyan. Dahil dito, marami sa mga tumatangging magsundalo dahil sa konsensiya ang sinampahan ng kasong kriminal. Kaya hindi kinilala ng Ukraine ang paniniwala at paninindigan ng mga tumangging magsundalo, pati na ang karapatan nila na sundin ang konsensiya nila. Hindi kaayon ng prinsipyo ng karapatang pantao at ng Constitution of Ukraine ang pagkilos na ito, kung saan sinasabi: “Sa mga sitwasyon na labag sa paniniwala ng relihiyon ng isang mamamayan ang pagsusundalo, papalitan ito ng alternatibong serbisyo. (walang kinalaman sa militar)”
Hanggang nitong Marso 18, 2025, apat na brother ang sinentensiyahang makulong nang 36 na buwan dahil sa pagtangging magsundalo. Tatlong brother pa ang kasalukuyang nasa pretrial detention, at naghihintay ng sentensiya.
Pagkabahala ng Internasyonal na mga Organisasyon
Dahil sa mga pangyayaring ito, tatlong UN Special Rapporteurs ang nagkomento sa kawalan ng alternatibong serbisyong pansibilyan sa Ukraine. Sa pakikipag-usap nila sa gobyerno ng Ukraine noong Nobyembre 8, 2023, sinabi nila: “Nababahala kami sa pag-uusig na ginagawa sa mga tumatangging magsundalo dahil sa kanilang pananampalataya, pati na sa mga nagsusulong ng karapatan para sa pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya.”
Time Line
Marso 18, 2025
May pitong Saksi na nakakulong.
Pebrero 24, 2022
Nagsimula ang Martial law, pati na ang paghahanda ng militar sa digmaan.
Hunyo 23, 2015
Nanindigan ang Mataas na Hukuman ng Ukraine na sundin ang karapatang tumangging magsundalo nang panahon ng paghahanda ng militar sa digmaan sa kaso ni Vitaliy Shalaiko.
Disyembre 1991
Nagkaroon ng batas para sa Alternatibong Serbisyo. (walang kinalaman sa militar)
Pebrero 28, 1991
Opisyal na nairehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine.