Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 3/22 p. 23-27
  • Patuloy na Hinanap Ko, at Nasumpungan Ko Naman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Hinanap Ko, at Nasumpungan Ko Naman
  • Gumising!—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Natakasan Ko ang Pandaraya ng Relihiyon
    Gumising!—1988
  • Mas Malalâ sa AIDS
    Gumising!—1989
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Isang Mabungang Buhay sa Kabila ng Aking Kapansanan
    Gumising!—1985
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 3/22 p. 23-27

Patuloy na Hinanap Ko, at Nasumpungan Ko Naman

​—Inilahad ni William Roddis

Siya’y lumaban sa Vietnam at gumamit ng droga para maiwasan ang kakilabutan ng digmaan. Dahil sa isang aksidente ay nalumpo siya, at gumamit siya ng lalo pang maraming droga upang pagaangin ang hapdi ng malungkot na buhay ng isang lumpo. Siya’y nakamana ng salapi, kaya naman nagkaroon siya ng mga kaibigan, na hindi mga tunay na kaibigan. Siya’y nagbakasakaling makatagpo ng katotohanan sa mga pilosopo at mga taong matatalino nguni’t ang nasumpungan niya’y wala kundi mga salitang walang kabuluhan. Tangi lamang nang siya’y humanap buhat sa tunay na bukal saka niya nakita ang kaniyang hinahanap.

ANG buhay ko’y nagkawatak-watak nang ako 14 anyos. Naghiwalay ang mga magulang ko. Ang noo’y ipinagpapalagay kong matatag at normal ay hindi na matatag at normal. Paroo’t-parito ako sa aking ama sa Wisconsin at sa aking ina sa Arizona. Nang malapit na akong makalampas sa pagka-teenager ayaw ko na ng ganitong buhay sa isang watak-watak na pamilya. Kaya’t noong 1967 ay pumasok ako sa army.

Naparoon ako sa Vietnam, nagsilbi sa isang helicopter combat assault team bilang isang manganganyon at pagkatapos ay bumalik ako at nagtrabaho sa isang eksperimentong eroplano para sa army. Lunggatiin ko noon ang maging isang piloto sa Alaska. Nguni’t ang mga planong ito ay naglaho sa isang saglit. Noong 1969, sa isang dulo-ng-sanlinggo na ginugol ko sa Panama City, Florida, ako’y naparoon sa tabing-dagat, lumusong sa tubig upang sumisid hanggang sa napatama ang aking ulo sa isang bunduk-bundukan ng buhangin. Sa sandaling iyon ay nalumpo ako. Walong buwan ang ginugol ko sa pagpapagaling hanggang sa makalabas ako sa ospital ng mga beteranos sa Long Beach, California, at nagsimula ang buhay ko sa silyang de-gulong.

Kumuha ako ng isang apartment sa Long Beach, bumarkada sa mga ilang-di-mabubuting tao at ang kinaduluha’y nagtayo kami ng isang shop sa Sunset Boulevard. Iyon ay tinatawag na isang head shop​—may mga poster na saykedeliko, mga pipa sa hash, mga gamit sa paghitit ng dope, madidilim na ilaw at lahat ng mga kuskusbalungos na kailangan sa kultura ng droga. Para makatulong sa akin na makaaguwanta sa buhay sa isang silyang de-gulong, gumamit ako ng mga droga​—marijuana, cocaine, hashish, mescaline at iba pa. Gumamit na ako ng mga droga sa Vietnam upang maligtasan ko ang mga nakapangingilabot. Ngayon ay para mapagtiisan ko naman ang buhay sa isang silyang de-gulong.

Kasama ng aking ipinagpapalagay na mga kaibigan, napasangkot ako sa mga lumalakad ng mga petisyon upang gawing legal ang marijuana, at kami, kasama ng iba pa, ay nagtagumpay na gawing isyu ang marijuana may kaugnayan sa bagay na iyon sa California. Kami’y naglathala ng isang lihim na pahayagan, The Long Beach Free Press.

Bueno, iyan ang direksiyon na tinutungo ng aking buhay ng mga unang taon ng 1970. Nang mga taon ding iyan nagsimulang naganap ang tatlong bagay. Isa rito ang lubusang bumago ng aking buhay.

Numero Uno: Ako’y nakamana ng halos isang milyong dolar. Kaya’t nagkaroon ako ng maraming bagong kaibigan, nabighani sila sa pera at sa mga droga na puede kong mabili. Naging kasama ko ang mga iba pa sa pamumuhunan sa isang restauran at kung ilang mga tindahan ng alak. Ang mga negosyong iyon ay hindi umunlad at sa katapus-tapusan ay bumagsak. Habang nauubos ang aking kayamanan ang mga kaibigan ko ay nauubos din. Ako’y naging mapaghinala, nag-iingat na huwag magkaroon ng malapit na koneksiyon sa kaninuman. Ako’y naging mapag-isa, nagsimulang magbasa ng mga sinulat ni Nietzsche at ng mga iba pang pilosopo, at nakihalubilo na rin ako sa mga intelehenteng tao sa Unibersidad ng California sa Santa Barbara.

Naghahanap ako noon ng katotohanan. Hindi ko pa alam ito noon, subali’t malapit na pala noon na maranasan ko ang katuparan ng pangako ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay iyon sa inyo; patuloy na humanap, at makakasumpong kayo; patuloy na tumuktok, at bubuksan iyon sa inyo.”​—Lucas 11:9.

Numero Dos: Natalos ko noon na ang aking pagdodroga ay sumisira ng aking katawan. Ang cocaine ay nagpawala ng aking gana sa pagkain. Pagka hindi ako kumain, ako’y namamayat at, sa aking kalagayan, pagka ako’y namayat, nagkakaroon ako ng mga paltos sa likod na nakukuha ko sa paghiga. Alam kong dapat kong tigilan ang paggamit ng droga​—ah, oo, mas madaling sabihin kaysa gawin!

Numero Tres: Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang dumalaw sa akin. Ang pamayanang tinitirhan ko ay itinuturing na isang bukud-tanging komunidad malapit sa Los Angeles, ang Palos Verdes Estates. Isang batas ang nagbabawal ng pangingilak sa aming natatanging komunidad. Kaya’t nang dumalaw ang mga Saksi ni Jehova ay tumawag ako ng pulis.

“Mayroon daw silang karapatan buhat sa konstitusyon na mangaral sa bahay-bahay,” ang sabi sa akin. “Ang totoo, kanilang ipinanalo sa Korte Suprema ng Estados Unidos ang karapatang iyan.”

Ako’y napapaniwala nila. Kumuha ako ng kanilang mga magasing Watchtower at Awake! Pagkatapos ang mga magasin ay hindi basta lamang iniwan sa akin​—isa sa mga lalaki ang nagsimula ng pagpapaliwanag niyaon. Bueno, isang insulto ito sa akin! Siya’y isang janitor, negro, at kamakailan lamang ay nakabasa ako ng isang aklat tungkol sa hula sa Bibliya. Kaya’t bastante ang alam ko! Higit pa sa nalalaman ng lalaking ito!

Bueno, gaya ng lumabas, wala pala akong sapat na nalalaman. Lahat ng sinabi niya ay pinatunayan niya sa Bibliya, at sa tuwina’y napakalaki ang paggalang ko sa Bibliya. Subali’t ngayon ang ipinakita sa akin ng taong ito buhat sa Salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng kaliwanagan! Ang pag-uusap namin ay humantong sa pag-aaral sa aklat na The Truth That Leads to Eternal Life.

Puede tayong mag-usap, pero hindi ako maaaring maging isang Saksi ni Jehova,” ang sabi ko antimano. Parang hindi siya nagtataka. Datihan na pala siya sa ganoon.

Hindi ako interesado sa unang tatlong kabanata. Ang ikaapat, “Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay,” ang pumukaw ng aking interes. Subali’t ang sumunod na kabanata, “Nasaan ang mga Patay,” ang umakit sa akin. May nakabighani sa akin. Interesado ako sa pilosopya at sa ideá ng tao sa katotohanan, at naghahanap ng sagot sa mahalagang mga tanong na: Sino ba tayo? Bakit tayo naririto? Saan tayo patungo? Sino ang Diyos?

Pagka tinatalakay ng mga pilosopo ang huling tanong na iyan, agad silang bumabagsak at humahantong sa mga teorya o bungang-isip lamang. Hindi nila tinatanggap ang Salita ng Diyos bilang pinagmumulan ng impormasyon, kaya’t ang kanilang mga sinasabi ay nagiging walang kabuluhan. Sa tuwina’y naniniwala ako sa Diyos, subali’t kung sino talaga siya​—iyan ang hindi ko alam. Wala akong matalik na kaugnayan sa kaniya. Papaano magkakaroon ako nito? Wala akong alam na anuman tungkol sa kaniya.

Kaya’t nang marating namin ng Saksi ang kabanatang “Nasaan ang mga Patay?” saka lamang ako nabuhay. Sino ang makapagsasabi kung nasaan ang mga patay? Walang sino mang tao, ni sino mang pilosopo. Haka-haka lamang ang napalalabas nila. Subali’t ngayon, sa wakas, ang aking mga tanong ay nasasagot buhat sa Salita ng Diyos.

At naroon na kami sa paksa ng katotohanan: Ano ba ang katotohanan? Yaon ba’y palaging katugma ng kaniyang sarili? Napag-alaman ko na si Satanas ang diyos ng kasalukuyang sanlibutang ito, at naliwanagan ko kung bakit nga ganitong kagulo ito. Unti-unti kong naliliwanagan ang buong katotohanan. Naunawaan ko ang kaugnayan ng nakaraang kasaysayan sa kasalukuyang mga pangyayari samantalang naliliwanagan ko ang tungkol sa organisasyon ni Satanas at sa ipinangakong Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo, na malapit na palang pangyarihin nito ang kalooban ng Diyos dito sa lupa. Iyang-iyan ang hinihingi ko pagka nagdarasal ako ng Ama Namin! Ang katotohanan ay naging tunay sa akin. Si Jesus ay naparito upang magpatotoo sa katotohanan. Ano nga ba ang katotohanan? Nang nananalangin sa Diyos, sinabi ni Jesus: “Ang salita mo ay katotohanan.” (Juan 17:17) Magmula na noon ay naalisan ng “piring” ang aking mga mata!

Ang aking bagong katutuklas na katotohanan ng Bibliya ay ginamit kong panukat sa pagsusuri ng lahat ng bagay. Ako’y medyo nakikisama noon sa mga Pentecostal. Ako’y naaakit sa kanilang kasiglahan. Isang relihiyon ito na pumupukaw ng damdamin. Nguni’t ngayon ay naalaala ko ang kanilang sinabi sa akin, “Ang alak ay kasangkapan ng Diyablo!” Ginamit ko ang Bibliya bilang panukat at natalos ko na hindi ito maaaring maging totoo sapagka’t ang unang himala ni Jesus ay nang gawin niyang alak ang tubig.

Lumapit din ako sa paring Episcopal at nagtanong tungkol sa Apocalipsis. “Ang aklat ng Apocalipsis ay pinag-aralan ko nang may dalawang taon sa paaralan ng teolohiya,” aniya. “Hindi mo maunawaan at hindi naman dapat pagkaabalahan pa. Ang kailangan ay lumahok sa politika. Pahusayin ang daigdig.”

Muli na naman na sumaisip ko ang Bibliya bilang panukat. “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan.” “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” “Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos.”​—1 Juan 2:15; 5:19; Santiago 4:4.

Siyanga pala, may isang problema na dapat mapagtagumpayan. Medyo nahihirapan akong tanggapin ang bagay na ang negrong janitor na ito ang nagpupunta sa aking bahay at nagtuturo sa akin ng marami. Ang problemang ito’y nahalata mismo ng taong iyon at siya na rin ang lumutas. Isang gabi siya’y dumating kasama ang isa pang Saksi at ang sabi:

“Alam mo, hindi naman kami pagkagagaling sa Bibliya. Marami pa kaming hindi alam. Kailangang mag-aral kami para sa aming mga pulong. Kung papayagan mo kami, kami’y mag-aaral din dito.”

Kaya’t sila’y umupo sa aking salas at nag-aral para sa kanilang Martes ng gabing Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon samantalang naghahanda naman ako para sa aking leksiyon sa Truth book. Ngayon ay naging palagay-loob na ako. Pare-pareho lamang pala kami. Kami’y pawang mga estudyante. Sila’y kailangang mag-aral din!

At may naidulot pa itong kabutihan. Nag-usisa ako tungkol sa kanilang pag-aaral kung Martes ng gabi. Kaya’t nagsimula na rin ako ng pagdalo sa pulong na iyon. Pagkatapos ay dumalo ako sa kanilang pulong kung Linggo, at pagkatapos ay dumalo na rin ako sa kanilang pulong kung Huwebes ng gabi na doon nagsasanay ang mga Saksi sa paglilingkod sa larangan. At hindi nagtagal at ako’y sumasama na sa pangangaral sa bahay-bahay.

Para sa akin, ang kaibahan ng relihiyong ito ay yaong pangangaral sa bahay-bahay. Nadama kong importante rin na gawin ko iyon, bagaman ako’y lumpo. Kung sa bagay, sa ating kasalukuyang, di sakdal na kalagayan, masasabing lahat ay may kapansanan. Kaya lamang ay mas grabe ang kapansanan ng iba. Kaya’t sumasama ako sa grupo, samantalang ako’y nakasilyang de-gulong. Sa karamihan ng mga bahay ay hindi ko maabot ang doorbell para tumimbre kaya’t may dala-dala akong mahabang kahoy na pantulak.

Malimit na ang kasa-kasama ko’y isang Saksi sa kongregasyon na matanda na at may kapansanan din. Siya’y nagkaroon ng atake, malabung-malabo ang kaniyang mata, mahina pati tainga, subali’t nangangaral na siya nang halos 40 taon. Kalimitan ay nagsasama kami sa pangangaral. Kaniyang itinutulak ang aking silyang de-gulong at ako ang nagmamaneho ng kotse at nagsisilbing kaniyang pinaka-mata at pinaka-tainga. Para ngang kalahati ako at siya yaong isa pang kalahati, nguni’t sa pagsasama namin ay nagiging isang buong Saksi kami!

Subali’t ngayon ay natupad ang aking pangatlong layunin​—at higit pa. Ang mas madaling sabihin kaysa gawin ay gawa na ngayon: Upang maging isang Saksi ay tinalikdan ko ang lahat ng droga. Dito ay isa pang pagpapala ang napadagdag: Dahilan sa gayong pagtalikod sa mga droga ay humusay ang aking kalusugan at lumakas nang husto ang aking katawan kung kaya’t sa tulong ng mga saklay ay nakalalakad ako!

Nang panahon ding ito nakipagtipan ako na pakasal. Si Patsy ay isa sa mga payunir​—mga buong-panahong ministro​—sa kongregasyon. Pagka lumalabas ang grupo, kaming dalawa ang malimit magkasama. Sa wakas ay nagpakasal kami at nagpayunir na magkasama.

Para sa akin ay naging mabilis ang takbo ng mga bagay-bagay sapol nang unang dumalaw sa akin ang mga Saksi. Pebrero ay nagsimula ako ng pakikipag-aral sa kanila. Mayo ay sumama ako sa kanila sa paglilingkod sa larangan, ito ang kauna-unahan ko. Hunyo ay natapos ako ng pakikipag-aral sa kanila ng aklat na Truth. Hulyo ay unang-unang pagdalo ko sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Agosto ay nabautismuhan ako. Setyembre ay nakipag-ayos ako na pakasal. Disyembre ay napakasal ako. Noong Enero ‘75 ay nagpapayunir na ako. Ito’y 13 buwan na punung-puno ng gawain!

Noong 1977 kaming mag-asawa at ang aming anak na babae, si Dolores, ay lumipat sa California, sa gawing hilaga, doon sa Calistoga sa pinaka-sentro ng lupain na pinanggagalingan ng alak. Bumili ako ng lupa, 35 acre sa makahoy na kabundukan​—may parte ito na isang munting libis na 3 acre ang ubasan. Ako’y nagsimulang gumawa ng alak, at sa wakas ay naisaayos ko ang mga bagay upang makapagbili ako ng alak bilang isang kalakal. Sa tulong ng isang kari-karitunan sa golf at ng aking mga saklay ay nakapagtatrabaho ako sa ubasang iyon at nagagawa ko ang kinakailangang gawain sa kabila ng aking kapansanan.

Ngayon, 1984 (nang sulatin ito), aking ipinagbibili ang ari-ariang ito pati ang aking negosyo at lilipat kami sa malapit din dito. Ang dahilan ay upang malibre kaming mag-asawa na gumugol ng higit pang panahon sa pangangaral sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Inaasahan namin na sa pamamagitan ng di-sana nararapat na awa ni Jehova ay patuloy na mabuhay kami upang makita ang katuparan ng lupang Paraiso na ipinangako ni Jehova at siya’y “maghahanda ng bangkete para sa lahat ng bansa ng daigdig​—isang bangkete ng pinakamasasarap na pagkain at pinakamagagaling na alak. Dito ay biglaang aalisin niya ang ulap ng kadalamhatian na lumililim sa lahat ng bansa. Ang kamatayan ay lilipulin magpakailanman ng Soberanong PANGINOON! Kaniyang papahirin ang luha sa mga mata ng bawa’t isa.”​—Isaias 25:6-8, Today’s English Version.

Ako’y natutuwa at patuloy na naghanap ako, at nasumpungan ko naman ang katotohanan pati ang kasiyahan at pagkakontento na dulot nito.

[Blurb sa pahina 24]

Habang nauubos ang aking kayamanan ang mga kaibigan ko ay nauubos din

[Blurb sa pahina 24]

Nang dumalaw ang mga Saksi ni Jehova ay tumawag ako ng pulis

[Blurb sa pahina 25]

Puede tayong mag-usap, pero hindi ako maaaring maging isang Saksi ni Jehova

[Blurb sa pahina 26]

Sa karamihan ng mga bahay ay hindi ko maabot ang “doorbell” para tumimbre, kaya’t may dala-dala akong mahabang kahoy na pantulak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share