Ginamit ang Modernong mga Imbensiyon Upang Ilathala ang Mabuting Balita
100 TAON
MASISIYAHAN ka kayang mabuhay kung ikaw ay nabuhay mga 100 taon ang nakalipas? Tiyak na ang buhay ay ibang-iba noon. Walang kuryente sa mga tahanan, walang radyo, walang TV. Walang mga kotse sa mga lansangan. Ang paglalakbay ay sa pamamagitan ng mga karwahe na hila-hila ng kabayo, tren o bapor na pinaaandar ng steam—walang mga eroplano. Sa halip ng tatlo hanggang pitong oras sa pagtawid ng Atlantiko, ito ay kumuha ng dalawa hanggang tatlong linggo. Nguni’t tinandaan din nito ang isang yugto ng dakilang mga imbensiyon na di magtatagal ay magbabago sa matandang paraan ng pamumuhay.
‘Sa Loob ng Anim na Buwan Ito ay Magiging Isang Bunton ng Basura’
Ang taong 1884 ay natatanging taon sa ilang mga kadahilanan. Kawili-wili, ang aklat sa kasaysayan na The People’s Chronology ay bumabanggit ng dalawang mahalagang mga reperensiya sa taong iyon. Ang una ay nagsasabi: “Babaguhin ng Linotype typesetting na makina na patentado ng mekanikong Aleman-Amerikano na si Ottmar Mergenthaler, 30, ang mga composing room ng mga pahayagan.” Ang ikalawa ay: “Itinatag ni Charles Taze Russell ang Watch Tower Bible and Tract Society upang ilathala ang kaniyang mga aklat, mga polyeto, at mga magasin. Si Russell . . . ay nangangaral na ang daigdig ay nasa bingit ng pagkalipol sa isang kakila-kilabot na digmaan ng Armagedon.”
Anong kaugnayan ang maaaring umiral sa pagitan ng dalawang makasaysayang mga bagay na ito? Sa loob ng 36 na mga taon, mula 1884 patuloy, angaw-angaw na mga publikasyon sa Bibliya ng Watch Tower Bible and Tract Society ay iniimprenta ng mga tagalabas na palimbagan. Subali’t noong 1920 ang Samahan ay nagpasiya na imprentahin ang sarili nitong mga magasin. Ang pagsulong na ito ay nangangahulugan din na sa katapusan ang Linotype na mga typesetter ay kailangang bilhin. Ang imbensiyon ni Mergenthaler noong 1884 para sa mas mabilis na type composition ay isang malaking tulong sa pag-iimprenta at ito ngayon ay isang malaking tulong sa pagpapabilis ng paglalathala ng mabuting balita.
Noong 1922 ipinasiya ng Samahan na gawin ang pag-iimprenta nito ng mga aklat at mga Bibliya. Hindi ito naibigan ng lokal na mga tagapaglimbag at mga tagapagbalat ng aklat (bookbinders). Ganito ang sabi ng isang report: “Isang kompletong kasangkapan sa typesetting, electroplating, pag-iimprenta at makinarya sa paggawa ng pabalat ng aklat, karamihan sa mga ito ay bago, ay binili. Nakita ng presidente ng isang malaking imprentahan na naglilimbag ng karamihan sa mga gawa ng Samahan ang mga kagamitan at ang sabi: “Taglay ninyo ang primera-klaseng gusali sa paglilimbag sa inyong kamay, gayunman ay walang nakakaalam ng anumang bagay tungkol dito. Sa loob ng anim na buwan lahat na ito ay magiging isang malaking bunton ng basura; at makikita ninyo na ang mga taong gumagawa ng paglilimbag para sa inyo ang siyang laging nakagagawa nito.’ ”
Nagkatotoo ba ang pesimismo ng negosyanteng iyon? Sa kabaligtaran, mabilis na natuto ang boluntaryong mga manggagawa sa punung-tanggapan ng Samahan. Sa simula ay nakatatahi (bind) lamang sila ng 2,000 mga aklat sa isang araw. Noong 1927 ang bilang na iyan ay tumaas sa 12,000 isang araw-subali’t may isa pang bentaha! Nang ang mga aklat ay nililimbag sa labas ang mga ito ay nagkakahalaga ng 50 hanggang 75 cents sa publiko. Sa mga palimbagan ng Samahan, at nililimbag ng mga boluntaryong manggagawa, ang mga aklat ay ginawa at ipinamahagi sa halagang 25 cents bawa’t isa! Ang layunin ba niyan ay upang magtubo? Ang mga bilang na nabanggit ang nagpapatunay sa kaniyang sarili.
Ang Pagdating ng mga Ponograpo at mga Pelikula
Noong 1887 inimbento ni Thomas Edison ang kauna-unahang ponograpo na pinaandar ng motor. Nang taóng ding iyon napaghusay pa ito ni Emile Berliner sa paggamit ng isang plat na disc o plaka at karayom na pahalang ang lakad. Gayon nagsimula ang ponograpo, o record player. Kasabay nito nagkaroon ng malaking mga pagsulong sa paggawa ng mga pelikula. Noong 1896 nasaksihan ng Estados Unidos ang unang pagpapalabas ng isang walang tunog na pelikula (silent movie).
Pagkaraan lamang ng 16 taon ginamit ng Watch Tower Bible and Tract Society ang dalawang imbensiyon na ito upang bigyan ng higit pang sigla ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Noong 1912 ay sinimulan ang isang mapaghangad na proyekto. Ganito ang sabi ng publikasyong Where Else but Pittsburgh! tungkol dito: “Ang kauna-unahang epikong pelikula. Ito ay tinatawag na ‘The Photo-Drama of Creation,’ at bagaman lumitaw ito mga 15 taon na bago nagawa ang ibang may tunog na pelikula, pinagsama nito ang kumikilos at hindi kumikilos na mga larawan o pelikula na may kasabay na inirekord na lektyur. Ito ay may apat na bahagi, tumatagal ng kabuuang walong oras, at napanood ng mga 8,000,000 katao.” Nakagawa ito ng malaking pagpapatotoo mula 1914 patuloy.
Inihatid ng Imbensiyon ni Marconi ang Mabuting Balita
Tinanggap ni Guglielmo Marconi ang unang hudyat ng radyo sa kabilang ibayo ng Atlantiko noong 1901. Subali’t noon lamang 1920 na ang KDKA, ang unang istasyon ng radyo sa daigdig na umandar sa isang pang-araw-araw na iskedyul, ay nagsimulang magbrodkast mula sa East Pittsburgh. Kaya’t anong laking sorpresa sa marami sa mga estado ng Pennsylvania, New Jersey at Delaware nang Abril 1922 ay narinig nila ang tinig ni J. F. Rutherford, noo’y presidente ng Watch Tower Society, na naglalahad ng isang lektyur na may temang “Millions Now Living Will Never Die” (Angaw-angaw na Nabubuhay Ngayon ay Hindi na Kailanman Mamamatay). Ang bagong karanasang ito ay makikita sa paulong balita ng Record ng Philadelphia: “Ang Lektyur ni Judge Rutherford ay Ibinorodkast mula sa Metropolitan Opera House. Nagsasalita Siya sa Transmiter. Ang Mensahe ay Inihatid Milya-milya ng Bell Telephone Wires sa Howletts [Radyo] Station.”
Nakita kaagad ng Watch Tower Bible and Tract Society ang mga posibilidad para sa mabilis na paghahatid ng mensahe ng Kaharian sa pamamagitan ng radyo, na nauuso. Kaya noong 1922 ang Samahan ay bumili ng lupa sa Staten Island, Lunsod ng New York, upang magtayo ng sariling istasyon ng radyo. Ang lisensiya ng gobyerno ay nakuha at ang istasyon ng Samahan ay inatasan ng katawagang WBBR. Ang unang brodkast ay ginawa noong Linggo, Pebrero 24, 1924.
Ito lamang ang unang paggamit ng Samahang Watch Tower ng radyo. Noong 1925 isa pang istasyon ng radyo, tinatawag na WORD, ay nagbobrodkast ng katotohanan ng Bibliya mula sa Batavia, Illinois. Sa katapusan ang pambuong-daigdig na mga network ng mga istasyon ng radyo ay itinayo upang ibrodkast ang inirekord na mga programa at mga diskurso sa Bibliya. Noong 1933, ang tugatog na taon, 408 mga istasyon ang ginamit upang ihatid ang mensahe sa anim na mga kontinente!
Noong 1957, pagkaraan ng 33 taon ng pagbobrodkast, ipinagbili ng Samahan ang WBBR. Bakit kailangang baguhin ang patakaran? Sapagka’t ngayon ay marami nang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa dakong nasasakupan ng istasyon, at sila’y nakapagbibigay ng higit na mabisang tao-sa-taong pagpapatotoo sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao. (Gawa 20:20) Isa pa, ang istasyon at mga programa ay nangangailangan ng mga manggagawa at salapi na magagamit nang mas mabisa sa ibang mga paraan, lalo na sa larangan ng pagmimisyonero. Sa katulad ding mga kadahilanan na ang telebisyon ay babahagyang ginamit.
Pangangaral sa Pamamagitan ng mga Ponograpo
Ang paggamit ng mga plaka o rekord sa mga radyo ay umakay pa sa iba pang pagbabago—pangangaral sa bahay-bahay sa pamamagitan ng ponograpo! Noong 1934 sinimulan ng Watch Tower Society ang paggamit na ito ng nabibitbit na mga ponograpo at 78-rpm na mga plaka sa pangangaral sa bahay-bahay, na ginagamit ang isang maikling mensahe ng Bibliya. Ang pantanging magaan at nabibitbit na mga ponograpo ay dinisenyo sa punung-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn at 20,000 ang ginawa sa planta sa Brooklyn! Kaya n ang ihinto ng Samahan ang paggamit sa komersiyal na mga istasyon ng radyo noong 1937, ang gawaing pangangaral sa pamamagitan ng mga ponograpo ang humalili.
Gayunman, noong 1944 ang mga Saksi ni Jehova ay naging higit na kuwalipikado sa personal na mga paghaharap ng bibigang mga sermon, kaya ang gawaing pangangaral sa pamamagitan ng mga ponograpo ay inalis. Katulad ng radyo, ang imbensiyong iyon ay nagsilbi na sa kaniyang layunin.
Isang Pambihirang Sistema
Kung papaanong ang Linotype typesetter ay isang malaking tulong sa daigdig ng pag-iimprenta noong 1884, gayundin ang kombinasyon ng offset na paglilimbag at ang phototypesetting na nauso noong mga 1960’s. Halos sa loob ng magdamag, ang photocomposition na ginagawa sa pamamagitan ng mainit-tingga na pamamaraan ng typesetting ay naging lipas na. Upang ilarawan ang bentaha ng phototypesetting, ang isang 600-pahinang aklat na karaniwang gugugol ng isang taon upang i-typeset sa pamamagitan ng dating pamamaraan ay ginawa sa phototypeset sa loob lamang ng 12 oras!
Sinusubaybayan ng Watch Tower Bible and Tract Society ang mga pagsulong sa larangang ito at pinasok ang phototypesetting nang ang karamihan sa mga problema sa sistemang ito ay naayos na. Mula noong 1978 ang Samahan ay nag-iimprenta sa mga palimbagan na rotary offset at nakagawa ng kaniyang sariling maraming-wika na sistema ng computer, na tinatawag na MEPS, o Multilanguage Electronic Phototypesetting System.a Isa ito sa pinakamodernong sistema sa computer sa daigdig.
Bakit ang Samahan ay lubhang napasangkot sa mga sistema ng computer, hanggang sa punto na pagkakaroon ng sariling laboratoryo sa pananaliksik? Ang kilalang Seybold Report on Publishing Systems ay nagbibigay ng isang himaton, sa pagsasabi: “Ang pambihirang multilingual na mga kahilingan ng Watchtower ay mangangahulugan ng napakaraming mga pagbabago at mga espisipikasyon, marahil ay pagdisenyo-muli, para sa sinumang magbibili. . . . Ang paglilimbag at paglalathala ng Watchtower ay gumagawa ng daan-daang angaw na mga kopya ng mga aklat at mga polyeto sa bawa’t taon. Ang bagay na ang mga publikasyong ito ay ginagawa sa napakaraming iba’t ibang wika para sa pamamahagi sa buong daigdig ang dahilan ng ilang di-karaniwang mga problema sa typesetting.”
Ang mga problemang ito ay nalutas ng mga Saksi ni Jehova hanggang sa punto na noong Enero 1, 1985, ang mga nilalaman ng magasing Watchtower ay sabay-sabay na inilathala sa karamihan ng pangunahing mga wika. Taglay ang kamangha-manghang pagsulong na ito, mahigit sa 90 porsiyento ng mga mambabasa sa daigdig ay nakakakuha ng mahalagang impormasyon sa Bibliya nang sabay-sabay.
Isa pang Mahalagang Tulong
Sa loob ng maraming mga taon isang malubhang hadlang sa maraming mga bansa ang kamangmangan (illiteracy) o ang semiliteracy. Ito ay nakahadlang sa maraming tao sa personal na pagkaalam sa nilalaman ng Bibliya. Bagaman itinaguyod ng Watch Tower Society ang klase ng pagtuturong bumasa at umunawa sa loob ng maraming taon sa lahat ng dako ng daigdig, nakita nito ang pangangailangan na gumamit ng iba pang mga pagsulong sa teknolohiya upang ipalaganap ang kaalaman sa Bibliya—ang mga tape recorder at mga tape cassettes. Kaya ang Samahan ay nagtayo ng isang tape-duplication department sa Brooklyn simula noong 1978. Mula noon, mahigit na 18 milyong mga cassette rekording ang nagawa!
Ang mga recording studio ay inihanda para sa pantanging mga pangangailangan ng pagrerekord ng mga pagbasa sa Bibliya, mga drama sa Bibliya at Kristiyanong musika. Bunga nito ang lahat ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay maaaring umawit sa pare-parehong inirekord na musika sa piyano. Mayroon ding simponikong mga bersiyon ng awiting iyon, na tinatawag na Kingdom Melodies, na popular sa buong daigdig. Maraming tao, pati na ang mga bulag, ay nagkakaroon ng mas malalim na pagpapahalaga sa Bibliya sa pakikinig sa mga cassette rekording ng mga aklat ng Bibliya sa kanilang sariling mga wika, karagdagan pa sa pagkakaroon ng mga publikasyon sa Braille.
Kamakailan, isang negosyante sa Florida na nagbibili ng makinarya sa paggawa ng mga tape ay sumulat pagkatapos niyang dumalaw sa tape-duplicating compleks ng Watch Tower Society: “Hindi na kailangan pang sabihin, lubha akong humanga sa inyong buong pagpapatakbo. Hindi pa ako nakakita ng isang pagawaan na kasinlinis at kasinghusay na gaya ng sa inyo. Sa palagay ko ang mga tao ay gumagawa ng mas mahusay at may higit na pagmamalaki sa kung ano ang kanilang ginagawa kung mayroon silang naiibang pangganyak kaysa sa salapi.”
Ang 100-taóng rekord ng Watch Tower Bible and Tract Society ay nagpapatunay na nagamit nitong mabuti ang bagong mga imbensiyon upang maisakatuparan ang layunin ng charter nito na ipangaral ang mabuting balita ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. Nguni’t ito ay naisagawa sa kabila ng marahas na pagsalansang mula sa relihiyoso at pulitikal na mga kaaway. Isa itong natatanging istorya ng relihiyosong pag-uusig sa pandaigdig na lawak, gaya ng makikita mo sa susunod na mga artikulo.
[Talababa]
a Para sa detalyadong paliwanag tungkol sa MEPS, tingnan ang Gumising!, Oktubre 22, 1984, mga pahina 19-26.
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga imbensiyong ito ay ginamit upang mapalaganap ang mensahe ng Kaharian
[Larawan sa pahina 7]
Nagkaroon ng pambuong-daigdig na epekto ang mga pagsulong sa teknolohiya