Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 5/8 p. 24-27
  • Paano Ko Mapasusulong ang Aking mga Marka?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Mapasusulong ang Aking mga Marka?
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ayaw Kong Maging Napakatalino”
  • Magtakda ng mga Tunguhin para sa Iyong Sarili
  • ‘Nguni’t Nag-aaral Naman Ako’
  • Papaano Ko Mapagbubuti ang Aking mga Marka?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Kung Laging Mababa ang Grades Ko sa School?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Kung Paano Tutulungan ang Iyong Anak na Pataasin ang Kaniyang Grades
    Tulong Para sa Pamilya
  • Paano Ako Matututo Kung Ayaw ng Iba?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 5/8 p. 24-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Mapasusulong ang Aking mga Marka?

“ISANG mahusay na dalagita, matalino at napakasipag pa. Wala ka nang mahihiling pa! ! !” Ganiyan ang mababasa sa report card ng isang batang babae sa ilalim ng bahagi para sa “Teacher’s Comments.” At ang pagsulyap sa kaniyang matataas na marka ay nagpapaliwanag sa kasiglahan ng guro. Narito ang isang tin-edyer na hindi natatakot na iuwi ang kaniyang report card!

Nguni’t bagaman ang mga marka ay hindi siyang pinakamahalaga ang mga ito ay kapaki-pakinabang na mga tagapagpahiwatig ng iyong pagsulong sa paaralan.a At walang alinlangan na nakadarama ka rin na gaya ni Ivan, isang tin-edyer, na nagsabi: “Nais kong matuto ng isang bagay. Ayaw kong pumasok sa paaralan at maupo lamang at magpalipas ng panahon.” (Amin ang italiko.) Kung gayon, papaano ka makakakuha ng kagalang-galang na mga marka samantalang nasa paaralan?

“Ayaw Kong Maging Napakatalino”

Ano ang iyong saloobin tungkol sa tagumpay sa paaralan? Ang iba ay talagang natatakot na makakuha ng mabubuting marka. Ganito ang sabi ni Roslyn (13 taóng gulang): “Sinasagot ko lamang ang mga tanong na sapat lamang upang ako’y makapasa sa aking mga marka​—ayaw kong maging napakatalino.” Bakit? “Talagang nag-aalala ako sa kung ano ang iisipin ng mga batang lalaki. Kung ako ay sumasagot ng napakaraming mga katanungan, sasabihin nila ‘ . . . Alam niya ang lahat!’ ” Ganito rin ang nagugunita ng isa pang kabataan: “Ayaw kong isipin ng sinuman sa kanila na sinisikap kong maging mas mahusay kaysa sa kanila.”

Ang reputasyon nga sa pagiging matalino ay maaaring gumawa sa iyo na hindi popular. Sa katunayan, ipinakikita ng mga surbey na sa gitna ng mga estudyante sa high school, ang atleta ay higit na pinahahalagahan kaysa sa matalinong estudyante. Maaari pa ngang masumpungan ng matalino ang kaniyang sarili na nasa ilalim ng pagsalakay ng iba. Si Mike, na pumapasok sa isang paaralan kung saan ang mga estudyante ay ginugrupo ayon sa kakayahan, ay nagsabi: “Ang mga bata sa ‘mas mababang’ antas ay walang anumang homework o gawaing-bahay​—alam ng mga guro na hindi naman nila ito ginagawa. Kaya pinagtatawanan nila kaming mga bata na nasa ‘mas mataas’ na antas sapagka’t kami ang tumatanggap ng lahat ng gawaing-bahay!”

Kaya dapat ka kayang magkunwang bobo? Maaaring maging popular ka sa ilang mga bahagi nguni’t kumusta naman sa dakong huli? Ano ang madarama ng iyong mga magulang kung hindi ipinababanaag ng iyong gawain sa paaralan ang iyong mga kakayahan? At hindi kaya maaaring sarhan ng katamtamang mga marka ang pintuan sa mga pagkakataon sa hinaharap, gaya ng sa papasukang trabaho? Ipinakikita ng mga kabataan na nagpapahinang-loob sa iyo​—o tinutuya ka sa​—paggawa ng iyong pinakamabuti na sila ay naninibugho at walang-kasiguruhan. Ang gayong paninibugho ay ‘makahayop’ at “masama” sang-ayon sa Bibliya. (Santiago 3:14-16) Bakit ka magpapakababa sa gayong antas sa pamamagitan ng pagbibigay mo sa kanilang paninibugho? Kapaki-pakinabang kaya ang makisama man lamang sa mga kabataan na humihimok sa iyo na gumawa ng mas mababang gawain? Ang Bibliya ay nagpapayo: “Siyang lumalakad na kasama ng mga pantas na tao ay magiging pantas, nguni’t siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Kaya iwasan yaong mga humahadlang sa inyo sa pag-aaral. Ang pagkatuto ay higit na mahalaga kaysa pagbibigay-lugod sa “mga mangmang.”

Magtakda ng mga Tunguhin para sa Iyong Sarili

Gayunman, kahit na ang mga kabataan na nais gumawa nang mahusay ay kalimitang may negatibong mga damdamin tungkol sa kanilang mga sarili. Inaakala nilang sila’y mga mahina na gaya ng “isang alon ng dagat na itinataboy ng hangin at ipinapadpad” pagdating na sa paggawa ng mahusay na klase. (Santiago 1:6) Sang-ayon sa gurong si Linda Nielsen, ang gayong mga kabataan ay mahilig na “sisihin ang kanilang mahinang paggawa [sa paaralan] sa mga pinagmumulan na wala sa kanilang kontrol: madayang mga tanong sa pagsusulit, isang nagtatanging guro, malas, kapalaran o tadhana, ang panahon.” Itinataas ang kanilang mga kamay sa kabiguan sinasabi nila, ‘Ano pa ang silbi? Hindi ako henyo. Tutal malamang na babagsak ako.’

Gayunman, hindi ang pagiging “henyo” o “suwerte” ang mga lihim ng mabuting mga marka. Sinurbey kamakailan ng magasing Teen ang ilang matataas-markang mga estudyante sa high school. Ang kanilang sekreto? “Ang personal na pangganyak ay tumutulong sa iyo na magpatuloy,” sabi ng isa. “Ang pagkakaroon ng isang iskedyul at pag-oorganisa ng iyong panahon,” sabi naman ng isa pa. “Kailangang magtakda ka ng mga tunguhin para sa iyong sarili,” sabi pa ng isa. Oo, kung gaano kahusay ang iyong mga marka ay depende sa kalakhang bahagi, hindi sa mga salik na wala sa iyong kontrol, kundi sa IYO​—kung gaano kasikap ka sa iyong pagkukusang mag-aral.

Kung gayon, bakit hindi magtakda para sa iyong sarili ng mga tunguhing marka na kasuwato ng iyong kakayahan? (Walang alinlangan na ang iyong mga magulang ay maraming masasabi tungkol sa kung anong mga marka ang inaakala nilang kaya mong tamuhin o abutin.) Gaya ng isinulat ng guro sa high school at manunulat na si Barbara Mayer sa The High School Survival Guide: “Ang mga estudyante na nagtatakda ng makatotohanang mga tunguhing akademiko, at saka naniniwala na maabot nila ang mga ito, ay malamang na magulat mismo sa kanilang tagumpay.”

Kaya kung ang iyong mga marka ay hindi nakakapantay ng iyong kakayahan, huwag isisi sa iyong mga guro o sa paaralan. Gaya ng pagkakasabi ng isang manunulat, ang mga estudyante ay “kadalasang bumabagsak sapagka’t sinisikap nilang makuha ang isang bagay nang walang ginagawa.” O gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang tamad ay nagnanasa, nguni’t ang kaniyang kaluluwa ay walang anuman.” (Kawikaan 13:4) Oo, kung minsan ang totoong maysala sa likuran ng mababang mga marka ay ang katamaran. Ang lunas? Ang datihang pag-aaral at pagpapagal!

‘Nguni’t Nag-aaral Naman Ako’

Maaaring tumutol nang gayon ang ilang mga kabataan. Taimtim na inaakala nila na totoong puspusan na ang kanilang paggawa nguni’t gayunma’y wala pa ring mga resulta. Gayunman, mga ilang taon na ang nakalipas, napansin ng mga mananaliksik na ang mga anak ng ilang etnikong grupo ay palaging mahina sa klase. Hindi pinapansin ng marami ang mga problema na inaakalang, ‘Ang mga batang ito ay talagang hindi nababahala sa klase.’ Subali’t hindi ganito ang kalagayan. Kaya’t bakit sila bumagsak? Ipinasiyang alamin ito ni Celestino Fernandez at ng iba pang mga mananaliksik sa Stanford University sa California (U.S.A.).

Tinanong nila ang mga 770 mga estudyante kung gaanong pagsisikap ang inaakala nilang inilalagay nila sa kanilang gawain sa paaralan. Sa pagtataka ng lahat, inaakala ng mga estudyante na may mabababang marka na sila’y masikap na gumawa na gaya ng sinupaman! Gayumpaman nang suriin ang kanilang mga pag-uugali sa pag-aaral, natuklasan na kakaunti ngang gawaing-bahay ang kanilang ginawa kaysa roon sa mga kaklase nila na may matataas na marka. Lumilitaw na ang kanilang mga guro ay mayroon ding bahagyang pananagutan sa maling palagay na ito. Marahil inaakala nilang ang mga batang ito na may mababang mga marka ay walang gaanong kakayahan. O maaaring inaakala nila na ang basta pagiging magiliw at palakaibigan sa kanila ay sapat na upang ganyakin sila na manguna sa klase. Anuman ang kalagayan, waring labis-labis na pinupuri ng mga guro ang pinakamaliit na mga pagsisikap ng mga estudyante. Ang mga markang pasado ay kaugalian nang ibinibigay dahilan sa pagdalo sa klase. Ipinadarama sa mga bata na nakagawa na sila nang husto. Kaya kaunti lamang ang kanilang ginagawa upang sumulong.

Kung mababa ang iyong mga marka, maaari kayang labis mong tinatasahan ang pag-aaral na aktuwal na ginagawa mo? Sa maraming mga dako ang akademikong mga pamantayan ay ibinaba​—kung hindi man lubusang inalis. Nalalamang madali silang makakapasa, kaunting pagsisikap lamang ang isinasagawa ng mga kabataan at kaunti rin ang kanilang nakukuha sa paaralan. Nguni’t huwag kang mahulog sa ganitong lusak ng pagkapangkaraniwan! Tanungin ang iyong sarili, ‘Ilang oras sa isang gabi ang ginugugol ko sa paghahanda para sa klase? Itinuturing ko bang isang seryosong bagay ang pag-aaral o ang akin bang mga pagsisikap ay walang sigla? Inuuna ko ba ang hindi mahalagang mga gawain, gaya ng panonood ng TV?’

Ang gayong pagsusuri-sa-sarili ay maaaring umakay sa isang pagbabago ng iyong mga pag-uugali sa pag-aaral. Aba, ang basta nga paggugol ng higit na panahon sa iyong pag-aaral ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iyong mga marka. Isaalang-alang ang sinasabi ng isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Educational Psychology. Pagkatapos suriin ang mga pag-uugali sa pag-aaral ng libu-libong mga kabataan na edad high school, ito’y naghinuha na “isang pagsulong sa panahon na ginugugol sa paggawa ng gawaing-bahay ay may positibong epekto sa mga marka ng estudyante sa high school.” Sa katunayan, inaakala pa nga na “sa 1 hanggang 3 oras na paggawa ng gawaing-bahay sa isang linggo, ang karaniwang estudyante na may mababang kakayahan ay maaaring makakuha ng mga marka na katumbas ng isang estudyanteng katamtaman ang kakayahan na hindi gumagawa ng gawaing-bahay.”

Makasagisag na ‘hinahampas [ni apostol Pablo] ang kaniyang katawan’ upang maabot niya ang kaniyang mga tunguhin. (1 Corinto 9:27) Maaaring simulan mo rin ang isang magpakatatag na patakaran sa iyong sarili, lalo na kung madali kang magambala sa iyong mga pag-aaral ng TV o ng iba pang mga sagabal. Si Dr. Ed Olive ay nagrerekomenda: “Makipagkontrata ka sa iyong sarili. Halimbawa, sabihin mo sa iyong sarili, ‘Talagang mag-aaral ako ng kahit na isang oras araw-araw.’ ” Maaaring isama sa “kontratang” ito ang mga gantimpala (‘Magmimirienda ako pagkatapos kong mag-aral’) at mga parusa pa nga (‘kung hindi ako mag-aaral, walang TV sa dulo-ng-sanlinggong ito!’). Maaari mo pa ngang subukang maglagay ng isang karatula sa TV na nagsasabing “Walang TV hangga’t hindi natatapos ang gawaing-bahay!” bilang isang nakatutulong na paalaala.

Tandaan, ang saloobin, pangganyak at disiplina-sa-sarili ay mabuting panimulang mga punto sa pagkakaroon ng mabubuting marka.

[Talababa]

a Tingnan ang mga artikulong “Gaano Kahalaga ang mga Marka?” at “Bakit Mababahala Tungkol sa mga Marka?” na lumabas sa Agosto 8 at Agosto 22, 1984, na mga labas ng Gumising!

[Blurb sa pahina 26]

Inaakala ng mga estudyante na may mabababang marka na sila’y masikap na gumawa na gaya ng sinupaman! Gayumpaman natuklasan na kakaunti ngang gawaing-bahay ang kanilang ginawa kaysa roon sa ginawa ng may matataas na marka

[Larawan sa pahina 25]

Sabihin mo sa iyong sarili, “Walang TV hangga’t hindi natatapos ang gawaing-bahay,” nilalagay pa nga ang isang karatula sa iyong telebisyon kung kinakailangan

[Blurb sa pahina 27]

Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang mabuting asal ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan. Nguni’t kung kayo’y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampi-kampi sa inyong puso, huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungan na bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, makahayop, makademonyo. Sapagka’t kung saan mayroong paninibugho at pagkakampi-kampi, doon mayroong kaguluhan at lahat nga gawang masama. Nguni’t ang karunungan mula sa itaas ay unang-una malinis, saka mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, puspos ng kaawaan at mabubuting bunga, walang itinatangi, hindi mapagpaimbabaw. Bukod dito, ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga gumagawa ng kapayapaan.”​—Santiago 3:13-18.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share