Wado-Kai Karate—Ang Tunay na “Daan ng Pagkakasundo”?
KAIGTINGAN ang nangingibabaw noon sa lahat. Kasalukuyang ginaganap noon ang kampeonato ng koponang Olandes sa karate. Nang sabihin na ng reperi na “hajime!” (salitang Hapones para sa “mag-umpisa na!”), sumige na nga kami ng aking katunggali.
Matipuno ang kaniyang pangangatawan—mas malaki at mas mabigat ang timbang kaysa akin. Nguni’t nahalata ko na kulang siya ng karanasan. Ako’y nanlansi muna. Siya’y mapusok na umatake, nanuntok at nanipa. Nilansi ko siya na gumawa ng isa pa uling pag-atake, at nang mapabilad ang kaniyang mga tadyang sa gawing ibaba, ako’y nanuntok nang todu-todo.
Nagkangiwi-ngiwi ang mukha ng mga nanonood nang siya’y gumalabog sa banig at suminghap-singhap ng paghinga. Ganiyan na lamang ang pangangatog ng kaniyang katawan, at pagkatapos ay biglang nanlamig na mabuti. Nakalalagim na katahimikan ang nangibabaw sa buong paligid. Isang doktor ang dali-daling kinaon at ito ang nag-utos na siya’y ihatid sa ospital. Ako’y pinangilabutan. ‘Ano kaya . . . siya kaya’y patay na?’
Pagkatapos ng pangyayaring ito noong Oktubre 1971, naging disidido akong huminto na ng pagsali sa gayong mga paligsahan. Pinagtibay ko ang aking pasiya, bagaman nangailangan ng isa pa uling pitong taon bago ako lubusang tumalikod sa karate.
Nguni’t papaano nga ba ako napahilig sa karate? Bakit ko tinalikdan iyon? At ano ang nangyari sa nasaktang katunggali ko?
Nabighani Ako sa Unang Pagkakita
Para maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa electronic engineering, nilisan ko ang aking sariling bayan ng Suriname at nagtungo ako sa Netherlands noong Setyembre ng 1965 upang doon manirahan sa siyudad ng Hilversum. Hindi nagtagal, isang kaibigan ang nag-anyaya sa akin na panoorin ang unang-unang pagtatanghal ng isang bagong palakasan, ang wado-kai karate. Para palugdan siya at sapatan ang aking pananabik, ako’y nagpaunlak.
Ganiyan na lamang ang aking pagkabighani nang itinatanghal nina Mr. Kono at Mr. Fuji, dalawang gurong Hapones, ang mga panimulang kilos sa karate. Iyon ay naiiba sa aking inaasahan—walang bakbakan, gaya ng masasaksihan sa mga karate sa lansangan, kundi sa halip ay magaganda ang mga kilos, tulad sa mapapanood sa ballet. Suhetadung-suhetado nila ang kanilang singbilis-kidlat na mga katawan. Ako’y nabighani sa una pa lamang pagkakitang iyon. Nadama ko na parang noon ay nakasuot na ako ng kasuotang pangkarate.
Bagaman 24 anyos ako—napakatanda kung sa mga pamantayan ng karate—ako’y nagpalista para mag-aral nito. ‘Para lamang may magawa ako sa mga buwan ng taglamig,’ ang pangako ko sa aking sarili. Nguni’t ang kinalabasan niyaon ay tumagal nang mahigit sa sampung taon ang taglamig na iyon.
“Ang Daan ng Pagkakasundo”
Ang ibig sabihin ng salitang Hapones na “karate” ay “kamay na walang laman.” Iba’t-ibang istilo nito ang nanggaling sa mga lugar na gaya ng Korea, Okinawa at Hapon. Ang wado-kai (Hapones para sa “daan ng pagkakasundo”) ay nakasalig sa dalawang istilo sa pagsasanay: ma (ang wastong distansiya sa katunggali mo) at kiai (ang pagtatakda ng oras, o pagtiyak ng pinakamagaling na pagkakataon sa pag-atake). Idiniriin din ang pakikibagay. Kagaya rin ng lahat ng karate, ang wado-kai ay naimpluwensiyahan ng Buddhismong Zen, na ang idiniriin ay pagkukundisyon sa isip kasuwato ng katawan.
Sa panahon ng dalawang-minutong paglalaban ng karate, ang mangangarate ay naninipa at nanununtok ng mahalagang mga parte ng katawan ng katunggali. Bagaman legal na manuntok sa katawan, ibinabawal ng mga reglamento na suntukin mo ang mukha ng iyong katunggali. Subali’t nagkakamali kung minsan sa bagay na ito, gaya nang nangyari nang ang aking maybahay, si Hannie, ay sumubok na mangarate. Ipinaliwanag ko sa kaniya kung paano aasintahin ng suntok ang mukha nguni’t padadaplisin lamang iyon sa dulo ng ilong. Pinurbahan nga ni Hannie—at napahusto naman—pero nakalimutan niya na huminto sa delikadong mga sandali na dapat niyang ihinto, at nasapol niya ng suntok ang mismong mukha ko, anupa’t nasugatan ang aking mga labi at naranasan ko noon ang kaisa-isang pinsala na dumating sa akin sa aking buong karera bilang mangangarate. Kinabukasan ay namaga ang aking mukha nang dahil sa kahiya-hiyang nangyaring iyon!
“Ang ‘Dutch Stringbean’ ”
Ako’y nagsimula ng tatlong oras na pagsasanay isang linggo. Wala niyaong tinatawag na sampung madaling leksiyon, o biglaang karatista. Ang sabi ng isang guro: “Ang dalubhasang [karatista] ay mabagal umunlad, gaya ng luya. Suwabe ang lasa pagka múra pa, nguni’t patuloy na nagiging maanghang at bumabagsik ang lasa pagka magulang na.”
“Puede ka bang magturo ng karate?” ang tanong ng aking sensei (guro) nang manalo ako sa karamihan ng timpalak sa pagsasanay.
“Magturo? Aba, Oo!” Ang resulta? Higit pang panahon sa dojo (bulwagang sanayan).
Nang tagsibol ng 1968 ang sabi ng aking sensei: “Purbahan mo ang pantorneo na pangangarate.” Hindi na kailangan ang matagal na panghihikayat sa akin. Sa di-inaasahan ay ginawa akong kapitan ng aming pampaaralang koponan sa karate at inilaan na gumawa kami ng unang-unang pagtatanghal sa panahon ng kampeonato noong Mayo 1968 para sa mga koponan na taga-Netherlands at Belgium.
Palibhasa sa tingin ay marupok ang katawan ko sapagka’t tumitimbang ako ng 66 na kilo (146 lb) at ang taas ko’y 1,78 metro (5-pi 10-pul.), isang magasin sa palakasan ang nagpalayaw sa akin ng Dutch Stringbean. Subali’t bagaman kulang ako sa timbang at sa lakas, hindi naman ako pahuhuli sa pamamaraan, sa bilis at sa mahusay na kalkulasyon.
Ako ang naging pambansang kampeon ng Netherlands noong 1971. Sa may autoridad na magasing Black Belt ay itinala akong makalawa (1971 at 1972) bilang isa sa “Pangunahing 10 Karatista sa Europa.” Noong Abril 1972 ay nagtapos ako bilang isang instruktor sa karate.
Sa kabila ng mga tagumpay na ito, may naganap noong taglagas ng 1971 na sumira sa aking magandang pagkakilala sa “daan ng pagkakasundo.”
Hinarap Ko “ang Big Cat”
Nang panahong iyon ay isa ako sa mga kandidato na makikipagpaligsahan sa European Karate Championships sa Pierre de Coubertin Hall sa Paris. Ang katunggali ko’y ang palaging kampeon ng Pransiya, si Dominique Valera. Si Valera, na tumitimbang na 90 kilo (200 lbs) at may taas na 1.8-metro (6-pi), ay kilala sa tawag na Big Cat (malaking pusa). Napatanyag siya sa pagpatid sa kaniyang katunggali at pagpapatama sa sakong, mabilis na paninipa at panununtok nang halos ikamamatay. Ngayon ay turno ko na harapin siya. Ngayong buong bansa’y manonood sa TV at mga 7,000 ang aktuwal na manonood sa kaniya, para bang nakapuwesto siya na sirain ang aking mga pangarap na maging kampeon at balian pa ako ng tadyang. Ganito ang pagkalarawan ng labanan sa magasing Black Belt:
“Si Dominique . . . ay nag-aakalang tatapakan lamang niya ang Olandes na si tangkad-payat . . . nguni’t ang ginawa ng bumabawing-lakas na Olandes ay sinalubong ang paninipa ni Dominique ng isang malakas na aldabis sa ulo . . . At muling tumira si Valera, at muli na namang ang pananagupa (ng paninipa) ay dumaplis. Upang patunayan na hindi nagkataon lamang ang unang tagumpay niya ng pag-atake, sinunggaban ni La Rose ang binti at dinali na naman ang ulo ni Valera.”
Dito’y nakaiskor ako sa lahat ng punto laban sa kampeon sa buong torneong iyon, at ito ang pinakamalaking balita sa kampeonato! Isang malinaw na malinaw na tagumpay iyon. Ganiyan ang palagay ko. Nagpatuloy ang Black Belt:
“Nang mapag-isip ng reperi na mga Pranses ang mga nanonood at isa pa uling media-punto at babagsak na si Valera, kaniyang ipinagwalang-bahala ang pananagupa. Para bang may pagkukulang, ang lubhang karamihang iyon ay nanatiling tahimik hanggang sa matapos ang karateng iyon.”
Tapos na ang laban. Lumakad na ako patungo sa tribuna sa pag-asa kong ako ang ipapahayag na nanalo, nguni’t ang aking kalaban ang ipinahayag ng reperi na nanalo! Ang takang-takang si Valera ay nagdudumaling umalis. Kami’y nagharap ng protesta. Pagkatapos ng kalahating oras na pag-iisip-isip, ang riklamo’y pinalampas ng pangulo ng European Karate Union at sumenyas na ipagpatuloy ang labanan. Nagpatuloy ito at si Valera rin ang ipinahayag na kampeon sa katapus-tapusan.
Ang ganitong talampakang pandaraya sa palakasan na ang pinaka-sagisag ay ang kamao at ang kalapati (mga simbolo ng lakas at pagkakasundo) ang sumira ng aking pangarap. Naroon pa rin ang kamao, subali’t, sa akin, wala na ang kalapati. Katiting man ay hindi ko naguguniguni na dalawang taon pa’t matatagpuan ko ang pinakamagaling na daan ng pagkakasundo na talagang tunay kapuwa sa salita at sa gawa.
Pagkarinig Ko ng Katotohanan sa Bibliya
Sa tuwina’y may matinding paggalang ako sa Diyos at pinahahalagahan ko ang panalangin. Ako’t ang aking maybahay ay lumaki sa pagka-Romano Katoliko. Sapol nang kami’y makasal noong Disyembre 1971, kami’y nananalanging magkasama pagka mayroon kaming mga problema. Mayroon akong Bibliya nguni’t marami akong tanong tungkol doon. Kaya’t nang dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa akin sa Amsterdam isang umaga ng Biyernes noong Enero 1973, hindi ako nag-atubiling patuluyin sila at makinig sa kanilang mga kasagutan. Totoong nakalulugod ang unang-unang pag-uusap naming iyon. Pagkatapos, tuwing Biyernes, sa loob ng pitong buwan, sila’y palaging nagpupunta sa amin at inaaralan kami sa aklat na The Truth That Leads to Eternal Life.
Nang panahong iyon ay natapos na ako sa aking pag-aaral, at minabuti namin na bumalik sa Suriname. Bago kami lumisan kami’y inanyayahan sa kanilang tahanan ng mga Saksi at binigyan kami ng isang sorpresang salu-salo bilang pamamaalam at nirigaluhan pa kami ng mga ilang babasahin sa Bibliya. Ang kanilang pagtitiyaga at katapatan ng pagdaraos ng pakikipag-aral na iyon sa amin ay nag-iwan sa aming isip at puso ng hindi mapapawing impresyon. Hindi namin makakalimutan ang katotohanan na aming nalasap, bagaman kinailangan ang isa pang taon at kalahati bago muling naipagpatuloy ang pagdidilig sa mga binhing napatanim.
Nagtayo Ako ng Sariling “Dojo”
Dahilan sa aking bagong trabaho sa gobyerno ng Suriname kinailangan na lumipat kami sa isang maliit na pamayanan malapit sa airport, humigit-kumulang 50 kilometro (30 mi) ang layo sa kabisera, ang Paramaribo. Kami’y walang nakikilalang sino mang mga Saksi roon kaya’t hindi naipagpatuloy ang aming pag-aaral ng Bibliya.
Gayunma’y maraming bisita na dumalaw sa amin. Sila’y mga tagahanga ko sa karate na nakikiusap sa akin na magturo ako ng wado-kai. Bagaman hindi na ako sumasali sa mga timpalak, mahilig pa rin ako sa karate bilang palakasan at pumayag akong magbukas ng aking sariling dojo doon sa kabisera.
Hindi nagtagal at apat na araw sa sanlinggo ang ginugugol ko sa pagtuturo ng karate. Mismong pagkatapos ng trabaho ko sa gobyerno sa ganap na alas dos ng hapon ay agad akong aalis at ang uwi ko’y mga alas diyes na ng gabi. Ako’y nagsaayos din ng mga pamamasyal para sa mga estudyante ko kung mga araw ng Linggo at bakasyon. ‘Para lamang huwag silang mapahilig na lumagi sa kalye,’ ang nasabi ko sa aking sarili. Pagkatapos ng mga leksiyon sa karate, sila’y kinakausap ko tungkol sa kanilang mga problema sa paaralan at pamilya.
Sa kabila ng lahat na iyan, hindi ko napag-iisip na totoong napapabayaan ko na pala ang aking sariling pamilya. Mientras malaking panahon ang ginagamit ko sa pagtuturo sa iba ng “daan ng pagkakasundo,” lalo namang napapabayaan ko ang aking sariling pamilya. Kailanma’t hihilingin sa akin ng aking maybahay na asikasuhin ang aming mga anak, ako’y nayayamot, sapagka’t totoong abala ako ng pag-aasikaso sa mga anak ng iba. Naghihintay noon si Hannie na ako’y magbago.
“Kayo ba’y mga Saksi?”
Ang pagbabagong iyon ay dumating noong Mayo 1975. Natanawan ni Hannie na may dalawang taong dumadalaw sa lahat ng bahay doon sa aming lugar. Siya’y naghintay nang buong pananabik hanggang sa makarating sila sa aming bahay. “Kayo ba’y mga Saksi?” ang tanong niya, bago sila makapagsalita ng anupaman.
“Opo.”
“Pakisuyong tumuloy kayo. Puede bang ipagpatuloy ninyo ang pakikipag-aral sa amin ng Bibliya?”
Payag na payag ang namanghang mga Saksi. Nguni’t muli na namang napahinto ang pag-aaral sa Bibliya nang ako’y magpunta sa Estados Unidos para sa higit pang pagsasanay sa electronics, at pagkatapos naman ang aking asawa at mga anak ay naparoon sa Netherlands at lumagi roon nang mga ilang buwan. Nang pasimula lamang ng 1978 bumalik ang aming regular na pamumuhay, at dali-daling bumalik uli ang mga saksi nang kami’y handa nang makipag-aral.
Ang Pagpapasiya
Ngayon ay tuluy-tuloy na ang pag-aaral. At natalos ko noon na ang aking natututuhan buhat sa Salita ng Diyos ay hindi kasuwato ng aking pag-ibig sa karate. Unang-una, ang mga salita ni Pablo na “ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti” ay salungat sa buong panahon na ginagamit ko sa palakasan.—1 Timoteo 4:8.
Isa pa, gaya ng idiniin sa akin ng mga Saksi, ang layon ng karate ay saktan ang isang katunggali, na maaaring makamatay o makapinsala sa kaniya nang malubha, kahit na hindi sinasadya iyon. Bagaman totoo ito, gayunma’y mahirap na maniwala ako rito. Paano ko malilimutan ang lahat ng aking puspusang pinaghirapan nang may 12 taon?
Sumang-ayon ako sa payo ng Kasulatan na huwag titiwala sa mga armas para sa pagtatanggol sa sarili sapagka’t kadalasan ito ang sanhi ng pagkamatay ng mga taong walang malay. (Eclesiastes 9:18) ‘Pero ang pagsasanay ba sa karate ay talagang maihahambing sa pag-aari ng mga armas?’ Bagaman mabigat sa aking kalooban, pinag-isipan ko ang minsan ay sinabi tungkol sa karate, ni Isao Obata, isa sa pundador ng Japan Karate Association: “Ang isip ang baril at ang katawan ang bala.” ‘Tungkol sa salita ni Jesus na, “Isauli mo ang iyong tabak sa lalagyan, sapagka’t lahat ng naghahawak ng tabak ay sa tabak mamamatay,” ito kaya’y kumakapit sa mga karatista?’ Pinag-isipan ko iyan nang puspusan. Kailangang magpasiya ako.—Mateo 26:52.
Isang araw sa paaralan ay tinipon ko ang lahat ng aking mga tinuturuan, karamihan sa kanila’y mga mag-aarál sa haiskul. Sa halip na isang paglalaban sa karate, ang nagtatakang mga mag-aarál ay nakapakinig sa kanilang sensei ng paliwanag tungkol sa Diyos na Jehova, at na ang martial arts (sining militar) ay hindi naaayon sa Bibliya. Sila’y nakinig nang tahimik at ipinatatalastas ko sa kanila na minabuti kong isara na ang paaralan.
Yamang obligado ako na tapusin ang semestro at mangasiwa sa eksamen, hindi ako agad-agad makahinto. May panganib ito at maaaring magpahina sa aking pasiya. Subali’t ang 1978 Internasyonal na mga Kombensiyon ng “Mapagtagumpay na Pananampalataya” ay tamang-tama ang pagdating at ako’y pinatibay.
Noon lamang ako nakadalo nang buung-buo sa kombensiyon. Noong naunang mga taon ay mga isang gabi lamang o higit pa kung ako’y dumalo. Subali’t ngayon ay nagpaalam ako sa aking trabaho. Nang magsimula ang kombensiyon, naroroon na ang aking buong pamilya.
Talagang siyang-siya kami. Para sa akin ay isang lubos na pagsisiwalat iyon. Lahat ng katangian na sinikap kong itaguyod sa buong buhay ko—paggalang sa Diyos, kahalagahan ng panalangin, pag-ibig sa kapuwa—lahat na ito’y nakita ko sa buong paligid ko. ‘Ito ang tunay na wado-kai [daan ng pagkakasundo],’ ang sumaisip ko at nagpasalamat kay Jehova sa nagpapatibay na karanasang ito.
Makalipas ang mga ilang buwan, noong Disyembre 24, 1978, kaming mag-asawa ay nabautismuhan at nagsimula ang isang bagong kabanata sa buhay namin.
Mas Magaling
Maraming pagpapala ang idinulot ng pagpapasiyang iyan. Wala na ang igtingan sa pamilya. Kami’y may pagkakaisang lubusan at matinding kagalakan sa pagkakita sa aming tatlong anak na lumalaki bilang mga mananamba kay Jehova.
Sapol noong ako’y mabautismuhan ay kinalimutan ko na ang karate. Nguni’t kung mga ilang taon na ngayon ang nakalipas nang may nangyari na muntik nang magbukas uli ng daan upang balikan ko ito. Isang gabi ay nagising ako at natuklasan kong mayroong magnanakaw sa aming bahay. Sa halip na gamitin ko ang karate, naisip ko na ang pinakamagaling na depensa ay ang sumigaw ako nang malakas. At ganoon nga ang ginawa ko! Pagkaraan ng maraming taon ng pananahimik, isang nakapaninindig-balahibong sigaw sa karate ang aking naibulalas. At gumana naman! Tumakas dalidali ang magnanakaw, kaya’t anong tuwa ko na hindi ako bumaling sa karate kundi ang ginamit ko’y isang lalong mahusay na paraan ng pagtatanggol sa sarili.
Siyanga pala, ano ang nangyari sa nasaktang katunggali ko na isinugod sa ospital? Hindi siya namatay. Tatlo sa kaniyang tadyang ang nabali nang tirahin ko siya. Ikinalulungkot ko iyon, nguni’t nakahinga ako nang maluwag nang malaman kong sa nangyaring iyon ay hindi ako nagkakasala ng pagbububo ng dugo.
Sa paggunita sa nakaraan, isa lamang bagay ang aking ikinalulungkot: Maaga pa sana ay huminto na ako sa karate. Nakalipas ang halos anim na taon pagkatapos na umpisahan ko ang pakikipag-aral sa Bibliya bago ako nakapagpasiya sa wakas na manindigan sa panig ni Jehova. Anong laki ng aking pagpapasalamat sa mga tapat na Saksing ito na hindi nagsawa sa akin kundi patuloy na matiyagang nagpatibay-loob sa akin upang makagawa ako ng tamang pagpapasiya. Anong laki ng aking kagalakan at nasumpungan ko ang mas magaling na daan ng pagkakasundo!—Sinulat ni Harold La Rose.
[Blurb sa pahina 18]
Ang aking maybahay ay bumira ng suntok nguni’t hindi huminto sa delikadong sandali, nasapol niya ang aking mukha, at nasugatan ang aking mga labi
[Blurb sa pahina 19]
Naroon pa rin ang kamao, nguni’t wala na ang kalapati kung para sa akin
[Blurb sa pahina 19]
Ako’y naparoon sa tribuna sa pag-asa kong ako ang ipahahayag na nanalo, nguni’t ang aking katunggali ang ipinahayag na nanalo ng reperi!
[Blurb sa pahina 20]
Natalos ko na ang aking natututuhan sa Salita ng Diyos ay hindi kasuwato ng aking pag-ibig sa karate