Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay . . .
Sina Ricky at MaryAnne ay maligayang nagsasama bilang mag-asawa sa loob ng 18 mga taon at may isang anak. Ngunit mga isang taon na si Ricky ay nakakaramdam ng kirot sa kaniyang balikat. Noong tag-araw ng 1981, ito ay sumidhi at siya ay unti-unting napaparalisá. Isiniwalat ng isang biglaang operasyon ang isang cancerous na tumor hanggang sa kaniyang gulugod. Pagkaraan ng ilang buwan, noong Pebrero 2, 1982, si Ricky ay namatay sa gulang na 48. “Napakahirap tanggapin,” paliwanag ni MaryAnne. “Sa loob ng mahabang panahon para bang hindi ko matanggap na siya’y patay na at na siya’y babalik pa.”
IKAW ba, o ang isa na nakikilala mo, ay nagkaroon ng katulad na karanasan? Kapag namatay ang mahal mo sa buhay, maaaring lumitaw ang mga damdamin at mga saloobin na hindi mo kailanman naranasan. Marahil ay maitatanong mo kung magiging gaya ka pa rin kaya ng dati. O, gaya ni MaryAnne, nahihirapan kang tanggapin ito, bagaman mga ilang panahon na ang lumipas.
Gayumpaman, maaari kang makabawi—hindi makalimot, kundi makabawi. ‘Ngunit papaano?’ maitatanong mo. Bueno, bago natin masasagot iyan, makatutulong na alamin ang higit tungkol sa kung ano ang nadarama kapag ang isang mahal sa buhay ay namatay. Kamakailan kinapanayam ng Gumising! ang ilang mga tao na namatayan ng mahal sa buhay. Ang kanilang mga komento ay lumilitaw sa mga seryeng ito ng mga artikulo. Maaaring magbigay muli ng tiwala na malaman na nadama ng iba ang gaya ng nadarama mo. At ang pagkaunawa kung paano nila pinakitunguhan ang kanilang mga damdamin ay maaaring maging malaking tulong sa iyo.
Bilang pagpapaliwanag kung ano ang nadama niya pagkamatay ni Ricky, ganito ang nagugunita ni MaryAnne: “Lagi ko siyang binabanggit. Ito ang paraan upang mapanatili ko siyang buháy. Nang unang taon ako ay nasa kalagayan ng pagkabigla. Napakaraming bagay na dapat mong gawin upang maayos ang mga bagay-bagay. Labis kang napapasangkot sa mga bagay na iyon anupa’t wala ka na halos panahon upang pakitunguhan ang emosyonal na bahagi nito.
“Ospital ang kinauwian ko dahilan sa alta presyon. Sa wakas, samantalang ako ay nasa ospital, malayo sa mga panggigipit sa tahanan at ng lahat ng iba pang bagay, saka ko lamang buong tapang na hinarap kung ano ang nangyari sa akin. Nasabi ko tuloy, ‘Paano na ako ngayon?’”
Isang pambihirang reaksiyon? Hindi naman. Kapag una mong nalaman na ang isang mahal sa buhay ay namatay, karaniwan lamang na dumanas ng sikolohikal na pagkabigla. Gaya ng sabi ng iba na nakaranas nito: “Naririnig mo kung ano ang sinasabi sa iyo gayunman ay parang wala kang narinig. Ang iyong isip ay bahagyang nakatuon sa kasalukuyang katotohanan at bahagyang hindi.”
Ang pagkabiglang ito ay maaaring magsilbi na gaya halos ng isang anestisya. Papaano? Ganito ang paliwanag ng aklat na Death and Grief in the Family: “Isa itong uri ng proteksiyon na nagpapangyaring unti-unting makayanan ang katakut-takot na kasawiang nangyari.” Ang gayong pagkabigla ay maaaring makatulong upang malabanan mo ang matinding emosyonal na epekto ng iyong kawalan. Gaya ni Stella, isang biyuda sa Lunsod ng New York, ay nagpapaliwanag: “Ikaw ay natutulala. Wala kang nadarama.”
“Hindi Ito Totoo!”
Kasama ng pangunang pamamanhid na ito, karaniwan nang dumanas ng ilang anyo ng pagtatatuwa. “Hindi ito totoo!” ay kadalasang maririnig sa simula ng pagdadalamhati. Sa ilan ang kamatayan ay mahirap tanggapin, lalo na kung wala sila sa piling ng kanilang mahal sa buhay nang ito ay mamatay. Nagugunita ni Stella: “Hindi ko nakita ang aking asawa nang ito’y mamatay; nangyari ito sa ospital. Napakahirap paniwalaan na siya’y patay na. Nagtungo siya sa tindahan nang araw na iyon, at para bang siya’y babalik pa.”
Alam mong ang iyong mahal sa buhay ay namatay na, gayunman maaaring itatuwa ito ng iyong mga kinagawian at mga alaala. Halimbawa, ganito ang paliwanag ni Lynn Caine sa kaniyang aklat na Widow: “Kapag may nangyaring nakakatuwa, sasabihin ko sa aking sarili, ‘Ah, ibabalita ko ito kay Martin mamayang gabi! Hinding-hindi niya ito mapaniniwalaan.’ May mga panahon na aabutin ko ang telepono upang tawagan siya, upang makipag-usap. Lagi nang namamagitan ang katotohanan bago ko tawagan ang numero ng kaniyang telepono.”
Nahahawig na mga bagay ang nagawa ng iba, gaya ng patuloy na paglalagay ng maling bilang ng mga pinggan para sa hapunan o pagkuha ng paboritong pagkain ng yumao sa mga supermarket. Ang iba pa nga ay nagkaroon ng animo’y buháy na buháy na mga panaginip tungkol sa namatay o nagugunita nilang nakikita siya sa lansangan. Karaniwan din sa mga naulila na matakot na sila’y masiraan ng kanilang bait. Subalit ang mga ito ay pangkaraniwang mga reaksiyon sa gayong mahigpit na pagbabago sa buhay ng isa.
Gayunman, sa dakong huli, ang kirot ay tumatagos, marahil ay nagdadala pa ng ibang mga damdamin na hindi ka handang pakitunguhan.
“Iniwan Niya Kami!”
“Ang aking mga anak ay nabalisa at nagsabi, ‘Iniwan niya kami!’” paliwanag ni Corrine, na ang asawa ay namatay mga dalawang taon na ang nakalipas. “Sinabi ko sa kanila, ‘Hindi niya kayo iniwan. Wala siyang magagawa sa kung ano ang nangyari sa kaniya.’ Ngunit pagkatapos ay nag-isip ako sa ganang sarili, ‘Narito at sinasabi ko sa kanila ang bagay na iyon, subalit gayundin ang nadarama ko!’” Oo, kataka-taka nga, ang galit ay kadalasang kasama ng pagdadalamhati.
Maaaring ito ay galit sa mga doktor at mga narses, inaakalang dapat sana’y higit nilang pinangalagaan ang namatay. O galit sa mga kaibigan at mga kamag-anak na, sa wari’y, nagsabi o gumawa ng maling bagay. Ang iba ay nagagalit sa yumao dahil sa pagpapabaya sa kaniyang kalusugan. Gaya ng nagugunita ni Stella: “Natatandaan ko na ako’y nagalit sa aking asawa sapagkat alam kong hindi sana nagkagayon. Malubha ang kaniyang sakit, ngunit hindi niya pinansin ang mga babala ng doktor.”
At kung minsan nariyan ang galit sa yumao dahilan sa mga pasanin na dulot ng kaniyang kamatayan sa naiwanan. Ganito ang paliwanag ni Corrine: “Hindi ako sanay sa paghawak ng lahat ng mga pananagutan sa pangangalaga sa tahanan at sa pamilya. Hindi maiaasa sa iba ang bawat maliit na bagay. Kung minsan ikinagagalit ko ang tungkol diyan.”
Kadalasan nang kasunod ng galit ang iba pang damdamin—pagkakasala.
“Hindi sana Siya Namatay Kung Ako Lamang ay . . . ”
Ang iba ay nakadarama ng pagkakasala dahilan sa galit—yaon ay, maaaring kayamutan nila ang kanilang sarili dahilan sa sila ay nagagalit. Sinisisi naman ng iba ang kanilang sarili sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay. “Hindi sana siya namatay,” sabi nila, “kung sinabihan ko sana siyang magtungo kaagad sa doktor” o “makipagkita siya sa ibang doktor” o “pinangalagaan ko sa kaniya nang higit ang kaniyang kalusugan.”
Para sa iba ang pagkakasala ay higit pa riyan, lalo na kung ang kanilang mahal sa buhay ay namatay na bigla, di inaasahan. Ginugunita nila ang mga panahon na sila’y nagalit o nakipagtalo sa isa na yumao. O maaaring akalain nila na nagkulang sila ng pagtingin na dapat sana’y naiukol nila sa namatay. Sila ay binabagabag ng mga pag-iisip na gaya ng, ‘Dapat sana’y—o hindi ko sana—ginawa ito o iyon.’
Ganito ang nagugunita ni Mike, isang kabataang lalaki na nasa mga edad 20: “Hinding-hindi ako nagkaroon ng mabuting kaugnayan sa aking ama. Kamakailan lamang na talagang nakipag-usap ako sa kaniya. Ngayon [mula nang mamatay ang kaniyang ama] napakaraming bagay na inaakala kong dapat kong nagawa o nasabi.” Mangyari pa, ang bagay na ngayo’y wala ng paraan upang gawin iyon ay maaari lamang makaragdag sa kabiguan at pagkakasala.
Kung paanong mahirap mamatayan ng isang asawa, isang magulang, isang kapatid na lalaki, o babae, ang ipinalalagay ng iba na pinakamalungkot na pangyayari ay ang kamatayan ng isang bata.
[Kahon sa pahina 5]
Pangkaraniwang mga Reaksiyon ng Pagdadalamhatia
Pagkabigla—(“Wala akong nararamdaman”)
Pagtatatuwa—(“Hindi ito totoo!”)
Galit—(“Paano niya ako matitiis na iwan na gaya nito?”)
Pagkakasala—(“Hindi sana siya namatay kung ako lamang ay . . . ”)
Pagkabalisa—(“Ano na ang mangyayari sa akin ngayon?”)
Takot sa Pagkabaliw—(“Para akong masisiraan ng bait”)
[Talababa]
a Hindi nito ipinangangahulugan na mayroong mga yugto ng pagdadalamhati, na ayon sa sunud-sunod na ayos. Ang mga tao ay mga indibiduwal. Kaya ang mga reaksiyon sa pagdadalamhati ay lubhang nagkakaiba-iba sa tindi at tagal.
[Larawan sa pahina 4]
“Patay na? Hindi ako makapaniwala!”
[Larawan sa pahina 5]
Maraming naulila ang nakakaranas ng mga damdamin ng pagkakasala: “Kung ako lamang ay . . . ”