Alam Ba Natin Kung Ano ang Orihinal na Sinasabi ng Bibliya?
SA NGAYON ang mga tao ay kadalasang nagbubuntong-hininga sa mga balita hindi lamang dahilan sa kanilang nilalaman kundi gayundin dahilan sa karamihan nito. Halos walang isa man ang ganap na makaunawa at makahalaw sa lahat ng mga ito. At dahilan sa kanilang kawalang-kakayahan na suriin ang katiyakan, ang iba ay naging lubhang mapagpula sa kung ano ang kanilang naririnig at nakikita. Ngunit, sa kalakhang bahagi, ang mga balita ay binabasa at tinatanggap kung ano ito. Pinaniniwalaan ito ng mga tao at hinuhubog ang kanilang mga buhay ayon dito.
Gayunman, pagdating na sa Bibliya, binibigyang katuwiran ng maraming tao ang pananatiling mapagduda. Madalas nilang tinatanong: “Bakit ko dapat hubugin ang aking buhay ayon sa Bibliya? Paano ako makatitiyak na ang ‘mga ulat’ nito, na sinasabing mula sa Diyos ay talagang mula nga sa kaniya? At, kung gayon nga, papaano ko malalaman na ito nga ay nakarating sa atin—pagkalipas ng lahat ng dantaong ito—nang walang pagbabago?”
Ang isang aklat na makapagdadala ng permanenteng pagbabago sa personalidad ng isang indibiduwal—gaya ng inaakala ng maraming tao na dapat gawin ng Bibliya—ay kinakailangang maingat na suriin kung tungkol sa pagkamaasahan nito. Ang Bibliya mismo ay humihimok ng gayong pagsusuri. Ganito ang sabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Mga minamahal, huwag kayong maniniwala sa bawat kinasihang pananalita, kundi subukin ninyo ang mga kinasihang pananalita upang mapatunayan kung ang mga ito’y nanggagaling sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta na naglipana sa sanlibutan.”—1 Juan 4:1.
Gayunman, dapat gawin ng isang tao ang gayong pagsusuri ng buong katapatan at kataimtiman. Dapat niyang kusang tanggapin ang makatotohanang mga tuklas kahit na ang mga ito ay maaaring lubusang salungat sa dating pinaniniwalaang palagay at mga opinyon. Subalit magagawa nga kaya ng isa ang gayong pagsasaliksik na magpapatotoo sa ganap na kawastuan ng Bibliya?
Pinatotohanan ang Ganap na Kawastuan ng Bibliya
Bagaman ang Bibliya ay isang napakatandang aklat, kapansin-pansin na pinatotohanan ito ng maraming sinaunang mga manuskrito sa Bibliya. Literal na may libu-libo ng mga sinaunang mga manuskritong ito sa mga aklatan at pribadong mga koleksiyon sa buong daigdig. Pinatutunayan ng mga ito na napagtagumpayan ng Bibliya sa ngayon ang mga pamiminsala ng panahon at ganap na kawastuang kinopya at nakarating hanggang sa ating panahon.
Maaari itong suriin. Halimbawa, ang matagal nang umiiral na Institute for New Testament Textual Studies sa Alemanya ay gumawa ng halos 95 porsiyento ng humigit-kumulang 5,300 sulat-kamay na mga kopya nito ng Kristiyanong Kasulatang Griego na magagamit para sa siyentipikong pag-aaral, alin sa microfilm o sa anyong larawan. Sa gayon maaaring ipakita sa interesadong panauhin, karaniwang tao o dalubhasa sa siyensiya, sa ilalim ng ekspertong patnubay, kung gaano kaeksakto ang paghahatid ng teksto ng Bibliya hanggang sa ating ika-20 siglo. Ang pagitan sa panahon ng orihinal na pagkasulat ng Kristiyanong Kasulatang Griego at ang pagsulat ng pinakamatandang umiiral na mga manuskrito sa papiro ay napakaikli, hindi hihigit sa 25 taon.
Kaya ang pagkakahatid ng Bibliya ay higit na mapanghahawakan kaysa iba pang mga akda ng sinaunang panahon. Sa kaniyang aklat na Das Buch der Bücher (Ang Aklat ng mga Aklat), pahina 3, si Karl Ringshausen ay sumulat:
“Isinulat ni Julius Caesar ang kaniyang Commentaries on the Gallic War noong taóng 52 bago si Kristo. Gayunman, ang pinakamatandang umiiral na mga kopya na isinulat ng iba, ay mula sa ikasiyam na siglo pagkatapos ni Kristo. Ang pilosopong Griego na si Plato ay nabuhay noong 427 hanggang 347 bago si Kristo; ang pinakamatandang kopya na mayroon tayo ng kaniyang pilosopikal na mga gawa ay may petsa na 895 pagkatapos ni Kristo. Halos isang libong taon at higit pa ang pagitan ng unang pagsulat, ang orihinal na pagsulat ng sinaunang mga aklat, at ang kanilang pinakamatandang umiiral na mga kopya.”
At may kaugnayan sa bilang ng umiiral na mga kopya mula sa panahong iyon, ang aklat na The Bible From the Beginning ay nagsasabi: “Lahat-lahat ng klasikal na MSS. ay iilan lamang kung ihahambing sa mga maka-Kasulatan. Walang ibang sinaunang aklat ang lubhang pinatutunayan na gaya ng Bibliya.”
Ang Bibliya Laban sa Modernong mga Kathâ
Paano maihahambing ang Bibliya sa mas makabagong mga kathâ? Kapuna-puna, ang mga di-katiyakan sa aktuwal na nilalaman ng orihinal na mga teksto ay umiiral kahit na kung tungkol sa mga isinulat kamakailan ng mga awtor na ngayo’y patay na. Mayroong tinatawag na “critical editions,” o “work editions,” ng mga isinulat ng mga manunulat na Aleman na gaya ni Goethe, Schiller, Hölderlin, at marami pang iba. Ang mga ito ay mga pagsisikap upang siyentipikong mabuo-muli ang orihinal na teksto. Ang mga dalubhasa ay kalimitang nagkakaiba-iba kung aling bersiyon nga ang nagtataglay ng palatandaan ng pagiging orihinal ng mga salita ng may-akda.
Maging ang pulitika ay kadalasang nasasangkot. Nang mamatay si Mao Tse-tung, ang mga tao ay naghintay nang matagal sa ikalimang tomo ng kaniyang tinipong mga kathâ. Inaakala ng mga dalubhasa sa Tsina na ang pag-antalang ito ay dahilan sa panloob na pulitikal na di-katatagan ng liderato ng bansa, na hindi magkasundo sa mga salita na dapat ay pangwakas na tinatanggap bilang mga produkto ng panulat ni Mao. Nang sa wakas ay lumitaw ang ikalimang tomo, maraming dalubhasa ang nagpahayag ng pag-aalinlangan sa pagiging totoo nito.
Kung Bakit ang Bibliya ay Lubhang Kakaiba
Anong laking pagkakaiba ng Bibliya mula sa mga kathang ito na isinulat ng tao kamakailan lamang! Bagaman mas matanda, ang ganap na kawastuan ng teksto nito ay naglalagay rito na isang uri sa ganang sarili. Papaano ito nangyari? Paano naging posible na ipahatid ang Bibliya sa mas mahabang yugto ng panahon gayunma’y taglay pa rin ang gayong ganap na kawastuan anupa’t makatitiyak tayo sa pagiging totoo nito sa kasalukuyang anyo?
Una, karamihan niyaong mga nagsikopya, o tumulong sa pagkopya, ng Bibliya ay may malaking paggalang dito at sa Banal na May-akda nito. Ang mga Masoretes (isang pangkat ng Judiong mga iskolar sa Bibliya na nabuhay sa pagitan ng ikaanim at ikasampung siglo C.E.) ay napag-alaman na buong ingat na binilang ang bawat indibiduwal na titik ng teksto sa Bibliya upang maiwasan ang pagkakaroon ng anumang kamalian o kahit na ang pagkaligta sa isang titik mula sa Banal na mga Sulat. Ang maaasahang pamamaraang ito ay maaaring ginamit na bago pa ang kanilang panahon upang maiwasan ang paggawa ng pagkakamali sa pagkopya ng Bibliya. Malamang na may kaugnayan sa ugaling ito ng mga tagakopya na sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Hanggang sa mawala ang langit at ang lupa ang isang kaliit-liitang titik o isang kudlit ng isang titik sa anumang paraan ay hindi mawawala sa Kautusan hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.”—Mateo 5:18.
Ang pagsisikap na ito ng mga tagakopya na panatilihin ang kadalisayan at ganap na kawastuan ng teksto ng Bibliya ay nagpapaliwanag kung bakit ang Dead Sea Scrolls noong una at ikalawang siglo B.C.E., na kabilang sa ibang bagay na nilalaman nito ay ang buong aklat ng Isaias, ay halos katugmang-katugma ng tekstong taglay natin sa kasalukuyan.
Ikalawa, ang karamihan ng mga iskolar at mga tagakopya na ito ay interesado lamang sa kung ano ang nasasangkot—paghahatid ng banal na teksto—hindi ang pagkuha ng anumang papuri para sa kanilang mga sarili. Sa katunayan, kadalasa’y isinakripisyo ng mga lalaking ito ang personal na karangalan, mga pag-aari, kalusugan, at pati na ang buhay mismo, upang tiyakin na ang mga manuskrito ay wastong nakopya o nailagay sa mga kamay ng mga iskolar na gagamitin ang mga ito upang tulungang mapanatili ang teksto ng Bibliya.
Si Konstantin von Tischendorf, halimbawa, ay handang suungin ang mga panganib ng ilang at ng paglalakbay sa disyerto, noong kalagitnaang ika-19 siglo, upang makuha ang isa sa pinakamapanghahawakang mga manuskrito ng Bibliya noong ika-4 siglo. Natuklasan niya ito noong una sa isang basket na tapunan ng papel sa monasteryo ng St. Catherine sa Bundok Sinai.
Ikatlo, marami sa mga indibiduwal na totoong interesado sa may kawastuang paghahatid ng teksto sa Bibliya ay may malaking pag-ibig sa Salita ng Diyos. Gaya ng isang manunulat ng mga Awit, sila ay nagkaroon ng kagalakan sa Salita ng Diyos at nagalak sa paggawa ng teksto sa Bibliya na mababasa ng iba.—Awit 1:1, 2.
Ikaapat, at pinakamahalaga, hindi dapat kaligtaan na kinasihan ng Banal na May-akda ng Bibliya ang orihinal na pagsulat ng Banal na Kasulatan. Binigyan niya ang mga lalaking sumulat ng Bibliya ng tulong na kinakailangan nila upang isulat ang mga bagay na pumukaw sa tao ng kaniyang pinakamatinding mga damdamin at nakatulong sa kaniya sa “pagtutuwid ng mga bagay-bagay.” (2 Timoteo 3:16, 17) Makatuwiran lamang na pangangasiwaan niya ang tapat na paghahatid ng kaniyang Salita hanggang sa ating kasalukuyang panahon.
Nais mo bang malaman ang higit pa tungkol sa mga lalaking ito na ginamit ng Diyos.
[Larawan/Kahon sa pahina 13]
Bahagi ng Biblia Hebraica Stuttgartensia, Levitico 11:42, kung saan ang Hebreong titik na Waw ay pinalaki upang patingkarin bilang gitnang titik ng Pentateuch.
Bahagi ng Aleppo Codex sa Awit 80:14 (Ingles, talatang 13), ipinakikita kung saan ang Hebreong titik na ʽAʹyin ay nakabitin upang ipakita na ito ang gitnang titik ng Mga Awit.
[Kahon]
Ang kakayahang ito na tiyakin kung saan masusumpungan ang gitnang titik ay nagpapakita na binilang ng mga Masoretes ang mga titik ng buong teksto ng limang aklat na isinulat ni Moises at ang Mga Awit. Ipinababanaag nito ang napakalaking pag-iingat na isinagawa ng mga tagakopya upang maihatid nang may ganap na kawastuan ang Bibliya.