Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 12/22 p. 26-28
  • Mula sa Aming mga Mambabasa—Tugon sa Pang-aabuso sa Bata

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mula sa Aming mga Mambabasa—Tugon sa Pang-aabuso sa Bata
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Inyong mga Mungkahi ay Lubhang Kapaki-pakinabang”
  • “Ako’y Isang Biktima”
  • “Sino ang Maniniwala sa Iyo?”
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1986
  • Pang-aabuso sa Bata—‘Sino ang Gagawa ng Ganiyang Bagay?’
    Gumising!—1985
  • Pang-aabuso sa Bata—Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Anak
    Gumising!—1985
  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 12/22 p. 26-28

Mula sa Aming mga Mambabasa​—Tugon sa Pang-aabuso sa Bata

ANG Hunyo 22, 1985, na labas ng Gumising! ay naglalaman ng tatlong-bahaging serye na pinamagatang “Pang-aabuso sa Bata​—Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Anak.” Sa daigdig ngayon, ang di-kaaya-ayang paksang ito ay isa na dapat may kabatiran ang mga magulang, at marami sa aming mga mambabasa ang sumulat na nagpapahayag ng pasasalamat sa impormasyong iniharap. Nais naming ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagpapasalamat.

“Ang Inyong mga Mungkahi ay Lubhang Kapaki-pakinabang”

Narito ang bahagi ng isang liham mula sa Estados Unidos: “Maraming salamat sa impormasyon tungkol sa pang-aabuso sa bata. Bilang mga bata, kami ng kapatid kong babae ay inabuso ng isang pinsan. Ngayon kami kapuwa ay may mga pamilya na at nais naming gawin ang lahat ng aming magagawa upang pangalagaan ang aming mga anak. Tiyak na ikakapit namin ang mahusay na payo na masusumpungan sa artikulong ito.”

Mula sa Estados Unidos: “Talagang pinahahalagahan ko ang inyong artikulong ‘Pang-aabuso sa Bata​—Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Anak.’ Ang inyong mga mungkahi ay lubhang kapaki-pakinabang at simple. Mayroon akong dalawang mungkahi na nais ibahagi sa inyo: Maaaring maging mapanganib sa mga bata na magsuot ng mga kamiseta na may tatak ng kanilang mga pangalan. Malamang na sila ay sumama sa isang estranghero na alam ang kanilang pangalan. Isa pa, kapag ang mga bata ay sutil, kadalasan nang tinatakot sila ng mga magulang, na sinasabi: ‘Kukunin ka ng pulis!’ Ginagawa nitong ang mga bata ay matakot at marahil ay huwag lumapit sa pulis kung sila ay nangangailangan ng tulong.”

Mula sa Estados Unidos: “Pagkatapos muling-basahin ang Enero 22 na labas ng Awake! tungkol sa pang-aabuso sa bata, nais kong malaman ninyo na isa ito sa pinakamabuting nabasa ko. Sana ay nagkaroon kami ng impormasyong ito noon, bago pa ang aking dalawang magandang mga apong babae ay terible at walang-awang inabuso. Subalit kung mahahadlangan nito ang ibang mga bata na magdanas na gaya ng dinanas nila, matutuwa ako.”

“Ako’y Isang Biktima”

Pinatunayan ng maraming liham ang katakut-takot na pinsalang nagagawa ng pang-aabuso sa bata. Halimbawa, narito ang isang liham mula sa Inglatera: “Salamat sa mga artikulo ninyo kamakailan tungkol sa paksang pang-aabuso sa bata. Ako ay isang biktima ng pang-aabuso sa bata at naranasan ko ang katulad na mga damdamin niyaong iniulat sa inyong artikulo. Kahit na ngayon, pagkaraan ng maraming taon, kailangan kong supilin ang aking sarili sapagkat ako ay lubhang nagiging emosyonal kapag ako ay nakakabasa o nakakarinig ng mga bagay na ito na nangyayari sa mga bata.”

Ang isa pang liham mula sa Inglatera ay nagsasabi: “Ako’y isang biktima ng insesto sa loob ng ilang taon mula nang ako ay limang taon. Ang maysala ay ang aking amain. Ang naranasan ko sa kaniyang mga kamay ay totoong traumatiko para sa isang batang isipan na ang karamihan nito ay ibinaon ko sa limot hanggang mga ilang buwan na ang nakalipas. Ang mga alaala, minsang makanti, ay nagbabalik na parang masamang panaginip.

“Maaaring ipalagay ng ibang tao ang inyong artikulo na isang labis na reaksiyon at maaaring masindak sa pagsasabi sa kanilang mga munting bata tungkol sa kung ano ang gagawin kung ang isa​—kahit na isang malapit na kamag-anak​—ay hihipuin ang kanilang pribadong mga bahagi ng katawan o hilingin sila na tingnan o hipuin ang sa kanila. Mayroon akong mensahe sa mga taong iyon: ‘Ang payo sa artikulo ay ekselente.’”

“Sino ang Maniniwala sa Iyo?”

Ang ibang mga liham ay nagbibigay-liwanag sa mga taktika ng mga nang-aabuso. Isang mambabasa sa Inglatera ang sumulat: “Bilang isang bata, ako ay inabuso ng isang may edad na lalaki na lubha kong iginagalang. Gaya ng binanggit ng inyong artikulo, ang mahalay na pagkarinyo (na doon lang humangga) ay ikinubli bilang paglalaro at pagkiliti. Nag-iwan ito sa akin ng mga damdamin ng pagkakasala at kahihiyan.”

Isang mambabasa mula sa Estados Unidos ang nagpaalaala sa amin na hindi lamang mga may sapat na gulang ang nang-aabuso sa mga bata. Sulat niya: “Binabalaan ko ang aking mga anak tungkol sa mga may sapat na gulang, hindi ko inaakala na isang siyam-na-taon-at-kalahati na batang babae ang di-wastong hihipu-hipo sa aking apat-na-taóng-gulang na anak na babae.”

Ganito pa ang sabi ng isang mambabasa sa Inglatera: “Ang aking ama-amahan ay isang hukom; kaya, nang ako’y abusuhin niya, inaakala kong walang masama roon. Nang ako ay tumuntong sa edad na 12, alam kong ito’y masama ngunit wala akong mapagsabihan, sapagkat sinabi niya sa akin: ‘Sino ang maniniwala sa iyo? At huwag kang maging ingrato. Tingnan mo ang lahat ng bagay na taglay mo.’ Maaga sa aking pagtitin-edyer ako ay inabuso ng aking mga kapatid na lalaki at tiyo. Kaya sa gulang na 14, ako ay gumagamit ng droga, iniisip na ito lamang ang tanging paraan upang lumigaya. Lumaki ako na napakahandalapak, na siya lamang tanging paraan upang makayanan kong bilhin ang mga droga. Nais ko kayong pasalamatang muli sa artikulo. Matitiyak ko ngayon na hinding-hindi mararanasan ng aking anak na lalaki ang kirot na dinanas ko.”

Isang mambabasa sa Estados Unidos ang sumulat: “Katatapos ko lamang basahin ang artikulo tungkol sa ‘Pang-aabuso sa Bata’ sa Enero 22, 1985, na labas ng Awake! Hindi ko mapigil ang luha sa aking mga mata sapagkat ako man, ay inabuso. Ito’y nangyari nang ako’y limang taon. Ang maysala ay isang lalaki na idini-date ng aking ina. Kapag wala ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki ay naglalaro sa labas, inaabuso ako ng taong ito. Pinipilit kong limutin, alisin sa aking isipan, isipin na ito’y isa lamang masamang panaginip, subalit hindi ito isang panaginip. Talagang nangyari ito, at sa lahat ng mga taóng iyon (Ako’y 27 na ngayon) wala akong pinagsabihang sinuman. Salamat sa artikulo ninyo tungkol sa pang-aabuso sa bata. Nagbigay ito sa akin ng tibay-loob na isulat ang liham na ito.”

Ilan lamang ito sa maraming mga liham na tinanggap na nagpapakita sa nakatatakot na lawak ng problema. Tayo ay tunay na nabubuhay sa isang napakasamang panahon. (2 Timoteo 3:1, 3) May mga kaso pa nga na nagsasangkot sa mga pamilyang Kristiyano, na kinakailangang hawakan ng mga matatanda sa kongregasyon! Huwag kaligtaan na yamang ang pang-aabuso sa bata ay karaniwan nang isang kasalanang ginagawa ng mga may sapat na gulang, ang mga bata ang nagdadala ng pasan. Kalunus-lunos na napakaraming bata ang pinagkaitan ng kanilang kamusmusan ng mga may sapat na gulang na walang pagpipigil-sa-sarili. Ang emosyonal na mga sugat sa mga kabataang ito ay maaring tumagal habang-buhay!

[Kahon sa pahina 27]

Alistong Paggamit ng Awake! sa Oregon

Nang ang Enero 22, 1985, labas ng Awake! ay dumating sa Oregon, E.U.A., si Joy, isang ministro ng mga Saksi ni Jehova, ay nagtungo sa isang kaibigan upang ipakita ang mga artikulo tungkol sa pang-aabuso sa bata sa lokal na sarhento ng pulis na nangangasiwa sa pagsansala ng krimen. Sinabi ng pulis na siya ay patungo sa lokal na kolehiyo ng pamayanan upang magtatag ng isang seminar tungkol sa pang-aabuso sa bata, kaya’t kinuha niya ang isang kopya ng magasin. Nang hapong iyon, nakipagkita siya kay Joy at sinabi niya na nais niyang gamitin ang magasin sa seminar. Alistong sinabi sa kaniya ni Joy ang tungkol sa Abril 22, 1984 na labas ng Awake! na nagtatampok sa serye ng mga artikulo tungkol sa nawawalang mga bata. Ang sarhento ng pulis ay pumidido ng 200 sipi ng bawat magasin upang ipamigay sa bawat tao na dadalo sa seminar.

Nang malaunan, dinagdagan ng sarhento ng pulis ang kaniyang pedido na 250 kopya ng bawat labas upang mayroong magagamit sa lokal na Helpline Support programs ng pulisya. Iminungkahi rin niya na puntahan ni Joy ang lokal na Children’s Service Department. Sinunod ni Joy ang kaniyang payo at nakapaglahad ng kaniyang presentasyon sa isang pangkat ng 20 mga tagapayo sa panahon ng isang seminar. Kinuha ng grupo ang kaniyang natitirang mga kopya ng kapuwa mga labas ng magasin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share