Ang Iyong Medikal na Kalayaan—Ang mga Hukuman ay Nagsasaysay!
TATLONG mga kaso sa hukuman kamakailan ang maaaring makaapekto sa iyong buhay at sa medikal na pangangalaga. Binigyan ng higit na pansin ng mga manggagamot, mga kawani sa ospital, mga hukom, at ng mga Saksi ni Jehova ang mga kaso. Ang lahat ng nakababatid sa mga katotohanan ay makapagpapasalamat sa kaugnayan ng mga kasong ito sa mga karapatan ng tao, legal na mga proteksiyon, at paggalang sa mga batas ng Diyos.
Ang Kasong Randolph—Kamatayan Pagkaraan ng Pagsasalin ng Dugo
Ang wastong pagkaunawa sa unang kaso ay maaaring maging mahirap para sa iyo. Bakit? Sapagkat pinasamâ ng maraming pahayagan at medikal na mga publikasyon ang paglalarawan dito. Sa katunayan, maliwanag na ang pagpilipit na ito ng katotohanan ay ikinagalit ni Hukom Bambrick, ng Korte Suprema ng Estado ng New York, na siyang nangasiwa sa kaso. Sumulat siya ng 53-pahinang nagpapaliwanag na opinyon.1
Dito ay binanggit ni Hukom Bambrick na “ang ikaapat na sangay ng pamahalaan, ang pahayagan,” ay lubhang mali sa paglalahad ng kaso anupa’t kinailangan niyang “ituwid ang rekord, at banggitin muli ang batas sa kaso gaya ng pagkalahad nito sa hurado.” Malungkot na nanahimik ang pahayagan tungkol sa mahalagang opinyong ito na nakatuon sa kanilang kabiguan. Subalit maligayang ibinabahagi namin sa iyo ang mahalagang impormasyon sa kung ano ang isinulat ni Hukom Bambrick. Ang kaniyang wastong ulat ay maaaring magkaroon ng kaugnayan sa iyong medikal na kalayaan, ikaw man ay isang doktor, abugado, o isang mamamayang nababahala tungkol sa iyong sariling mga karapatan may kaugnayan sa medikal na pangangalaga.
Ating halawin mula sa inilathalang opinyon ng hukom ang mga katotohanan, ginagawang italiko ang kapansin-pansing mga punto: Noong Hulyo 1975, si Mrs. Bessie Randolph (45 anyos) ay tinanggap sa isang ospital sa Lunsod ng New York upang isilang ang kaniyang ikaapat na anak, nang cesarean. Nakatala sa mga dokumento ng ospital na, bilang isang Saksi ni Jehova, siya ay hindi tatanggap ng pagsasalin ng dugo.a Tinanggap ng kaniyang manggagamot ang kaniyang relihiyosong paniniwala, sapagkat ginawa niya ang kaniyang pasiya bilang isang may malay, may kakayahang adulto. Pagkatapos ng matagumpay na pagsisilang, isang kalagayan sa matris ang umakay sa ganap na hysterectomy. Subalit ganito ang sabi ni Hukom Bambrick: “Dahilan sa kalagayan ni Mrs. Randolph at sa paraan ng pag-oopera [ng doktor], nagkaroon ng labis-labis na pagdurugo.”
Nang sumunod na mga oras siya ay nawalan ng maraming dugo. Noong ika-12:45 n.h. ang doktor ay nagsalin ng isang yunit ng dugo at noong ika-1:30 n.h. ang ikalawang yunit. Gayunman, ang puso ni Mrs. Randolph ay huminto, at siya ay ipinahayag na patay noong ika-2:00 n.h. Nang malaunan, idinemanda ng kaniyang asawa (na hindi Saksi ni Jehova) ang mga manggagamot at ang ospital. Isang doktor ang nakipag-areglo. Pagkatapos noong Pebrero 1984 ibinigay ng hurado ang hatol pabor kay Mr. Randolph. Ang mga report ng pahayagan tungkol dito ay lubhang mapamintas. Isang legal na publikasyon ay nagsabi: “Iginawad ng hurado ang $1.25 milyong sa asawa ng isang pasyenteng Saksi ni Jehova na namatay pagkatapos tanggihan ang isang pagsasalin ng dugo.” Ang gayong mga report ay nag-iiwan ng impresyon na iginalang ng mga doktor ang pasiya ng isang Saksi, gayunman sila ay idinemanda pa. Bunga ng pagpilipit na ito ng pahayagan sa katotohanan, ang ibang mga manggagamot ay nag-iisip kung baga dapat ba silang makipagtulungan sa mga Saksi ni Jehova. Ang ilang mga ospital pa nga ay gumawa ng mga patakaran na hindi tatanggapin ang mga pasyenteng hindi sasang-ayon na tumanggap ng pagsasalin ng dugo. Ang gayong mga patakaran ay legal at pinansiyal na hindi matalino sapagkat ang batas pederal ay laban sa pagtatangi ng lahi, relihiyon, o kulay.
Mauunawaan kung gayon kung bakit nais ni Hukom Bambrick na “ituwid ang rekord.” Sa kaniyang opinyon idiniin niya na ang demanda ay hindi dahilan sa kamatayan na bunga ng paggalang sa pagtanggi ng pasyente. Bagkus, ang demanda ay dahilan sa maling paggamot. Paliwanag niya:
“Hindi matututulan na si Bessie Randolph ay isang may kakayahang adulto na maliwanag na ipinakita sa mga nasasakdal na siya ay tumatanggi sa anumang pagsasalin ng dugo sa ilalim ng anumang kalagayan. Ang legal na karapatang tumanggi sa paraan ng paggagamot, gaya ng nasabi na, ay bahagi ng likas na karapatan na magpasiya sa sarili o ang karapatan sa kalusugan ng katawan. . . .
“Dapat tandaan na hindi ito ang kasong ‘karapatang mamatay.’ Sa kabaligtaran, gustung-gusto ni Bessie Randolph na mabuhay. Subalit yamang ang kaniyang mga paniniwalang relihiyoso ay nagbabawal sa kaniya na tumanggap ng nagliligtas-buhay na pagsasalin ng dugo, ang espirituwal na ‘karapatan sa buhay na walang hanggan’ ni Bessie Randolph ay mas mahalaga sa kaniya. . . . Ang isa ay maaari pa ngang mangatuwiran na mula sa pangmalas ng isang Saksi ni Jehova, ang pagtanggap ng pagsasalin ng dugo at sa gayo’y pagtalikod sa buhay na walang hanggan ay katumbas ng ‘espirituwal na pagpapatiwakal’.”
Mapahahalagahan mo na ang mga doktor ay nasa mahirap na katayuan kapag nakikita nila na ang kanilang pasyente ay maaaring mamatay. Gayunman sabi ni Hukom Bambrick: “Kinikilala ng kasalukuyang batas ang karapatan ng pasyente na magpasiya kung anong paraan ng paggagamot ang pipiliin niya na may kabatirang sinasang-ayunan niya na mas mahalaga kaysa sa pananagutan ng doktor na maglaan ng kinakailangang medikal na pangangalaga. . . . Ang integridad ng propesyon sa paggagamot ay hindi nadudungisan kapag tinanggihan ng isang may kakayahang adulto ang iminumungkahing paggagamot, kahit na ang paggagamot na nagliligtas-buhay, at iginagalang ng manggagamot ang may kabatirang pinili ng kaniyang pasyente.”
Kumusta naman ang interes ng Estado na ang mga anak sa pamilya ay hindi dapat pabayaan? Binanggit ni Hukom Bambrick na si Mr. Randolph ay isang pulis at nasa katayuan na sustentuhan at pangalagaan ang mga bata. Kaya ang hukom ay sumulat: “Sa ilalim ng mga kalagayan, si Mr. Randolph ay may kakayahang sustentuhan ang kaniyang mga anak, at kailanman ay hindi nagkaroon ng anumang pag-aalinlangan na pababayaan ang mga bata.”
Kung kasama ka sa hurado, malalaman mo ang mga katotohanang ito tungkol kay Mrs. Randolph at ang legal na karapatang tumanggi sa pagsasalin ng dugo samantalang inaalis ang pananagutan sa mga doktor sa kung ano ang maaaring kahinatnan nito. Ang hurado ay sinabihan na: “Ang isang may kakayahang adulto ay may likas na karapatang tumanggi o tumanggap ng paraan ng paggagamot sa kabila ng katotohanan na ang paggagamot ay maaaring kapaki-pakinabang o kinakailangan pa nga upang panatilihin ang buhay ng pasyente. Ang karapatan ng pasyente na magpasiya kung anong paraan ng paggagamot ang kaniyang pipiliin ay mas mahalaga kaysa sa pananagutan ng doktor na maglaan ng medikal na pangangalaga.
“Samakatuwid, ang mga nasasakdal . . . ay hindi masasabing lumabag sa anumang legal o propesyonal na mga pananagutan nang kanilang igalang ang karapatan ni Bessie Randolph na tumanggi sa paraan ng paggagamot, na huwag sasalinan ng dugo.”
Kung gayon, bakit gayon ang iginawad na hatol ng hurado?
Si Hukom Bambrick ay sumulat: “Kung lubusang sinunod [ng doktor] ang mga tagubilin ni Mrs. Randolph, sa pamamagitan ng hindi pagsasalin ng anumang dugo, hindi sana siya mananagot sa hindi pagsasalin ng dugo sa pasyente, kahit na ang gayong hindi pagsasalin ng dugo ang maging dahilan ng kamatayan ni Mrs. Randolph. . . . Gayunman, ang mga katotohanan sa kasong ito ay na noong ika-12:45 N.H. ng Hulyo 17, 1975 sinalinan [niya] ng dugo si Bessie Randolph at ang mga resulta ng pakikialam na ito ang kinuwestiyon ng hurado.”
Sa panahon ng paglilitis, pinakinggan ng hurado ang patotoo ng eksperto tungkol sa kalikasan at kalidad ng ibinigay na paggagamot, nang isalin ng doktor ang dugo labag sa kagustuhan ng pasyente. Kaya ang nasasangkot ay ang suliranin ng maling paggagamot. Sabi ng hukom: “Buong pagkakaisang nasumpungan ng hurado ang mga nasasakdal . . . na naging . . . pabaya sa kanilang paggamot kay Bessie Randolph; at na ang gayong pagpapabaya ang naging dahilan ng kaniyang kamatayan. . . . Kaya, ang Hukuman ay naghihinuha na ang buong pagkakaisang hatol ng hurado na pabor sa maysakdal [si Mr. Randolph] tungkol sa suliranin ng pananagutan ay hindi laban sa bigat ng ebidensiya at wasto ayon sa batas.”
Inapela ng mga nasasakdal ang resultang iyon ng pagsusuri sa hukuman. Maaari nating hintayin ang disisyon ng hukuman sa paghahabol. Gayunman, anuman ang kalabasan ng paghahabol, ang opinyon ni Hukom Bambrick ay karapat-dapat na pag-ukulan natin ng pansin. Nililinaw nito kung ano ang nangyari, at ipinakikita nito na ang pagpilipit ng pahayagan sa katotohanan ay walang katarungang nakaapekto sa medikal na opinyon, sa gayon ay nakikialam sa mga karapatan ng walang malay na mga pasyente.
Ang Kaso ni Doreen Shorter—Sugat-sugat, Butas-butas na Matris
Sa kabilang panig ng kontinente, isa pang kaso ang pinagpasiyahan ng Korte Suprema ng Estado ng Washington noong Enero 11, 1985.2 Ito man ay nagsasangkot ng maling paggagamot. Subalit sa pagkakataong ito ang ulat ng mga balita ay wasto at positibo. Itinuon nila ang pansin sa nakatutulong na hakbang na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova upang alisin ang posibleng pananagutan sa nasasangkot na manggagamot. Ang mga Saksi ay lumalagda ng legal na mga dokumento na nagsasabi na ang iba ay hindi mananagot sa mga pinsala na maaaring maging resulta ng hindi nila pagtanggap ng pagsasalin ng dugo. Bagaman ikaw ay hindi isang Saksi, ang kaso ni Doreen Shorter ay nagsasaysay ng iyong mga karapatan sa paggagamot.
Sina Doreen at Elmer Shorter ay lumagda ng gayong dokumento na nag-aalis ng pananagutan kapag siya ay tinanggap sa ospital. Nalaman ng mag-asawang Kristiyanong ito na ang sanggol sa loob ng bahay-bata ni Doreen ay namatay subalit hindi lumabas. Iniuulat ng opinyon ng Korte Suprema ng Estado na ang kaniyang manggagamot, si Dr. Drury, ay nagrekomenda na linisin ang matris sa pamamagitan ng “dilation and curettage” (D & C), na nagsasangkot ng maingat na pagkayod sa mga gilid ng matris.
Ganito ang paliwanag ng Hukuman: “Ang operasyon ay hindi naging madali. Humigit-kumulang 1 oras pagkatapos ng operasyon, si Mrs. Shorter ay nagkaroon ng internal na pagdurugo at dumanas ng pagkabigla (shock). Ang emergency exploratory na operasyon na isinagawa ng ibang mga seruhano ay nagsisiwalat na malubhang sinugatan ni Dr. Drury ang matris ni Mrs. Shorter.” Siya ay namatay dahil sa labis-labis na pagdurugo.
“Pagkatapos noon ipinagsakdal ni Mr. Shorter ang mali at nakamamatay na pagkilos na ito na pinaninindigang ang kawalang-ingat ni Dr. Drury ang dahilan ng kamatayan ni Mrs. Shorter . . . Nasumpungan ng hurado na si Dr. Drury ay walang ingat at na ang kaniyang kawalang-ingat ang ‘dahilan ng kamatayan ni Doreen Shorter’. Ang bayad-pinsala ay nagkahalaga ng $412,000.” Gayunman, ipinasiya ng hurado na ang paninindigan ng mga Shorter ay may bahagi sa naging resulta, kaya ang hatol ay binago tungo sa $103,000.
Ang isang mahalagang isyu ay ang bisa ng isang dokumento na nag-aalis ng pananagutan dahilan sa hindi paggamit ng dugo, gaya ng pinirmahan ng mga Shorter. Angkop ba para sa mga Saksi ni Jehova na pumirma ng gayong mga dokumento?b Iniingatan ba nito ang mga doktor at mga ospital na nasasangkot? Gayundin, inaalisan ba ng gayong mga dokumento ang mga manggagamot ng lahat ng pananagutan, pati na ang kawalang-ingat (maling paggagamot) sa panahon ng operasyon?
Ganito ang sabi ng Korte Suprema ng Estado: “Taglay ang partikular na mga problemang nakakaharap kapag ang isang pasyente, sa relihiyosong mga kadahilanan, ay tumatangging pasalin ng dugo, naniniwala kami na ang paggamit ng dokumento na nag-aalis ng pananagutan sa doktor o ospital na gaya ng pinirmahan dito ay angkop. . . . Ang mapagpipilian ng mga manggagamot o ng mga ospital na huwag gamutin ang mga Saksi ni Jehova ay laban sa isang lipunan na nagtatangkang iparating ang medikal na pangangalaga nito sa lahat ng membro nito.
“Kami’y naniniwala na ang paraan na ginamit dito, ang kusang paggawa ng isang dokumento na nag-iingat sa manggagamot at sa ospital at sa pasyente ay isang angkop na mapagpipilian at hindi labag sa kapakanan ng publiko.”
Gayunman, maaaring itanong mo, ‘Ano kung ang seruhano ay may sala ng kapabayaan o kawalang-ingat sa panahon ng pag-oopera? Siya ba ay may pananagutan sa maling paggagamot na iyon?’
Pansinin kung ano ang sinabi ng Hukuman: “Samantalang tinanggap ni Mrs. Shorter ang mga konsikuwensiya na ibubunga ng pagtangging tumanggap ng pagsasalin ng dugo, hindi niya tinanggap ang mga kahihinatnan ng kawalang-ingat ni Dr. Drury na, gaya ng natuklasan ng hurado, ay siyang dahilan ng kamatayan ni Mrs. Shorter.”
Dapat mong malaman na apat sa siyam na membro ng Korte Suprema ng Estado ay naniniwala na ang hatol ay hindi dapat babaan sa ilalim ng pangangatuwiran na “shared risk.” Sulat nila: “Ang dokumentong tumatangging tumanggap ng pagsasalin ng dugo na nilagdaan ng mga Shorter ay kumakatawan sa kanilang pagsang-ayon na nag-aalis ng pananagutan kay Dr. Drury sa kaniyang tungkulin na magsalin ng dugo kung kinakailangan nang maingat na pagsasagawa ng operasyon. . . . Kung isinagawa ni Dr. Drury ang operasyon nang buong ingat at gayunman si Mrs. Shorter ay namatay dahil sa labis na pagdurugo, ang doktor ay walang pananagutan sa kasong ito.” Gayunman . . .
“Ang mga panganib sa pagsasagawa ng D & C ay hindi lubos na ipinaliwanag sa mga Shorter; at hindi ipinabatid sa kanila na may tatlong paraan ng pagsasagawa nito, ni sila man ay sinabihan na ang paraan na binabalak gamitin ni Dr. Drury ay siyang paraan na malamang ay magbunga ng pagkakasugat-sugat ng matris at labis-labis na pagdurugo.” Kaya ang hatol ng mga hukom na ito ay: “Ang kapabayaan o kawalang-ingat ni Dr. Drury ay nagpalala sa kalagayan ni Mrs. Shorter anupa’t ikinamatay niya ang labis na pagdurugo; sa gayon, ang ‘laki’ ng panganib ay dumami.” Inaakala ng mga hukom na ito na ang kabuuang $412,000 ay dapat ibalik.
Nakikita ng mga manggagamot at mga awtoridad sa ospital mula sa mga kaso nina Randolph at Shorter na kinikilala ng mga hukuman na ang paggamot sa mga Saksi ni Jehova samantalang ginagamit ang mga dokumento na nag-aalis ng pananagutan ay “angkop.” Ang gayong mga dokumento ng pagtanggi sa pagpapasalin ng dugo ng isang adulto ay maaaring igalang kahit na ang nasasangkot ay minor de edad na mga bata at mga kamag-anak na hindi Saksi. Subalit gaya ng sabi ng opinyong Shorter: “Gayunman, ang gayong pagpapalaya ay hindi nagsasanggalang sa mga napalaya sa pananagutan sa kanilang sariling kapabayaan o kawalang-ingat sa paggamot sa pasyente.” Iyan ay makatuwiran kapuwa sa doktor at sa pasyente.
Sa mga kaso nina Randolph at Shorter, ang maling paggagamot ay nagbunga ng kamatayan. Gayunman sa isang kaso kamakailan ang resulta ay mas maligaya.
Ang Kaso ni Jackson—Ang Ina at Anak na Babae ay Nasa Mabuting Kalagayan
Si Ernestine Jackson ay mga 26 na linggo nang nagdadalang-tao nang magsimula ang pagdaramdam sa panganganak noong Pebrero 1984. Nasumpungan ng pangkat ng mga manggagamot sa Mercy Hospital sa Baltimore, Maryland, na dahilan sa dating operasyon at sa posisyon ng sanggol sa bahay-bata may panganib na pumutok ang kaniyang matris. Mahigpit na inirekomenda nila ang cesarean na pagsisilang. Ang mag-asawang Jackson ay nagbigay ng pahintulot, subalit hiniling nila na walang pagsasalin ng dugo. Tinatanggap nila ang Kristiyanong mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, na nakikipag-aral sa kanila ng Bibliya.
Ipinayo ng pangkat ng mga manggagamot sa Katolikong ospital na may 50-porsiyentong tsansa na si Mrs. Jackson ay mangangailangan ng pagsasalin ng dugo. Nang siya ay “matatag na tumangging makipagkompromiso,” hiniling ng ospital kay Hukom Greenfeld ng Circuit Court na mag-atas ng isang katiwala na awtorisadong magpahintulot ng pagsasalin ng dugo. Pagkatapos ng paglilitis sa tabi ng kama, ipinagkait ni Hukom Greenfeld ang kahilingan ng ospital.
‘Ano ang nangyari?’ maaaring itanong mo. Bueno, dahilan sa kakulangan ng pahintulot na gumamit ng dugo, isinagawa ng mga doktor ang cesarean na operasyon. Walang dugo ang kinailangan o ginamit. Kapuwa ang ina at ang anak na babae ay nakaligtas at nang malaunan ay umuwi ng bahay. Sila ay nasa mabuting kalagayan.
Wari bang diyan nagtatapos ang bagay na ito. Subalit hindi ito nagtapos diyan. Ang ospital ay naghabol, salig sa isyu na: “Nagkamali ba ang . . . hukumang (pansirkito) sa pagpapasiya na ang isang may kakayahan, nagdadalang-taong adulto ay may higit na karapatan na tumanggi sa pagsasalin ng dugo salig sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala sa iniharap na mga kalagayan?”
Inamin ng Court of Special Appeals sa Maryland3 na ang isyu ay hindi na mahalaga sapagkat si Mrs. Jackson at ang kaniyang anak ay nakaligtas sa operasyon nang walang ginagamit na dugo. Subalit ipinasiya ng Hukuman na isaalang-alang ang paghahabol, yamang ang gayong mga kaso ay maaaring bumangon.
Napansin ng Hukuman na ikinakatuwiran ng Mercy Hospital na ito ay pinatatakbo ng ordeng Katoliko at “nakatalaga sa pag-iingat ng buhay.” Gayunman, sinabi ng Hukuman na ang Mercy Hospital ay hindi “makapagrireklamo na ang relihiyosong mga paniniwala ni Mrs. Jackson ay ipinagtatanggol sa kapinsalaan ng ospital . . . Ang kalayaan sa relihiyon ay nangangahulugan ng karapatan na itaguyod ang relihiyosong mga paniniwala ng isa nang hindi hinahadlangan ang anumang ibang relihiyon, di-relihiyoso o ang pamahalaan.”
Kumusta naman ang kapakanan ng Estado? “Ang Estado ng Maryland . . . ay nakibahagi sa paghahabol na ito sa pamamagitan ng paghaharap ng isang nasusulat na dokumento na gaya ng amicus curiae, sa kabila ng paggigiit ng Mercy Hospital sa kabaligtaran, itinuturo na ang anumang kapakanan ng Estado sa pag-iingat ng buhay ay hindi naman kinakailangang walang takda.” Higit pa riyan, binanggit ng Hukuman na ang batas ng Maryland “ay naglalaman ng isang mariing utos na ang disisyon o pasiya ng pasyente tungkol sa uri ng paggagamot na pipiliin ng pasyente ay mas mahalaga. Ang batas ay nagsasabi pa na, sa pangwakas na pagsusuri, ang pasyente ang siyang magpapasiya kung magkakaroon pa kaya ng anumang paggagamot.”
Pansinin ang konklusyong ng Hukuman: “Sa pagkakait niya sa kahilingan ng Mercy Hospital para sa isang katiwala kay Mrs. Jackson, ganito ang sabi ni Hukom Greenfeld: ‘Naniniwala ang Hukumang ito na ang isang may kakayahan, nagdadalang-taong adulto ay may karapatang tumanggi sa pagsasalin ng dugo ayon sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala, kung ang gayong pasiya ay may kabatiran at kusang ginagawa at hindi magsasapanganib sa pagsisilang, kaligtasan o suporta sa sanggol na nasa sinapupunan. Ang konklusyong ito ay kasuwato ng karapatan ng pasyente sa may kabatirang pagsang-ayon sa paraan ng paggagamot . . . at ang karapatan na tumanggi sa paraan ng paggagamot na iyan.’ Kami ay sumasang-ayon. PINAGTIBAY ANG HATOL.”—Abril 4, 1985.c
Ang mga kasong ito ay totoong mahalaga. Binibigyan-diin nito na ang bawat isa sa atin ay may karapatan na magpasiya sa paraan ng paggagamot at na ang ating pasiya ay maaaring magpabanaag ng ating taimtim na relihiyoso o etikal na mga paniniwala. Makikita pa ng mga doktor at mga ospital na maaari nilang ligtas na ilaan ang walang pagtatanging medikal na pangangalaga na nais nila para sa lahat. Habang ginagawa nila ang gayon, masusumpungan nila na ang mga Saksi ni Jehova ay matulungin, mapagpahalagang mga pasyente na ang malakas na pagnanais mabuhay ay isang mahalagang bagay sa kanilang paggaling.
[Mga reperensiya]
1. Randolph v. City of New York, N.Y.L.J., Oct. 12, 1984, at 6, col. 4 (N.Y. Sup. Ct. Oct. 1, 1984)
2. Shorter v. Drury, 103 Wash. 2d 645, 695 P.2d 116 (1985)
3. Mercy Hospital, Inc. v. Jackson, 62 Md. App. 409, 489 A.2d 1130 (Md. Ct. Spec. App. 1985)
4. St. Mary’s Hospital v. Ramsey, 465 So. 2d 666 (Fla. Dist. Ct. App. 1985)
[Mga talababa]
a Para sa pagtalakay ng relihiyoso at etikal na mga kadahilanan, tingnan ang Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood, (1977), inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang American Medical Association ay naglalaan ng isang dokumento na nag-aalis ng pananagutan sa Medicolegal Forms With Legal Analysis (1976), pahina 85. Malawakang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang dokumentong ito.
c Noong Marso 27, 1985, ang kahawig na disisyon ay naabot ng Fourth District Court of Appeal ng Florida.4 Pinagtibay nito na kahit na sa isang nagbabanta-buhay na kalagayan ang pagsasalin ay maaaring tanggihan ng isang 27-anyos na lalaki bagaman siya ay nagtataguyod ng isang minor de edad na bata. Sabi pa nito: “Higit pa riyan ang mga pagsasalin ng dugo ay may panganib at napansin ng hukuman ang malubhang mga resulta, marahil ay kasuklam-suklam sa tumanggap ng pagsasalin, na maaaring bumangon sa pagsasalin ng maruming dugo.”