Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 4/8 p. 4-7
  • Ang Pangitain Para sa Kapayapaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pangitain Para sa Kapayapaan
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Pinakadakilang Tagumpay o ang Pinakamalaking Kapahamakan”
  • “Ang Bituin sa Bethlehem ay Muling Sumisikat”
  • Ang Liga at ang Iglesya Katolika
  • “Ang Liga ng mga Bansa ay Nauugat sa Ebanghelyo”
  • Ang Wakas ng Isang Pangitain
    Gumising!—1986
  • Isang Pangitaing Tinanggihan
    Gumising!—1986
  • Kung Bakit Bumangon ang Pangangailangan sa Isang Liga
    Gumising!—1991
  • Malapit Nang Magwakas ang Mahabang Kasaysayan ng mga Kapangyarihan ng Daigdig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 4/8 p. 4-7

Ang Pangitain Para sa Kapayapaan

NOONG 1916, bago pa man mapasangkot sa digmaan ang Estados Unidos, sinimulang itaguyod ni Wilson ang kaniyang pangitain tungkol sa isang permanenteng kaayusan upang tiyakin ang kapayapaan sa lupa. Sang-ayon sa manunulat ng talambuhay na si Gene Smith, nakinikinita niya “ang pagtatatag ng isang Liga ng mga Bansa na magiging isang tipunang dako (forum) para sa paggawad ng katarungan sa lahat ng tao at pawiin ang banta ng digmaan magpakailanman.” Pagkatapos noong 1917, samantalang ang Estados Unidos ay nakikipagdigma, masigasig niyang itinaguyod ang inaasahan niyang magiging isang walang hanggang kapayapaan at ang pinakatugatog na kaluwalhatian ng kaniyang karera.

Itinalaga niya ngayon ang kaniyang lakas sa pagpapalaganap ng kaniyang mensahe ng Liga ng mga Bansa, gaya ng pagkaunawa niya rito. Nilayon niya ang isang “kapayapaan nang walang tagumpay” kung saan hindi magkakaroon ng isang nalupig na bayang Aleman kundi, bagkus, ng ibinagsak na militaristiko, awtokratikong mga pinuno.

Bilang saligan sa mga negosasyon ukol sa kapayapaan, itinatag niya ang kaniyang bantog na Fourteen Points. Binubuo ito ng limang pangkalahatang mga mithiin para igalang ng lahat ng naglalabang mga bansa, pati na ang walong mga punto na may kinalaman sa espisipikong pulitikal at teritoryal na mga suliranin. Ang ika-14 na punto ang pinakamahalaga, yamang kinakatawan nito ang pinakabuod ng krusada o kampanya ni Wilson​—ang pagtatatag ng isang Liga ng mga Bansa.

“Ang Pinakadakilang Tagumpay o ang Pinakamalaking Kapahamakan”

Kumbinsidung-kumbinsido siya na itinataguyod ng Diyos ang kaniyang proyekto anupa’t iginiit niya ang pagdalo sa Paris Peace Conference noong 1919​—ito’y sa kabila ng katotohanan na inaakala ng maraming pulitikal na mga kaibigan na ang pangulo ng Estados Unidos ay dapat na manatiling independiyente sa mga negosasyon ukol sa kapayapaan. Naniniwala siya na nasa likuran niya ang mga tao sa daigdig kahit na hindi siya itinataguyod ng lahat ng mga pulitiko. Kumbinsido siya na siya ang instrumento ng Diyos para sa kapayapaan. Siya, higit kaninuman, ay kailangang magtungo sa Paris.

Ipinagtapat niya sa kaniyang pribadong kalihim, si Tumulty: “Ang paglalakbay na ito ay magiging alin sa pinakadakilang tagumpay o pinakamalaking kapahamakan sa buong kasaysayan; subalit naniniwala ako sa Paglalaan ng Diyos . . . Naniniwala ako na walang sinumang tao, gaano man nila pagsama-samahin ang kanilang lakas o ang kanilang impluwensiya, ang makatatalo sa dakilang pandaigdig na proyektong ito.” (Amin ang italiko.) Gaya ng sabi ng isang awtoridad: “Ang Pangulo ay disididong gamitin ang kaniyang kapangyarihan at karangalan na mapalakip ang isang plano para sa Liga ng mga Bansa sa pangwakas na kasunduan sa kapayapaan.”

Noong Nobyembre 1918, ang mga hukbong Aleman ay nasa punto ng pagkatalo. Sila ay inalok ng isang armistisyo na magwawakas sa digmaan. Ang mga negosasyon ay sinimulan na nagsasangkot sa Welsh na Punong Ministro ng Britaniya na si Lloyd George, ang matipunong Primyer na Pranses na si Georges Clemenceau, ang edukadong Italyanong Punong Ministro Vittorio Orlando, at ang di-malirip na kinatawang Hapones, si Konde Nobuaki Makino. Si Wilson ay determinadong kumbinsihin sila na ang kaniyang Liga ang tanging lunas sa mga suliranin ng Europa gayundin ng sa daigdig.

“Ang Bituin sa Bethlehem ay Muling Sumisikat”

Si Wilson ang bayani ng bayan habang naglalakbay siya sa Europa bago ang Peace Conference sa Paris. Gaya ng isinulat ni Herbert Hoover nang dakong huli: “Siya ay tinanggap saanman taglay ang halos relihiyosong sigla . . . Ang masigabong palakpakan at sigawan ay mahigit pa kaysa naranasan ng sinumang mortal na tao.” Ang kaniyang pangunguna at pangitain tungkol sa kapayapaan ay pumukaw sa karamihan ng mga tao. Nang panahon ng kaniyang paglalakbay sa Italya, ang mga pulutong ay nagsigawan, “Viva Wilson, Diyos ng Kapayapaan.” Halos ang sobrenatural na mga kapangyarihan ay ipinatungkol sa kaniya. Sabi pa ni Hoover: “Sa kanila, walang gayong tao ng moral at pulitikal na kapangyarihan at walang gayong tagapagdala ng mabuting balita ng kapayapaan ang lumitaw sapol nang ipangaral ni Kristo ang Sermon sa Bundok. . . . Ito ang bituin sa Bethlehem na muling sumisikat.”

Maliwanag na naniniwala si Wilson taglay ang ebanghelistikong sigasig sa kaniyang misyon na magtatag ng kapayapaan sa lupa. Ang manunulat na si Charles L. Mee ay nagsasabi: “Minsan ay pinahanga niya sina Lloyd George at Clemenceau sa pagpapaliwanag kung paanong ang liga ay magtatatag ng isang kapatiran ng tao kung saan nabigo ang Kristiyanismo. ‘Bakit,’ gunita ni Lloyd George na sabi ni Wilson, ‘hindi nagtagumpay si Jesu-Kristo sa pag-udyok sa daigdig na sundin ang Kaniyang mga turo tungkol sa bagay na ito? Ito’y dahilan sa itinuro Niya ang mithiin nang hindi gumagawa ng anumang praktikal na paraan upang makamit ito. Iyan ang dahilan kung bakit iminumungkahi ko ang isang praktikal na plano upang isagawa ang Kaniyang mga layunin.’”​—The End of Order, Versailles 1919.

Tiyak, si Wilson ay itinaguyod mula sa maraming dako. Binati ng kalihim ng Hukbong-dagat ng E.U., si Josephus Daniels, ang paglalathala sa plano ng Tipan ng Liga ng mga Bansa sa ganitong mataas na papuri: “Ang plano sa Liga ng Kapayapaan ay halos kasimpayak ng mga Talinghaga ni Jesus at halos nagbibigay-liwanag at nakapagpapatibay rin na gaya nito. Panahon na upang irepike ang mga kampana sa simbahan, upang magsiluhod ang mga mangangaral, upang magsaya ang mga estadista, at upang ang mga anghel ay umawit, ‘Kaluwalhatian sa Diyos sa Kaitaasan!’”

Ang Liga at ang Iglesya Katolika

Nagsiluhod ba ang mga mangangaral? Ang ilan ay totoong mabilis na pinapurihan ang Liga na siyang kasagutan ng Diyos sa mga suliranin ng tao. Halos agawan ng eksena ni Papa Benedict XV si Wilson noong Agosto 1917 nang, sang-ayon sa manunulat na si John Dos Passos, siya ay nagsumamo sa naglalabang mga bansa “na makipagpayapaan nang walang tagumpay, sa katulad halos na mga terminong binanggit sa mga talumpati ni Woodrow Wilson bago ang Amerika ay pumasok sa digmaan.” Gayunman, inakala ni Wilson na siya’y abalang-abala sa pakikipagdigma upang pansinin ang papa​—yaon ay, hanggang nang matanggap niya ang isang mahalagang liham mula kay Koronel House, ang kaniyang personal na ayudante. Ganito ang sabi:

“Lubha ko pong nababatid ang kahalagahan ng situwasyon ng akin pong muling paggambala sa inyo . . . Naniniwala po ako na kayo ay may pagkakataon na kunin ang mga negosasyon o pag-aayos ukol sa kapayapaan mula sa mga kamay ng Papa at ingatan ito sa inyong mga kamay.”

Kumilos agad si Wilson upang tiyakin na hindi niya naiwala ang pangunguna. Ang pangitain ng Liga ng mga Bansa ay kaniya, hindi sa papa. At siya ang magpapatupad nito.

Gayumpaman, itinaguyod ng Iglesya Katolika ang Liga. Si Kardinal Bourne, ang Arsobispong Katoliko ng Westminster hanggang noong katapusan ng 1934, ay nagsabi: “Tandaan na ang Liga ng mga Bansa, anumang pagkukulang mayroon ito, ay isinasagawa ang pagnanais ng Iglesya Katolika para sa Kapayapaan, at isinasagawa ang mga kagustuhan ng ating Banal na Ama, ang Papa.”

“Ang Liga ng mga Bansa ay Nauugat sa Ebanghelyo”

Ang mga klerong Protestante ay hindi nagsawalang-kibo sa kanilang pagsuporta sa Liga. Ang The New York Times noong Enero 11, 1920, ay nag-ulat: “Ang mga kampana sa simbahan sa London sa gabing ito ay nagrepike bilang pagdiriwang sa pagpapatibay ng kapayapaan sa Alemanya at ang opisyal na pag-iral ng Liga ng mga Bansa.”

Isang pulyetong inilathala sa Inglatera sa ilalim ng pamagat na The Christian Church and the League of Nations ay nagsabi: “Itinataguyod ng Iglesya Kristiyana sa Gran Britaniya ang Liga ng mga Bansa. Narito ang Pagpapatunay na ginawa ng mga Arsobispo ng Canterbury at York, tatlumpu’t-limang Diosesanong mga Obispong Ingles, ang Tagapangulo ng Church of Scotland, at opisyal na mga kinatawan ng lahat ng Malayang mga Iglesya sa Inglatera:

“Kami ay kumbinsido:

“(1) Na ang Diyos sa panahong ito ay tinatawag ang mga bansa sa daigdig na matutong mamuhay bilang isang pamilya;

“(2) Na ang makinarya sa internasyonal na pagtutulungan na inilalaan ng Liga ng mga Bansa . . . ang nagbibigay ng pinakamabuting paraan sa pagkakapit ng mga simulain ng Ebanghelyo ni Kristo upang ihinto ang digmaan, maglaan ng katarungan, at isaayos ang kapayapaan.”

Bago pa ang nabanggit, noong Disyembre ng 1918, ang Federal Council of the Churches of Christ in America ay naglabas ng isang deklarasyon na nagsabi sa bahagi: “Bilang mga Kristiyano mahigpit na inirirekomenda namin ang pagtatag ng isang Liga ng Malayang mga Bansa sa dumarating na Peace Conference. Ang gayong Liga ay hindi lamang isang pulitikal na bagay; bagkus ito ang pulitikal na kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” (Amin ang italiko.) Saka ito nagpatuloy sa pagsasabing: “Ang Iglesya ay maraming maibibigay at maraming pakikinabangin. Maaari itong magbigay ng isang makapangyarihang pagpapahintulot sa pamamagitan ng pagbibigay sa bagong internasyonal na kaayusan ng isang bagay ng makahulang kaluwalhatian sa Kaharian ng Diyos. . . . Ang Liga ng mga Bansa ay nauugat sa Ebanghelyo.”

Kung ang Liga ay tunay na “nauugat sa Ebanghelyo” at tunay na isang “kapahayagan ng Kaharian ng Diyos,” kung gayon ipababanaag ng tadhana ng Liga kapuwa ang Ebanghelyo at ang Kaharian. Si Wilson ba ay pangahas sa paniniwala na siya ang instrumento ng Diyos upang magdala ng permanenteng kapayapaan sa mga bansa? At mas mahalaga pang tanong, Itinataguyod ba ng Diyos ang Liga ng mga Bansa?

[Kahon sa pahina 6]

Magkalabang Panig sa Europa​—Digmaang Pandaigdig I (1914-18)

Central Powers Allied Powers

Alemanya Gran Britaniya

Austria-Hungary Pransiya

Bulgaria Rusya (hanggang 1917)

Turkey Italya, Romania, Gresya

Serbia, Poland, Belgium

Portugal, Albania, Finland

[Larawan sa pahina 5]

Si Wilson ay popular lalo na sa Europa

[Pinagmulan]

U.S. National Archives

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share