Pagmamasid sa Daigdig
Nakamamatay na Cocaine
Ang cocaine ay mas nakamamatay at higit na nakapagpapasugapa kaysa heroin, natuklasan ng isang bagong pag-aaral. Iniuulat ng isang labas kamakailan ng Journal of the American Medical Association na “sa mga dagang binigyan ng heroin o cocaine, ang cocaine ay tatlong ulit na nakamamatay sa kanila kaysa heroin.” Hanggang nitong kamakailan, ang paggamit ng cocaine ay itinuturing ng marami na totoong ligtas, subalit ang mga mananaliksik, sina Michael Bozarth at Roy Wise ng Concordia University sa Montreal, Canada, ay nagsasabi sa kanilang report na “ang lason ng cocaine ay minaliit.” Sang-ayon kay William Pollin, direktor ng National Institute on Drug Abuse sa Estados Unidos, “ang cocaine ngayon ay kinikilalang isa sa pinakamapanganib sa ipinagbabawal na droga na karaniwang ginagamit.” Sabi pa niya na ang pananaliksik kamakailan ay umaakay “sa konklusyon na ito ay isang malakas na nakapagpapasugapa.”
AIDS mula sa Gatas ng Ina
Sang-ayon sa pahatid-balita ng Reuters, si Dr. Julian Gold (ng pambansang AIDS task force ng pamahalaan ng Australia) ay nagsabi na sa Sydney isang sanggol na lalaki ay nagkaroon ng AIDS. Ito ay isang nakamamatay na sakit na sumisira sa sistema ng imyunidad ng katawan. Ang sanggol, ngayo’y mahigit nang isang taóng gulang, ay malamang na nakakuha ng AIDS pagkaraang pasusuhin ng kaniyang ina. Kung gayon, siya ang kauna-unahang tao na nakaulat na nagkaroon ng AIDS sa ganitong paraan. Ang ina ay tumanggap ng virus ng AIDS mula sa isang pagsasalin ng dugo pagkatapos manganak.
Sinabi ni Dr. Martha Rogers mula sa Centers for Disease Control, Estados Unidos, sa Awake! na “tatlong-ikaapat ng mga sanggol na may AIDS ay nakuha ito mula sa kanilang ina, samantalang nasa bahay-bata o sa pagkadaiti sa dugo ng ina sa panahon ng pagsilang.” Sinabi rin niya na posibleng mailipat ang AIDS sa pamamagitan ng gatas ng ina.
Pagsawata ng Intsik sa Daga
Ang pagkain ng bistik na daga at ang pagsusuot ng sapatos na yari sa balat ng daga ay popular sa ilang bahagi ng lalawigan ng Tsina at mabuting paraan upang sawatain ang mga daga, ulat ng wikang-Ingles na pahayagang China Daily. “Sa Lalawigang Fujian, sinabi ng lokal na mga tao na ang bistik na daga ang pinakamasarap na bistik sa daigdig,” susog pa ng wikang-Intsik na pahayagang Economic Information. Sang-ayon sa China Daily, isang pabrika sa timog-kanlurang Tsina ay gumagawa ng mga sapatos ng bata na mula sa mga balat ng daga, “isang mahusay na materyales para sa sapatos dahilan sa maganda at malambot, makintab na kayarian nito.” Ang mga daga ay sinasabing kumukunsumo ng 15 milyong tonelada ng binutil sa Tsina taun-taon.
“Bulimia” sa mga Tin-edyer
Ang sakit sa pagkain na tinatawag na bulimia (di-normal at masidhing paghahangad ng pagkain) ay dinaranas din ng mga batang babae sa high school, hinuha ng isang pag-aaral nina Mary D. Van-Thorre at Francis X. Vogel na inilathala sa Adolescence. Ang mga taong may bulimia ay labis-labis kumain, karaniwang sinusundan ng pagpurga—sa pamamagitan ng pagpapasuka sa sarili o sa paggamit ng maraming laksante. Ang posibilidad sa ganitong diperensiya sa gana, dating inaakala na isang problema na karaniwan sa mga dalaga sa kolehiyo ay nasumpungan din sa mga babae sa lahat ng etnikong grupo na ang edad ay 14-18. “Isa pang mahalagang tuklas,” sabi ng report, “ay may kinalaman sa lahi.” Inaakala na ang karamdaman ay nakakaapekto lamang sa puti, nakatataas na uring mga babae, subalit ipinakikita ng pag-aaral na “ang kainaman-uring itim na mga babae ay nagpapakita rin ng mga sintomas ng bulimia na katulad niyaong sa mga puting babae.”
“Mapait na Bunga”
Inuulat ng pahayagang Aleman na Offenback-Post na nasumpungan ng komite ng pulisya sa Frankfurt na binuo upang suriin ang mga pangkat ng marahas na mga kabataan na ang mga kabataan na nanggugulo ay ginagawa iyon hindi dahilan sa pangangailangan ni dahilan sa mahirap na mga kalagayan sa tahanan. Bagkus, “ang mga 15-hanggang-19-taóng-gulang na mga inaresto ngayon sa mga kaguluhan sa lansangan ay karamihan mga anak ng mga nagpoprotesta noong 1968 na isinama ang kanilang mga anak sa lahat ng mga demonstrasyon,” sabi ng ulat. “Ang mga batang ito ay napakain ng isang saloobin ng pagprotesta mula pa sa gatas ng kanilang ina. Ang eksperimento ay isang tagumpay. . . . Ipinagmamalaki ng may kabataang mga ama at ina noong 1968 ang laban sa awtoridad na pagpapalaki nila ng kanilang mga anak. Sa ngayon ang mga magulang ding ito, kung tapat sa kanilang sarili, ay hindi magtataka kung ipatikim sa kanila ng kanilang mga anak ang kanila mismong gamot sa anyong ito ng pagpapalaki ng mapait na bunga.”
Ang Pangmalas ng Klero sa Sekso
Tinanong ng dalawang abugado, sina G. Sidney Buchanan at Mark Johnson, mula sa University Park Law Center ng University of Houston sa Estados Unidos, ang 469 relihiyosong mga guro at mga pastor tungkol sa seksuwal na mga gawain. Mga 40 porsiyento lamang ng mga klerigo na tumugon ang naniniwala na ang pakikiapid ay isang kasalanan. Binanggit nina Buchanan at Johnson sa Psychology Today na nasumpungan ng kanilang pagsusuri na mas madali para sa mga klerigo na mangaral na “ang pakikiapid ay imoral kaysa sabihin ang gayunding bagay kay Juan at Maria na sa pana-panahon ay nakikiapid at lumalapit sa iyo para sa pagpapayo at moral na patnubay.”
Pagsupil sa Paglalaba ng Selyo
“Sa ngayon, may mga taong naglalaba ng mga selyo sa kanilang mga silong, at ito ay darami lamang,” sabi ng may-ari ng tindahan na si David A. Schmidt, na nagbibili ng nilabhang mga selyo—hanggang sa siya ay mahuli ng gobyerno. “Makisali kayo sa pinakabagong daluyong ng krimen—paglalaba ng selyo,” sabi ng The Wall Street Journal. Karaniwan nang kinukuha ng mga tagapaglaba ang gamít na mga selyo mula sa mga basurahan o sa mga tirahan ng mga nagretiro at mga kawanggawa na handang magbili nito sa kanila. Karaniwan na, ibinababad ng mga naglalaba ang mga sobre sa mainit na tubig upang alisin ang mga selyo at ibabad ang mga selyo sa pampaputi upang alisin ang mga marka ng koreo. Ang hindi natatakang mga selyo—isang resulta ng may depektong mga makina sa koreo—ay gumagawa sa paglalaba na mas madali. Subalit ang pagbibili at paggamit ng mga selyong ito ay isang kasalanang pederal. Mula noong dakong huli ng 1983, ang mga awtoridad sa koreo ay nakasamsam ng mahigit na $13 milyong na halaga ng kontrabandong mga selyo.
Mga Babae Bilang Klero
Ang natatangi sa mga lalaki na pagkapari sa Church of England ay malamang na gumuho. Ang General Synod ng Iglesya ay nagpasiya na ipahintulot ang ordinasyon ng mga babae sa pinakamababang ranggo ng Anglicanong klero—diakono. Sa hirarkiyang Anglicano, ang diakono ay isang baitang ang pagitan sa pagiging isang pari. “Ang mga diakonong babae ay magiging membro ng klero, tatawaging ‘reberendo’ at maaaring magsagawa ng pagkakasal at mga bautismo, subalit hindi pa rin sila makapagsasagawa ng banal na kumonyon,” sabi ng Archdeacon Michael Perry ng Durham. Ang Kumonyong Anglicano ay nag-ordina na ng mga babae bilang mga pari sa Uganda, Kenya, New Zealand, Hong Kong, at Canada, at sa Iglesya Episcopal sa Estados Unidos.
Ang TV at ang Labis na Katabaan
Ang labis na panonood ng telebisyon ay nakatutulong sa labis na katabaan ng mga kabataan, ulat ng isang pangkat ng mga mananaliksik sa Harvard na pinag-aralan ang mga manonood ng telebisyon na 6 hanggang 11 taóng gulang. Ang labis na katabaan sa mga batang ito—karaniwan nang 15 porsiyento—ay sumulong ng 2 porsiyento sa bawat karagdagang oras na ginugugol nila sa harap ng telebisyon araw-araw. Bakit? Sapagkat ang mga kabataan na parang nakadikit na sa telebisyon ay nagmimirienda nang higit at hindi gaanong nag-eehersisyo. Sabi ni Dr. William H. Dietz, Jr., isa sa mga mananaliksik: “Ang mga bata ay nanonood ng telebisyon ng mga 25 oras isang linggo, at iyan ay 25 oras na sila ay hindi gumagawa ng iba, mas aktibong mga bagay.”
Dapat Ko bang Paluin ang Aking Anak?
Samantalang ang karamihan ng mga dalubhasa sa pangangalaga ng bata ay hindi sumasang-ayon sa pagpalo, 88 porsiyento ng mga magulang sa Estados Unidos ay pinapalo ang kanilang mga anak, sang-ayon sa isang surbey ng Family Research Laboratory ng University of New Hampshire. Iminumungkahi ng isang lumalagong bilang ng mga sikologo na ang mga magulang ay gumamit ng mapamimilian na mga paraan sa pagdisiplina. “Ang pagpalo ay hindi kailanman isang mabuting kahalili ng komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at ng bata,” sabi ni Dr. Kenneth Kaye, isang katulong na propesor ng clinical psychology sa Northwestern University Medical School. Salungat sa mga sikologong ito ay isang ina ng tatlong mga bata, na edad 4 hanggang 8, na nag-aakalang ang pagpalo ay nakabubuti sa pakikipagtalastasan: “Ang ibang uri ng parusa ay waring hindi mabisa sa kanila.”