Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 4/22 p. 12-14
  • Paano Ko Makakasundo ang Aking Guro?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Makakasundo ang Aking Guro?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ginintuang Tuntunin sa Klase
  • ‘Inis sa Akin ang Aking Guro’
  • Kung Paano Pananatilihin ang Kapayapaan
  • ‘Karapat-dapat Akong Tumanggap ng Mas Mataas na Marka’
  • Ipaalam Mo sa Iyong mga Magulang
  • Papaano Ko Pakikisamahan ang Aking Guro?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Paano Ako Matututo Kung ang Aking Guro ay Kabagut-bagot?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 4/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Makakasundo ang Aking Guro?

“ANG isang mabuting guro,” sabi ng guro sa high school na si Barbara Mayer, “ay maaaring hamunin ka na abutin at tuklasin ang talino at kakayahan na hindi mo alam na umiiral, at siya ay maaaring maging isang patnubay at isang kaibigan pa nga na nakakaunawa at talagang ninanais ang pinakamabuti para sa iyo.”

Sa kabilang dako, ang isang guro ay maaari ring maging gaya ng tinawag ng manunulat na si Theodore Clark na “isang bagay na kinatatakutan at ikinababalisa.” Ganito ang paliwanag ni Clark: “Ang mga guro sa paaralan ay totoong makapangyarihan. Maaari nilang bigyan ng marka ang mga estudyante, ipahiya sila, hamakin sila, at kusang lumikha ng pagkabalisa.” Sa kabutihang palad, ang karamihan ng mga guro ay talagang nababahala sa kanilang mga estudyante at makatuwiran. Gayunman, may ilang guro na kung minsan ay maaaring maging malupit, hindi makatuwiran, at may kinikilingan. Maaaring gawin ng gayong mga guro ang iyong buhay na miserable.

Tinulungan tayo ng naunang artikulo na maunawaan na nakakaharap ng mga guro ang pambihirang mga panggigipit at mga suliranin na kung minsan ay maaaring makaapekto sa kanilang paggawi sa loob ng klase.a Ano, kung gayon, kung waring paulit-ulit na pinag-iinitan ka ng isang guro o bigyan ka ng inaakala mong hindi karapat-dapat na mababang mga marka?

Ang Ginintuang Tuntunin sa Klase

Sabi ng The Family Handbook of Adolescence: “Ang mga estudyante na . . . waring sa pamamagitan ng kanilang mga pagkilos ay minamaliit ang mga paniniwala ng guro ay karaniwan nang minamaliit din.” Oo, ang napopoot na guro ay kadalasang hinuhubog ng kaniyang mga estudyante!

Isaalang-alang ang mga epekto ng malupit na mga kalokohan sa klase. Sinasabi sa atin ng aklat na Listen to Us! ang malupit at di-karaniwang parusa na kung minsan ay ginagawa sa mga substitute teacher (kahaliling guro), nagbibigay ng isang pagsulyap sa kung gaano kasadistiko ang mga estudyante. “Alam mo ba kung ano ang pinagdaraanan ng [mga substitute]?” tanong ng 13-taóng-gulang na si Valerie. Sinasagot ang kaniya mismong tanong, binabanggit niya ang tungkol sa “pagpapahirap, pasakit,” na ginagawa ng mga bata ngayon sa mga substitute teacher.

Si Valerie ay medyo nagpapakalabis. Sabi ni Roland Betts: “Ang mga substitute ay walang-awang tunutugis ng kanilang mga klase, kadalasang sinasagad.” Tinitiyak na malulusutan nila ito, ang mga estudyante ay natutuwa sa biglang mga pagsalakay ng pagkaasiwâ​—pagbagsak ng mga aklat o mga lapis sa sahig nang sabay-sabay. O maaaring sikapin nilang biguin ang kanilang guro sa pamamagitan ng kunwa’y hindi pagkibo at pagkilos na para bang hindi nila maunawaan ang isa mang salita na sinabi niya. “Nagsasabotahe kami para sa katuwaan,” paliwanag ng kabataang si Bobby.

Gayumpaman, kung naghahasik ka ng kalupitan sa klase, huwag kang magtaka kung ikaw ay aani ng isang malupit, masungit na guro. (Ihambing ang Galacia 6:7.) “Isa sa pinakamahalagang simulain ng kalikasan ng tao,” paliwanag ng The Family Handbook of Adolescence, “ay na tratuhin ng mga tao ang iba sa paraan na inaakala nila na sila ay pinakikitunguhan.”

Bukod pa riyan, ang mga guro ay wastong inilagay sa isang posisyon ng awtoridad para sa iyong kapakanan. At kailangang pagpakitaan mo sila ng galang, kahit na ang kanilang pagsasagawa ng awtoridad ay maaaring hindi laging makatuwiran. (Ihambing ang Lucas 6:40.) Gayunman isaalang-alang: Kung ang walang-paggalang na pakikitungo ay naglalabas ng pinakamasamâ sa isang guro, hindi kaya ang magalang na pakikitungo ay maglalabas ng pinakamabuti?

Kaya tandaan ang ginintuang tuntunin: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Kung gayon huwag makisali sa mga kalokohan sa klase. Makinig sa sinasabi ng iyong guro. Makipagtulungan. Marahil hindi magtatagal siya ay hindi na magiging masungit​—sa paanuman sa iyo.

‘Inis sa Akin ang Aking Guro’

Inaamin ng mga manunulat ng aklat na Options “na ang mga guro​—at mga magulang​—ay mga tao, at sila ay maaaring magkamali at madalas na mainis sa isang estudyante dahilan lamang sa emosyonal na mga kadahilanan.” Kung minsan ang pagkakasalungatan ng mga personalidad ay lumilikha ng problema. O ang ilang di-pagkakaunawaan ay nagpapangyaring ang iyong guro ay magalit sa iyo; ang pagiging mausisa ay ipinagkakamaling paghihimagsik o ang pagiging makapritso sa kahangalan.

Nakalulungkot sabihin, ang mga tao ay para bang tulad pa rin ng sinaunang mga taga-Corinto, na tumitingin sa mga bagay-bagay “ayon sa kanilang panlabas na halaga o anyo.” (2 Corinto 10:7) At kung inis sa iyo ang isang guro, malamang na ikaw ay kaniyang ipahiya o hamakin. Bunga nito, mauunawaan kung gayon na maaaring tumindi ang pagkakapootan sa isa’t isa.

Kung Paano Pananatilihin ang Kapayapaan

Ang payo ng Bibliya ay: “Huwag gumanti sa kaninuman nang masama sa masama. . . . Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:17, 18) Sa ibang pananalita, sikaping huwag pagalitin ang iyong guro. Iwasan ang di-kinakailangang mga pakikipagtalo. Huwag mong bigyan ang iyong guro ng dahilan upang magreklamo. Sa katunayan, sikaping maging palakaibigan. ‘Palakaibigan? Sa kaniya?’ maitatanong mo. Oo, magpakita ka ng mahusay na asal sa pamamagitan ng magalang na pagbati sa iyong guro kapag siya ay dumarating sa klase. Ang iyong patuloy na pagiging magalang ay maaaring magpabago sa kaniyang palagay tungkol sa iyo.​—Ihambing ang Roma 12:20, 21.

Ganito ang gunita ng isang guro sa high school na si Joyce Vedral: “Isang araw talagang wala ako sa kondisyon. Kinagagalitan ko ang lahat kahit na sa pinakamaliit na mga kasalanan. Sa wakas sinigawan ko ang isang estudyante na hindi nagbukas ng kaniyang aklat. Pagbabantaan ko na sana siya na ibababa ang kaniyang marka nang bigla akong huminto, nawala ang galit ko nang makita ko ang magandang ngiti sa kaniyang mukha. Ngumiti siya sa akin at patuloy na ngumiti, at nakatingin sa aking maigting, malungkot na mukha, sabi niya, ‘Magsayá na lamang po tayo.’ Wala akong nagawa kundi ngumiti rin. Hindi nagtagal ang buong klase ay ngumiti at nagtawanan.”

Totoo, hindi maaaring daanin na lamang sa ngiti ng lahat ang isang kalagayan. Subalit ang Eclesiastes 10:4 ay nagpapayo: “Kung ang diwa ng pinuno [o, taong nasa awtoridad] ay bumangon laban sa iyo [sa pamamagitan ng pagparusa sa iyo], huwag kang umalis, sapagkat ang pagpapakahinahon mismo ay nagpapalikat ng malalaking kasalanan.” Tandaan din, na “ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.”​—Kawikaan 15:1.

‘Karapat-dapat Akong Tumanggap ng Mas Mataas na Marka’

Kung ang kalagayan ay hindi bumuti, sikaping ipakipag-usap ang suliranin sa iyong guro. Maaaring hindi ito madali. Gayunman, binabanggit ng Bibliya kung paano hinarap ni Nathan ang mahirap na atas na pagbunyag ng isang malubhang pagkakamali sa bahagi ni Haring David. Si Nathan ay hindi basta pumasok na lamang sa palasyo na nagsisisigaw ng mga paratang. Mataktikang nilapitan niya si David, gumagamit ng isang ilustrasyon na nagpangyari kay David na halawin mismo ang wastong konklusyon.​—2 Samuel 12:1-7.

Maaari mo ring mapakumbaba, at mahinahon, na lapitan ang iyong guro kung inaakala mo na mayroong ilang kawalang-katarungan​—gaya ng pagbibigay sa iyo ng hindi makatarungang marka​—na nangyari. Ang dating guro na si Bruce Weber ay nagpapaalaala sa atin: “Ang paghihimagsik ng isang estudyante ay lumilikha ng isang matigas na guro. Kung ikaw ay nagsisisigaw at nagngangangawa o nagpapahayag ng labis na kawalang-katarungan at sumusumpa ng paghihiganti, walang mangyayari sa iyo.”​—Magasing Seventeen.

Subukan mo ang mas adultong paglapit. Maaaring simulan mo sa pamamagitan ng paghiling sa iyong guro na tulungan kang maunawaan ang sistema ng pagmamarka. Pagkatapos, sabi ni Weber, maaaring “sikapin mong patunayan ang iyong sarili na biktima ng isang maling kalkulasyon sa halip ng isang masamang paghatol. Gamitin mo ang mismong sistema sa pagmamarka ng iyong guro; ipakita mo sa kaniya kung saan siya nagkamali sa iyong marka.” Sa paanuman, natututuhan mong ayusin ang mahirap na mga suliranin. Ang iyong pagkamaygulang ay maaaring mag-iwan ng positibong impresyon sa iyong guro.

Ipaalam Mo sa Iyong mga Magulang

Gayunman, kung minsan ang basta pagsasalita ay walang saysay. Kunin halimbawa ang karanasan ni Susan. Bilang isang honor student, nabigla siya nang ang isa sa kaniyang mga guro ay bigyan siya ng bagsak na marka. Ang problema? Si Susan ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at inamin ng kaniyang guro na inis siya kay Susan dahilan dito. “Talagang nakasisiphayo,” sabi ni Susan, “at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.”

Iminumungkahi ng aklat na Options na sa mga kalagayang gaya nito ikaw “ay magtungo sa iyong mga magulang at sabihin sa kanila na ang gurong pinag-uusapan ay aktuwal na naiinis sa iyo, na pantanging pinarurusahan ka o pinag-iinitan ka.” Ganito ang ginawa ni Susan. “Nilakasan ko ang aking loob,” gunita niya, “at sinabi ko sa aking ina [isang nagsosolong magulang] ang tungkol sa gurong ito. Sa simula inaakala kong hindi niya mauunawaan. Subalit sabi niya, ‘Bueno, marahil ay maaaring kausapin ko ang iyong guro.’ At noong panahon ng open house nagtungo siya at tinanong ang aking guro kung ano ang problema. Akala ko mababalisang talaga ang aking ina, subalit hindi siya nabalisa. Basta mahinahon siyang nakipag-usap sa guro.” Natanto ng guro na si Susan ay itinataguyod ng kaniyang ina at isinaayos niya na si Susan ay magkaroon ng ibang guro.

Totoo, hindi lahat ng mga kaguluhan ay mayroong gayong maayos na wakas. Kung minsan kinakailangan mong pagtiisan ang isang mahirap na kalagayan. Subalit ang isang school term ay hindi magpakailanman. At kung maaaring mapayapa kang makapamuhay na kasama ng iyong guro sa panahong ito, nariyan pa ang susunod na taon, kung kailan magsisimula kang muli, ng kaibang mga kaklase​—at marahil ng isang bagong guro pa nga na pag-aaralan mong makasundo.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Bakit Lubhang May Kinikilingan ang Aking Guro?” na lumilitaw sa Enero 22, 1986, na labas ng Gumising!

[Blurb sa pahina 12]

Kung ang walang-galang na pakikitungo ay naglalabas ng pinakamasamâ sa isang guro, hindi ba ang magalang na pakikitungo ay maglalabas ng pinakamabuti?

[Larawan sa pahina 13]

Kung inaakala mo na nagkaroon ng ilang kawalang-katarungan, magalang na lapitan ang iyong guro

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share