Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 7/8 p. 4-8
  • Digmaan—Bakit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Digmaan—Bakit?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Digmaan​—Nasa Ating mga Genes?
  • Ang Bahagi ng Propaganda
  • Sino ang Nagpapasiya?
  • Papaano Iniimpluwensiyahan ng Relihiyon ang Digmaan?
  • Nasyonalismo​—Ang “Banal na Egoismo” na Bumabahagi
  • Ang Natatagong Dahilan ng Digmaan
  • Digmaan
    Gumising!—2017
  • Ang Digmaan na Tatapos sa mga Digmaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Ano ang Kinabukasan ng Digmaan?
    Gumising!—1999
  • Hindi ba Maiiwasan ang mga Digmaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 7/8 p. 4-8

Digmaan​—Bakit?

NAISIP mo na ba kung bakit ang mga bansa ay nakikipagdigma? Kung matutuklasan natin ang sagot sa tanong na iyan, maaari rin nating matuklasan ang susi sa kapayapaan.

Maaaring ang iyong reaksiyon ay katulad niyaong kay John Stoessinger, propesor ng political science: “Nabasa ko na ang mga digmaan ay dala ng nasyonalismo, militarismo, mga sistema ng pag-aanib-anib, mga salik na pangkabuhayan, o ng iba pang walang damdaming pagbubuod na hindi ko maunawaan. . . . Totoo kaya ito? . . . Tutal, ang mga digmaan ay pinasimulan ng mga tao. Gayunman ang personalidad na ito [ang tao] ay bihirang bigyan ng karampatang timbang o importansiya sa tradisyunal na mga aklat tungkol sa digmaan.” (Amin ang italiko.) Maliwanag, hindi maaaring waling-bahala ang elementong tao sa digmaan.

Sa kaniyang aklat na The Evolution of War, ganiyan din ang konklusyon ni Propesor Otterbein, na nagsasabing “ang mga digmaan ay pinangyayari ng mga disisyon ng mga tao bilang mga membro ng mga organisasyon, sila man ay mga organisasyong militar o mga lupong namamahala.” Subalit ano ba ang mga motibo sa pakikidigma? Sang-ayon sa kaniyang pag-aaral, karaniwan nang ang mga ito ay: pulitikal na pagkontrol, teritoryo, pandarambong, prestihiyo, depensa, at paghihiganti.

Digmaan​—Nasa Ating mga Genes?

Maraming teoriya ang nagpapaliwanag sa mga sanhi ng digmaan. Halimbawa, nakikita lamang niyaong mga naniniwala sa ebolusyon ang tao bilang isang mas nakatataas na anyo ng buhay hayop na nagtataglay pa rin ng agresibo at depensibong mga pagtugon ng mga hayop. Ikinakatuwiran nila na ang pananalakay ay likas sa tao, na ito ay nasa kaniyang mga genes. Ganito ang isinulat ng soologong si Irenäus Eibl-Eibesfeldt sa The Biology of Peace and War: “Ang ating pinakamalapit na kamag-anak, ang malalaking bakulaw, ay nagtataglay ng di-mumunting agresibong potensiyal at ipinagtatanggol din ang kanilang teritoryo. . . . Matibay na ipinakikita nito na ang ating pagiging agresibo ay maaaring namana natin sa mga bakulaw.”

Iginigiit ni Konrad Lorenz, Austriyanong tagapagtatag ng modernong etolohiya (ang pag-aaral sa mga gawi ng hayop) na ang tao ay may agresibong pangganyak na siya niyang “pinakamalakas na katutubong pangganyak [na] gumagawa sa kaniya na makipagdigma.”​—On Aggression.

Sa kabilang dako, hinahamon ni Sue Mansfield, isang propesor sa kasaysayan, ang konklusyong iyan, sa pagsasabi: “Bagaman ang karamihan ng mga kultura sa makasaysayang panahon ay nakipagdigma, ang karamihan ng mga tao ay hindi nakibahagi.” Ang bagay na ang mga gobyerno ay kailangan pang obligahin ang sapilitang pagsusundalo sa hukbong sandatahan ay nagpapahiwatig na ang pananalakay at pagpatay ay hindi minamalas nang may kasiglahan ng mga tao sa pangkalahatan, ni mauunawa man ito bilang pagtugon na mga reaksiyon. Sabi pa ni Propesor Mansfield: “Tunay, ipinakikita ng makasaysayang ulat na ang pakikidigma ay karaniwan nang karanasan ng minorya.”

Nitong nakalipas na mga panahon ang minoryang iyan ay sinanay nang husto at patiunang kinondisyon. Karagdagan pa, sa pagdating ng artilyerya, mga bomba, at mga missile, ang digmaan at pagpatay ay naging higit at higit na walang pinipili. Kabaligtaran ng mga digmaan noong nakalipas na mga panahon, ang nagpakadalubhasang minorya ay maaaring pumatay nang hindi nakikita, huwag nang sabihin pa na nakikilala, ang kanilang mga biktima. Subalit kung hindi nila nakikilala ang kaaway, papaano maaaring maudyukan ang mga tao na makipagdigma?

Ang Bahagi ng Propaganda

Kung minsan ang mga magkakapitbahay ay nag-aaway. Subalit bihira itong humantong sa pagbububo ng dugo. Una na, ipinagbabawal ng batas ng lupain ang pagsalakay at pagpatay sa kapuwa. Subalit sa panahon ng digmaan, ang pagbabawal na iyan ay hindi kumakapit sa mga mamamayan ng isang kalabang bansa, kahit na hindi nakikilala ng mga tao sa pangkalahatan ang kanilang “mga kaaway.” Ang nalalaman lamang nila tungkol sa kaaway ay kung ano ang ipinapaniwala sa kanila ng kanilang media na hawak o kontrolado ng pulitika.

Totoo ito sa bawat bansa. Gaya ng isinulat ni Irenäus Eibl-Eibesfeldt: “Ang opinyon ng publiko ay ginagawa ng interesadong mga pangkat (mga pulitiko, mga tagagawa ng sandata, ang militar) na dumadaya sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mali o may kinikilingang impormasyon.” Sa gayunding diwa, ang mananalaysay na si H. E. Barnes ay sumulat: “Sapol noong mga digmaan ng Rebolusyong Pranses . . . sagana at humihikayat na mga propaganda [ay] nagpapatuloy at lubhang dumami upang pangalagaan ang pakikidigma laban sa popular na tumututol, oposisyon, at tunay na pagsusuri ng mga isyu.”

Bunga nito, “halos lahat ay maaaring himukin at impluwensiyahan sa isang paraan na siya humigit-kumulang ay kusang papasok sa isang kalagayan kung saan siya ay dapat patayin at marahil ay mamatay.” (War, ni Gwynne Dyer) Kaya, dahilan sa kanilang pulitikal at ekonomikong kapangyarihan, maaaring kontrolin ng “mga piling tao” (elite) ang media upang ihanda ang karaniwang tao sa pagbububo ng dugo.

Alam na alam nina Adolf Hitler at Joseph Goebbels, mga lider ng nagpupunong mga piling tao ng Nazi, ang kahalagahan ng pagkontrol sa isipan at paglinlang sa karaniwang tao. Noong Agosto 24, 1939, ipinaliwanag ni Hitler sa isang pangkat ng matataas na mga opisyal ang tungkol sa kaniyang mga plano para sa pagsalakay sa Poland: “Bibigyan ko ang isang propagandista ng dahilan upang simulan ang digmaan. Huwag ninyong intindihin kung baga ito ay tila tama o hindi. . . . Sa pagpapasimula at pakikidigma, hindi mahalaga ang Tama kundi ang Tagumpay.”

Kaya maliwanag na kinakailangang magkaroon ng pangganyak upang ang isang bansa ay makipagdigma sa iba. Subalit ano ang susing mga elemento na nagpapasiglang makipagdigma?

Sino ang Nagpapasiya?

Ang Austriyanong ekonomista na si Schumpeter ay sumulat: “Ang oryentasyon sa digmaan ay pangunahin nang pinagyayaman ng lokal na mga interes ng mga uring namamahala gayundin ng impluwensiya niyaong lahat ng gustong makinabang nang isahan mula sa patakaran ng digmaan, maging sa paraang pangkabuhayan o panlipunan.” Ang mga uring ito na namamahala ay binigyang kahulugan bilang “mga piling tao [na] sa tuwina’y kasangkot sa pagsisikap na impluwensiyahin ang iba pang mga elemento ng populasyon, o ang damdamin mismo ng publiko, upang panatilihin ang kanilang mga sarili sa kapangyarihan.”​—Why War? nina Propesor Nelson at Olin.

Ang bawat bansa ay may kaniyang uri na namamahala, bagaman ang pangkat na iyan ay maaaring nababahagi sa iba’t ibang pulitikal na mga pangkat. Gayunman, napapansin ng marami na ang kapangyarihan ng militar na mga piling tao sa bawat bansa ay dapat na hindi maliitin. Inilalarawan ng dating Embahador John K. Galbraith ng E. U. ang militar na establesimyento bilang “di-palak na siyang pinakamakapangyarihan sa nagsasariling pamamaraan ng gobyerno.” Sabi pa niya: “Ang kapangyarihang militar ay sumasakop hindi lamang sa mahalagang mga pinagmumulan ng kapangyarihan kundi . . . sa lahat ng mga instrumento ng pagpapatupad nito. . . . Higit kaysa anumang ibang pagsasagawa ng kapangyarihan sa ating panahon ito ang paksa ng malubhang pagkaligalig ng madla.”

Inilalarawan ni Galbraith ang kaniyang punto sa pagtukoy sa institusyong militar ng Estados Unidos, na may pinagkukunang ari-arian na “lubhang nakahihigit sa anumang gayunding pinagmumulan ng kapangyarihan; sinasaklaw nito hindi lamang kung ano ang makukuhang armadong paglilingkod at ang militar na establesimyento ng sibilyan kundi kung ano ang lumalabas mula sa mga industriya ng mga sandata.” Walang alinlangan na ang katulad na situwasyon ay umiiral sa Unyong Sobyet at sa marami pang ibang bansa. At naririyan ang panganib na maaaring umakay sa isang digmaan ng paglilipulan sa isa’t isa​—kung saan ang kapangyarihan ng militar na establesimyento ay nakahihigit kaysa sa pulitikal na kapangyarihan.

Papaano Iniimpluwensiyahan ng Relihiyon ang Digmaan?

Bagaman ang relihiyon ay humihina sa maraming bansa, ang klero ay maaaring isama sa pangkat ng mga piling tao na gumagawa ng disisyon. Isa pa, ang relihiyon ang at siya pa ring nag-uudyok na puwersa sa likuran ng ilang mga digmaan. Isang maliwanag na halimbawa ay ang Shi‘ite Muslin na Iran na nakikipagdigma sa Sunni Muslim na Iraq.

Isang kahawig na situwasyon ang umiiral sa labanan sa pagitan ng India at Pakistan. Ganito ang sabi ni Propesor Stoessinger: “Ang pinakamalupit na digmaang relihiyoso sa kasaysayan ay hindi ang mga Krusadang Kristiyano laban sa Islam ni ang Tatlumpung Taóng Digmaan sa pagitan ng Katoliko at Protestante. Ito ang digmaan ng Hindu laban sa Moslem sa ikadalawampung siglo.” Ano ang nag-udyok sa tumitinding pagkakapootang iyon? Ang paghahati ng India at Pakistan na naganap noong 1947. Ang unang epekto ay “ang napakalaking pagpapalitan ng populasyon, marahil ang pinakamalaki sa kasaysayan. Mahigit 7 milyong mga Hindu, na natatakot pag-usigin sa Pakistan, ang balisang-balisang tumakas sa India, at gayunding dami ng mga Moslem ang tumakas mula sa India tungo sa kaligtasan sa lupaing Pakistani. Kasama ng pagpapalitang ito ng populasyon ang maraming karahasan at pagbubo ng dugo na udyok ng relihiyosong pagkapoot.”​—Why Nations Go to War.

Sa buong kasaysayan ang uring klero ay naging kusang kasapakat ng namumunong mga piling tao. Sa panahon ng digmaan, may kabanalang binasbasan ng relihiyosong mga lider ang mga sandata at mga hukbo sa magkabilang panig sa ngalan ng Diyos, bagaman kadalasan nang nauugnay sa iisang relihiyon. Ang kalapastanganang ito ay nagpalayo sa maraming tao sa relihiyon at sa Diyos.

Nasyonalismo​—Ang “Banal na Egoismo” na Bumabahagi

Kung minsan ang mga tao ay hindi sang-ayon sa digmaan. Sa anong batayan, kung gayon, maaaring pinakamadaling mahihikayat ng mga pinuno ang populasyon na tangkilikin ang kanilang mga layunin? Ito ang problema na nakaharap ng Estados Unidos sa Vietnam. Kaya, ano ang ginawa ng namamahalang mga piling tao? Si Galbraith ay sumasagot: “Ang Digmaan sa Vietnam ay gumawa sa Estados Unidos ng isa sa pinakamalawak na pagsisikap sa sosyal na pagkondisyon [pagbabago sa opinyon ng publiko] sa makabagong panahon. Walang pinatawad sa pagtatangkang gawin ang digmaan na tila kinakailangan at matatanggap ng publikong Amerikano.” At iyan ay tumutukoy sa pinakamadaling kasangkapan upang palambutin ang isang bansa na makipagdigma. Ano ito?

Ibinibigay muli ni Propesor Galbraith ang kasagutan: “Ikinikintal ng mga paaralan sa lahat ng bansa sa isipan ang mga simulain ng pagkamakabayan. . . . Ang pagkondisyon na humihiling na ang lahat ay magtipon sa paligid ng bandila ay mahalaga upang mahikayat na pasakop sa militar at banyagang patakaran.” Ang sistematikong pagkondisyon na ito ay umiiral sa mga bansang komunista gayundin sa mga bansang Kanluranin.

Ganito ang pagkakasabi ni Charles Yost, isang beterano ng Foreign Service and State Department ng E. U.: “Ang pangunahing dahilan ng kawalan ng kasiguruhan sa mga bansa ay nagpapatuloy, ang mismong bagay na lubhang ipinagmamalaki ng mga bansa​—ang kanilang soberanyang kasarinlan, ang kanilang ‘banal na egoismo,’ ang kanilang hindi pagsunod sa anumang interes o kapakanan na mas malawak o mas mataas kaysa kanilang sarili.” Sa maikli ang “banal na egoismo” na ito ay ang bumabahaging nasyonalismo, ang mapanirang turo na ang alinmang bansa ay nakahihigit sa lahat ng iba.

Ang mananalaysay na si Arnold Toynbee ay sumulat: “Ang espiritu ng kabansaan ay isang pang-asim sa bagong alak ng demokrasya na nasa mga lumang bote ng tribalismo.” Sa Power and Immortality, si Dr. Lopez-Reyes ay sumulat: “Ang soberanya ang pangunahing sanhi ng kapanahong digmaan; . . . malibang baguhin, ang sistema ng soberanong mga estadong-bansa ang magsisimula ng Digmaang Pandaigdig III.” Tinatanggihan ng pagdiriin sa nasyonalismo at soberanya ang pangunahing ideya na tayong lahat ay kabilang sa iisang pamilya ng tao, anuman ang pagkakaiba sa wika o kultura. At ang pagtatatuwang iyan ay humahantong sa mga digmaan.

Oo, narating ng mga eksperto ang lahat ng uri ng mga paliwanag kung bakit sistematikong sinisikap ng tao na sirain yaong kaniyang kauri. Gayunman may isang pangunahing salik na nakaligtaan ng karamihan sa mga komentarista.

Ang Natatagong Dahilan ng Digmaan

Ang kasaysayan ng digmaan at ang mga sanhi nito ay hindi dapat pag-aralan nang hindi isinasaalang-alang ang mas malaking labanan na lubhang nakaapekto sa sangkatauhan. Ito ay maliwanag na ipinakikilala sa Bibliya. Ipinakikita ng sinaunang aklat na ito na isang makapangyarihang espiritung nilalang, na inudyukan ng mapag-imbot na hangarin, ay bumangon laban sa Diyos. (Job 1:6-12; 2:1-7) Sinimulan niya ang isang himagsikan sa langit at sa lupa at, kasabay niyan, ipinakilala niya ang pagsuway, di-kasakdalan, kasalanan, at kamatayan sa sambahayan ng tao. (Genesis 3:1-7) Kaya, nang si Jesus ay nasa lupa naipakilala niya ang kaniyang relihiyosong mga kaaway sa pagsasabing: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo . . . Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nanatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. . . . Siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:44.

Ang rebeldeng espiritung nilalang na ito, si Satanas (nangangahulugang, Kaaway) na Diyablo (nangangahulugang, Tagapagparatang, Maninirang-puri), ay nagpuno at binahagi ang mga bansa sa loob ng libu-libong mga taon. Nakamit niya ang di-nakikitang kontrol sa mga bansa sa pamamagitan ng pulitikal na kapangyarihan. Anong saligan mayroon tayo sa pagsasabi ng gayon? Ang bagay na nang tuksuin niya si Kristo ay naipakita niya kay Kristo ang “lahat ng mga kaharian sa sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian” at pagkatapos ay sinabi niya: “Lahat ng bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung magpapatirapa ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” Kinilala ni Kristo ang pagkontrol ni Satanas sa “lahat ng mga kaharian sa sanlibutan.” Tinanggihan niya ang tukso, na ang sabi: “Si Jehovang iyong Diyos ang sasambahin mo, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.”​—Mateo 4:1, 8-10.

Sa lahat ng posibleng pulitikal na daya at paglihis, inilayo ni Satanas ang sangkatauhan sa tanging tunay na daan sa kapayapaan. Ang karamihan sa sangkatauhan ay tapat sa pulitikal na mga sistema na, ayon sa pagbibigay-kahulugan, ay antagonistiko. Hindi nila itatatag at hindi nila maaaring itatag ang tunay na kapayapaan para sa tao sapagkat sila ay nasa ilalim ng impluwensiya ng huwad na diyos​—ang diyos na “dumadaya sa buong tinatahanang lupa”​—si Satanas. Kaya, maliwanag o lubusan, tinanggihan nila ang tanging tunay na daan sa kapayapaan.​—Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 4:4.

Ngunit, maitatanong mo, ‘Ano ang tunay na daan upang gawing isang katunayan ang kapayapaan? Ano ang magdadala ng gayong pagbabago? At ano ang dapat kong gawin upang manahin ang kapayapaang iyan?’ Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang mga katanungang iyan.

[Larawan sa pahina 5]

Si Joseph Goebbels, ministro sa propaganda at pambansang patalastas, ang “maestro propagandista ng Pamamahalang Nazi”

[Pinagmulan]

U.S. Library of Congress

[Larawan sa pahina 6]

Ang relihiyon ay sanhi pa rin ng mga digmaan, gaya ng ipinakikita ng labanang Iran-Iraq

[Pinagmulan]

I. Shateri/Gamma-Liaison

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share