Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Magiging Malapit sa Diyos?
‘AKO’Y tao, ang Diyos ay banal. Ako’y may hangganan, ang Diyos ay walang hanggan. Ako’y laman, ang Diyos ay espiritu. Kaya paano ako maaaring magkaroon ng kaugnayan sa Diyos?’ Gayon ang tanong ng maraming kabataan ngayon tungkol sa Diyos. ‘Kung minsan ako’y nag-iisip,’ sabi ng ilang mga kabataan, ‘kung gusto nga ba ng Diyos na ako’y makipagtalastasan sa Kaniya o kung nais Niya na siya’y pabayaan.’ Ang iba ay nagrireklamo pa, ‘Kapag ako’y nananalangin, wala akong naririnig na anumang mga tinig na nagsasabi sa akin kung paano lulutasin ang aking mga problema.’
Gayunman, hindi ganito ang palagay ng lahat ng kabataan. Sinasabi ni George Gallup, Jr., sa kaniyang publikasyong Religion in America 1984: “Wari bang ang mga tin-edyer ay may malapit na kaugnayan sa Diyos kaysa sa mga nakatatanda sa kanila.” Subalit bagaman 95 porsiyento ng mga tin-edyer na kinapanayam ang nagsabi na naniniwala sila sa Diyos o sa isang pansansinukob na espiritu, ito sa ganang sarili ay hindi nangangahulugan na mayroon silang kaugnayan sa kaniya.
Higit pa ang nasasangkot sa pagiging malapit sa Diyos kaysa basta paniniwala lamang sa kaniya. Ito’y nangangahulugan ng pagsasagawa ng ating pinaniniwalaan, na naglalakip ng paglinang ng pakikipagkaibigan sa Diyos. Kaya, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa tapat na si Abraham na tinawag na “kaibigan ni Jehova.” Totoo, ang paglinang ng anumang kaugnayan ay isang trabaho. Subalit sulit ba sa pagsisikap ang pakikipagkaibigan sa Diyos?—Santiago 2:23.
Kung Bakit Ito Mahalaga
“Sapagkat sa kaniya tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral,” sabi ni apostol Pablo. (Gawa 17:28) Sa gusto mo’t hindi, ang iyong buhay ay nakasalalay sa Diyos. Ang hangin na iyong nilalanghap, ang pagkain na iyong kinakain, ang tubig na iyong iniinom—ang mga ito ay ilan lamang sa kaniyang mga paglalaan. Kaya hindi ba tayo’y may pagkakautang sa kaniya? Ito lamang ay isa nang dahilan upang naisin nating maging malapit sa Diyos. (Genesis 1:27, 28; Awit 104:14) Gayunman, mayroon pang higit na dahilan upang naisin mo na gawin ang gayon.
“Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang,” sabi ng Bibliya. Hindi dahilan sa hindi kayang subukin ng tao, kundi kung walang patnubay ang Diyos, siya ay hindi nasasangkapan na gawin ito. (Jeremias 10:23; Kawikaan 12:15) Pinatunayan itong totoo ng mga digmaan, krimen, karahasan, polusyon, at iba pang karaniwang mga kalagayan sa ngayon. Oo, ang hindi pagiging malapit sa Diyos ay malubhang nakapinsala sa sangkatauhan. Subalit kumusta ka naman bilang isang indibiduwal?
Ang pagiging kaibigan ng Diyos ay tutulong sa iyo upang mapagtagumpayan mo ang personal na mga problema. Ang tao ay may “maikling buhay at batbat ng mga problema,” sabi ng Bibliya. (Job 14:1, The Bible in Living English) Gayunman, sa patnubay na ibinibigay niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita, maaari kang akayin ng Diyos sa mga daan na para sa iyong walang hanggang kabutihan. “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan,” ang payo ng Bibliya. “Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6; Awit 16:11.
Ang Diyos ay interesado rin sa iyong kinabukasan. Ang kaniyang pangako na walang hanggang buhay sa lupa—sa mapayapa at matuwid na mga kalagayan—para sa mga masikap na humahanap sa kaniya ay gumagawa sa ating pagiging malapit sa Diyos na lalo pang mahalaga. (Juan 17:3; Awit 37:9-11, 29; Apocalipsis 21: 3, 4) Papaano, kung gayon, masisimulan mong maging malapit sa kaniya?
Kilalanin Mo ang Diyos
Bago mo piliin ang isa bilang isang mabuting kaibigan, dapat mo munang kilalanin siya. Ala-suwerte mo bang pipiliin ang kaibigang ito—hindi nalalaman ang kaniyang pangalan, ang kaniyang personalidad, ang kaniyang mga interes, at pati na ang kaniyang mga panloob na kaisipan at damdamin? Malamang na hindi. Gayundin naman, upang maging malapit sa Diyos dapat mo munang alamin ang tungkol sa kaniya. (Juan 17:3) Simulan mo sa pamamagitan na pag-aaral ng Bibliya. Tutulong ito sa iyo na makilala ang Diyos bilang isang persona. Matututuhan mo kung ano ang kaniyang pag-iisip at kung ano ang hinihiling niya sa iyo.
Bagaman ang Bibliya ay isinulat sa wika na totoong payak at malinaw, kinakailangan ang ilang panahon ng disiplinadong pag-aaral. Sa kasamaang palad, para sa karamihan, ang Bibliya ay nananatiling isang hindi nababasa, banyagang dokumento. Sang-ayon sa isang Gallup Youth Survey, “halos isang tin-edyer lamang sa walo (12%) ang nagbabasa ng Bibliya araw-araw, at 30% ang hindi kailanman nabuksan ang aklat o natatandaan man kung kailan nila huling nabuksan ito.” Kapuna-puna, 52 porsiyento ang nagsasabi na sila ay nagbabasa ng pahayagan araw-araw. Subalit upang “patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova,” kinakailangan ang regular na pagbabasa ng kaniyang Salita.—Efeso 5:17; Josue 1:8.
Gayunman, ang pagiging malapit sa Diyos ay hindi lang basta pag-alam ng mga bagay tungkol sa kaniya. Gaya ng sa anumang kaugnayan ngayon, ang ilang anyo ng pakikipagtalastasan ay kinakailangan. Sa Diyos na Jehova, ito ay ang panalangin.
Makipagtalastasan
Sa ilang kabataan, ang pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin ay para bang napakalayo, hindi kapani-paniwala o hindi totoo. Gayumpaman, gaya ng sabi ng 17-taóng-gulang na si Laverne, “mahirap sabihin na ikaw nga ay may personal na kaugnayan sa isa kung hindi ka nakikipag-usap sa kaniya.” Totoo, mahalaga ang kaalaman. Subalit gaano mang kaalaman mayroon ka tungkol sa Diyos, kung walang regular na pananalangin sa kaniya, ang iyong mga pagsisikap ay maaaring maging walang kabuluhan.
Si Lynda ay pinalaki sa isang pamilyang Kristiyano. Gayumpaman, ginugunita ang mga panahon noon siya’y tin-edyer, sabi niya, “Noong mga panahong iyon, bibihira kong hindi nadadaluhan ang isang Kristiyanong pulong, at hinding-hindi ko nakakaligtaan ang gawaing pangangaral sa isang buwan, gayunman hindi ako talaga nagkaroon ng isang malapit na personal na kaugnayan kay Jehova.” Subalit sa isang yugto sa kaniyang buhay, nang ang mga problema at mga kaigtingan ay sumisidhi, ano ang tumulong sa kaniya? “Nanalangin akong walang patid sa loob ng maraming araw para sa kasagutan sa aking mga problema.” Agad niyang natanto na tutulungan siya ni Jehova sa kaniyang mga problema, at napagtagumpayan niya ang mga ito.
Katulad ka ba ni Lynda, na ikaw ay gumagawa ng mabuting Kristiyanong mga bagay, subalit hindi ka pa rin naging malapit sa Diyos? Nasubukan mo na bang idalangin ito sa kaniya? Ang Bibliya ay maliwanag na nagsasabi na “Si Jehova ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya.” (Awit 145:18) Iyan ang dahilan kung bakit hinihimok tayo ng Bibliya na “patuloy na magsipanalangin,” “magmatiyaga sa pananalangin,” at “magsipanalangin kayo sa bawat pagkakataon.” (Mateo 26:41; Roma 12:12; Efeso 6:18) Bagaman hindi ito nangangahulugan na dapat mong gugulin ang lahat ng iyong panahon—24 oras isang araw—sa pananalangin, ito’y nangangahulugan na kinakailangang manalangin ka nang palagian. Ngunit kapag ikaw ay nananalangin, nakikinig ba ang Diyos?
Siya ay nakikinig kung natutugunan mo ang kaniyang mga kahilingan sa pananalangin at kung ikaw ay nananalangin sa tamang mga bagay. Ginamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang modelong panalangin bilang isang huwaran. (Lucas 11:1-4) Gayunman, sinabi ng alagad na si Santiago sa ilang mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan: “Kayo’y humihingi, ngunit hindi kayo binibigyan, sapagkat humihingi kayo para sa masamang layunin.” (Santiago 4:3) Kaya, kung ang iyong mga panalangin ay mapag-imbot o winawalang-bahala ang kalooban ng Diyos, hindi mo maaasahan na pakikinggan ito ng Diyos.
Gayunman, ang basta pakikipag-usap sa Diyos ay hindi naman nangangahulugan ng panalangin. Subalit ang iyong panalangin ay dapat kakitaan ng debosyon, pagtitiwala, paggalang, at pananalig sa Diyos. Ibuhos mo ang nilalaman ng iyong puso sa kaniya na gaya ng sa isang maunawaing ama. Oo, “sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin . . . ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan.” (Filipos 4:6) Isa pa, higit pa kaysa kaalaman at panalangin ang kinakailangan upang ikaw ay maging malapit sa Diyos. Kailangang magsumikap ka na iayon ang iyong buhay sa mga simulain ng Bibliya.
Isagawa Ito
Ang mga lalaki, mga babae, at mga kabataan ay gugugol ng maraming panahon, magsusumikap, at magtitiis pa nga ng kahirapan upang maabot ang kanilang personal na mga tunguhin. Halimbawa, sa pagitan ng edad na 9 at 19, ang pangunahing iskeyter sa Olympic na si Peggy Fleming ay gumugol ng mahigit 20,000 oras—sa katamtaman ay di-kukulanging limang oras araw-araw sa pag-eehersisyo at pagsasanay sa kaniyang sarili para sa Olympics. Ang kaniyang tunguhin? Isang medalyang ginto sa Olympic. Hindi ba ang pagpapagal upang maging malapit sa Diyos ay nangangailangan din ng di-mumunting pagsisikap?
Sinasabi sa atin ng kaniyang Salita na “hubarin ang matandang pagkatao” at “huwag makiayon sa sistemang ito ng mga bagay.” (Colosas 3:9; Roma 12:2) Ito ay humihiling ng patuloy na pagsisikap sa ating bahagi. Subalit hindi ka kailanman magiging malapit sa Diyos malibang mayroon kang gawin tungkol dito.
Kaya, upang ikaw ay maging malapit sa Diyos, dapat mo siyang kilalanin, makipagtalastasan sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin, at isagawa mo ito sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang kalooban. Oo, simulan mong “hanapin ang Diyos, . . . apuhapin siya at tunay ngang masusumpungan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:27.
[Blurb sa pahina 15]
Higit pa ang nasasangkot sa pagiging malapit sa Diyos kaysa basta paniniwala lamang sa kaniya
[Blurb sa pahina 16]
Hindi ka kailanman magiging malapit sa Diyos malibang may gawin ka tungkol dito
[Larawan sa pahina 15]
Marami ang nagsusumikap upang maabot ang kanilang mga tunguhin. Hindi ba nangangailangan ng gayunding pagsisikap upang maging malapit sa Diyos?