Kung Paano Pangangalagaan ang Iyong Sarili Mula sa AIDS
UNA, iwasan ang mga pinagmumulan ng pagkahawa. Paano mo magagawa iyon? Sa pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng paggawi na inilalaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Isaalang-alang kung papaano sana napangalagaan ang libu-libo ngayong namamatay mula sa AIDS.
Ang Grupong Pinakamadaling Tablan
Ang mga ito ay ang seksuwal na aktibong mga homoseksuwal, lalung-lalo na yaong patuloy na naghahanap ng bagong mga kapareha. Ang sabi ng Bibliya:
“Huwag kang sisiping sa lalaki na gaya sa babae. Ito nga’y karumal-dumal.”—Levitico 18:22.
“Iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapat-dapat sa kanilang kamalian.”—Roma 1:27.
“Huwag kayong magkakamali: walang mapakiapid o sumasamba sa diyus-diyusan, walang mangangalunya o lisyang homoseksuwal . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10, The New English Bible.
Sino Pa ang Madaling Tablan?
Mga tao na nakikipagtalik kahit kanino na may virus ng AIDS, maging ito man ay lalaki o babae. Ang sabi ng Bibliya hinggil dito:
“Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at ang mga mangangalunya.”—Hebreo 13:4.
“Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso . . . Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang galit ng Diyos.”—Colosas 3:5, 6.
Mga Iba Pa na Lubhang nasa Panganib
Mga mang-aabuso sa droga na sinisira o dinudumhan ang kanilang katawan ng mga droga, gamít nang mga karayom ang ginagamit sa pag-iiniksiyon sa kanilang sarili. Ang pagkondena ng Bibliya sa paglalasing ay tiyak na kumakapit din sa pag-aabuso sa modernong mga droga na ang mga epektong nakagugulo o nakasisira ng pag-iisip ay halos kasintindi rin ng nakukuha sa alak.
“Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Diyos.”—2 Corinto 7:1.
“Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid . . . ni ang mga lasenggo . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.
Isa pang Pangkat na Lubhang Nanganganib
Mga tao na tumatanggap ng dugong may AIDS sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Kapansin-pansin, ang Bibliya ay nagbabawal sa mga tao na kumain ng dugo. Sabi nito:
“Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang laman, sapagkat ang kaluluwa ng lahat ng laman ay ang kaniyang dugo. Sinumang kumain niyan ay ihihiwalay.”—Levitico 17:14.
“Sapagkat ang banal na espiritu at kami na rin ay sumang-ayong huwag nang dagdagan pa ang pasanin ninyo, maliban sa mga bagay na ito na kailangan, na patuloy na layuan ninyo . . . ang dugo.”—Gawa 15:28, 29.
Hindi lahat ay handang ikapit ang mga simulain ng Bibliya hinggil sa bagay na ito o tanggapin ang katotohanan na ang Diyos ay may karapatan na sabihin sa atin kung ano ang dapat nating gawin. Subalit ang mga tao na sumunod ay galak na galak na ginawa nila ito.