Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Kapit Ba sa Akin ang Bibliya?
“AYAW kong marinig ang anumang bagay mula sa iyo,” bulyaw ng binata. Nang papaalis na si Grace, binuhusan siya ng lalaki ng isang palangganang maruming tubig. Si Grace ay sandaling natigilan, pagkatapos ay naging relaks at mahinahong lumayo.
Subalit hindi ba kamangmangan at marahil ay kahinaan ang pagtugon ng kabataang babae na ito? Hindi ba dapat ay gumanti siya? Inaakala ni Grace na ang payo ng Bibliya na “makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao” ang pinakamabuti. (Roma 12:17, 18) Subalit ano ang resulta ng pagsunod niya sa Bibliya sa halip na galit na gumanti? Makikita natin.
Si Lydia, isang 16-taóng-gulang na mag-aaral sa Nigeria, ay nagbabalita tungkol sa isang kaklase “na humahabol sa mga lalaki at nakikisama sa guro sa biyologo.” Maliwanag na inaakala ng batang babae na ito na ang payo ng Bibliya na tumakas mula sa seksuwal na imoralidad ay hindi kapit sa kaniya. (1 Corinto 6:18) Malamang na siya ay nangangatuwiran na ang mga kabataan ay dapat na pabayaang gawin kung ano kanilang maibigang gawin. Subalit ano ang naging resulta ng kaniyang pagkilos?
Ang mga karanasan ni Grace at ng kaklase ni Lydia ay nagbabangon ng dalawang mahalagang katanungan: Kapit pa rin ba ang Bibliya? O mas mabuti ba ang kasalukuyang mga doktrinang panlipunan at mga istilo ng pamumuhay para sa mabuting pamumuhay?
Makabagong-Panahong mga Pamantayan
Isaalang-alang ang mga kilusan ukol sa “kalayaan” at ang “bagong moralidad.” Tinatanggihan ng mga ito ang mga kautusan ng Bibliya na nagtatakda sa seksuwal na mga kaugnayan sa mga mag-asawa—sa pagitan ng isang asawang lalaki at ng kaniyang isang legal na asawang babae. (1 Corinto 7:1, 2) Malaking mga pagbabago sa mga saloobing panlipunan ang naging resulta. Lumago ang pagkahandalapak sa sekso. Hinihiling ng mga homoseksuwal at mga patutot na sila’y tanggapin at ngayo’y hayagang isinasagawa ang kanilang mga istilo ng pamumuhay. Ang mga batang lalaki at babae ay basta nagsasama nang hindi kasal. Subalit ang lahat bang ito ay nagbunga ng mas mabuting buhay pampamilya? Pinasulong ba nito ang uri ng buhay sa inyong pamayanan?
Pag-isipan ang halimbawang ito ng kung ano ang maaaring mangyari sa handalapak na mga tin-edyer: Ang kaklase ni Lydia ay nabuntisan ng guro sa biyologo, isang may-asawang tao. Sinira niya ang kaniyang pag-aaral at buhay pampamilya. Ang iba ay namatay sa pagtatangkang ilegal na ilaglag ang sanggol. Ang kamatayan ng mga tin-edyer at ng mga di pa isinisilang na mga sanggol, ang mga sakit na naililipat sa seksuwal na paraan na nakuha ng iba, ang pagkawasak ng buhay pampamilya—ang mga bunga bang ito ng kasalukuyang pilosopyang panlipunan ay mabuting mga bunga?
Marahil maiisip ninyo ang iba pang mga pangyayari na nagbangon ng kahawig na suliranin. Halimbawa, nakita ng ika-20 siglo ang pagiging popular ng mga doktrina na gaya ng ebolusyon at ateismo, na tumatanggi sa awtoridad ng Bibliya. Subalit dahilan sa mga digmaan, karahasan, at kaguluhan sa siglo ring ito, masasabi ba na ang mga doktrinang iyon ay nag-alok ng isang bagay na mas mabuti? Sa katunayan, patuloy na binabago ng mga tao ang kanilang mga pilosopya at mga teoriya. Ang mga doktrinang panlipunan ay kadalasang iwinawaksi. Kaya hindi nga katalinuhan para sa kanila na tanggihan ang Bibliya!
Isang Pangangailangan ng Patnubay
Anong paliwanag ang maibibigay mo sa bigong mga resulta na kinahantungan ng mga ideya ng tao? Ang isa ay na ang tao ay di-sakdal. Gayundin ang kaniyang pag-iisip at mga plano. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “Hindi para sa tao . . . ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Talagang kinakailangan natin ang patnubay mula sa pinakamataas na pinagmumulan nito, yaon ay, mula sa Diyos. Totoo, sinasabi ng mga tao na hindi siya umiiral. Subalit nakikita kung paanong lubhang hindi maaasahan ang kanilang mga ideya, mahirap nating paniwalaan ang paggigiit na iyan, hindi ba? Sa kabilang dako, dahilan sa pagiging ang Maylikha ng tao at sapagkat napagmasdan niya ang tao sa buong kasaysayan, alam na alam ng Diyos ang kayarian ng tao. Mayroon ka bang naiisip na sinumang higit na kuwalipikadong pumatnubay sa atin? Sabi niya sa atin: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan.” (Isaias 48:17, 18) Ngunit paano niya tayo tinuturuan?
Ang Paglalaan ng Diyos para sa Patnubay
Ang Bibliya ang pakikipagtalastasan sa atin ni Jehova. (2 Timoteo 3:16) May kaugnayan ito sa tunay na mga tao at sa mga pagkabahala na gaya ng taglay natin. Sinasabi nito kung paano at bakit nilalang tayo ng Diyos at kung paano pinakamabuting magagamit natin ang ating mga buhay. Ito ang isang bagay na pinahahalagahan ni Eyo, isang 16-taóng-gulang na kabataang nagsasalita-ng-Efik.a Sabi niya: “Ang Bibliya ay nagbibigay ng payo mula noong nakalipas na mga panahon, mga bagay na kapit sa mga kabataan. Bagaman ang mga payo nito ay tila mahigpit kung minsan, ito nga ay nakatutulong sa akin na iwasan ang paggawa ng mga bagay na maaaring makapinsala sa akin o makapinsala sa aking kaugnayan kay Jehova.” Sumasang-ayon sa kaniya, sabi pa ni Lydia: “Ang Bibliya ay nagtuturo sa mga kabataan kung paano gagawi. Nakikita ko ang kaibhan sa pagitan ng mga kabataang sumusunod sa payo ng Bibliya at doon sa mga hindi sumusunod.”
Ang mga kabataang ito ay naniniwala na sila ay nangangailangan at tumatanggap ng tulong upang magkaroon ng kaaya-ayang mga personalidad. Sila ay inaalalayan ng dalawang mas nakatatandang mga kabataang taga-Nigeria—sina Nicholas at Richard—na nagsabi: “Kami ay mga walang karanasan at namumuhay sa isang bulok na lipunan.” “Higit ang nalalaman ni Jehova kaysa tinatawag na mga pantas sa ngayon. Kung susundin namin ang kaniyang payo, hindi namin ito pagsisisihan sa dakong huli.” Inuulit nito ang katiyakan mismo ni Jehova: “Ang aking mga pag-iisip ay lalong mataas kaysa inyong mga pag-iisip.” (Isaias 55:9) Hindi ba matalinong patnubayan tayo ng pag-iisip ng Kataas-taasang Isipan?
Ikaw Man ay Makikinabang
Upang ilarawan pa ang kahalagahan ng Bibliya, suriin natin ang ilang mga tao at ang mga kalagayan na may kaugnayan dito, at ang kapaki-pakinabang na payong ibinibigay nito.
Sinasabi ng Genesis ang tungkol kay Dina, anak na babae ni Jacob, na hindi matalinong kinaibigan ang mga babaing Canaanita. Ang mga ito ay hindi sumasamba kay Jehova na gaya niya, ni namumuhay man ang mga ito sa mga pamantayang moral ng kaniyang pamilya. Hindi nagtagal naakit sa kaniya ang isang binatang Canaanita. Ang resulta? Seksuwal na dinahas niya siya! (Genesis 34:1-7) Nakikita mo ba ang leksiyon na matututuhan mula rito? Angkop na angkop, ang Bibliya ay nagpapayo: “Ilayo mo ang iyong lakad” sa imoral na mga tao, at “magsitakas kayo sa pakikiapid.” “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (Kawikaan 5:8; 1 Corinto 6:18; 15:33) Tandaan kung ano ang nangyari sa kaklase ni Lydia. Gayunman, sa pagsunod sa payo ng Bibliya, iningatan ni Lydia ang kaniyang sariling dangal at moral na kalinisan sa paaralan at inani niya ang paggalang ng iba.
Pag-isipan, din, ang tungkol kay Cain, ang panganay na anak ni Adan. Nanaghili siya sa kagandahang-loob na ipinakita sa kaniyang kapatid na si Abel at pinatay siya sa isang pagkilos ng di-napigilang pagsalakay. Gayunman, binabalaan siya ni Jehova na ang kaniyang masamang hilig ay maaaring umakay sa kaniya sa malubhang kasalanan kung hindi niya “dadaigin ito.” Mapusok na iginigiit ang kaniyang sariling nasa, niwalang-bahala ni Cain ang payo ng Diyos. (Genesis 4:1-16) Naiiba ba ang mga kabataan ngayon? Marahil ang ilan na nakikilala mo ay gaya ni Alozie. Iniwasan ng kabataang ito na taga-Nigeria ang mga pagkakataon na mag-aral ng Bibliya. Dahilan sa wala itong impluwensiya sa kaniyang buhay, siya ay gumanti sa isang pagsalakay ng isa pang kabataan. Sa nangyaring labanan, siya ay malubhang nasugatan ng basag na bote. Hindi kaya mas nakabuti sa kaniya ang pagsunod sa payo ng Bibliya? Malamang na gayon nga. Gayon ang nangyari sa insidenteng binanggit sa pasimula, na kinasangkutan ni Grace.
Siya ay dumadalaw sa bahay-bahay, ipinakikipag-usap ang Bibliya sa mga tao sa kaniyang bayan sa Nigeria, nang isang binata ang nagbuhos sa kaniya ng tubig. Gayunman, humanga ang lalaki sa kaniyang pagpipigil-sa-sarili, at hinabol siya, nagpaumanhin, at humingi ng tawad. Isinaayos ni Grace na siya ay mag-aral ng Bibliya na kasama ng mga Saksi ni Jehova, at ngayon siya ay isa na ring Kristiyano. Oo, ang isang tao na “dinadaig” ang kaniyang mga damdamin ay malakas, at ang gayong lakas ay isang proteksiyon.
Gayunman, ang mga ito ay mga halimbawa lamang ng kung ano ang iniaalok ng Bibliya. Ito nga ay kapit sa ngayon. Ang karamihan ng mga payo nito ay itinutuon sa iyo. At itinuturo nito na bagaman maaari mong piliin ang iyong sariling malayang landasin, mas matalinong sundin ang patnubay ng Diyos. Sa paggawa ng gayon, iyong ‘aalisin ang kasamaan sa iyong katawan.’ Maaaring kabilang sa gayong kasamaan ang mga sakit na naililipat sa seksuwal na paraan, pinsala na nakukuha sa pakikipag-away, o iba pang di-kaaya-ayang mga bagay.—Eclesiastes 11:9–12:1.
Kaya hayaang ang Bibliya ang pumatnubay sa iyong buhay. “Layuan mo ang masasamang pita ng kabataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.” Ito ang magbibigay sa iyo ng pagpapala ng isang kaaya-ayang buhay ngayon at ng buhay na walang hanggan sa hinaharap.—2 Timoteo 2:22; 3:16, 17; 1 Timoteo 4:8.
[Talababa]
a Ang Efik ay isang wika sa Nigeria.
[Mga larawan sa pahina 13]
Ang di-matalinong landasin ni Dina ay nagkaroon ng masamang bunga. Ipinakikita ng mga bunga ng pagsunod sa patnubay ng Bibliya na ito ang pinakamatalinong paraan