Karera sa Motorsiklo ang Dating Buhay Ko
AKO ang napiling makipagkarera laban kay Ivan Mauger, ang kampeon ng daigdig sa karera ng motorsiklo, sa isang labanang eksibisyon sa Ipswich, Queensland, Australia. Nang gabing iyon punúng-punô ang istadyum. Madarama mo ang katuwaan sa buong istadyum. Ito ay isang malaking gabi para sa marami—ako, ang bayani ng kanilang bayan, ay makikipagkarera sa numero unong karerista ng daigdig!
Habang kami ni Ivan ay nakalinya sa tali na pagsisimulan ng karera, ang aming mga makina ay umuugong, ang mga tagahanga ay nininerbiyos sa kanilang mga upuan sa kung ano ang maaaring kalabasan. Itinaas ang tali at lumarga na kami! Mahigpitan ang laban namin, sinasabuyan namin ng alikabok ang mga nanonood pagkurbada namin. Mga ilang pulgada lamang ang naghihiwalay sa amin habang pinahaharurot namin ang aming mga motor.
Patas kami pagkatapos ng dalawang karera, isang panalo ang bawat isa. Gayon na lamang katindi ang katuwaan sa aming ikatlo at panghuling karera. Pagdating namin sa panghuling ligid pauwi, humaharurot ang mga makina, nagliliparan ang mga alikabok, nagtayuan ang mga nanonood, tinalo ng kanilang mga sigawan ang ugong ng mga makina. Lumakas ang sigawan ng mga nanonood pagdating namin sa huling liko . . .
Subalit paano ko narating ang tugatog na iyon sa karera sa motorsiklo? Mula sa pagkabata, bahagi na ito ng aking buhay. Iyan ay mauunawaan, sapagkat ang aking ama ay lubhang interesado sa karera sa kalakhang bahagi ng kaniyang buhay. Kabilang sa maaga kong mga gunita ay mga tagpo ng aming buong pamilya sa mga miting ng karera sa motorsiklo linggu-linggo sa Exhibition Grounds sa Brisbane, Australia.
Kaya, bilang isang batang lalaki, nagkaroon ako ng hilig sa mga motorsiklo at pinatakbo ang isa nito nang ako ay matuto. Sa gulang na 15 anyos, pinatakbo ko ang lumang motorsiklo ng aking ama sa piligid ng alinmang bakanteng lugar na hindi isang haywey, yamang napakabata ko pa upang magkaroon ng isang lisensiya sa pagmamaneho. Mentras mas madalas akong magpatakbo ng motorsiklo, lalong tumitindi ang hilig ko sa mga motorsiklo.
Pagsisikap Upang Marating ang Tunguhing Lugar ng Karera sa Motorsiklo
Karakaraka pagkatapos ko ng high school, nagpasiya akong sundin ang yapak ng aking ama sa larangan ng pagmimekaniko. Halos matatapos ko na ang aking pag-aaprendis nang isang matalik na kaibigan ang sumama sa akin na subukin ang karera sa motorsiklo. Mula noon, ang aking buong buhay ay nasentro sa mga motorsiklo.
Ipinagmapuri ko ang araw nang ako ay makabili ng aking unang motorsiklong pangkarera. Ngayon, sa tulong ng aking ama, inayos ko ang aking motorsiklo para sa karera. Noong 1965 sinimulan ko ang aking karera bilang isang karerista sa motorsiklo sa Brisbane Exhibition Grounds. Mangyari pa, kailangan kong magsimula sa ibaba, subalit agad akong naging kilala, at hindi nagtagal hinahamon ko na ang pangunahing mga karerista sa motorsiklo at nananalo sa maraming mga paligsahan.
Mahusay ang nagawa ko sa aking unang panahon ng paligsahan at ang tampok ay ang pagwawagi ng Warana Festival Trophy. Sa pagtatapos ng panahon ng paligsahan, ako ay inanyayahan na magtungo sa ibang bansa at lumahok sa Halifax Speedway sa Yorkshire, Inglatera. Tuwang-tuwang tinanggap ko ang alok, sapagkat ang Inglatera ang tunguhing lugar o pinaka-mecca ng karera sa motorsiklo. Lahat ng magagaling na motorsiklista ay naglalaban sa Inglatera at sa kontinente.
Tagumpay sa Britanong Liga
Kasama ng iba pang mga motorsiklistang Australyano, umalis ako patungong Inglatera noong dakong huli ng 1966 para sa 1967 panahon ng paligsahan sa Inglatera. Sa yugtong ito, nakamit ko na ang dalawa sa aking pinakahahangad na mga tunguhin—ako ay isa nang propesyonal na motorsiklista, at ako ay nakikipagkarera laban sa pinakamagagaling na mga Europeo at mga kampeon sa daigdig.
Lumahok ako ngayon sa mga paligsahan ng Britanong Liga at nagkaroon ako ng pagkakataon na makipagkarera sa Apollo Cup laban sa isang halu-halong larangan ng mga motorsiklista ng daigdig. Sa aking unang paglahok sa karerang ito, sinalot ako ng mga mekanikal na problema, na nagpangyaring ang aking motorsiklo ay sumabog. Kaya hiniram ko ang motorsiklo ng isang kapuwa Australyano. Sa pagmamadali ko, at sa pagsisikap kong magamay ang kakaibang motor, humagis ako at ang motorsiklo sa labas ng karerahan paibayo sa gitnang larangan sa isa lamang gulong, na ang gulong sa harap ay nakataas! Nakapagpatawa ito sa mga nanonood subalit hindi ito nagbigay sa akin ng anumang puntos. Gayunman, kahit na sa hiram na motorsiklong iyon, agad akong nakabalik sa karerahan at nakagawa ng isang mabuting iskor.
Doon sa Australia, samantalang gumagawa ako ng mga kaayusan kasama ng iba pang mga motorsiklista sa pagsisimula ng 1968 panahon ng paligsahan, nakilala ko si Suzette, isang dalaga na lubhang makakaapekto sa aking buhay sa maraming paraan. Kakaiba siya sa karaniwang uri ng mga babae na naglalagi sa mga tindahan ng mga motorsiklo—kakaiba sa kaniyang pananalita at pananamit. Hindi nagtagal natuklasan ko kung bakit—ang kaniyang mga magulang ay mga Saksi ni Jehova, bagaman hindi pa niya tinatanggap ang kanilang pananampalataya. Ito ang unang pagkakatagpo ko sa sinuman na nakakaalam ng anumang bagay tungkol sa mga Saksi.
Hanggang nang panahong ito, wala akong interes sa anumang relihiyon. Naniniwala ako na ang lahat ng mga ito ay interesado lamang sa salapi, at agad kong sasabihin “Kalokohan!” sa sinuman na nag-aangking relihiyoso. Ang aking mga magulang, bagaman mabubuting tao, ay hindi relihiyoso, kaya hindi ako kailanman nakadalo sa anumang relihiyon samantalang ako ay lumalaki. Nang ang edad ko ay 21 ang aking ina ay nag-alok na bilhan ako ng isang Bibliya bilang isang regalo, subalit sinabi ko sa kaniya na huwag na—ako’y abalang-abala sa aking karera bilang karerista sa motorsiklo upang pag-isipan ang tungkol sa relihiyon!
Ipinagpatuloy ko ang aking masinsinang pagsasanay, at ito naman ay agad na nagbunga ng maraming mga malaking panalo. Ako ay nasa isang napakahusay na posisyon para sa mga programa sa hinaharap. Pagkatapos ay nagkaroon ako ng malaking laban na inilarawan sa pasimula ng kuwentong ito. Sino ang nanalo? Tinalo ng bayani ng bayan ang kampeon ng daigdig! Hindi kataka-taka na ang mga nanonood ay tuwang-tuwa.
Pagkatapos niyan, ako ang napiling kumatawan sa Queensland sa isang paligsahan laban sa British Lions. Nanaig sila sa iba pang mga paligsahan sa buong Australia. Napanalunan ko ang bawat karerang sinimulan ko. Ang mga Ingles ay hindi na siyang pinakamagaling. Dito ko nadama ang unang hila ng nasyonalismo. Pagkatapos ako ay napili na lumaban para sa Australia sa dumarating na paligsahan sa pagitan ng Inglatera at Australia.
Dumating ang Sakuna
Nang panahong ito pinakasalan ko si Suzette. Naroon siya para sa malaking paligsahan laban sa Inglatera. Nang dumating kami sa karerahan, nadarama namin ang kaigtingan. Matindi ang nasyonalismo. Ang mga Aussies laban sa mga Pommies. Lahat kami ay seryoso at naroroon upang manalo. Ako ay ipinares sa isang matalik na kaibigan laban sa dalawang motorsiklistang Ingles.
Si Kev, ang aking kapareha, ang unang lumabas sa pinto, kasunod ako at isang motorsiklistang Ingles na nakabuntot sa kaniya. Pagkatapos hinarangan ng motorsiklistang Ingles ang aking kasama. Nalagpasan ko siya. Nakita niya ako, sinikap niyang pahintuin ako, napakabilis na lumiko—at kami’y nagbanggaan. Bumagsak na ako noon, subalit hindi kasinggrabe nito. Halos ikamatay ko ang aksidenteng ito. Isinugod ako sa ospital na may nabasag na bungo, pumutok na mga bato at may lamat na gulugod.
Si Suzette ay sinabihan na manatili sa ospital, yamang hindi ako inaasahang tatagal pa ng magdamag. Hindi nagbalik ang aking malay kundi pagkalipas ng mga ilang araw. Hanggang sa araw na ito hindi maliwanag kung ano ang nangyari sa akin noong unang linggong iyon sa ospital, maliban sa isang bagay—nanalangin ako sa Diyos na huwag akong hayaang mamatay! Hinding-hindi ko naisip ang Diyos dati, subalit sa matinding pangangailangan naisip ko ang Diyos.
Karera sa Motorsiklo ba ang Lahat sa Buhay?
Inaakala ng aking biyenang-babae na ang aking sapilitang pananatili sa bahay ngayon ang mabuting panahon upang kami ay makatagpong muli ng mga Saksi ni Jehova, kaya’t sinulatan niya ang tagapangasiwa ng kongregasyon na malapit sa amin, na hinihiling na may dumalaw sa amin.
Isang mag-asawang Saksi ang dumalaw sa amin, at ako’y sumang-ayon na makipag-aral ng Bibliya sa isang kondisyon—na maaari kong ihinto ang pag-aaral anumang panahon na nais ko. Isang dahilan kung bakit sumang-ayon akong makipag-aral ay sapagkat ako’y nababagot. At nais ko ring patunayan na ang mga Saksi ay kagaya ng lahat ng iba pang mga relihiyon—salapi lamang ang hangad. Gayunman, pagkaraan ng mga ilang pag-aaral, nakita kong mayroon ngang pagkakaiba rito. Ang Bibliya ay nagkaroon ng kahulugan sa akin, at nauunawaan ko na ang kanilang sinasabi ay totoo. At wala man lamang binabanggit na pagkuha ng salapi sa amin.
Paglipas ng mga ilang buwan, bumalik ang lakas ko at ako’y sabik na bumalik sa pagkarera. Ito ang aking buhay, at nais kong simulan karakaraka ang pagkarera. Mayroon akong dalawang pangunahing dahilan dito: Una, ibinalita ng mga pahayagan at ng ilang mga kaibigan na ako ay tapos na; ikalawa, kailangan kong patunayan sa aking sarili at sa iba na ako ay mahusay pa rin na motorsiklista na gaya ng dati bago ang aking halos kamatayang aksidente.
Sa katunayan, napakabilis kong makabawi anupa’t nakapaghanda ako para sa 1969-70 panahon ng paligsahan. Sa pagtataka ng lahat, naging matagumpay ang pagbabalik ko sa karera sa motorsiklo.
Kailangan Kong Pumili
Nang malaunan, lumipat kami sa ibang lugar, at isang may kabataang mag-asawang Saksi ang nagpatuloy ng pakikipag-aral sa amin ng Bibliya. Kaya, ang karera at ang Bibliya ang aking pangunahing mga interes, na nauuna pa rin ang karera. Pagkatapos unti-unti kong nakita ang kaibahan sa pagitan ng mga Saksi at ng aking mga kasama. Lumiliwanag na ngayon ang mga bagay-bagay. Alam na alam ko ang tungkol sa imoralidad at kaluwagan sa moral ng mga asawang lalaki at mga babae sa karerahan, subalit hindi ito nakabalisa sa akin noon. Naniniwala ako na problema na nila iyon, subalit hindi ko isinasama ang aking asawa sa alinmang mga parti o mga salu-salo nila.
Pagkatapos maunawaan ang pangmalas ni Jehova tungkol sa imoralidad at ang pinsalang nagagawa nito sa iba, kinapootan ko kung ano ang nalalaman kung nangyayari, bagaman hindi ako kasangkot dito. Ang imoralidad, pagmumura, panunungayaw, at paglapastangan ay nakayamot sa akin. Ang kawalan ng paggalang sa awtoridad at sa iba pa ay naging kapansin-pansin habang natututuhan ko ang mga simulain ng Bibliya.
Nang panahong ito, nagkaroon ako ng mahusay na alok na makipagkarera sa Amerika at bumalik sa Inglatera. Alam ko na maaabot ko ang aking pangarap na maging isa sa sampung sikat na motorsiklista sa daigdig. Subalit nagkaroon ng mga problema. Hindi ko na nagawang makisama sa mga lalaki sa karerahan na gaya noong una. Binagabag ako ng mga salitang hindi makatkat sa aking isip: ‘Kailangang gumawa ako ng pagpili balang araw!’
Natatandaan ko ang aking huling pakikipagkarera sapagkat ang mga kalagayan ay nagpangyari na ako ay gumawa ng isang mahalagang disisyon. Nagkaroon ng problema mula sa sandaling pumasok ako sa karerahan nang gabing iyon. Ang panunungayaw at pagmumurahan ay nakayamot sa akin. Kasali sa karera ang manugang na lalaki ng isang opisyal na tagapagpasimula nang gabing iyon at ang maliwanag na paboritismo niya rito ay nakagalit sa lahat ng mga motorsiklista. Ang huling pangyayari ay nang pawalang-karapatan niya ako na lumahok sa pasimula ng karera bagaman maliwanag na ibang motorsiklista ang pumutol ng panimulang tali.
Umuwi ako ng bahay nang gabing iyon na suyang-suya at natanto ko na hindi na ako maaaring maglingkod sa dalawang panginoon—sa karera sa motorsiklo at kay Jehova. “Magriretiro na ako sa karera sa motorsiklo,” ipinahayag ko sa hindi makapaniwalang si Suzette. At gayon ang ginawa ko, noon mismo. Sa kabila ng maraming pagsalansang mula sa aking pamilya, ipinagbili ko ang aking mga motorsiklo at mga gamit sa pagmumotorsiklo. Ang ilan sa aking mga kaibigan ay nag-akala na ako ay naging isang relihiyosong panatiko.
Ang Kaligayahan ng Paglilingkod sa Isang Panginoon
Ngayon, sa kauna-unahang panahon, kami ay nagtungo sa Kingdom Hall. Ang mga gawain ko sa karera ay dating nakahadlang sa akin. Ang pagbati at kasiglahan na naranasan namin sa unang pulong na iyon noong Linggo ay hinding-hindi namin malilimutan. Ang ganda ng pakiramdam ko, at natalos ko na hindi na ako alipin ng karera sa motorsiklo. Hindi na ako naglilingkod sa dalawang panginoon. Ngayon maaari ko nang tanggapin ang paanyaya na daluhan ang lahat ng mga pulong Kristiyano. At sabik na sabik akong sabihin sa iba ang natutuhan ko, lalo na ang kahanga-hangang pag-asa na binabanggit ng mga talata sa Bibliya gaya ng Apocalipsis 21:4: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”
Kaming mag-asawa ay magkasabay na nabautismuhan sa Brisbane noong 1970. Pagkaraan niyan, naglingkod kami sa Papua New Guinea ng mga ilang panahon, tumutulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita kung saan malaki ang pangangailangan. Ngayon narito kaming muli sa Australia, pinagpala ng tatlong mga anak na lalaki. Sa tulong ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, pinalalaki namin sila, hindi upang maging mga panatiko sa karera sa motorsiklo na gaya ko noon, kundi upang maging mga tagasunod ni Kristo, mga umiibig sa katotohanan, at mga mananamba kay Jehova.—Gaya ng isinaysay ni Les Bentzen.
[Blurb sa pahina 15]
Sa pagmamadali ko, humagis ako at ang motorsiklo sa labas ng karerahan paibayo sa gitnang larangan sa isang gulong!
[Blurb sa pahina 16]
Sa karerahan, matindi ang nasyonalismo