Isang Liham Mula sa Ina ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol
AKO ay 37 anyos, may-asawa, may tatlong magagandang anak. Labing-anim na taon na ang nakalipas ako ay nakapuwesto sa isang mesang pangkusina samantalang ang buhay ay inaalis sa isang tao na walang sinuman ang makakakilala.
Ang taong iyon ay umiral lamang ng tatlo at kalahating buwan. Sa palagay ko ang tanging kaibigan ng taong iyon ay ang Diyos na Jehova. (Awit 139:13-16) Para bang walang sinuman ang may gusto rito.
Nang panahong iyon, 16 na taon na ang nakalipas, ako ay isang estudyante sa kolehiyo, bahaging-panahon na nagtatrabaho at namumuhay na mag-isa sa isang malaking lunsod sa West Coast. Pangarap ko ang “maging tanyag” na kasama ng lahat ng “mga taong sikat.”
Marami akong plano para sa hinaharap. Ang isang sanggol ay basta hindi kasali sa aking istilo ng pamumuhay. Iminungkahi ng ama ng bata ang isang aborsiyon o paglalaglag, at wala kaming pinag-usapang anumang mapagpipilian. Ayaw kong gunitain ang tungkol sa kung ano ang aktuwal na inaalis namin—ang buhay ng isang nabubuhay na kaluluwa. Ni minsan ay hindi ko inisip kung ano ang palagay ng Diyos tungkol dito.—Exodo 21:22, 23; Roma 14:12.
Mangyari pa, ang aborsiyon nang panahong iyon ay hindi “legal.” Nabalitaan ng ama ng bata ang tungkol sa ilang mga doktor na nagsasagawa ng mga aborsiyon bilang karagdagang trabaho.
Kaya naroon ako sa apartment ng aking nobyo at ipinaaalis sa lalaking ito ang “abala” na pumasok sa aking buhay. Ayaw kong harapin ang katotohanan at, dahil diyan, nakayanan ko ito sa mental na paraan. Sa pisikal na paraan, hindi naging mabuti ang lahat. Nagkaroon ako ng panloob na impeksiyon anupa’t ako’y inaapoy ng lagnat sa loob ng tatlong araw. Pagkatapos magpagamot, ako ay gumaling.
O gayon ang palagay ko. Sino ang nakakaalam kung ano ang nagawa sa aking pagkatao ng pagmamatigas na iyon ng aking puso upang gawin ang grabeng pagkakasalang iyon?
Inilihim ko ang malungkot at pangit na bahaging ito ng aking nakalipas sa aking asawa. (Pagkalipas ng maraming taon na kami ay nagkakilala.) Ewan ko kung may anumang kabutihan na sabihin ito sa kaniya. Nang malaman ko ang katotohanan (mahigit sampung taon na ang nakalipas) humingi ako ng tawad kay Jehova sa lahat ng mga kasalanan na nagawa ko noon, pati na ang pagpatay sa aking hindi pa isinisilang na anak. Nagtitiwala akong igagawad Niya ang Kaniyang awa sa pamamagitan ng hain ni Jesus upang takpan ang aking mga kasalanan. Yamang ang aking buhay ay nalinis na sa pamamagitan ng pagkakapit ng kung ano ang natutuhan ko mula sa Kaniyang Salita ang Bibliya, hindi na ako gumagawa ng malubhang kasalanan. Subalit baka hinding-hindi ko mapatatawad ang aking sarili.—1 Juan 1:7.
Kung pinatay ko ang aking sariling anak nang siya ay mga ilang buwang gulang na, 6 na taóng gulang, 20 taóng gulang, siya sana ay may pag-asa na mabuhay-muli sa bagong sistema ng Diyos. (Lucas 23:43; Apocalipsis 20:12, 13) Subalit ang sanggol na ito ay hindi kailanman naisilang, hindi kailanman huminga ng unang paghinga. Kinuha ko ang buhay na iyon at ang anumang posibilidad ng buhay na iyon na muling umiral. Nangyari na ito at wala na akong magagawa.
Mentras nagkakaedad ako, mas madalas na sumasagi sa akin ang alaalang ito. Sa buong panahong ito hindi ko hinayaan ang aking sarili na isipin ang tungkol dito. Kailanma’t sumasagi ito sa aking isipan ay iwinawaksi ko ang tungkol dito. Agad kong “binabago ang paksa” sa mental na paraan. Hindi ko na magawa iyan ngayon. Talagang napakahirap batahin ang namamalaging pagkadama na ito ng pagkakasala. Ang sanggol na iyon ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na mahalin ng sinuman. Marahil may isang sanggol diyan na mamahalin.
Iyan ang dahilan kung bakit isinusulat ko ang lahat ng mga bagay na ito na kinuyom ko sa aking sarili sa loob ng maraming taon. Kung mabasa ng sinumang nagtatangkang maglaglag ng sanggol ang liham na ito, baka magbago siya ng isip at hayaang patuloy na mabuhay ang buhay na iyon. Bigyan mo ng pagkakataon ang batang iyan na mabuhay at mahalin. Libu-libong mga tao ang nagnanais na umampon ng isang bata. Bukod pa riyan, sa dakong huli, kapag naantig ang iyong puso at ang iyong budhi, hindi mo kailangang harapin ang katotohanan na pinatay mo ang sarili mong anak. Maaaring hindi mo madama ang pagkakasala ngayon; subalit madarama mo ito balang araw. At hindi ito kailanman lumalayo!—Isaias 1:18; 55:6, 7.
Matinding nagsisisi,
Ang Ina ng Hindi Pa Isinisilang na Sanggol