Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 3/8 p. 8-14
  • Madadaig Mo Ba ang Kanser?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Madadaig Mo Ba ang Kanser?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalaga ba ang Pagkain?
  • Ang Sinasabi Nila Tungkol sa Tabako ay Totoo
  • Mga Kemikal na Pumapatay
  • Maagang Rikonosi​—Unang Hakbang sa Paggamot
  • Ang Iyong Saloobin at ang mga Mungkahi ng Doktor
  • Pagharap sa Paggamot ng Kanser
  • Pagharap sa Masamang mga Epekto
  • Maaari bang Daigin ang Kanser sa Suso?
  • Iba Pang Mapagpipiliang Paggamot?
  • Kanser—Ano Ba ang Ating Kalagayan?
    Gumising!—1987
  • Ano Ba ang Kanser? Ano ang mga Sanhi Nito?
    Gumising!—1987
  • Breast Cancer—Ano ang Dapat Asahan? Paano Ito Makakayanan?
    Gumising!—2011
  • Mga Paraan Ukol sa Kaligtasan
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 3/8 p. 8-14

Madadaig Mo Ba ang Kanser?

“Samakatuwid, wari bang ang karamihan ng kanser sa tao ay maaaring iwasan.”​—The Causes of Cancer.

“Ang istilo ng pamumuhay ng pasyente at ang pagkukusa nitong makibahagi sa paraan ng paggaling ay maaaring lubhang makaapekto sa kaniyang kalusugan.”​—Holistic Medicine.

PAANO maaaring madaig ang kanser? Susuriin natin kung ano ang ginagawa upang lunasan ang sakit o hadlangan ang mga pinsala nito. Gayunman, may kasabihan na ang pag-iingat ay mas mabuti kaysa sa paggamot. Kaya isaalang-alang muna natin ang mga posibilidad ng pag-iingat sa pamamagitan ng pagkain.

Mahalaga ba ang Pagkain?

Posible ba na ang ilang pagkain na ating kinakain ay maaaring pagmulan ng kanser? Ang aklat na Malignant Neglect ay nagsasabi: “Ang mataas na bilang ng kanser sa bituka at sa suso sa Estados Unidos ay sa kalakhang bahagi ipinalagay na resulta ng pagkain.” Kaya, kung ano ang kinakain mo sa loob ng mga taon ay maaaring makaimpluwensiya sa mga posibilidad ng pagkakaroon ng kanser. Kaya ang isang taong interesado sa mabuting kalusugan ay dapat na maging mapamili sa kung ano ang kaniyang kinakain at iniinom.

Kasama rin sa pagkain ang iniinom na likido. Yamang ang pag-abuso sa alkohol ay maaaring humantong sa sarisaring kanser, ang maliwanag na payo ay uminom nang katamtaman lamang. Subalit ano ba ang ipinalalagay ng mga doktor na “katamtaman”? Ang sagot ay maaaring makagulat sa marami na naniniwalang sila ay katamtaman na mga mang-iinom: “Dalawa o mas kaunti pang mga pag-inom sa isang araw, lalo na kung ikaw ay naninigarilyo.” (Diet, Nutrition & Cancer Prevention) Sa katuturang ito, kung iinom ka ng mahigit sa dalawang inumin sa isang araw, sa kontekstong ito ng pag-iingat-kanser, ikaw ay hindi na umiinom nang katamtaman.

Ang mahalagang punto ay na mayroon tayong magagawa tungkol sa kanser kung tayo ay indibiduwal na gumagawa ng pag-iingat. Subalit ano ba ang kinakailangan upang ang mga paraan sa pag-iingat ay magkaroon ng bisa o epekto sa publiko? Ganito ang tahasang pagkakasabi ng seruhano sa kanser na si Blake Cady: “Isang programa sa edukasyong pampubliko na . . . aawat sa mga tao mula sa matatabang karne tungo sa mga karneng hindi gaanong mataba, sa mga pagkaing mababa sa kolesterol, ay higit ang magagawa kaysa maaaring gawin ng medisina upang bawasan ang dami ng kanser.” (Target: Cancer) Kung gayon, anong mga pagkain ang makatutulong upang pawiin ang kanser?

Inirirekomenda ng isang ahensiyang pangkalusugan ng pamahalaan na ang inyong pagkain ay dapat maglaan ng hindi kukulanging 25-35 gramo (mga isang onsa) ng likas na hibla (fiber) isang araw. Ito ay tumutulong upang panatilihing likas na malinis ang mga bituka. Subalit paano ka ba nakakakuha ng mga hibla sa iyong pagkain? Kumain ng maraming prutas, gulay, gisantes, balatong, at whole-grain na tinapay at mga cereal o binutil. Kainin ang mga pagkaing gaya ng patatas, mansanas, peras, at peaches na kasama ang kanilang balat. Maaari ring bawasan ng mga gulay na mula sa pamilya ng repolyo ang panganib ng kanser sa bituka.

Isa pang rekomendasyon ay iwasan ang mga taba ng hayop. Ang manok at isda ay inirirekomenda sa halip na pulang karne. Kung pipiliin mo ang karne, kung gayon tiyakin na mayroon ito o gagamitan ito ng kaunting taba. Piliin ang mababa-taba o skim-milk na mga produkto ng gatas. Isama ang mga pagkain na naglalaman ng mga bitaminang A at C, gaya ng berde at madahong mga gulay​—broccoli, kale, spinach, chicory, watercress, beets, at maging ang mga dahon ng dandelion! Ang isa pang pagkaing mayaman sa mga bitamina A at C ay ang mga pagkaing kulay dilaw-dalandan: mga gulay​—karots, kamote, pumpkins, kalabasa; mga prutas​—apricots, melon, papaya, peaches, pinya, at pakwan, upang banggitin lamang ang ilan.

Binabanggit din ng Diet, Nutrition & Cancer Prevention: “Dumarami ang katibayan na ang pagkain ng napakaraming taba (kapuwa saturated at unsaturated) ay maaaring magparami ng iyong tsansa sa pagkakaroon ng kanser sa bituka, suso, prostate, at endometrium [pinaka-sapin ng matris].” Ano kung gayon ang konklusyon? Na ang iyong pagkain ay mahalaga sa maraming kanser.

Anong iba pang mga produkto ang dapat nating iwasan kung nais nating bawasan ang panganib ng kanser? Bagaman ito ay maaaring hindi isang popular na rekomendasyon sa iba, kailangan nating suriin ang bahaging ginagampanan ng tabako.

Ang Sinasabi Nila Tungkol sa Tabako ay Totoo

Ang mga dalubhasa sa Oxford University na sina Doll at Peto ay sumulat: “Walang isang paraan ang nakikilala na magkakaroon ng malaking epekto sa bilang ng mga kamatayan dahilan sa kanser na gaya ng pagbabawas sa paggamit ng tabako . . . Ang pangunahing epekto ay ang paglitaw ng kanser sa bagà, na sa dakong huli ng kalagitnaang edad ay mahigit na sampung ulit na mas marami sa regular na mga maninigarilyo kaysa sa buong buhay ng mga hindi naninigarilyo.”

Maaari ring bawasan ng paghinto sa paninigarilyo ang kalimitan ng iba pang kanser. “Ang materyal na epekto ay makikita rin sa paglitaw ng mga kanser sa bibig, lalamunan, lalaugan, pantog, malamang ay sa lapay, at marahil ay sa bato.”​—The Causes of Cancer.

Mga Kemikal na Pumapatay

Humihinga ka ba ng kemikal na mga produkto sa dakong iyong pinagtatrabahuan, o nadadaiti ka ba rito? Pinatutunayan ng pananaliksik kamakailan na ang ilang mga kemikal ay maaaring pagmulan ng isang reaksiyon sa kanser. Sang-ayon kay David P. Rall, direktor ng U.S. National Toxicology Program, ipinakikita ng katibayan na “18 mga kemikal ang maaaring magdala ng kanser sa tao at 18 iba pa ang pinaghihinalaan.” Ang publikasyong pangkalusugan ng E.U. na Decade of Discovery ay nagsasabi: “Ang isang kemikal ay maaaring kumilos bilang isang tagapasimuno at tagataguyod, o maaaring magkaroon ng reaksiyon sa isa’t isa ang dalawa o higit pang mga kemikal upang lumikha ng isang tumor.” Kung gayon, ano ang ilan sa mapanganib na mga kemikal at mga hanapbuhay?

Itinatala ng publikasyong The Causes of Cancer ang mga sangkap na alky, mabangong mga amines, asbestos, benzene, vinyl chloride, at ilang kombinasyon o halo ng arseniko, cadmio, kromio, at nikel. Ipinakikita rin nito ang paggawa ng mga muwebles at ang mga panindang katad o balát, gayundin ang paggawa ng isopropyl na alkohol na mapanganib na mga hanapbuhay. Ano kung gayon ang magagawa mo kung ang alinman sa mga salik na ito ay nasasangkot sa iyong trabaho?

Karaniwan na, ang responsableng mga amo ay gagawa ng mga hakbang upang alisin ang panganib ng pagkahawa. Sa ilang kaso, ang mas maraming bentilasyon ay nagsilbi upang mas mabilis na alisin ang singaw sa gawaang dako. Sa ibang mga kalagayan, ang mga manggagawa ay gumugugol ng mas maikling panahon sa isang mapanganib na dako. Mga kasuotang pananggalang at mga respirator ay ginagamit. Gayunman, angkop dito ang isang paalaala.

“Hindi pa nga nalalaman ng karamihang mga kompaniya na umiiral ang mga kemikal na ito, o kung alam nila na umiiral ito, wala silang kaalam-alam na mayroong isang bagay na tinatawag na carcinogen.” (Decade of Discovery) Sa gayong mga kalagayan, ano ang magagawa mo? Kung ayaw kang pangalagaan ng iyong amo, kung gayon maaaring timbang-timbangin mo kung makabubuti ang pagpapalit ng iyong trabaho. Tutal, ang iyong kalusugan ay isa sa iyong pinakamahalagang kayamanan.

Kaya mayroon ka bang magagawa upang daigin ang kanser? Sagutin muna ang mga katanungang ito: Iniibig mo ba ang buhay, mabuting kalusugan, at kalakasan? Humahanga ka ba sa kamangha-manghang kaloob ng isang malusog na katawan? Nais mo bang daigin ang kanser? Kung ang sagot mo ay oo, kung gayon magkakaroon ka ng sapat na pangganyak upang gumawa ng mga pagbabago sa iyong istilo ng pamumuhay, mga pagbabago na magbabawas ng iyong mga tsansa ng pagkakaroon ng kanser sa iyo mismong katawan. (Tingnan ang talaan sa pahina 6.)

Maagang Rikonosi​—Unang Hakbang sa Paggamot

Ano kung ang pag-iingat ay huli na? Ang manunulat sa siyensiya na si Edward J. Sylvester ay nagsasabi na mayroon “pang mabuting balita para sa mga natatakot na maaari silang magkaroon ng kanser . . . , subalit . . . ang karamihan ng mga pagsulong sa paggamot sa kanser ay nauugnay sa maagang rikonosi.” Samakatuwid, lahat ng mga dalubhasa sa larangan na ito ay nagpapayo ng pagiging alisto sa posibleng nagbababalang mga hudyat ng kanser. Ano ang maaari mong bantayan bilang maagang nagbababalang mga hudyat? Ang ilan sa mga ito ay:

1. Isang pagbabago sa mga parisan o pag-uugali sa pagdumi o pag-ihi.

2. Isang sugat na hindi gumagaling.

3. Hindi pangkaraniwang pagdurugo.

4. Bukol sa suso o sa iba pang dako.

5. Regular na hindi natutunawan o nahihirapan sa paglunok.

6. Maliwanag na pagbabago ng isang kulugo o nunal.

7. Walang tigil na pag-ubo o pagkamalat.

8. Hindi maipaliwanag na pangangayayat kamakailan.

Sa unang palatandaan ng alinman sa mga sintomas na ito, dapat kumunsulta sa isang doktor. Mangyari pa, ang sintomas ay maaaring hindi naman nagpapahiwatig ng kanser. Subalit mientras mas maagang malaman mo, mas mabuti.

Ang bagong mga pagsulong ay nagawa sa maagang pagkatuklas sa mga tumor sa pamamagitan ng mammography, thermograms, sonograms (ultra sound na mga larawan), CAT scans, Pap smears, at mga pagsuri sa dumi. Ang mga teknisiyan sa ngayon ay mayroon pang mas eksaktong sistema ng maagang rikonosi na tinatawag na MRI (magnetic resonance imaging). Gaya ng ipinaliliwanag ng manunulat na si John Boal, ang MRI scan ay “isang hindi sumasalakay, walang radyasyon, at walang sakit na pamamaraan.” Ito ay napakabisa anupa’t “sa isang pag-aaral kamakailan sa Huntington Medical, mga tumor sa utak ay nasumpungan sa 93 mga pasyente kung saan walang nasumpungang mga abnormalidad sa utak sa mga CAT scans.” (American Way) Bagaman ito ay napakamahal na kagamitan, inaasahan na sa pagtatapos ng 1986, magkakaroon ng mga 300 na ilalagay sa mga ospital sa E.U.

Ang Iyong Saloobin at ang mga Mungkahi ng Doktor

Kadalasan na ang unang reaksiyon kapag sinabihan na ang isa ay may kanser ay ang pagkakaila, pagtangging maniwala rito. Sa kaniyang aklat na The Facts About Cancer, binabanggit ni Dr. McKhann na ang pagkakaila ay “isang napakahalagang normal at malusog na depensang mekanismo laban sa nagbabanta-buhay na mga kalagayan o impormasyon. Ito ay inilarawan bilang ang ‘morpina ng kaluluwa’ at ang paraan ng pagtanggi natin sa mga kaisipan na napakasakit batahin. Sa katunayan ay binibili natin ang panahon upang buong tatag na maharap natin ang katotohanan, kadalasan ay hinahayaan nating unti-unting dumating ang katotohanan upang hindi tayo magapi nito.”

Gayunman, siya ay nagbibigay ng babala: “Ang matindi at pinatagal na pagkakaila ay maaaring humadlang sa iyo sa paghahanap ng maagang medikal na pansin o magpangyari sa iyo na tumanggi sa medikal na payo at paggagamot dahilan sa hindi mo pagtanggap sa rikonosi.”

Ang iba pang reaksiyon ay maaaring takot o galit. Makatutulong sa lahat na unawain na “ang tudlaan ng galit ay baka ang . . . pamilya, Diyos, kapalaran, mga doktor, narses, ang ospital o ang sakit mismo.”

Ang pagkadama ng pagkakasala ay kadalasang pumapasok sa isipan ng mga pasyenteng may kanser. Ang may sakit na asawang lalaki ay nakadarama ng pagkakasala sapagkat hindi na niya mapaglalaanan nang wasto ang kaniyang pamilya; ang asawang babae, dahilan sa hindi na niya mapangangalagaan ang tahanan na gaya ng ginagawa niya dati. Gaya ng ipinapayo ni Dr. McKhann: “Masusumpungan mong mas nakagiginhawa na panghinayangan na hindi mo maaaring gawin ang isang bagay sa halip na makadama ng pagkakasala tungkol dito.”

Ang isa pang karaniwang reaksiyon sa mga pasyenteng may kanser ay ang panlulumo, na maaaring humantong sa mga damdamin ng kawalang-pag-asa at kalumbayan. Paano minamalas ni Dr. McKhann ang lahat ng mga reaksiyong ito? “Bagaman hindi kanais-nais ang mga ito, lahat ng matinding mga reaksiyong ito ay normal. . . . Kinakatawan nito ang mga pagtugon sa karamdaman at ang mga ito ay hindi bahagi ng sakit mismo.”

Siya ay nagmumungkahi: “Ang pagharap mo sa kanser ay humihiling na labanan mo ang maraming mga pakikipagbaka. Mapagtatagumpayan mo ang ilan, ngunit dapat mo ring asahan na matalo sa ilan. . . . Upang maunawaan kung ano ang kailangan, dapat mong pag-aralan ang iyong kaaway. Nangangahulugan ito ng pag-alam kung paano sumasalakay ang kanser sa iyong katawan, ngunit mas mahalaga, kung paano ito sumasalakay sa iyong pagkatao, ang tunay na ikaw.”

Pagharap sa Paggamot ng Kanser

Sa ilang mga bagay, ang pakikipagbaka laban sa kanser ay mabagal ang resulta, at nitong nakalipas na mga dekada ang mga resulta ay mas nakapagpapatibay-loob. Inaakala ng mga doktor, mga siyentipiko, at mga mananaliksik na nakakakita sila ng maliit na liwanag sa dulo ng tunel. Ipinakilala nito ang isang mahalagang salik sa pakikipagbaka laban sa kanser​—pag-asa. Ganito ang sabi ni Dr. McKhann: “Marahil ang isang pinakamahalagang kahilingan para pamuhayan ang kanser ay ang pag-asa . . . , isa sa pinakamahiwaga at sumusustining mga kahalagahan sa buhay.” Ang paggaling ay nakasalalay sa pag-asa samantalang ang kanser ay lumalala sa kawalan ng pag-asa. Subalit saan maaaring makakuha ng pag-asa ang isang pasyenteng may kanser?

May ilang mga pinangmumulan, subalit ang tatlong kilalang pinagmumulan ay: (a) mga doktor at narses na nakikiramay at optimistiko, (b) ang iyong mga mahal sa buhay, lalo na ang isang asawa na may positibong kaisipan, (c) matatag na relihiyosong pananampalataya. Ang aming pangwakas na artikulo sa seryeng ito ay magkukomento tungkol sa bahagi ng pananampalataya at tungkol sa tunay na saligan para sa pag-asa sa hinaharap.a

Sa medikal na mga termino, ang isang matibay na saligan ng pag-asa ay ang tatlong pangunahing tinatanggap na paggagamot sa kanser​—pag-opera, chemotherapy, at radyasyon. Ano ba ang tatlong pamamaraang ito?

Ang pag-opera ay kinasasangkutan ng pag-aalis sa bukol at marahil sa ilang nakapaligid na himaymay.

Ang chemotherapy (kemikal na paggagamot) ay ang paggamot sa kanser sa pamamagitan ng mga droga o gamot na maaaring kumalat sa katawan at salakayin ang mga selula ng tumor. “Mahigit na limampung kemikal ang ginagamit upang gamutin ang kanser at ang ilang mga tumor ay maaaring gamutin.”​—The Facts About Cancer.

Ang paggagamot sa pamamagitan ng radyasyon ay ang paggamit ng mataas-enerhiyang radyasyon mula sa X ray, cobalt, radium, at iba pang pinagmumulan upang sirain ang grabe o malalang mga selula.

Pagharap sa Masamang mga Epekto

Hindi makatuwirang banggitin ang tungkol sa tagumpay sa paggamot ng kanser nang hindi rin binabanggit ang mga panganib o masamang mga epekto. Sa maikling pananalita, “ang mga gamot sa chemotherapy ay mga lason,” at “ang ilan sa mga gamot na ito ay totoong nakalalason anupa’t ang mga pasyente ay namamatay dahilan sa masamang mga epekto nito.” (Target: Cancer) Kaya, yamang ang chemotherapy ay isang paglalason sa sistema, ito ay isang tabak na may dalawang talim. Inaasahang pinapatay nito ang mas maraming grabeng mga selula kaysa malulusog na selula. Subalit maaari rin itong humantong sa iba pang masamang mga epekto gaya ng pagkahilo, pagsusuka, at pansamantalang kawalan ng buhok. Gayunman, inaakala ng maraming pasyente na ang pansamantalang di-kanais-nais na masamang mga epekto ay mas mabuti kaysa maagang kamatayan.

Ang paggagamot sa pamamagitan ng radyasyon ay talagang isang pagsusunog na pamamaraan na sumisira sa lahat ng mga selulang tamaan nito. Gayunman, maaari itong ituon sa eksaktong dako ng tumor. Gayumpaman, sabi ng isang awtoridad na “ang paggagamot sa pamamagitan ng radyasyon ay pinagmumulan ng kanser sa dakong huli.” Ito’y nangangahulugan ng pagbibigay ng isang bagay na kapalit ng isang bagay na dapat pagpasiyahan ng pasyente.

Inaamin ng ibang mga doktor na kung minsan ginagamit nila ang mga paggagamot na ito kahit na kung, sa kanilang pangmalas, ay wala nang pag-asa ang pasyente. Gaya ng inaamin ng seruhanong taga-Chile na si Dr. Villar: “Kung minsan, ang paggamot sa kanser ay napakamagastos​—napakamagastos​—na anyo ng psychotherapy.” Binabanggit ng manunulat sa siyensiya na si Sylvester na “ang palagay ni Villar [ay] sinasang-ayunan ng maraming manggagamot ng kanser na nababahala na kahit na ang lubhang nakalalasong mga paggamot ay ipinag-uutos nang walang katibayan na ang mga ito ay nakatutulong.” Kung gayon bakit ito inirirekomenda? “Sapagkat inaakala ng isang doktor, sa pananalita ng isang mapunahing medikal na oncologist (dalubhasa sa pag-aaral ng tumor): ‘Hindi ko maatim na hayaang basta mamatay ang kawawang babae.’”​—Target: Cancer.

Gayunman, pinipili ng maraming tao ang pamumuhay nang walang paggamot na magpapahaba lamang ng kanilang paghihirap. Totoo ito lalo na kapag ang paggagamot ay hindi nakatutulong sa kanila at maaaring nakadaragdag sa kanilang paghihirap.

Maaari bang Daigin ang Kanser sa Suso?

Marahil isa sa kinatatakutang kanser ng mga babae, at maging ng ilang mga lalaki, ay ang kanser sa suso​—hindi lamang dahilan sa dami ng namamatay rito kundi dahilan sa pangkagandahan at sikolohikal na mga epekto nito. Ano ang magagawa mo upang iwasan ang pag-aalis ng isang suso, na tinatawag na mastectomy? Isang mahalagang salik ay ang maagang rikonosi.

Bagaman ang mga babae ay pinapayuhan na suriin ang kanilang mga suso kung may anumang bukol, iminumungkahi na ang mga babaing may mas malaking suso ay magkaroon ng taunang mammography, o X-ray sa suso. Bakit gayon? Sapagkat mahirap mapansin ang isang bukol sa loob ng kalamnan sa pamamagitan lamang ng basta pagsalat. Gaya ng sabi ni Dr. Cory SerVaas: “Ang inyong tsansa na mapabilang sa mga mapapalad ay mas mabuti kung kayo ay unang magpapa-mammogram minsang kayo’y sumapit sa edad na 35 o 40.” Bakit gayon? “Sa karamihang uri ng kanser sa suso ang limang-taon na antas ng pagkaligtas ay mahigit sa 85 porsiyento sa mga kanser na natutuklasan samantalang nasa Yugto I.”

Sa ngayon may mga makina ng X-ray na makagagawa ng isang mammography sa napakababang antas ng radyasyon. Binabawasan nito ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser dahilan sa labis na radyasyon.

Ang isa pang tulong sa napakaagang rikonosi ay ang thermogram, na isang pagsusuring mabuti sa temperatura ng suso. “Ang mga tumor ay nagkakaroon ng kanilang sariling mga panustos ng dugo, nangangailangan ng maraming enerhiya ng oksiheno ng dugo para sa kanilang paglaki. . . . [Ang mga ito] ay nag-aanyo ng maiinit na dako, naglalabas ng mas maraming enerhiya kaysa normal na mga selula.” (Target: Cancer) Ito ay nagpapahintulot ng maagang pagtuklas sa “mainit na dako” sa pamamagitan ng thermogram.

Noong nakalipas, ang pag-opera sa kanser sa suso ay kadalasang nangangahulugan ng lubusang mastectomy​—pag-aalis sa suso at kapaligid na kalamnan at mga kulani. Iyan ba ay ipinalalagay pa rin na mahalaga? Si Dr. Bernard Fisher, isang dalubhasa sa larangan ng kanser sa suso, ay naghinuha na ang lubusang mastectomy ay hindi lamang hindi makatuwiran kundi “ang payak na mastectomy, ang pag-aalis ng lahat ng himaymay ng suso, ay waring hindi napabuti ang kaligtasan kaysa basta mga lumpectomy [pag-aalis lamang ng bukol] na ginagamitan o hindi ginagamitan ng paggagamot na radyasyon.”

Iba Pang Mapagpipiliang Paggamot?

Hanggang sa puntong ito, tinalakay lamang namin ang tinatanggap na medikal na pamamaraan sa paggamot ng kanser. Matuwid lamang na banggitin na ang ibang mga pasyente ay gumamit ng ibang pamamaraan na may sarisaring antas ng tagumpay at kabiguan. Ang mga halimbawa nito ay ang Laetrile (Bitamina B17) na paggamot, ang Hoxsey na paggamot na gumagamit ng mga damong-gamot at ilang mga kemikal, at ang isa pang paraan na ginawa ni Dr. William D. Kelley, isang dentista, salig sa paniniwala na ang kanser “ay nagpapahiwatig ng isang aktibong kakulangan ng enzyme sa lapay.”​—One Answer to Cancer.

Karagdagan pa, gaya ng binabanggit sa Target: Cancer: “Maraming tao, kabilang na ang ilang mga manggagamot, ang naniniwala sa isang ‘holistic’ o kalahatang ideya ng sanhi, lunas, at pag-iingat sa kanser at iba pang mga sakit: Ang kanser ay isang karamdaman na ‘pinangyari’ ng tao sa kabuuan na nawala sa kondisyon o kaayusan, at ang pagsisikap sa bahagi ng tao na isauli ang kalusugan. Maraming kagalang-galang na mga tao ang naniniwala rito, at maraming dating biktima ng kanser ang nagsasabi na sila ay gumaling sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hatol na paggamot sa tao sa kalahatan o kabuuan sa halip na gamutin lamang ang sakit.”

Isa sa dating biktima ay si Alice, isang masayahing babae na nasa edad 50’s, mula sa British Columbia, Canada. Gayunman, 36 na taon na ang nakalipas, siya ay unang inoperahan ng isang maliit na grabeng bukol sa kaniyang kamay. Paglipas ng anim na taon, siya ay inoperahan dahil sa kanser sa obaryo. Pagkatapos, noong 1960, isang hysterectomy (pag-alis sa matris) ay isinagawa.

Muling lumitaw ang kanser noong 1965, at minsan pa ay iminungkahi ang pag-opera. Sabi ni Alice: “Nais nilang isagawa ang isang colostomy at isang mastectomy, subalit ayaw ko niyan. Nang panahong iyon, sawang-sawa na ako sa pag-opera. Kaya ako ay nagtungo sa Mexico para sa Hoxsey na paraan ng paggamot. Sinunod ko ang kanilang pamamaraan sa loob ng 11 taon. Para sa akin ito ay nakabuti, bagaman alam ko na hindi ito laging nakabubuti sa iba. Mula noon ay wala na akong naranasang muling paglitaw ng kanser.”

Ang isa pang tao na nagtagumpay sa kaniyang pagpupunyagi laban sa kanser ay si Rose Marie. Isinasaysay niya ang kaniyang istorya sa susunod.

[Talababa]

a Kabilang sa artikulong lalabas sa Marso 22 ng Gumising! ay tungkol sa pakikipagtulungan na ginagampanan ng mga kawani sa medisina at ng mga kamag-anak.

[Kahon sa pahina 13]

Bagaman binabanggit ng Gumising! ang iba’t ibang paraang ito, hindi namin pinaninindigan ang kanilang pagkamabisa. Gaya ng sinasabi ni Dr. Kelley: “Dapat laging isaisip na may malaking panganib sa anumang paggamot [tinatanggap o hindi tinatanggap] na pinipili mo o sa anumang kombinasyon ng mga paggamot.” Samakatuwid, sinisikap naming ipaalam ang kasalukuyang kalagayan, subalit hinahayaan namin ang bawat isa na gumawa ng kaniyang sariling disisyon pagkatapos pag-aralan at isangguni sa kuwalipikadong mga manggagamot.

[Graph sa pahina  10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)

HALIMBAWANG PAGHAHAMBING NG MGA KAMATAYAN DAHILAN SA KANSER SA MGA LALAKING NANINIGARILYO AT SA INAASAHANG BILANG PARA SA MGA HINDI NANINIGARILYOb

Ang bawat tao ay kumakatawan sa 100 kamatayan

KANSER SA BAGÀ

HINDI NANINIGARILYO 231 Inaasahang Kamatayan

NANINIGARILYO 2,609 Napunang Kamatayan

KANSER SA BIBIG AT LALAMUNAN

HINDI NANINIGARILYO 65 Inaasahang Kamatayan

NANINIGARILYO 452 Napunang Kamatayan

[Talababa]

b Batay sa mga kamatayan noong kalagitnaang 1970 ng mga lalaki sa Estados Unidos na mga naninigarilyo noong 1950’s.​—Tingnan ang The Causes of Cancer, pahina 1221.

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang mga pagkaing ito ay nagbibigay ng likas na hibla at mga bitamina bilang isang proteksiyon laban sa kanser

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share