Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 3/8 p. 17-19
  • Bakit Hindi Ako Maunawaan ng mga Nakatatanda?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Hindi Ako Maunawaan ng mga Nakatatanda?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Magkatulad na mga Pinagmulan at mga Karanasan
  • Kakulangan ng Pakikipagtalastasan
  • Hindi Naunawaang mga Layunin
  • Walang Dahilan Upang Mawalan ng Pag-asa
  • Paano Ko Magagawang Maunawaan Ako ng mga Nakatatanda?
    Gumising!—1986
  • Ang Solusyon sa Wakas!
    Gumising!—2000
  • Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Tapusin Ko Na Lang Kaya ang Buhay Ko?
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 3/8 p. 17-19

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Hindi Ako Maunawaan ng mga Nakatatanda?

“IILANG mga adulto ang talagang nakauunawa sa mga suliranin ng mga kabataan.” Tama o mali? Isang pangkat ng mga kabataang Aleman, edad 15 hanggang 24, ay hiniling na magkomento. Dalawampu’t tatlong porsiyento ang nagsabi na “lubusang totoo,” 25 porsiyento, “maaaring totoo,” at 37 porsiyento, “bahagyang totoo.”

Anuman ang maaaring isagot mo, maliwanag na inaakala ng maraming kabataan na hindi sila nauunawaan ng mga nakatatanda. Walang alinlangan na maraming kadahilanan kung bakit ganiyan ang palagay ng mga kabataan. Talakayin natin ang tatlo sa mga ito.

Hindi Magkatulad na mga Pinagmulan at mga Karanasan

“Natatakot ako,” reklamo ng 18-anyos na si Heike, “kapag sinasabi ng mga nakatatanda: ‘Tingnan mo lang pagdating mo sa edad ko ngayon at maranasan mo ang lahat ng naranasan ko​—saka mo malalaman kung ano nga ang buhay.’” Pamilyar ba iyan sa iyo? Ang disiseis-anyos na si Frances ay may gayunding reklamo: “Ang hirap sa mga magulang ay sinasabi nila, ‘Kami’y naging bata rin,’ subalit wala namang pagkakatulad nang sila ay kasing-edad namin. Ibang-iba ito. . . . Naranasan nila ang ilan sa aming mga problema subalit mayroon kaming bagong mga problema na wala silang kaalam-alam.”

Ang mga batang babaing ito ay kapuwa nagsabi ng isang mahalagang punto. Talagang nahihirapan ang ilang nakatatanda na unawain ang mga problema ng mga kabataan. Subalit tandaan na ang kabaligtaran ay totoo rin naman. Kung paanong hindi naranasan ng mga nakatatanda na lumaki sa inyong daigdig, hindi rin ninyo naranasan na lumaki sa kanilang daigdig. Nahihirapan kayong gunigunihin ang mga kakilabutan ng digmaan na dinanas ng inyong mga matatanda; nahihirapan din silang unawain na lubusan ang mga panggigipit at mga tukso sa paaralan, sa trabaho, o sa inyong paghahangad ng libangan.

Subalit hindi tamang isipin na ang kawalang kakayahang ito na unawain ang isa’t isa ay limitado sa mga nakatatanda laban sa mga kabataan. Kahit na ang mga kabataan ay hindi laging nagkakaunawaan sa isa’t isa. Halimbawa, ikaw ba ay nakatira sa isa sa industriyal na mga bansa sa Kanluran, na kilala sa kanilang pagiging mabilis-kumilos, tapon nang tapon, kagyat na kasiyahang lipunan? Kung gayon maaaring masumpungan mo na lubhang mahirap makipag-ugnayan sa mga kabataang nagsisilaki sa mga bansa sa Third World. Ang mga huwaran sa paggawi na ipinalalagay na normal sa isang bansa ay baka magtinging kakatuwa at mahirap unawain sa ibang bansa.

Isang pag-aaral ng kultura na inihahambing ang mga kabataang Amerikano sa mga kabataan sa India ay nagsisiwalat na “ang pamilya ay mas malapit sa isa’t isa sa India at na ang mga nagbibinata o nagdadalaga na taga-India ay higit na napasasakop sa awtoridad ng pamilya.” Ang pag-aaral na ito ay naghihinuha na ang anumang paghatol tungkol sa kung baga ang mga kabataan ay pinakikitunguhan taglay ang pang-unawa o hindi ay “depende sa kultural na kaugnayan ng isa.” Kaya, ang kakulangan ng pag-unawa ay higit na apektado ng kultura, karanasan, at pinagmulan kaysa ng edad.

Kakulangan ng Pakikipagtalastasan

Binabanggit ng isang dalagang nagngangalang Inge ang ikalawang dahilan. Ginugunita ang mga taon nang siya ay tin-edyer pa, sabi niya: “Ang aking mga magulang ay hindi mahusay sa pakikipag-usap. Abalang-abala sila sa kanilang sariling pamumuhay.” At ang mga magulang ni Ludwig ay abalang-abala rin sa kanilang negosyo anupa’t wala silang gaanong panahon sa kaniya. “Minsang matanto ko,” aniya, “na hindi nila sasagutin ang aking mga katanungan, hindi na ako magtatanong. Naapektuhan ang aming kaugnayan. At kapag kami ay nag-uusap, agad itong nauuwi sa isang pagtatalo.”

Idiniriin ni Kathleen McCoy, na sa loob ng siyam na taon ay tampok na editor sa magasing ’Teen, ang puntong ito, sinasabi sa mga magulang na “kung ano ang nais sabihin sa inyo ng isang tin-edyer ay hindi laging kung ano ang gusto ninyong marinig, kundi, sa pagkakaroon ng mabuting pakikipagtalastasan iwasan ang mga kaugalian ng pagbabara, ang pakikinig at ang inyong pagiging naroroon para sa inyong anak​—anuman ang mangyari​—ay mahalaga.” Oo, ang hindi pagkukusa o kawalang kakayahang makipagtalastasan ay talagang nakapipinsala sa kaugnayan ng magulang at anak.

Hindi Naunawaang mga Layunin

Maaaring ipinalalagay mo pa na ang mga nakatatanda​—lalo na ang mga magulang o mga guro​—ay napakaistrikto sa iyo, marahil ay mabagsik pa nga. Ano kaya ang kanilang layunin o motibo?

Ang isang posibleng dahilan ay binanggit ni Kathleen McCoy habang siya ay nakikipag-usap sa mga magulang: “Nakikita ninyo ang inyong tin-edyer, nakatayo nang matatag sa pasukan o bungad ng napakaraming mapagpipilian at napakaraming mga pagkakataon, winawalang-bahala, inaalis o hindi natatalos ang kaniyang mabuting kapalaran​—at kayo ay nagagalit. Maaaring ipinuhunan ninyo ang marami ninyong pag-asa, mga pangarap at mga damdamin ng pagpapahalaga-sa-sarili sa inyong anak at kayo ay nagagalit kapag siya ay hindi lumalabas na gaya ng inyong inaasahan.”

Ngayon, taglay ang buong katapatan, ito ba ay waring gaya ng isang magulang na talagang hindi nagmamalasakit sa iyo? Isip-isipin ang isang ama na ang anak na lalaki, ang sinasabing “biniyak na bunga,” ay minana hindi lamang ang mabubuting katangian ng kaniyang ama kundi gayundin ang ilan sa kaniyang mga kahinaan at masamang mga hilig. Ang ama, nasasalamin sa kaniyang anak ang kaniya mismong di-kasakdalan, ay hindi naiibigan ang kaniyang nakikita. Nais niyang ang kaniyang anak ay maging mas mabuti. Masisisi mo ba siya sa pagsisikap niyang tamuhin ito, kahit na kung ang kaniyang mga pagsisikap kung minsan ay baka hindi gaanong maunawain?

Si Andrew ay hindi nakaranas na makipagtalo sa ganitong uri ng ama. Sabi niya: “Hinding-hindi ako pinakialaman ng sinuman. Lagi kong ginagawa ang mga bagay sa aking paraan.” Gayunman inamin niya, “Hindi ako gaanong nakatitiyak na iyan ay mabuti.” Sa kabilang panig, si Ramon, isa pang tin-edyer, ay nag-uulat: “Ang aking mga magulang ay mahigpit sa akin. Hindi ako makalabas sa lahat ng panahon at gawin ang anumang ibig ko.” Ito ba ay ikinagalit niya? Hindi. “Kung pag-iisipan mo ito,” sabi niya, “ikaw ay magiging mas mabuting tao.” Kaya alin sa mga batang lalaking ito ang lalabas na mas mabuti sa pagtatagal?

Walang alinlangan sa kung paano sasagutin ng isang sinaunang hari, na kilalang-kilala sa kaniyang karunungan, ang tanong na ito. Siya ay sumulat: “Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng isang batang lalaki [o babae]; ngunit aalisin iyon sa kaniya ng pamalong pandisiplina.” (Kawikaan 22:15) Kaya hindi matalino at hindi makatarungan na laging malasin ang pagiging istrikto bilang tanda na ang isang nakatatanda ay kulang ng pag-unawa. Bagaman maaaring masumpungan mong mahirap siyang bigyan ng isang “A” na marka para sa karunungan, tanungin mo ang iyong sarili kung hindi baga siya sa paanuman ay karapat-dapat tumanggap ng markang “A” sa pagmamahal at pangangalaga.

Walang Dahilan Upang Mawalan ng Pag-asa

Ang pag-aakala na ang mga taong mahal natin ay hindi nakauunawa sa atin ay maaaring maging masakit, kapuwa sa mga kabataan at sa mga may sapat na gulang. Kung ito ang iyong problema, huwag mawalan ng pag-asa, sapagkat ito ay may kalutasan. Baka kailangan lamang ang mas mabuting pakikipagtalastasan o ang pagiging mas makonsiderasyon tungkol sa bagay na tayong lahat ay produkto ng ating panahon, ng ating kapaligiran, at ng ating edukasyon, gayundin ng ating panlahi, panlipunan, relihiyoso, at pulitikal na pagpapalaki. Marahil kailangan nating magsumikap nang husto na makita ang mabuting mga layunin o motibo sa likuran ng di-mabuti o di-angkop na mga pagsisikap.

Mangyari pa, ang lubusang paglalagay ng sisi sa mga nakatatanda sa kakulangan ng gayong pag-unawa ay nagpapawalang-bisa sa layunin. Gayunman, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa, iniisip na kasalanan mo itong lahat. Huwag mong hayaang akayin ka ng ilang negatibong mga karanasan na maghinuha na walang nakauunawa sa iyo. Tiyak na may mga nakatatanda na nakauunawa sa iyo.

Kumuha ka ng kaaliwan sa halimbawa ni David na bilang isang kabataan ay pinatay ang higanteng si Goliat. Di-nagtagal pagkatapos niyan, siya ay nakipagkaibigan kay Jonathan, isang nakatatanda sa kaniya ng 30 taon, ang anak ni Haring Saul. Samantalang ang hari ay hindi nagpakita kay David ng pag-unawa​—isang bagay na nagdulot kay David ng malaking kalungkutan​—ang anak ng hari na si Jonathan ay nagpakita ng unawa. Sa katunayan, sinasabi na “ang kaluluwa mismo ni Jonathan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Samuel 18:1) Isip-isipin ang pagkakaroon ng isang maunawaing kaibigan​—at isa na nakatatanda pa nga!

Higit sa lahat, si David ay nakasumpong ng ginhawa sa bagay na sa kabila ng mga hindi pag-unawa ng tao at sa kabila ng kaniya mismong mga di-kasakdalan at mga pagkakamali, mayroong Isa na laging umuunawa. “Pakinggan mo ang aking mga himutok,” ang samo niya sa Diyos sa panalangin. Siya’y nagalak​—kung paanong ikaw man ay maaaring magalak​—sa kaalaman na “nalalaman [ng Diyos] ang ating anyo,” o gaya ng maaaring sabihin ng mga makabago, ‘talagang nauunawaan niya kung ano ang nag-uudyok sa atin na gawin ang mga bagay na ating ginagawa.’​—Awit 5:1; 103:14.

Kaya hindi mo dapat ipalagay na ang mga nakatatanda at ang mga kabataan ay hindi nagkakaunawaan sa isa’t isa, na mayroong generation gap o agwat sa pagitan nila na hindi maaaring tulayin. Sa katunayan, kung handa kang gawin ang iyong bahagi, magagawa ito​—nang matagumpay.

[Larawan sa pahina 18]

Bagaman hindi nauunawaan ng ilang nakatatanda ang mga kabataan, may iba na nakauunawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share