Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 4/8 p. 17-19
  • Maaari Ko Bang Daigin ang Kaigtingan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maaari Ko Bang Daigin ang Kaigtingan?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Tin-edyer ay mga Target ng Kaigtingan
  • Pinakamabuting Nahaharap ng mga Kabataan ang Kaigtingan!
  • Hindi Mo Maaaring Daigin ang Lahat ng Ito
  • Kung Paano Makokontrol ang Stress
    Gumising!—2010
  • Nakabubuting Kaigtingan, Nakasasamang Kaigtingan
    Gumising!—1998
  • Kaigtingan—Mga Sanhi at Epekto Nito
    Gumising!—2005
  • Paano Ko Makakayanan ang Stress sa School?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 4/8 p. 17-19

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Maaari Ko Bang Daigin ang Kaigtingan?

NARANASAN mo na bang sipain ang isang silya na nakatisod sa iyo? O naranasan mo na bang magsawa sa iyong araling-bahay anupa’t basta inihagis mo ang lahat mong aklat? Kung gayon ay naranasan mo kung paano maaaring udyukan ka ng kaigtingan na kumilos nang may kamangmangan na pinagsisisihan mo sa dakong huli. Mayroon bang mas mabuting mga paraan upang daigin ang kaigtingan kaysa pagsipa at pagbasag? Mayroon, subalit kailangan mo munang malaman ang isang bagay tungkol sa kaigtingan.

“Sa pangkalahatang pagpapakahulugan, ang kaigtingan ay yaong nangyayari sa katawan kapag ito ay nalalantad sa anumang bagay​—tensiyon dahil sa nerbiyos, sakit, lamig, init, sakuna, at iba pa,” sabi ng mga awtor ng Teenage Stress. Sa katagang “anumang bagay” inilalakip nila maging ang mabubuting bagay. “Ang ilan sa iyong pinakamaligayang mga sandali ay maaari ring maging ang iyong pinakamaigting na sandali,” sabi nila.

Paano ba nakakaapekto sa iyo ang kaigtingan? Alam mo kung ano ang nangyayari kapag ikaw ay nininerbiyos at natatakot: kumakaba ang dibdib, namamawis ang palad, nanginginig ang mga kamay, namumula ang mukha, sinisikmura, at nanunuyo ang bibig. Maraming bagay ang nangyayari sa iyong katawan upang pangyarihin ang mga epektong ito.

Ang mga glandula ay nagsisimulang magtambak ng malakas na mga hormone, gaya ng cortisone at adrenaline, sa iyong daluyan ng dugo. Ang iyong atay ay nagdaragdag ng higit na asukal sa iyong dugo. Lahat ng ito ay nagpapasigla sa puso na lumiit, kumipot ang mga daluyan ng dugo, pataasin ang presyon ng dugo, at pinaiigting ang kalamnan.

Ang mga Tin-edyer ay mga Target ng Kaigtingan

Ang mga tin-edyer ay likas na nalalantad sa labis na kaigtingan. Ang pagbibinata o pagdadalaga ay nagpapangyari sa iyong katawan na dumanas ng maraming mga pagbabago. At tayo ay nabubuhay sa isang daigdig na laging nagbabago. (Ihambing ang 1 Corinto 7:31.) Gayunman, maaaring pagtakpan ito ng mga adulto, na sinasabi: ‘Ikaw ay bata, malayo ka sa alalahanin, dapat kang magsaya.’ Ngunit marahil ay nakalimutan na nila kung ano ang katulad ng maging bata. Sa paano man, ikaw ay may mga alalahanin​—tungkol sa iyong hitsura, sekso, kalusugan, mga magulang, mga kaibigan, mga guro, mga marka, salapi, ang kalagayan sa daigdig, kamatayan. Aba, ang pagiging bata marahil ang pinakamaigting na panahon sa iyong buhay! Subalit huwag kang mataranta. May pag-asa.

Sa isang bagay, ang kaunting kaigtingan ay maaaring makabuti sa iyo. Papaano? Kunin halimbawa ang tungkol sa pagkuha ng isang pagsubok. “Sang-ayon sa mga dalubhasa, pinananatiling alisto ng kaunting kaigtingan ang iyong isipan at pinadadaloy ang iyong mga katas,” sulat ni Judith Kelman sa magasin ng mga kabataan na Seventeen. Ang piyanistang pangkonsiyerto na si André-Michel Schub, nagwagi sa prestihiyosong Van Cliburn Competition, ay minsang sinipi na nagsabi: “Ang bawat nagtatanghal ay nakadarama ng nerbiyos. . . . Isa itong paraan ng pagkakaroon ng ekstrang lakas at ekstrang katindihan, ng pagtutuon ng isip upang ikaw ay makipagtalastasan nang mas mabuti.” Kaya hindi dapat iwasan ang kaigtingan anuman ang mangyari.

Pinakamabuting Nahaharap ng mga Kabataan ang Kaigtingan!

At, ang mga kabataan ay karaniwan nang nasasangkapan ng maraming enerhiya o lakas at saloobin na punô ng pag-asa upang hadlangan ang mga panggigipit. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan.” (Kawikaan 20:29) “Ang mga kabataan . . . ay . . . mas mabilis na nakakabawi mula sa masamang mga epekto ng labis-labis na kaigtingan kaysa matatandang tao,” sabi ng mga awtor ng Teenage Stress. Isang halimbawa nito ang beinte-tres anyos na si Vincenza mula sa New York. Sabi niya:

“Nang ako ay tin-edyer pa, si inay ay namatay dahil sa kanser. Pagkaraan ng labingwalong buwan, si itay naman ay biglang namatay dahil sa atake sa puso. Naiwanan akong mag-isa kasama ng aking dalawang nakababatang mga kapatid na lalaki. Saka ko nakilala ang lalaking ito at ako’y naging nobya niya. Subalit pagkaraan ng mga ilang buwan kami ay nagkasira. Kung minsan ay nagtatanong ako, ‘Dapat ko bang kitlin ang aking sarili, o masiraan ng bait, o magwakas sa isang tirahan ng mga baliw?’” Makayanan kaya ni Vincenza ang pinakamaigting na kalagayang ito? Sabi niya: “Kapag naaalaala ko ito ngayon, hindi ako makapaniwala na nakayanan ko ito. Subalit nakayanan ko ito! At marami akong natutuhan.”

Karagdagan pa, natutuhan ni Vincenza mula sa kaniyang tiya, na isa sa mga Saksi ni Jehova, ang tungkol sa pag-asa ng Bibliya na ang mga patay ay bubuhaying-muli sa hinaharap na paraiso sa lupa. (Juan 5:28, 29) “Bagaman isang Katoliko nang panahong iyon, inilagak ko ang lahat ng aking pagtitiwala sa katutuklas na pag-asang ito ng Bibliya. Nakatulong ito nang lubha,” sabi niya.​—Ihambing ang 2 Corinto 1:9.

Hindi Mo Maaaring Daigin ang Lahat ng Ito

Gayumpaman, hindi talaga maaalis ng isa ang lahat ng kaigtingan. “Tayo ay laging nasa kaigtingan,” sulat ng awtor ng Childstress! “Kapag wala nang kaigtingan, patay na tayo.” Noong panahon ng Bibliya ang mga tao ay dumanas din ng kaigtingan. Nabasa natin ang tungkol kay Ana, na sa loob ng maraming taon ay madalas na umiiyak at ayaw kumain sapagkat gustung-gusto niyang magkaanak subalit siya’y baog. (1 Samuel 1:7) Gayundin, ang batang si Jeremias ay nag-aatubili nang naisin ng Diyos na siya ay mangaral sa mga bansa. (Jeremias 1:6) Si Job, pagkatapos mawala ang kaniyang ari-arian, ang kaniyang pamilya, ang kaniyang kalusugan, ay nagnasa na sana’y hindi na siya isinilang pa. (Job 3:10) Noong minsan, si Jesus ay nasa gayon na lamang katinding paghihirap anupa’t ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo.​—Lucas 22:44.

Kaya walang sinuman ang maaaring makatakas sa kaigtingan. Kaya, ano ang gagawin mo? Pag-aralan mong harapin ito. Kailangan mong gawin iyan sapagkat ang labis-labis na kaigtingan ay maaaring magdala sa iyo ng pisikal na karamdaman at emosyonal na panlulumo. Maaari itong lumikha ng mental na kalituhan at magpangyari sa iyo na magsalita at gumawa ng mga bagay na pagsisisihan mo. Maaari nitong pagurin at sirain ang iyong isipan at katawan. Kaya, narito ang ilan sa mga paraan upang harapin o pakitunguhan ang kaigtingan:

1. Bawasan ang mga bagay na nakayayamot. Ang tumutulong gripo, lumalangitngit na pinto, isang umuugang mesa ay maaaring maging sanhi ng pagkayamot. Ang maliliit na mga bagay na nakayayamot ay nakadaragdag sa iyong dinadalang kaigtingan. Gawan mo ng paraan ang mga ito. Higpitan, langisan, at kumpunihin mo ang mga bagay-bagay. Ilagay mo sa lugar na madaling abutin ang mga bagay na madalas gamitin. Maging maayos. Sinasabi ng mga eksperto na tayo ay gumugugol ng 20 hanggang 30 porsiyento ng ating panahon sa basta paghahanap ng mga bagay. Mag-ayos, maglinis, at maglagay ng palamuti o dekorasyon. Gawin itong komportable. Gayunman, huwag maging perpeksiyunista o humanap ng kasakdalan. Ang paghanap ng kasakdalan ay isang mabigat na pasanin para sa sinuman.

2. Gawing organisado at takdaan ang iyong mga gawain. May kasabihan na kung sisikapin mong hulihin ang dalawang koneho nang sabay, pareho mo silang hindi mahuhuli. Itala kung ano ang kailangan mong gawin araw-araw, at isa-isang gawin ang mga ito. Gumawa ka ng isang iskedyul na kasama ng iyong mga magulang tungkol sa kung kailan at kung paano pangangalagaan ang iyong mga tungkulin sa tahanan. Saka gawin ang mga ito nang may pagkukusa at masaya. Huwag makisama sa walang taros, maigting na mga gawain na maglalagay sa iyo sa mga kalagayan na magdudulot sa iyo ng dalamhati at takot. Maaaring ito ay magdulot ng katuwaan sa sandaling panahon subalit kapaha-pahamak sa dakong huli.

3. Bawasan ang takot sa kabiguan. Ang mga pagsusulit o pagsubok sa paaralan ay talagang maaaring magdala ng kaigtingan sa sinuman. Gayunman, maaari mong bawasan ang takot sa kabiguan kung maghahanda kang mabuti, ayusin mo ang lahat ng bagay bago nito, matulog nang maaga at nang husto. Huwag uminom ng mga pampasigla. Maaaring gawin ka niyang nerbiyoso​—hindi ka pasiglahin. Magrelaks, subalit gawin ang iyong pinakamabuti. Tandaan, ang isang pagsubok ay bihirang gumawa o sumira sa isang tao habang-buhay. Kung mabigo ka, mayroon pang ibang mga pagkakataon. Sa Kawikaan 24:16 ang Bibliya ay humihimok ng isang positibong saloobin: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang makapito, at tiyak na siya’y babangong uli.”

4. Makipag-usap sa isang tao. Ang mga steam boiler ay nangangailangan ng mga balbulang pasingawan. Lalo na tayong mga tao. Kung kinukuyom mo ang iyong pagkabalisa at pagkabahala, ipakipag-usap mo ito sa isang tao​—isang kaibigan, isang magulang, isang kapatid na lalaki o babae. Kung minsan ay kailangan mong makipag-usap sa isa na makatutulong sa iyo na ikapit ang matuwid na mga simulain ng Diyos gaya ng isang matanda sa kongregasyong Kristiyano. Malayang gawin iyon.​—Kawikaan 12:15.

5. Manalangin. Isipin ang apat na mga tauhan sa Bibliya na binanggit kanina, si Ana, Jeremias, Job, at Jesus. Ano ang nakatulong sa kanila nang malaki upang pakitunguhan ang matinding kaigtingan? Lahat sila ay nakipag-usap sa Diyos na Jehova sa panalangin tungkol sa kanilang mga problema. Si Ana ay nanalangin, at pinagpala siya ni Jehova ng isang anak na lalaki. (1 Samuel 1:11, 20) Si Jeremias ay nanalangin, at siya’y ginawa ng Diyos na isang malakas at walang-takot na propeta sa mga bansa. (Jeremias 1:6-10) Si Job ay nanalangin, at siya ay saganang pinagpala ni Jehova. (Job 42:10-17) Si Jesus ay nanalangin, at siya ay pinalakas ni Jehova upang siya ay makabangon at ipagpatuloy ang kaniyang mapagsakripisyong landasin.​—Lucas 22:44-46.

Ano ang nangyari kay Vincenza pagkaraang mawala ang kaniyang ina, ama, at nobyo? Sabi niya: “Kailangan kong makasumpong ng isa na hindi ko maaaring maiwala. Kailangan kong ibigin ang isa na alam kong hinding-hindi ako iiwan. Saka ko naisip ang Diyos: ‘Ang Diyos, mangyari pa! Siya ay laging naroroon. Siya ay dapat na maging Ama ko. Siya ang Maylikha ng Sansinukob.’ Kaya’t ako’y nanalangin: ‘Kung ikaw, Jehova, ang tunay na Diyos, ang Maylikha ng Sansinukob, nais kong maglingkod sa iyo. Pakisuyo, lumapit ka sa akin at sabihin mo sa akin iyan.’ Nang maglaon, isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumating sa aking pinto at sabi niya: ‘Narito ako sapagkat may nagmamahal sa iyo.’” Tinanggap ni Vincenza ang isang pag-aaral sa Bibliya. Natutuhan niyang gawin kung ano ang sinasabi sa 1 Pedro 5:7: “Inyong ilagak sa kaniya [sa Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya.” Itinuturo niya ngayon sa iba na gawin ito.

Kaya ating ulitin: Hindi mo maaalis ang kaigtingan. Subalit matututuhan mong bawasan ito, supilin ito, at ilagak ang iyong kabalisahan sa Diyos. Kung gayon hindi ka kailanman dadaigin ng kaigtingan.​—Awit 55:22.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share