Ang Relihiyon sa Pulitika—Ito Ba ang Kalooban ng Diyos?
“SI Judas na taga-Galilea ay lumitaw nang mga araw ng pagpaparehistro, at nakahila siya ng marami sa bayan. Gayunman ang taong iyan ay nalipol, at ang lahat ng sa kaniya’y nagsisunod ay pawang nagsipangalat.” (Gawa 5:37) Narito ang isa pang halimbawa ng Bibliya tungkol sa pakikialam ng relihiyon sa pulitika.
Sandaling panahon bago ang kapanganakan ni Jesus, ang Judas na ito ‘ay nagpatulong kay Saddok, isang Fariseo, at nangako siyang itataguyod ang kilusan ukol sa paghihimagsik.’ Bagaman si Judas ay “isang rabbi na may kaniyang sariling sekta,” kaniyang “sinikap na udyukan ang mga Judio na maghimagsik, sinasabi na sila ay mga duwag kung sila ay pasasakop sa pagbabayad ng buwis sa mga Romano.”—The Jewish War ni Josephus.
Gagawin Kaya Ito ni Jesus?
Karakaraka pagkatapos ng bautismo ni Jesus, tinangka ng Diyablo na isangkot siya sa pulitikal na paraan. Inalok sa kaniya ni Satanas “ang lahat ng kaharian sa sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” Hindi ikinaila ni Kristo na ang Diyablo ay may awtoridad sa mga pamahalaan. Bagkus, tinanggihan ni Jesus ang pulitikal na pagkakataong ito, bagaman maaari sana siyang nangatuwiran na taglay ang pulitikal na kapangyarihan ay maaari sana siyang gumawa ng mabuti para sa mga tao.—Mateo 4:8-10.
Nang malaunan nakita ng mga tao ang kakayahan ni Jesus na maglaan ng pagkain. Maliwanag na sila’y nangatuwiran, ‘Kung si Jesus ay nasa gobyerno, maaari niyang lutasin ang ating mga suliranin sa kabuhayan.’ Pansinin kung ano ang nangyari. “Nang mapaghalata nga ni Jesus na sila’y magsisilapit at siya’y aagawin upang siya’y gawing hari, ay umalis siya.” (Juan 6:10-15) Oo, si Jesus ay tumangging mapasangkot sa pulitika, sa kabila ng kaniyang mga katangian.
At pagkatapos, sinikap ng ilang mahilig-sa-pulitikang mga Judio na hulihin si Jesus sa isang pulitikal na isyu: ang tungkol sa mga buwis. Napakataas ba ng mga buwis ng Romano? Kapag ang isang Judio ay nagbayad ng buwis, sinasang-ayunan ba niya ang paggamit ng mga buwis upang itaguyod ang mga digmaan ng Roma? Mayroon tayong matututuhan sa kung paano sumagot si Jesus: “Ibigay ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:13-17) Sa kabaligtaran, 225 mga obispong Romano Katoliko sa Estados Unidos ang bumoto noong nakaraang Nobyembre upang itaguyod ang isang 115-pahinang kapahayagan tungkol sa ekonomiya na nagsasabi, sa bahagi: “Ang sistema sa pagbubuwis ay dapat na baguhin upang bawasan ang pabigat sa mga mahihirap. . . . Yaong mayroong mas maraming kayamanan ay dapat na magbayad ng mataas na buwis.”
Anuman ang ating palagay tungkol sa ating mga buwis, si Jesus ay nanatiling neutral kung tungkol sa mga patakaran ng pagbubuwis. Gayundin ang ginawa ng kaniyang mga alagad, gaya ni apostol Pablo. (Roma 13:1-7) Kahit na sa mainit na isyu na gaya ng pagkaalipin, sila ay neutral. Maguguniguni mo kung gaano kadali sana para sa isang Kristiyano, na udyok ng kabaitan, ay magreklamo laban sa pang-aalipin, kung paanong ang mga klerigo sa ngayon ay pumapanig sa paggawang-legal sa aborsiyon, pagtatangi ng lahi, karapatan ng mga babae, at iba pa. Subalit ang tunay na mga Kristiyano ay nananatiling neutral!
Ganito ang sulat ng propesor sa Oxford na si E. P. Sanders: “Totoong kinikilala ngayon sa sansinukob na walang katiting man na katibayan na magpapangyari sa atin na mag-isip na si Jesus ay nagkaroon ng mga ambisyong militar/pulitikal, at totoo rin ito sa mga alagad.”
Pagsasagawa ng Hatol ng Diyos
Gaya ng nakita natin kanina, inakala ng maraming lider na Judio na para sa kanilang pinakamabuting kapakanan na mapasangkot sa mga pinunong Romano, ginagawa ang gayon kahit na noong paglilitis at pagpatay kay Jesus na Mesiyas. (Mateo 27:1, 2, 15-31) Inilalarawan ng Apocalipsis ang pag-impluwensiya at paggamit ng relihiyon sa pulitikal na elemento na gaya ng isang ‘babaing nakaupo sa isang mabangis na hayop.’ Hindi ba ipinahihiwatig niyan sa iyo kung paano minamalas ng Diyos ang pakikialam na ito ng klero?—Apocalipsis 17:1-5.
Ganito hinahatulan kahit na ng ilang nagmamasid na mga tao ang bagay na ito:
Nakikita ni Malachi Martin, isang iskolar ng Vaticano, na ang mga klerigo “na nakikialam sa pulitikal at sosyal na mga usapin ay nabibigo sa kanilang No. 1 tungkulin: ang maging mga kinatawan ni Jesu-Kristo.” Sabi niya: “Ang mga obispo, halimbawa, ay walang atas na sumulat tungkol sa kabuhayan o ekonomiya o sabihan ang pangulo na huwag magpadala ng missiles sa Europa.”
Subalit ano kaya ang mangyayari kapag ang mga pulitiko at ang mga tao ay magsawa sa pakikialam ng klero? Noong nakaraang taon tinalakay ng babasahing Liberty kung paanong si Emperador Constantino noong ikaapat na siglo ay ‘pinagsama ang pulitika at relihiyon, lumilikha ng isang “simbahan-estado” na hayop.’ Sabi nito tungkol sa kalagayan ngayon: “Gaya noong kaarawan ni Constantino, ginagamit ng simbahan ang estado upang makamit nito ang kaniyang layunin.”—Amin ang italiko.
Nililinaw ng Salita ng Diyos kung ano ang kalalabasan. Dumarating ang panahon kapag ang pulitikal na elemento ay babaling at wawasakin ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na malaon nang ginamit ang pulitika para sa kaniyang mga layunin. Ang Apocalipsis 19:2 ay nagsasabi na ito ay magiging kapahayagan ng hatol ng Diyos.
Maaari Ka bang Maging Neutral?
Hindi mo personal na mapatitigil ang mga lider ng relihiyon sa pakikialam sa pulitika. Subalit personal na mapagsisikapan mong ibagay ang paglalarawan ng Bibliya tungkol sa isang tunay na mananamba. Ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” Pagkatapos ay sinabi niya kay gobernador Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga alipin nga ay nakipagbaka sana upang huwag akong maibigay sa mga Judio.”—Juan 17:16; 18:36.
Posible ba sa ating panahon na maging nasa sanlibutan, nabubuhay sa globo bilang isang legal na mamamayan ng isang bansa, gayunma’y maging “hindi bahagi ng sanlibutan,” maging neutral? Ang modernong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay sumasagot ng oo. Sila ay nakatugon sa obligasyon ng Bibliya na maging mga mamamayang masunurin-sa-batas, gayunman ay neutral kung tungkol sa pulitikal at militar na mga gawain ng maraming bansa na pinamumuhayan nila.
Ang aklat na The Shaping of American Religion ay nagsasabi: “Bagaman tumatangging sumaludo sa bandera o makibahagi sa walang-saysay na mga digmaan sa pagitan ng tiyak na mapapahamak na mga bansa, sila sa iba pang mga bagay ay mga mamamayang masunurin-sa-batas. Iilang grupo lamang ang nakalutas sa suliranin ng pananatiling ‘nasa loob’ ng sekular na lipunan nang hindi rin naman nagiging ‘bahagi’ nito.” Totoo ito sa buong daigdig at sa maraming pulitikal na mga kalagayan. Kahit na sa harap ng matinding panggigipit na itakwil ang kanilang neutralidad, ibinigay ng mga Saksi ang kanilang katapatan unang-una sa Kaharian ng Diyos.
Ang mananalaysay na si Brian Dunn ay sumulat: “Ang mga Saksi ni Jehova ay kalaban ng Nazismo . . . Ang pinakamahalagang pagtutol ng Nazi sa sekta ay tungkol sa saloobin ng mga Saksi sa estado at ang kanilang pagiging neutral sa pulitika. . . . Ito’y nangangahulugan na walang mananampalataya ang maaaring magdala ng armas, bumoto, manungkulan, makibahagi sa mga kapistahang publiko, o gumawa ng anumang tanda ng katapatan.”—The Churches’ Response to the Holocaust (1986).
Ang gayong neutralidad ay nagpapatuloy. Ganito ang ating mababasa sa The Modern Encyclopedia of Russian and Soviet History, tomo 15: “Lubhang kinamuhian ni Hitler ang mga Jehovist at ibinilanggo ang marahil 10,000 sa kanila . . . Higit na napagtiisan ng mga Saksi na matatag ang kaisipan ang mga piitang kampo ng Aleman kaysa karamihan ng mga bilanggo . . . Hindi kailanman ipinahintulot ng pamahalaang Sobyet ang legal na pag-iral ng mga Saksi ni Jehova, sapagkat nakikita nito sa kilusan, na higit kaysa ibang relihiyosong mga paniniwala, ang isang ideolohiya na lubhang nagpapahina sa katapatan ng mga tagasunod nito sa estado. . . . Hindi sila nakikibahagi sa mga eleksiyon; tumatanggi silang maglingkod sa hukbong sandatahan; lubusang tinatakdaan nila ang kanilang pagkalantad sa opisyal na media.”
Ganito pa ang sabi ng aklat na Christian Religion in the Soviet Union (1978): “Tinatanggihan ng mga Saksing Sobyet ang mga kahilingan para sa pakikibahagi sa paglilingkod sa militar, mga eleksiyon, at lahat ng iba pang pulitikal” na mga gawain, na inaasahan sa mga mamamayan.
Kaya posible na tularan ang neutralidad ni Jesus kung tungkol sa pulitikal at militar na mga gawain ng mga pamahalaang Romano at Judio. Ang paggawa nito sa ngayon ay magiging isang proteksiyon kapag isinagawa ng Diyos ang kaniyang di-kaaya-ayang paghatol laban sa pakikialam ng relihiyon sa pulitika.
[Kahon sa pahina 10]
“Panahon na upang alisin ang pulitika sa pulpito at ang pulpito sa pulitika. Ang mga opisyal ng relihiyon ay may karapatan sa anumang sekular na mga palagay na kanilang pinaniniwalaan. [Ngunit] ang pulpito ay maling ginagamit kapag ito ay ginagamit para sa sekular na mga dahilan o usapin.”—Pangalawang Kalihim ng Estado ng E.U. na si Langhorne Motley, Hunyo 1985.