Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Makasusumpong ng Kaligayahan Bilang Isang Nagsosolong Anak?
“HINDI ko ito naiibigan. Hindi ko ito naiibigan,” sabi ng 16-anyos na siSue Ann. Subalit si Al, mas bata ng dalawang taon, ay nagsabi: “Naiibigan ko ang pagiging isang nagsosolong anak.”
Mangyari pa, sila kapuwa ay may kani-kaniyang dahilan. Subalit maaari kayang labis na binibigyan-diin ni Sue Ann ang mga disbentaha, samantalang si Al naman ay nakikita ang mga pakinabang? Paano mo—lalo na kung ikaw ay isang nagsosolong anak—minamalas ang bagay na ito? Ikaw ba ay nakadarama na gaya ni Sue Ann o gaya ni Al? O marahil ay medyo katulad ng nadarama nilang dalawa?
Sikaping Unawain kung Bakit
Ang isang-anak na pamilya ay hindi siyang pamantayan sa daigdig. Subalit ang dami ng mga ipinanganganak sa ilang mga bansa, lalo na sa Hilagang Amerika at Europa, ay bumaba nang husto anupa’t ang pagiging isang nagsosolong anak ang magiging kalagayan ng angaw-angaw na mga bata na ipinanganganak ngayon. At sa Tsina, na sapol noong 1979 ay itinaguyod ang isang mahigpit na programa ng birth control, tinatayang mga 35 milyong pamilya ang mayroon lang isang anak. Bagaman maaaring masumpungan ng ilang mga bata na mahirap tanggapin ang kalagayang ito, si Elke, isang dalagita na lumaki bilang nagsosolong anak, ay nagsasabi na ang nakatulong sa kaniya ay ang pag-alam ng dahilan. “Nauunawaan ko ang mga dahilan ng aking mga magulang,” paliwanag niya, “at inaakala ko na mahalaga ito upang maging maligaya at nasisiyahan ang nagsosolong anak.”
Ang mga dahilan ay maaaring panlipunan, nauugnay sa kalusugan, o iba pang personal na bagay. O maaari namang ito’y may kaugnayan sa kabuhayan. Halimbawa, alam mo ba na sa Gran Britaniya o sa Estados Unidos ang pagpapalaki ng isang bata hanggang sa may sapat na gulang ay maaaring magkahalaga ng mahigit sa $100,000? Paramihin mo ito ng dalawa, tatlo, o apat, at mauunawaan mo kung bakit ang ilang mga magulang ay nagsasabi na ‘tama na ang isa.’
Anuman ang dahilan, ang nagsosolong anak ay hindi kinakailangang labis na mabalisa tungkol sa kaniyang kinabukasan. Ipinakikita ng isang pag-aaral na inilathala noong 1954 ng mga edukador na sina Cutts at Moseley na ang isang nagsosolong anak ay hindi naman gaanong naiiba sa ibang mga bata. At kamakailan lamang, si Dr. Alice Loomer, sumusulat sa Parents’ Magazine, ay nagsabi na bagaman makakaapekto sa kaniya ang pagiging isang nagsosolong anak, “mas mahalaga kaysa sa bagay na ‘nag-iisa’ ay kung paanong nagsasama-sama ang lahat ng mga kalagayan sa buhay ng bata upang gawin siyang natatangi.”
Maliwanag na hindi mo mababago ang kalagayan, kaya ang sekreto ng kaligayahan ay nasasalalay sa pagtatamasa ng mga pakinabang ng pagiging nagsosolong anak, samantalang hindi gaanong pinapansin ang mga disbentaha. Mas mabuti pa, sikapin mong makinabang mula sa mga disbentahang iyon. Paano?
Gawing Positibo ang mga Negatibo
KAWALAN NG KASAMA: Ang pakikisama sa mga kapatid na lalaki at babae ay nagtuturo sa iyo na ang bawat tao ay naiiba at na dapat igalang ng isa ang pag-iisip ng iba. Makatutulong din ito sa iyo sa paaralan, ginagawang mas madaling makisama sa ibang mga bata. Ngunit kung walang nakakasama sa bahay, kung gayon ay maging handang humanap sa ibang lugar. Kung hindi ikaw ay malulungkot. Maaari kang lumayo sa iba at marahil ay ibukod ang iyong sarili. Dapat itong iwasan, gaya ng babala ng isang matalinong hari noong una: “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.”—Kawikaan 18:1.
Kaya, sa katunayan ay maaari kang pumili ng iyong sariling “mga kapatid na lalaki” at “mga kapatid na babae,” kung sasang-ayunan ng iyong mga magulang, mangyari pa. Nakikita rito ni Al ang isang tunay na bentaha, na ang sabi: “Minamasdan ko ang lahat ng aking mga kaibigan na may pilyo o salbaheng mga kapatid na lalaki at babae at silang lahat ay napopoot sa isa’t isa at nag-aaway na palagi. Anong gulo.” Mangyari pa, hindi naman ganito ang kalagayan sa lahat ng mga pamilya, subalit malamang na ito ang kalagayan na kadalasa’y sapat na upang ipakita ang mahusay na punto.
Dahilan sa pagkakaroon ng kaunting asosasyon o pagsasamahan sa loob ng bahay, magkakaroon ka ng higit na panahon para sa pag-aaral, pagbubulaybulay, o sa paglinang ng ilang kasanayan. Maraming nagsosolong anak ang napagtagumpayan ang mga damdamin ng pangungulila o pag-iisa sa pagiging masugid na mambabasa. Kaya malamang na taglay ang mabuting dahilan na ang nagsosolong anak ay karaniwan nang ipinalalagay na madaling matuto o adelantadong bata, isa na malamang ay mayroong mas maraming bukabularyo, isa na nangunguna sa akademiko.
LABIS-LABIS NA PANSIN: “Bilang nagsosolong anak nasa akin ang lahat ng pansin ng aking mga magulang,” sabi ni Thomas, at itinuturing niya itong isang bentaha. Mangyari pa, ang labis-labis na pansin ng mga magulang ay maaari ring maging isang disbentaha, pinalalayaw ang bata, ginagawa siyang makasarili. O maaari rin itong maging mapaniil. Ngunit sa positibong dako, kung inaakala mo na ang iyong mga magulang ay mayroon lang kakaunting panahon para sa iyo—gaya ng inaakala ng maraming bata—isip-isipin kung gaano pa kalala ito kung hahatiin mo pa ito sa ilang mga kapatid na lalaki at babae. Sa katunayan, ang di-nababahaging pansin ng iyong mga magulang ay maaaring makatulong sa iyo na mas madaling sumapit sa pagkamaygulang, maging palagay sa pakikisama sa mga maygulang, at makipag-usap sa mga nakatatanda sa kanilang antas.
MGA KAUGNAYANG SOSYAL: Ang isang dahilan ng paghihinanakit ni Sue7 Ann bilang nagsosolong anak ay ito: “Kung ikaw ay nag-iisa, wala kang mga koneksiyon. . . . Mahirap makakuha ng mga ka-date. Pagtitiyagaan mo na lang na lumabas na kasama ng matalik na kaibigan ng kasintahan ng iyong kaibigang babae, o anuman. . . . Sana’y mayroon akong kapatid na lalaki. Mas matandang mga kapatid na lalaki.” Gayunman, makabubuting maghintay ka hanggang sa ikaw ay may sapat nang gulang upang mag-asawa bago ka makipag-date. At kung ang nais mo ay pakikipagkaibigan, tandaan na ang mga kaugnayang sosyal ay maaari ring gawin sa pamamagitan ng mga kaibigan. Sa kabilang dako, ang hindi pakikisama sa mga hindi kasekso sa panahon ng pagtitin-edyer kung kailan ang isa ay madaling maimpluwensiyahan ay hindi naman masamang bagay. Sa haling-sa-kalayawan, labis-labis sa seksong daigdig sa ngayon, maaari pa nga itong maging isang proteksiyon.
Isipin ang Iba
Bilang nagsosolong anak, maaaring sumang-ayon ka kay Jay, na nagsabi: “Maganda ang nag-iisa kasi wala akong kahati sa mga damit, sa kotse o sa anumang bagay.” Maaari ngang maganda ito, subalit sa kalaunan lalo ka pang liligaya kung matututo kang maging mapagbigay, kahit na kung hindi kinakailangan. Totoo, wala kang mga kapatid na lalaki at babae na babahaginan, subalit malamang na may mga pinsan ka o iba pang mga kamag-anak. Tiyak, mayroon kang mga kaibigan. At ano naman ang masama kung bahaginan mo ang iyong mga magulang?
Pinahahalagahan ni Peter ang panahong ginugugol ng kaniyang mga magulang sa pagtuturo sa kaniya na gumawa ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay: “Gumagawa ako ng maraming regalo, lahat ng uri ng bagay, anumang bagay na maisip ko,” sabi niya, “at tinuruan ako nito na ikaw ay makapagpapaligaya sa iba at sa gayo’y gawin ang iyong sarili na pinakamaligaya sa lahat.” Oo, ang kasabihang “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap” ay hindi pa napasisinungalingan.—Gawa 20:35.
Alamin ang mga pangangailangan ng iba. Maaari ka bang magbigay sa isang tao ng nakapagpapatibay na salita? Maaari ka bang tumulong sa isa na nasa materyal na pangangailangan? Maaari mo bang tulungan ang mga baldado o matatanda sa edad? Kung isa ka sa mga Saksi ni Jehova, maaari mong ibahagi ang kaalaman ng Bibliya sa iba o tulungan ang kapuwa mga Kristiyano na dumalo sa mga pulong o makibahagi sa Kristiyanong pangangaral?
Sundin ang Positibong mga Halimbawa
Binabanggit ng Bibliya ang isang kabataan na “bugtong na anak.” Kilala mo ba siya? Tingnan ang Mga Hukom kabanata 11, talatang 29 hanggang 40, at basahin ang tungkol sa anak na babae ni Jephte.
Maliwanag na ang anak na babae ni Jephte ay hindi isang malungkot na bata, sapagkat sinasabi ng Bibliya na siya ay may “mga kasamang babae.” At maliwanag, siya ay hindi laki sa layaw o makasariling bata. Nang siya’y hilingin na tupdin ang mga kahilingan ng panata ng kaniyang ama, handa niyang unahin ang kapakanan ng Diyos kaysa likas na mga pagnanasa na gaya ng pag-aasawa at pagiging ina. Maraming kabataan ngayon ang sumusunod sa kaniyang halimbawa.
Halimbawa, isaalang-alang si Thorsten na ngayo’y naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro sa isang Europeong tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower. Sabi niya: “Kung nagkaroon ako ng mga kapatid na lalaki at babae, marahil hindi ko naranasan ang ilang mga problema. Sa kabilang dako, marahil ay hindi ko naranasan ang maraming maliligayang oras na ginugol ko sa pagbabasa ng aking mga aklat, at marahil hindi ako nagkaroon ng matinding pagpapahalaga sa katotohanan, sa kapatiran, at sa ministeryo na taglay ko ngayon. Naiibigan ko pa rin ang mag-isa kung minsan. Subalit hindi ako nalulungkot sapagkat natutuhan kong maging abala. Hindi na ako isang nagsosolong anak—sa paanuman ay hindi na lubusang nag-iisa.”
Ikaw man, gaya ng anak na babae ni Jephte at gaya ni Thorsten, ay maaaring makasumpong ng kaligayahan bilang isang nagsosolong anak.
[Larawan sa pahina 17]
Kay dalas kong hinangad na sana’y mayroon akong kapatid na babae, gayunman ay mayroon akong ilang mga bentaha