Walang Tahanan—Subalit Buháy!
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
ANG unang mga bapor na nagdadala ng mga nagsilikas ay dumating sa mga daungan sa kahabaan ng Izu Peninsula noong gabi ng Nobyembre 21. Nang maglaon ay ipinasiya na ang mga taong ito ay dapat dalhin sa Tokyo, yamang ang Oshima ay sakop ng pamahalaang panlunsod ng Tokyo. Ang pamahalaang panlunsod kasama ang pamahalaang pambansa ang nanguna sa pag-oorganisa ng gawaing pagtulong. Ang mga Saksi ni Jehova kapuwa sa mga lugar ng Izu at Tokyo gayundin yaong nasa tanggapang sangay, na nasa Ebina City halos mga 50 milya (80 km) ang layo sa Bundok Mihara, ay nagsaayos din ng gawaing pagtulong.
Nang putulin ng mga ulat ng balita tungkol sa pangyayari ang regular na mga programa sa telebisyon, ang mga Saksi ni Jehova na nakatira sa malapit ay totoong nabahala tungkol sa kanilang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae na nasa isla. Si Nobumasa Obata ng Ito Congregation at ang iba pa ay nakipag-alam sa mga Saksi sa lugar ng Izu at nagsaayos ng gawain para sa pagtanggap sa mga nagsilikas. Nang bandang ika-6:30 n.g. nang araw na iyon, ang mga Saksi ay naroroon sa bawat daungan sa Izu Peninsula at Atami, handang-handang tanggapin ang kanilang mga kapatid mula sa Oshima.
Nang si Jiro Nishimura at ang apat pa ay dumating sa Atami noong bandang alas-diyes nang gabing iyon, sinalubong sila ng mga Saksi sa Atami, na may hawak na mga magasing Bantayan at Gumising! Yamang hindi pa napagpasiyahan ng mga awtoridad ng pamahalaan kung ano ang gagawin, ang mga nagsilikas ay pinayagan na tumuloy sa kaninumang ibig nila. Sila ay nagtungo sa Yugawara, kung saan ang anak ni Nishimura ay naglilingkod bilang isang hinirang na matanda sa kongregasyon doon. Ang apartment na kanilang tinuluyan ay naging sentro ng pakikipag-ugnayan para sa mga nagsilikas ng Oshima Congregation.
Noong alas-8:00 kinaumagahan, ang Branch Committee sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Ebina ay nagpasiyang magpadala kaagad ng dalawang kinatawan ng sangay sa lugar ng Izu at dalawa sa lugar ng Tokyo upang isaayos ang gawaing pagtulong.
Habang ipinakikipag-usap ng mga kinatawan ng sangay kay Nishimura ang gawaing pagtulong, dumating si Mitsuo Shiozaki na may dalang mga panustos na tulong mula sa kaniyang kongregasyon sa Numazu. Ang mga nagsilikas ay totoong nagpapahalaga sa mga damit na ipinamahagi sa kanila, sapagkat ang marami sa kanila ay walang anumang pananamit maliban sa kung ano ang suot nila nang lisanin nila ang kanilang isla. Buong pasasalamat din nilang tinanggap ang pagkain na dala-dala niya.
Ang mga komite sa pagtulong ay itinalaga sa Izu at Tokyo upang ipamahagi ang kinakailangang mga pondo o laang-salapi sa mga membro ng Oshima Congregation. Pangangalagaan din ng mga komiteng iyon ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga nagsilikas.
Gawaing Pagtulong sa Tokyo
Noong alas-9:55 n.g. ng Nobyembre 21, pagkatapos na ang ilang mga bapor ay lumarga sakay ang mga nagsilikas tungo sa mga lunsod sa Izu Peninsula, ipinag-utos ng gobernador ng Tokyo na ang lahat ng mga nagsilikas ay dalhin sa Tokyo. Si Yoshio Nakamura, isang hinirang na matanda sa Mita Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa Tokyo, ay hiniling na mag-organisa ng gawaing pagtulong doon. Ang apartment ni Nakamura ang naging punung-tanggapan ukol sa gawaing pagtulong sa Tokyo.
Hiniling niya na ang ilan sa kaniyang kongregasyon at ang ilan sa Shinagawa Congregation ay sumama sa kaniya. Sampu sa mga ito ay sumama kay Nakamura nang bandang alas-dos noong Sabado ng umaga at nagtungo sa mga piyer kung saan ang mga bapor mula sa Oshima ay nakatakdang dumating. Ang mga kapatid ay may dalang mga karatulang nasasabing: “Mga membro ng Oshima Congregation ng mga Saksi ni Jehova, makipag-alam sa amin.”
Hanggang sa dumating ang kahuli-hulihang bapor, paroo’t parito sila sa dalawang piyer kung saan dumating ang mga bapor. Pasado na alas-diyes noong Sabado ng umaga. Ang mga Saksi ni Jehova sa Chuo Congregation ay nagtungo rin sa iba pang piyer kung saan ang mga bapor mula sa Oshima ay nagsirating. Hindi alam kung saang mga bapor nakasakay ang kanilang mga kapananampalataya, sinikap ng mga Saksi sa Tokyo na salubungin ang lahat ng mga bapor na dumating sa Tokyo.
“Ang mga Saksi ni Jehova,” nagugunita ni Kazuyuki Kawashima, “ang tanging kinatawan ng isang relihiyosong grupo na sumalubong sa kanilang mga kapananampalataya sa piyer. Ang isa pang grupo na sumalubong sa mga nagsilikas ay mula sa samahan ng mga guro.”
Noong Sabado ng gabi, ang mga membro ng mga Kongregasyong Mita at Shinagawa ay kusang nagtipon ng mga pananamit at iba pang panustos na tulong para ipamahagi karakaraka sa kanilang espirituwal na mga kapatid mula sa Oshima. Ikinarga ng mga Saksi ang mga panustos na ito sa isang sasakyan at dinalaw ang mga kanlungan kung saan nakatira ang mga Saksing nagsilikas. Ang mga Saksi mula sa Oshima gayundin ang hindi mga Saksi na naroroon ay nakinabang mula sa mga panustos na tulong.
Napatibay-loob ng Pagkabahala ng Iba
Isang Saksi na lumikas ay nagsabi: “Nang umalis kami sa Oshima, kami mismo ay hindi nakakaalam kung saan kami patungo. Gayunman, pagbaba namin ng bapor, nakita namin ang isang karatulang nagsasabing, ‘Mga Saksi ni Jehova.’ Isip-isipin ang pagkamangha at paghanga namin! Di-mapigil na mga luha ang umagos sa mga mata ng aking maybahay habang siya ay nalipos ng ginhawa sa pagkasumpong sa aming mga kapatid na naroroon upang salubungin kami sa piyer.
“Kararating-rating pa lamang namin sa Sports Hall sa Koto Ward at katatawag pa lamang namin kay Brother Nakamura nang dumating ang mga kinatawan ng sangay upang patibayin kami. Totoong nagkabisa ito sa amin, at wala kaming masabi upang ipahayag ang aming pagpapahalaga.”
Noong linggong iyon, dinalaw ng mga membro ng komite sa pagtulong ang lahat ng mga kanlungan na tinutuluyan ng mga Saksi at inalam ang mga pangangailangan ng kanilang mga kapananampalataya. Napag-alaman nila na ang inilikas na mga Saksi ay pinangangalagaang mabuti ng lokal na mga kongregasyon. Ang ibang mga estudyante ng Bibliya ay inanyayahan sa tahanan ng mga Saksi roon para sa mga pagkain sa araw-araw, at kanilang pinahalagahan ang gayong mga pagpapakita sa kanila ng kabaitan ng mga Saksi na hindi man lamang nila nakikilala bago ang sakunang ito.
Ang paglilikas na ito ay matagumpay sapagkat angkop na mga babala ay ibinigay at pinakinggan ito ng mga tao. Subalit nakakaharap ng buong sangkatauhan ang isang mas malaking panganib na napakabilis na dumarating. Ang babala ay ibinibigay na ngayon, ipinakikita sa mga tao kung paano tatakasan ang panganib na ito at kung paano iingatan ang kanilang buhay. Pakikinggan mo ba ang babalang ito?
[Larawan sa pahina 7]
Si Jiro Nishimura na inaalam ang kinaroroonan ng mga kapananampalatayaa
[Talababa]
a Ang mahal-na-mahal na Saksi ni Jehovang ito ay namatay noong Pebrero 1987.
[Mga larawan sa pahina 8]
Si Mitsuo Shiozaki na namamahagi ng panustos na tulong
Maraming nagsilikas ay natulog sa malamig na sahig ng himnasyo