Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ba Napakahirap Makasundo ang Aking Kapatid na Lalaki at Babae?
LABANAN ng magkapatid—kasintanda na ito ni Cain at ni Abel at pangkaraniwan sa mga kabataan na gaya ng sipon. Hindi naman sa talagang napopoot ka sa iyong kapatid na lalaki o babae. Aba, maaari pa ngang hindi mo aminin na may pagmamahal ka sa iyong kapatid, gaya ng sabi ng sumusunod na mga kabataan:
“Kung minsan nagtatalo ang aking mga kapatid na babae at lalaki at sinasabi kong kinaiinisan ko ang kanilang katarayan, pero hindi gayon ang ibig kong sabihin. Talagang nagmamahalan kami sa isa’t isa.”
“Sa palagay ko ay mahal ko ang aking kapatid na lalaki kahit na hindi ko ito ipinakikita.”
“Sa kaloob-looban ng puso ko, na hindi ko nadarama sa ngayon, sa palagay ko ay mahal ko ang aking kapatid na lalaki. Sa paano man, mahal ko siya.”
Gayumpaman, maliwanag na ang matinding pagkapoot ay nagtatago sa ilalim ng mga kaugnayang ito ng magkakapatid. Ano ang maaaring mangyari? Ganito ang sabi ng isang 15-anyos na babae: “Ang aking kapatid na babae at lalaki at ako; madalas kaming mag-away—halos sa walang kabagay-bagay! Ang mga away na iyon ay nakababalisa sa lahat sa pamilya, at kaming lahat ay hindi maligaya.” Ang ibang mga kapatid na lalaki at babae ay hayagan pa ngang napopoot sa isa’t isa. (Isang tin-edyer na babae ang gumuhit ng isang larawan ng kaniyang mga kapatid na lalaki at babae na ibinababa sa isang tangke ng mainit na alkitran.)
Bakit kadalasang umiiral ang di-pagkakaunawaan ng magkapatid?
Sa isang artikulo sa magasing Seventeen, ibinibigay ng terapis ng pamilya na si Claudia Schweitzer ang pangunahing dahilan kung bakit madalas na nag-aaway ang mga kapatid na lalaki at mga babae: “Ang bawat pamilya ay may ilang kayamanan, ang ilan ay emosyonal at ang ilan ay materyal.” Ang artikulo ay nagpapatuloy: “Kapag nag-aaway ang mga magkakapatid, kadalasan nang sila’y naglalaban sa mga kayamanang ito, na naglalakip ng lahat ng bagay mula sa pag-ibig ng magulang hanggang sa salapi at mga damit.”
Oo, ang pagkakaroon ng isang kapatid na lalaki o babae ay karaniwan nang nangangahulugan ng pagsasalo o pagsasama. Halimbawa, ang disiotso-anyos na si Camille at ang kaniyang limang mga kapatid na lalaki at babae ay dapat na magsalo sa tatlong kuwarto. “Nais kong mapagsarili kung minsan,” sabi ni Camille, “at nais ko silang sarhan sa labas, subalit lagi silang naroroon.” Mangyari pa, maging si Jesu-Kristo ay nagkaroon ng isang pangangailangan paminsan-minsan para sa pag-iisa. (Marcos 6:31) Kaya maaaring kainisan mo kapag ang isang kapatid na lalaki o babae ay basta na lamang papasok sa iyong silid na hindi man lamang kumakatok, o kapag hindi mo masolo ang iyong silid.
Ito lalo na ay maaaring maging isang mahirap na problema sa mga pamilya sa pangalawang asawa kapag ang mga kabataan ay kailangang makisama sa mga estranghero. “Walang sinuman ang nagtanong sa aking kapatid na lalaki o sa akin kung nais naming magkaroon ng dalawang kapatid na babae at isang kapatid na lalaki sa pangalawang magulang na lilipat sa aming bahay,” galit na sabi ng isang batang babae. “Isang araw basta na lamang sila lumipat at umasta na para bang pag-aari nila ang lahat ng bagay . . . Sana’y bumalik na sila sa pinanggalingan nila.”
Nariyan din ang pagbabaha-bahagi ng mga pribilehiyo at mga tungkulin sa loob ng bahay. Maaaring ikagalit ng nakatatandang mga bata na sila’y inaasahang gumawa ng malaking bahagi sa gawaing-bahay. Baka naman ayaw ng mga nakababatang mga anak na inuutus-utusan ng mas matandang kapatid o managhili kapag ang mas matandang mga kapatid ay tumatanggap ng pinakahahangad na mga pribilehiyo. ‘Ang aking kapatid na babae ay nag-aaral magmaneho samantalang ako ay hindi,’ hinagpis ng isang tin-edyer na babae sa Inglatera. ‘Naghihinanakit ako at sinikap kong gawing mahirap para sa kaniya ang mga bagay.’
Paano mapuputol ang siklong ito ng paghihinanakit? Simulan mo sa pamamagitan ng pagtatagumpay sa anumang hilig sa kasakiman. Iyan ay nangangahulugan ng ‘paghanap hindi ng iyong sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.’ (1 Corinto 10:24) Sa halip na mag-away tungkol sa personal na “mga karapatan,” maging “handang magbigay.” (1 Timoteo 6:18) Ito ay maaaring maging napakahirap. Subalit isang mananaliksik ay nagpapaalala sa atin: “Ang mga bentaha ng pagkakaroon ng mga kapatid [pati na ang mga kapatid na lalaki at babae sa pangalawang magulang!] ay nakahihigit sa mga disbentaha. Ang pagkakaroon ng mga kapatid ay nagbibigay ng isang kalagayan kung saan ang bata ay maaaring matutong makisamang mabuti sa ibang mga bata. Natututuhan niya ang mga leksiyon ng pagbibigay-at-pagtanggap, ibahagi ang kaniyang mga pag-aari.”
Napakalapit Upang Magkaroon ng Mabuting Kaugnayan
Ang disiseite-anyos na si Diane ay lumaki na kasama ng apat na kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae. Sabi niya: “Kung araw-araw kayong nagkikita-kita, . . . At kung mamasdan mo ang isang tao na ginagawa ang bagay na kinaiinisan mo sa araw-araw—maaari ka ngang magalit.” Gayunman, kung minsan ang atin mismong mga kapintasan ay nagdaragdag pa ng gatong sa apoy. Ganito ang sabi ng kabataang si Andre tungkol sa kaniyang sarili: “Ang pagkilos mo sa bahay ay siyang tunay na ikaw. Kapag ikaw ay lumalabas at nakikisama sa ibang mga tao, kung minsan ikaw ay nagsusuot ng ganap na kakaibang saloobin. Subalit kapag ikaw ay nasa bahay sa isang kapaligiran na sanay na sanay ka, ikaw ay kumikilos sa paraan na kung ano ka nga.” Sa kasamaang palad, ang ‘pagkilos sa paraan na kung ano ka nga’ ay karaniwang nangangahulugan ng hindi pagpapakita ng galang, kabaitan, at taktika.
Ganito pa ang sabi ng aklat na The Private Life of the American Teenager: “Kadalasan nang mas mahirap makasundo ang mga tao na may katulad nating mga katangian at nalalaman ang lahat ng ating mga pagkukulang at kahinaan.” Totoo, kung mayroon kang kahawig na katangian sa isa sa iyong kapatid na lalaki o babae, baka ikaw ay mapalapit sa isang iyon. Subalit kumusta naman kung ikaw ay may katulad na negatibong mga katangian? Ang Kawikaan 27:19 ay nagsasabi: “Kung paanong sa tubig ang mukha ay sumasagot sa mukha, gayon ang puso ng tao sa tao.” Kapag nakikita natin ang ating masamang mga katangian na ipinababanaag sa isang kapatid, kadalasan nang ikinaiinis natin ang paalaala at tayo’y napopoot.
Paano mo mapapanatili ang kapayapaan? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya na ‘magtiisan sa isa’t isa nang may pag-ibig.’ (Efeso 4:2) Sa halip na palakihin ang mga pagkakamali at mga kapintasan ng kapatid, ikapit ang pag-ibig Kristiyano, na “nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Sa halip na walaing-bahala ang mga membro ng pamilya at maging mabagsik o hindi mabait, iwaksi ang “poot, galit, kasamaan, abusadong pananalita,” at “ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw.”—Colosas 3:8; 4:6.
‘Ikaw ang Paborito ni Inay!’
Gayunman, marahil ang pinakamalaking pinag-aawayan ng magkakapatid ay ang pagmamahal ng kanilang mga magulang. Ganito ang sabi ng propesor sa sikolohiya na si Lee Salk: “Walang paraan na maiibig ng isang magulang ang lahat ng kaniyang mga anak nang pantay-pantay sapagkat sila’y magkakaiba at di-maiiwasang tumatanggap ng iba’t ibang reaksiyon mula sa atin [mga magulang].”
Ito’y napatunayang totoo noong panahon ng Bibliya. Ang patriarkang si Jacob (Israel) “ay minahal si Jose nang higit sa lahat niyang anak.” Ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay totoong naghinanakit sa bagay na ito nang si Jacob “ay nagpagawa ng isang mahaba, guhitan na may sarisaring kulay na tunika para” kay Jose, maliwanag na isang uri ng kasuotan na isinusuot ng isang tao na may ranggo. (Genesis 37:3) Nang malaon ang kanilang pananaghili ay nauwi sa nakamamatay na pagkapoot. Wari ngang nakasasakit kung ang iyong mga magulang ay tila pinapaburan ang isa sa iyong mga kapatid na lalaki o babae. Subalit inaalis ng iba ang paghihinanakit o sama ng loob sa kanilang mga kapatid!
Pagtatagumpay sa Pananaghili
Ang pananaghili sa pagitan ng magkakapatid ay kadalasan nang resulta ng bagay na “ang hilig ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) At “sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip.” (Mateo 15:19) Nagugunita ng isang dalagang nagngangalang Lynn kung paanong siya ay labis na nanaghili sa isang nakababatang kapatid na babae anupa’t nang mabali ang kamay ng kaniyang kapatid, pinaratangan ni Lynn na sinadya ito ng kaniyang kapatid! Ang dahilan? Upang hindi siya makatulong kay Lynn sa pagtitiklop ng mga kumot. Maliwanag, ang pagkapoot ni Lynn ay mas malamang na bunga ng mapanlinlang na pangangatuwiran ng kaniyang puso kaysa aktuwal na mga kalagayan.
Maaaring totoo rin ito kung ang isa ay nananaghili sapagkat ang isang kapatid ay inaayunan ng isang magulang. “Ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) At kadalasan na walang tunay na dahilan upang maghinanakit. Sa kalagayan ni Jacob, tandaan na si Jose ay anak ng kaniyang pinakamamahal na namatay na asawang si Raquel. Siempre pa totoong malapit siya sa anak na ito! Gayunman hindi lamang si Jose ang minahal ni Jacob kundi gayundin ang iba pa niyang mga anak, sapagkat siya ay nagpahayag ng pagkabalisa sa kanilang kalagayan. (Genesis 37:13, 14) Ang iyong mga magulang ay baka tila mas malapit sa isa sa iyong mga kapatid, marahil dahil sa pareho ang kanilang mga interes. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi ka nila mahal. Kaya kung ikaw ay naghihinanakit o nananaghili, alamin mo na nangingibabaw sa iyo ang iyong di-sakdal na puso. Paglabanan mo ang gayong mga damdamin.
Ang pagkakaroon ng isang kapatid ay hindi nangangahulugan ng pag-aaway ng magkapatid—lalo na kung talagang nagsisikap kang ikapit ang mga simulain ng Bibliya.a Oo, ang pagkakaroon ng mga kapatid ay may kaniyang mga problema. Subalit ‘ang mga pakinabang ay nakahihigit sa mga disbentaha.’
[Talababa]
a Ito ay tatalakayin pang higit sa isang hinaharap na artikulo.
[Larawan sa pahina 16]
Ang pagsasama-sama ng isang kapatid na lalaki o babae sa iisang silid ay maaaring lumikha ng tunay na pag-aaway