Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Papawiin ang Aking Kalungkutan?
IKAW ba ay nag-aalalá kapag ikaw ay may sipon? Marahil ay hindi. Alam mo na gagaling ka rin. Subalit ano naman kung ang mga sintomas ng iyong sipon ay magpatuloy? Kung gayon maaaring ikaw ay mayroong mas malalang sakit kaysa sipon lamang, at ikaw ay dapat na mabahala.
Totoo rin ito kapag ikaw ay nalulungkot. Karamihan ng mga pagsumpong ng kalungkutan ay pansamantala.a Ngunit kung minsan ang kirot ng kalungkutan ay nagpapatuloy. Para bang wala nang lunas pa.
Si Ronny, isang estudyante sa high school, ay nagsasabi: “Nag-aral ako sa distritong ito sa loob ng walong taon na, subalit kailanman ay hindi ako nagkaroon ng isang kaibigan! . . . Walang sinuman ang nakakaalam kung ano ang nadarama ko at walang nagmamalasakit sa akin. Kung minsan ay naiisip ko na hindi ko na ito matatagalan pa!”—Preparing for Adolescence.
Tulad ni Ronny, nararanasan ng maraming tin-edyer ang kadalasang tinatawag na talamak na kalungkutan. Marahil ay nadarama mo rin ang masakit na kahungkagang ito. Kung gayon nga, huwag kang mawalan ng pag-asa. Totoo, ang talamak na kalungkutan ay hindi isang maliit na problema. Ito ay mas malubha kaysa panandaliang kalungkutan. Sa katunayan, sinasabi ng mga mananaliksik, na ang dalawa ay “magkaiba na gaya ng pagkakaiba ng karaniwang sipon at pulmunya.” Ngunit kung paano ang pulmunya ay maaaring gamutin, ang talamak na kalungkutan ay maaari ring daigin. Subalit papaano?
Ang kalungkutan man ay isang paminsan-minsang bagay o isang malungkot na paraan ng pamumuhay para sa iyo, ang unang hakbang sa pagkasumpong ng isang lunas ay ang pag-unawa sa sanhi nito. Ganito ang sabi ng sinaunang Haring Solomon: “Ang taong may unawa ay siyang kumukuha ng magaling na patnubay.”—Kawikaan 1:5.
Binabanggit naman ng disiseis-anyos na si Rhonda ang pinakapangkaraniwang sanhi ng talamak na kalungkutan sa pagsasabing: “Sa palagay ko ang dahilan kung bakit napakalungkot ko ay sapagkat—bueno hindi ka maaaring magkaroon ng mga kaibigan kung hindi mo naiibigan ang iyo mismong sarili. At sa palagay ko hindi ko naiibigan ang aking sarili nang husto.”—Lonely in America.
Ang kalungkutan ni Rhonda ay mula sa kaniyang sarili mismo. Ang kaniyang mababang pagpapahalaga-sa-sarili ay nagiging hadlang na pumipigil sa kaniya na magsalita at makipagkaibigan. Gayundin ba ang nadarama mo? Sabi ng isang mananaliksik: “Ang mga kaisipan na gaya baga ng ‘Hindi ako maganda,’ ‘Ako’y hindi kaakit-akit,’ Ako’y walang halaga,’ ay karaniwang paksa sa gitna ng mga talamak na nalulungkot dahil sa nag-iisa.”
Ang mababang pagpapahalaga-sa-sarili, naman, ay maaaring bunga ng takot na ikaw ay tanggihan. Nagugunita ni Steven: “Nais kong ipakipag-usap ang tungkol sa aking mga kalungkutan, subalit hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito. Natatakot akong pagtawanan ako ng mga tao o hindi nila ako tratuhin na seryoso. Talagang napakahirap magsalita.” Kaya, ang ibang mga tin-edyer ay nananahimik, at walang imik na nagdurusa. Paano ito mababago?
Paunlarin ang Iyong Paggalang-sa-Sarili
Ang susi upang madaig ang kalungkutan ay nakasalalay sa pagpapaunlad ng paggalang-sa-sarili. Ang apostol Pablo ay sumulat: “Sapagkat sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa na ibinibigay sa akin ay sinasabi ko sa bawat isa riyan sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang totoong matayog kaysa nararapat niyang isipin.” (Roma 12:3; ihambing ang Mateo 19:19.) Ipinakikita nito na mahalaga ang sapat na paggalang-sa-sarili. Ang Bibliya, kung gayon, ay nagbababala hindi lamang sa labis-labis na pag-iisip sa sarili kundi gayundin sa hindi gaanong pag-iintindi o pag-iisip sa iyong sarili.
Tutal, pinagkalooban ni Jehova ang tao ng maka-diyos na mga katangian. (Genesis 1:26) Kaya sa paanuman taglay mo ang kaakit-akit na mga katangiang iyon. Ikaw ba ay mapagpakumbaba, mahinhin o mababang-loob, madaling turuan? O mapagbigay, mahabagin, mabait? Huwag mong bulagin ang iyong sarili sa mga katangiang iyon. Marahil maaari mo ring linangin ang iba pang kapaki-pakinabang na mga kasanayan at mabubuting ugali. Totoo, maaaring may mga bagay tungkol sa iyo na hindi mo nagugustuhan, ang hitsura mo halimbawa. Subalit bakit mo mamaliitin ang iyong sarili dahil lamang sa isang bagay na hindi mo maaaring baguhin? Sa halip, gawan mo ng paraan ang hindi kaaya-ayang mga katangian na maaari mong baguhin, gaya ng pagkamainipin, pagkamagagalitin, o kasakiman. Maglaan ng panahon upang linangin ang tinatawag ng Bibliya na “bagong pagkatao,” na kakikitaan ng kabaitan, kababaan ng isip, at kahinahunan. (Colosas 3:9-12) Lálakí ang iyong paggalang-sa-sarili!
Isa pa, habang natututuhan mong maibigan ang iyong sarili, ang iba ay maaakit sa iyong kawili-wiling mga katangian. Subalit kung paanong nakikita mo lamang ang ganap na mga kulay ng isang bulaklak pagka ito’y namukadkad na, gayundin naman na lubusan lamang mapahahalagahan ng iba ang iyong mga katangian kapag ikaw ay nakikipag-usap at nagiging malapit sa kanila. ‘Ngunit paano ko magagawa iyan?’ maitatanong mo.
“Palawakin ang Iyong Kaugnayan” sa Iba
‘Ang pinakamabuting payo para sa isang malulungkutin,’ sabi kamakailan ng isang publikasyon mula sa U.S. National Institute of Mental Health, ay ‘makisangkot sa ibang tao.’ Ang payong ito ay nakakasuwato ng payo ng Bibliya na “palawakin” at magpakita ng “pakikiramay sa kapuwa,” o empatiya. (2 Corinto 6:11-13; 1 Pedro 3:8) Ito ay nakabubuti. Isinisiwalat ng isang pag-aaral, na inilathala sa babasahing Adolescence, na ‘ang mga tin-edyer na nababahala sa kapakanan ng iba ay hindi kasinlungkot ng mga tin-edyer na hindi nagpapakita ng pagkabahala sa iba.’ Bakit? Hindi lamang inaalis ng pagkabahala sa iba sa iyong sariling isipan ang kalungkutan kundi inuudyukan din nito ang iba na magkaroon ng interes sa iyo. Ang mga tao ay karaniwan nang tutugon sa pagpapakita rin sa iyo ng kabaitan. (Kawikaan 11:25) Kung gayon, paano ka makapagpapasimula?
Pagpapasimula ng Pag-uusap
Ang disinuebe-anyos na si Natalie ay nagpasiya na siya ay gagawa ng higit pa kaysa maupo lamang sa likuran at maghintay sa mga tao na magsabi ng kumusta. ‘Dapat din akong maging palakaibigan,’ sabi niya. ‘Kung hindi baka akalain ng ibang tao na ako ay mapagmalaki.’ Kaya simulan mo sa pamamagitan ng isang ngiti. Baka ngumiti rin siya sa iyo.
Ang susunod na hakbang, sa pagsisimula ng usapan, ay mas mahirap. Si Lillian, 15 anyos, ay nagsasabi: “Ang makipagkilala ka sa mga estranghero sa kauna-unahang pagkakataon ay talagang nakatatakot. Natatakot ako na baka hindi nila ako tanggapin.” Paano sinisimulan ni Lillian ang pag-uusap? “Nagtatanong ako ng simpleng mga katanungan,” sabi niya, “gaya ng, ‘Tagasaan ka?’ ‘Kilala mo ba si ganoo’t ganito?’ Maaaring nakikilala namin kapuwa ang iisang tao, at hindi nagtatagal kami ay nag-uusap na.” Ang magkatulad na mga karanasan ay maaari ring magsilbing tagapagpasimula ng pag-uusap. Ganito pa ang sabi ng disiotso-anyos na si Anne: “Hindi ako nagsisimula sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa isang bagay na personal sapagkat ang isa ay baka mapahiya o matakot at layuan ako.” Oo, hindi mabuti na pag-usapan ang personal na mga bagay karaka-raka.
Ano, naman, kung magkaminsan ay basta hindi mo alam kung ano ang iyong sasabihin? Bueno, may mga bagay na maaari mong gawin. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin tungkol sa isang babaing nagngangalang Dorcas na “sagana sa mabubuting gawa at sa pagkakawanggawa” para sa nangangailangang mga babaing balo. Nang siya’y mamatay, ang mga babaing balo ay nagsitangis dahil sa kalungkutan. (Gawa 9:36-39) Ang mga gawa ng kabaitan ni Dorcas ay nagpamahal sa kaniya sa kanila. Ang mga gawang kabaitan at ang espiritu ng pagkabukas-palad ay tutulong din sa iyo na magkaroon ng mahalagang pakikipagkaibigan.
Subalit maging makatotohanan. Matutuhan mong tanggapin na ang ibang tao ay hindi tutugon sa iyong ngiti at palakaibigang pangangamusta. Sa gayong kalagayan, sila ang may problema—hindi ikaw.
Pagdaig sa mga Problema
Gayunman, karamihan ng mga tin-edyer ay dumaranas ng kalungkutan paminsan-minsan. Tandaan na maaaring ito ay pansamantala at pinangyayari ng mga kalagayang wala kang magawa. Ang paglipas ng panahon ay kadalasang tutulong sa iyo na madaig ang mga problema. Ang kalungkutan ay maglalaho.
Gayunman, ang talamak na kalungkutan ay nagmumula sa kaloob-looban at maaaring maging sanhi ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili. Sa kalagayang iyan, kumilos ka! ‘Baguhin mo ang iyong isipan,’ at ‘magsuot ka ng bagong pagkatao,’ sabi ng Salita ng Diyos. (Roma 12:2; Efeso 4:23, 24) Oo, paunlarin mo ang iyong paggalang-sa-sarili sa pamamagitan ng paglinang ng kaakit-akit na mga katangian na mayroon ka. Gumawa ka ng mga bagay-bagay para sa ibang tao, at karaniwan nang sila’y tutugon sa iyo.
Gayunman, ano man ang maging reaksiyon ng mga tao, maaari kang magkaroon ng isang kaibigan na hindi tatanggi sa iyo. Sino iyan? Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ako’y iiwan ninyong mag-isa; gayunma’y hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko.” (Juan 16:32) Ang malapit na kaugnayang ito kay Jehova ay nagpalakas kay Jesus noong mga sandali ng pag-iisa. Maaari mo ring maging iyong pinakamatalik na kaibigan si Jehova. Kilalanin mo ang kaniyang personalidad sa pamamagitan ng pagbasa ng Bibliya at pagmamasid sa kaniyang mga paglalang. Pagtibayin mo ang iyong pakikipagkaibigan sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin. Hindi magtatagal at masusumpungan mo na ang pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova ang pinakamainam na sagot o lunas sa iyong kalungkutan.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ‘Bakit ba Ako Labis na Nalulungkot?’ sa Hunyo 22, 1987, na labas ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang iyong hitsura ay maaaring makaapekto sa kung ano ang palagay sa iyo ng iba