Bagong mga Pasilidad sa Paglululan na Gamit ng mga Saksi ni Jehova
ANG pagkalaki-laking gusaling ito, sa ibayo lamang ng panganlungan ng mga bapor mula sa kilalang pinansiyal na distrito ng Wall Street ng New York, ay isang prominenteng bahagi sa harapan ng ilog sa Brooklyn. Nasa 360 Furman Street, mga ilang bloke lamang sa mga palimbagan ng mga Saksi ni Jehova, ayos na ayos ang kinalalagyan nito para sa paglululan ng kanilang mga literatura sa Bibliya sa buong daigdig.
Orihinal na itinayo noong 1928, ang gusali sa Furman Street ay binili ng mga Saksi ni Jehova noong Marso 15, 1983. Mula noon, ito ay kinumpuni at inayos. Noong Enero ng taóng ito, ang kahuli-huling dating nangungupahan sa gusali ay umalis, kaya nagagamit na ngayon ng mga Saksi ni Jehova ang buong lawak nito.
Ang gusali ay mayroong isang milyong piye kuwadrado (93,000 sq m) ng espasyo ng sahig, o halos 23 acres (9 ha), halos sangkatlo nito ay inilaan sa bagong Departamento sa Paglululan. Ang napakalaking ikalawang palapag—373 piye por 345 piye (halos kasinlaki ng 1 1/2 soccer fields)—ay naglalaman ng mga tanggapan at ang bagong sistema ng paghahatid (conveyor system) na ginagawang posible na punan nitong mabilis ang mga pididong literatura.
Bago ilipat ang Departamento ng Paglululan sa Furman Street noong taglagas ng 1985, karaniwan nang gumugugol ng mga anim na linggo upang punan ang mga pidido ng literatura sa masikip na mga kuwarto ng paglululan sa 30 Columbia Heights. Subalit ngayon, dahil sa sistema ng computer, isang bagong sistema ng paghahatid, at malaking lugar na makikilusan, ang isang pidido ay karaniwan nang naipadadala sa loob lamang ng pitong araw pagkatanggap ng pidido. Tingnan natin ang departamento at ang pagkilos nito.
Dito ang mga aklat at mga pulyeto sa mahigit na isang daang iba’t ibang wika ay iniimbak. Buwan-buwan, halos isang libong tonelada ng literatura ang ipinadadala sa buong daigdig, alin sa lugar na ito sa Furman Street o nang tuwiran mula sa kalapit na palimbagan tungo sa mga daungan para iluwas sa ibang bansa. Mga 2,000 pidido sa literatura sa isang linggo ang pinupunan sa Furman Street at ipinadadala sa mahigit na 8,400 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos.
Ang modernong sistema ng paghahatid ay binili upang tumulong sa mahusay na pagtitipon, pag-iimpake, at pagpapadala ng mga literatura. Ito’y ininstala ng mga Saksi ni Jehova. Ang instalasyong ito ay kumuha halos ng apat na buwan at ito’y natapos noong maagang bahagi ng Oktubre 1985. Mayroong halos tatlong-kapat ng isang milya (1 km) ng aparato na tagapaghatid (conveyor) na mayroong 54 na mga motor na nagpapatakbo sa iba’t ibang kurea at mga kable at 30 photoelectric eyes upang pangasiwaan ang daloy ng literatura.
Ang pagkilos ng paglululan ay may apat na bahagi. Ang unang bahagi, ang tanggapan sa paglululan, kung saan tinatanggap at inaayos ang mga pidido. Isang computer ang ginagamit upang ihanda ang invoice at ang talaan ng literatura na titipunin sa bawat pidido. Ang ikalawang bahagi ay ang sistema ng pagtitipon para punan ang mga pidido sa literatura. Ang ikatlo ay ang dako ng pag-iimpake kung saan ang mga literatura ay sinisiyasat at maingat na iniimpake sa mga kahon na karton. Ang ikaapat ay ang lugar na naglalagay ng selyo sa koreo, kung saan ang bawat kahon ay tinitimbang at nilalagyan ng tamang selyo sa koreo. Ang mga kahong ito ay saka ipinadadala sa daungan para sa paglululan.
Gayunman, ang gusali sa 360 Furman Street ay naglalaman ng higit pa kaysa Departamento sa Paglululan. Naglalaman din ito ng marami pang mga departamento.
[Mga larawan sa pahina 18]
Iba Pang mga Gawain sa Gusali sa Furman Street
Sa malaking Karpinteryang ito, may lawak na 56,000 piye kuwadrado ng espasyong sahig, ang mga muwebles ay ginagawa para sa maraming tanggapan at para sa mga silid ng mga kawani sa punung-tanggapan
Ang Departamento ng Braille ay gumagawa ng mahigit na 48 mga publikasyon, gayundin ang buong labas ng bawat “Bantayan” sa mahigit na 600 mga suskritor. Ang mga publikasyon sa Braille ay ipinadadala sa koreo sa mahigit na 35 mga bansa
Hanggang sa 35,000 libra ng ductwork at kahawig na mga sheet-metal ang ginagawa rito at ikinakabit buwan-buwan sa mga gusali ng Samahan sa Brooklyn at sa Watchtower Farms
Ang mga balangkas ng bintana na yari sa aluminyo at mga salamin na nababalot ng thermopane ay ginagawa rito para sa mga gusali ng Samahang Watchtower na nakapagtitipid ng malaking halaga. Mababayaran ng halagang natitipid sa pagpapainit mula sa mga bagong bintana ang proyektong ito sa loob ng maikling panahon
Sa nakalipas na tatlong taon, ang Tape Duplicating Department ay nakagawa na ng mahigit 11 milyong cassette rekording sa Ingles, Kastila, Pranses, at Portuges