Mula sa Aming mga Mambabasa
Espiritismo
Nais kong magkomento tungkol sa artikulo ng Gumising! na “Allan Kardec—Tagapagpauna sa Espiritismo.” (Mayo 22, 1987) Naniniwala ako na ang lahat ay may karapatan na pumili ng relihiyong nais niya, kung ito ay nagpapakilos sa tao na gumawa ng mabuti at hindi nakasasamâ sa ibang tao o hayop. Ako’y isang espiritista, at sa mga klase na dinaluhan ko, yaong mga naroroon ay hindi nag-aaksaya ng panahon sa pagpuná sa iba pang mga relihiyon, at hindi rin nag-aksaya ng papel at salapi upang ilathala ang gayong mga pagpuná. Ang mga espiritista ay hindi sumasang-ayon sa mga Saksi ni Jehova tungkol sa pagkawalang kamatayan ng kaluluwa, pakikipagtalastasan sa mga patay, at iba pang bagay. Gayunman, hindi naman kami ignorante o hindi maibigin upang sabihin na kayo ay nakikibahagi sa mga demonyo, na gaya ng pagsabi ninyo sa amin. Ang espiritismo ay nag-uudyok sa amin na personal na magbago, binabago ang mga bisyo tungo sa mga kagalingan. Pinapayuhan kami nito na magsagawa ng pagkakawanggawa at makiisa sa aming mahihirap na mga kapatid. Imposible sa mga demonyo na payuhan ang mga tao na kumilos nang ganiyan, sapagkat sila ay hindi makikinabang ng anuman sa paggawa ng gayon. Medyo salungat nga, di ba?
C. M. G., Brazil
Kami’y sumasang-ayon na ang bawat isa ay dapat na maging malaya na pumili ng kaniyang relihiyon. Gayunman, inaakala naming obligado kaming itawag-pansin ang mga babala ng Bibliya tungkol sa mapanganib na mga gawaing relihiyoso. Ipinakikita ng Bibliya, yaong mga naniniwala sa pakikipagtalastasan sa mga patay ay madaling tablan ng tuso, mapanlinlang na impluwensiya ng balakyot na mga espiritu na may kamaliang nagpapanggap na mga taong nabuhay noon at ngayo’y mga patay na at sa gayo’y walang kapangyarihang gawin ang anumang bagay. (Tingnan ang Eclesiastes 9:5, 6, 10 at Isaias 8:19, 20.) Sa kadahilanang ito, ang Bibliya sa Levitico 19:31 at Deuteronomio 18:10-12 ay nagbababala laban sa anumang uri ng espiritistikong gawain. Kung tungkol naman sa animo’y pag-uudyok ng espiritismo sa isa na baguhin ang mga bisyo tungo sa mga kagalingan, ang Bibliya ay nagsasabi sa 2 Corinto 11:14, 15 na “si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. Kaya hindi malaking bagay na ang kaniyang mga ministro man ay patuloy na magkunwari rin na mga ministro ng katuwiran.” Gaya ng binabanggit sa 2 Timoteo 3:16, 17, ang tao ng Diyos ay dapat na magbigay-pansin sa Bibliya, hindi sa mga espiritu, bilang ang tunay, maaasahang pinagmumulan ng patnubay may kaugnayan sa kalooban ng Diyos.—ED.
Polusyon
Binasa ko na may interes ang inyong mga artikulo sa “Ano ang Nangyayari sa Ating Kagubatan?” (Hunyo 22, 1987) Nagtataka ako kung bakit hindi ninyo iminungkahi—kung ano sa palagay ko’y siyang malinaw na solusyon bilang ang mapagpipilian sa nakapagpaparumi, limitadong mga gatong na fossil—ang paggamit sa hindi nauubos, hindi limitadong pinagmumulan ng enerhiya, ang lakas buhat sa araw. Ito’y malinis at makapaglalaan ng isang pinagmumulan ng enerhiya magpakailanman.
R. A. M., Estados Unidos
Kami ay positibung-positibo tungkol sa potensiyal ng lakas buhat sa araw bilang isang solusyon kapuwa sa maraming polusyon ng lupa at sa limitadong panustos ng mga gatong na fossil. (Tingnan ang aming labas ng Pebrero 22, 1980.) Gayunman, ang problema ay higit pa kaysa kasakiman at pantanging interes ng tao, na humahadlang sa pagpapasulong at pansansinukob na paggamit ng enerhiya buhat sa araw. Sa mga kadahilanang ito, naniniwala kami na tanging ang Kaharian ng Diyos ang siya mismong matagumpay na makikitungo sa lahat ng mga problemang nasasangkot at maglalaan ng walang-hanggang lunas.—ED.