Panlulumo: Nasa Isip Ba Lamang?
ANG lalaki ay biglang nanlumo nang ayusin niya ang kaniyang 200-taóng-gulang na tahanan. Hindi siya mapagkatulog at nasumpungan niyang lubhang mahirap ang patuloy na pag-iisip. Ang kaniyang pamilya ay nagtataka kung baga ang bahay ay pinagmumultuhan! Napansin niya ang pinakagrabeng sintomas niya, kasama na ang mga kirot sa sikmura, pagkatapos niyang alisin ang lumang pintura mula sa gawang-kahoy sa loob. Natuklasan ng isang doktor na ang pagkalason sa tingga na nasa mga suson ng lumang pintura na kaniyang kinayod ang sanhi ng kaniyang panlulumo.
Oo, kung minsan, kahit na ang nakalalasong mga bagay ay masisisi sa panlulumo. Sa katunayan, maaaring magtaka kang malaman na ang panlulumo ay maaaring pangyarihin ng maraming pisikal na dahilan.
Mga ilang taon na ang nakalipas maingat na sinuri ng mga mananaliksik ang 100 katao na tinanggap sa isang ospital sa lunsod na mayroong mga suliranin sa isipan, pati na ang panlulumo. Sa 46 na mga kasong ito, ang emosyonal na mga sintomas ay nasumpungang tuwirang nauugnay sa pisikal na karamdaman. Sang-ayon sa report sa American Journal of Psychiatry, nang ang pisikal na mga karamdamang ito ay ginamot, 28 “ang kinakitaan ng malinaw at mabilis na pagkawala ng kanilang mga sintomas ng diperensiya sa isip,” at 18 ang “sa kabuuan ay bumuti.”
Gayunman, ang bahagi ng pisikal na karamdaman sa panlulumo ay masalimuot. Ang karanasan ng maraming doktor ay na ang isang pasyenteng nanlulumo ay maaaring mayroon ding pisikal na karamdaman na walang pananagutan sa kaniyang panlulumo ngunit siyang pinagtutuonan ng kaniyang isipan. Gayunman, ang saligan ng panlulumo ay kadalasan nang dapat na bigyang-pansin at gamutin.
Bagaman ang ilang pisikal na karamdaman ay maaaring pagmulan o maaaring patindihin ang emosyonal na sakit, maaari ring magkaroon ng mga sintomas ng sakit sa isipan bilang isang reaksiyon sa dati nang umiiral na karamdaman. Halimbawa, pagkatapos ng isang malaking operasyon, lalo na sa puso, ang pagalíng na mga pasyente ay karaniwang nanlulumo. Kapag sila’y gumagaling, ang panlulumo ay karaniwang nawawala. Ang hirap na dinaranas ng katawan dahil sa isang malubhang karamdaman ay maaari ring pagmulan ng sakit. Karagdagan pa, ang isang alerdyik na reaksiyon sa ilang pagkain o iba pang mga sustansiya ay maaari ring pagmulan ng matinding panlulumo sa ilang mga tao.
Ang pagmamana ay maaari ring maging isang salik sa kung baga ang isa ay magkakaroon ng ilang uri ng panlulumo. Maaga sa taóng ito, ipinahayag ng mga mananaliksik ang pagkatuklas sa isang namamanang genetikong depekto na inaakalang naghahantad sa ibang tao sa sumpong na panlulumo.
Isa pa, sinasabi ng ilang dalubhasa sa medisina na mula sa 10 hanggang sa 20 porsiyento ng bagong mga ina ang dumaranas ng panlulumo. Gayunman, hindi sumasang-ayon ang mga mananaliksik sa kung baga ang mga pagbabago sa hormone na kaugnay sa panganganak o emosyonal na hirap ng pagiging ina ang nagdadala ng sakit. Ipinahihiwatig din ng mga tuklas kamakailan na ang sakit bago ang pagriregla at ang pag-inom ng birth-control pills ay waring nagdudulot ng panlulumo sa ibang mga babae.
Isinisiwalat din ng pananaliksik kamakailan na ang ilang tao ay waring may buwanang siklo ng mga kondisyon ng kalooban, na tinutukoy na Pana-panahong Karamdaman. Ang gayong mga tao ay lubhang nanlulumo kung taglagas at taglamig. Sila’y bumabagal at kadalasang labis na natutulog, lumalayo sa mga kaibigan at pamilya, at dumaranas ng mga pagbabago sa gana sa pagkain at namimili ng pagkain. Subalit pagdating ng tagsibol at tag-init, sila ay masaya, aktibo, at masigla, at karaniwan nang sila’y kumikilos na mabuti. Ang iba ay matagumpay na napagaling sa pamamagitan ng kontroladong paggamit ng artipisyal na ilaw.
Kaya ang panlulumo ay hindi laging ‘nasa isip lamang.’ Samakatuwid, kung nagtatagal ang panlulumo, mahalagang magkaroon ng isang ganap na medikal na pagsusuri. Subalit kumusta naman kung walang masumpungang pisikal na dahilan?
[Kahon sa pahina 6]
Ilang Pisikal na Sanhi ng Panlulumo
Iniugnay ng medikal na pananaliksik ang sumusunod na mga bagay sa pagkakaroon ng panlulumo sa ilang tao:
Nakalalasong metal at mga kemikal: tingga, merkuryo, aluminyo, carbon monoxide, at ilang pamatay-insekto
Mga kakulangan sa nutriyente: ilang mga bitamina at mahahalagang mineral
Nakahahawang sakit: tuberkulosis, mononucleosis, pulmunyá na dala ng virus, hepatitis, at trangkaso
Mga sakit sa sistema-endokrino: thyroid disease, Cushing’s disease, hypoglycemia, at diabetes mellitus
Mga sakit sa sistema-nerbiyosa: multiple sclerosis, at Parkinson’s disease
Mga drogang “panlibang”: PCP, marijuana, amphetamines, cocaine, heroin, at methadone
Iniriresetang gamot: barbiturates, mga gamot laban sa kombulsiyon, corticosteroids, at mga hormone. Ilang gamot para sa alta presyon, artritis, mga sakit sa puso, at iba pang sakit sa isip
(Tiyak, hindi lahat ng gayong medisina ay pagmumulan ng panlulumo, at kahit na may panganib, karaniwan nang maliit na porsiyento lamang niyaong gumagamit ng gamot sa ilalim ng wastong medikal na pangangasiwa ang apektado.)