Mula sa Aming mga Mambabasa
Kamatayan ng Isang Anak
Salamat sa inyo sa artikulo tungkol sa “Pagharap sa Kamatayan ng Isang Anak.” (Agosto 8, 1987) Bagaman ilang beses na akong umiyak habang binabasa ko ang mga artikulo, nakatutulong na malaman na ang iba ay gayundin ang nadarama na gaya ko. Marso 1978 noon nang ang aming 24-anyos na si Karen ay mamatay nang banggain ng isang trak ang kaniyang kotse sa isang krosing mga ilang bloke lamang sa kaniyang tahanan. Labis kong pinahahalagahan ang binanggit ng inyong artikulo na hindi masama ang magdalamhati, at ito’y hindi nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos tungkol sa isang pagkabuhay-muli; bagkus, ipinahihiwatig nito ang matinding pag-ibig sa namatay. Iyan ay totoong nakaaaliw sa akin. Ang pagsulat ni Diane Krych kay David tungkol sa paghahanda ng isang parti para sa kaniya kapag ginising na siya ni Jehova buhat sa kaniyang pagkakatulog ay nakaantig sa aking puso. Naisip ko rin ang tungkol sa parti ni Karen kapag siya ay binuhay-muli. Sabik na sabik na akong makita ang kaniyang magandang ngiti!
D. L., Estados Unidos
Kababasa ko lamang ng inyong labas na “Pagharap sa Kamatayan ng Isang Anak.” Mapatutunayan kong totoo ang bawat salita na binanggit doon. Ang pagdadalamhati ay hindi naglalaho. Sa loob ng 13 taon ako’y nakadama ng pagkakasala dahil sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng aking anak na lalaki. Hindi na ako nakadarama ng pagkakasala ngayon. Ngayon ako’y nakadama ng ginhawa na malaman na ang pagdadalamhati sa anumang paraan ay hindi nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa ating dakilang Diyos, si Jehova.
A. M., Estados Unidos
Nais kong ipahayag ang aking taimtim na pasasalamat sa artikulong “Pagharap sa Kamatayan ng Isang Anak.” Ang aming mahal na anak na si John ay namatay mga pitong taon na ang nakalipas. Naranasan ko ang maraming mga damdamin na inilarawan sa inyong artikulo—hindi paniniwala, pagtatuwa, mga damdamin ng pagkakasala. Hindi ko siya sinulatan ng mga liham subalit mayroon akong isang maleta na punô ng mga gamit niya. Sa aking isipan siya ay nasa bakasyon at hindi siya maaaring makipag-usap sa akin. Sa loob ng dalawang taon ako ay nanlumo, lumayo sa iba, at walang kapaga-pag-asa. Hindi ko maunawaan ang aking mga damdamin. Mas mabuti na ang pakiramdam ko ngayon, bagaman matindi pa rin ang nadarama kong kawalan. Maraming salamat sa pagtulong ninyo sa iba na maunawaan ang aming mga damdamin at kung anong positibong mga bagay ang maaari nilang sabihin o gawin upang makatulong.
V. W., Estados Unidos
Katatapos ko lamang basahin ang mga artikulo tungkol sa “Pagharap sa Kamatayan ng Isang Anak.” Mga anim na taon at walong buwan na ang nakalipas sapol nang mamatay ang aming kaisa-isang anak na babae dahil sa isang aksidente sa kotse. Natulungan ako ng inyong mga artikulo na maunawaan na ang naranasan ko ay normal. Hindi ko matanggap ang kaniyang pagkamatay. Inisip ko na lamang na siya ay isang misyonera sa ibang bansa, bagaman alam ko na siya ay patay na. Ako man ay nakaisip na sulatan siya. Noong nakaraang taon ko lamang natanggap ang kaniyang kamatayan; natanto ko na gaano man katagal akong magdalamhati ay hindi ko siya maibabalik. Kaya panahon na upang tapusin ko ang aking labis-labis na pagdadalamhati. Maraming-maraming salamat sa artikulong ito.
V. B., Estados Unidos
Gaya ng binabanggit sa pahina 14 ng nabanggit na labas, hindi inirirekomenda ng “Gumising!” ang pagsulat ng mga liham sa namatay bilang isang tulong upang makaraos sa pagdadalamhati. Ang liham ni Diane Krych ay inilathala upang ilarawan hindi lamang kung paanong ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay nakatulong sa kaniya kundi rin naman upang ilarawan kung ano ang reaksiyon ng ibang tao kapag dumaranas ng matinding pagdadalamhati, upang ang iba ay makatugon nang may pang-unawa at pagkahabag.—ED.