Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 1/8 p. 26-27
  • Kalugud-lugod Ba sa Diyos ang Sektang Pagsamba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kalugud-lugod Ba sa Diyos ang Sektang Pagsamba?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Isang Sekta?
  • Sino ang mga Sekta Ngayon?
  • Kung Ano ang Dapat Mong Gawin
  • Sekta
    Glosari
  • Sekta
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Sektang Amerikano ba ang mga Saksi ni Jehova?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 24
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 1/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kalugud-lugod Ba sa Diyos ang Sektang Pagsamba?

ANO ang pumapasok sa isipan mo kapag naririnig mo ang salitang “sekta”? Mga grupo ng tao sa kakatuwang kasuotan na umaawit at nagsasayaw sa mga kanto sa lansangan? Maraming debotado na nakayuko sa misteryosong guru? Kakila-kilabot na mga kuwento tungkol sa kinidnap o inabusong mga bata? O, marahil, nakapangingilabot na mga ulat tungkol sa mga pagpatay o lansakang mga pagpapatiwakal?

Nakalulungkot sabihin, ang ganitong klaseng mga ulat ay madalas lumitaw, marahil napakadalas. Ang resulta ay na, sa karamihan ng mga tao, ang salitang “sekta” ay naging kasingkahulugan ng kung ano ang di-pangkaraniwan, hindi tradisyonal, at marahil ay mapanganib. Para sa kanila, ang lahat ng grupo ng relihiyon na hindi kabilang sa tinatawag na matatag, pangkaraniwang mga relihiyon ay mga sekta. Makatuwiran ba ang gayong pangmalas? At, higit na mahalaga, iyan ba ang pangmalas ng Bibliya?

Ano ba ang Isang Sekta?

Kapansin-pansin, maraming Judio noong unang siglo ang nagkaroon ng gayong pangmalas sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo, lalo na kay apostol Pablo. Dahil sa kaniyang masigasig na pangangaral ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, pinaratangan ng Judiong mga awtoridad si Pablo ng pagiging “isang taong mapanggulo at mapagbangon ng mga paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa buong tinatahanang lupa at namiminuno sa sekta ng mga Nazareno.” (Gawa 24:5) Ang salitang “sekta” rito ay isinalin buhat sa salitang Griego na haiʹre·sis, na ang ibig sabihin ay “isang pagpili,” yaon ay, “ang pagpili ng isang opinyon na salungat sa karaniwang tinatanggap na opinyon.” Kaya, ang isang “sekta” ay isang grupo o isang lupon ng mga tao na pinipiling sundin ang isang landasin o paniniwala na kakaiba sa kung ano ang karaniwang tinatanggap.

Nasumpungan ng Judiong mga lider ng relihiyon ang mensahe na ipinangangaral ni Pablo at ng kaniyang kapuwa mga Kristiyano na salungat at nakababalisa. Kaya, binansagan nila ang mga ito na isang sekta. Subalit tama ba sila? Tiyak na hindi, sapagkat kung tatanggapin natin ang pangangatuwirang iyon na totoo, kung gayon lumalabas na ang Kristiyanismo na ipinangaral ni Jesus na Nazareno at ni apostol Pablo ay isang sekta!

Sa kabaligtaran, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “sekta ng mga Fariseo” at ang “sekta ng mga Saduceo.” (Gawa 15:5; 5:17) Bakit? Sapagkat pinili nilang sundin ang isang landasin o paniniwala na kakaiba sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Binanggit ni Jesus ang kanilang kamalian nang sabihin niya: “Totoong itinatakwil ninyo ang utos ng Diyos upang maganap ninyo ang inyong mga tradisyon. . . . Sa gayo’y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong tradisyon.” (Marcos 7:9, 13) Bagaman ipinalalagay nila na isinasagawa nila ang matatag, pangkaraniwang relihiyon, sila ang nagtatag ng mga sekta noong panahong iyon.

Dahilan sa kanilang lubhang pangungunyapit sa kanilang sariling mga ideya sa kung ano ang tama, tinanggihan ng matuwid-sa-sariling mga lider ng relihiyon na iyon si Jesus. Kaya, sinabi sa kanila ni Jesus: “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga ng mga bunga niyan.”​—Mateo 21:43.

Sino ang mga Sekta Ngayon?

Ngayon, ang katagang “sekta” ay malayang ginagamit ng mga manunulat sa relihiyon, mga kritiko, at iba pa, ibinabato ito na parang putik sa sinuman na sumusugat ng damdamin ng kanilang sariling relihiyon. Subalit iyan ba ay isang mahusay na saligan ng paghatol? Sa halip, hindi ba makabubuting sundin ang panuntunan na ibinigay ni Jesus at suriin ang kanilang “mga bunga”? Sabi niya: “Sa kanilang mga bunga ay inyong makikilala sila.”​—Mateo 7:16.

Sa pamantayang ito, maraming pangkat at mga kilusan na nababasa natin ang tunay ngang matatawag na mga sekta. Sa halip na magbunga ng “mga bunga ng espiritu,” sila ay nagpakita ng saganang “mga bunga ng laman,” na kinabibilangan ng “pakikiapid, karumihan, kalibugan, idolatriya, pamimihasa sa espiritismo,” at iba pa. (Galacia 5:19-24) Marami sa mga ito ay maituturing na mga kulto, yamang iniidolo nila ang ilang karismatikong mga lider at sinusunod ang kanilang mga turo sa halip na sundin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Subalit kumusta naman ang tinatawag na pangkaraniwang mga relihiyon? Bueno, itinataguyod ba nila ang mataas na mga pamantayan ng Bibliya may kinalaman sa moral, o mayroon ba silang kanilang sariling mga ideya tungkol dito? (1 Corinto 6:9, 10) Sila ba’y nag-iibigan sa isa’t isa, na sinabi ni Jesus na siyang tanda ng tunay na pagiging alagad niya, o sila ba ay nahihila ng nasyonalismo at pulitika sa pagpapatayan sa isa’t isa sa panahon ng digmaan? (Juan 13:35) Itinataguyod ba nila ang Bibliya bilang ang kinasihang Salita ng Diyos, gaya ng ginawa ni Jesus, o binansagan ba nila ito bilang alamat at sa halip ay itinataguyod ang mga pilosopya ng tao at ang nakasisirang-puri sa Diyos na teoriya ng ebolusyon? (Juan 17:17) Maliwanag na, sa kabila ng kanilang “pagiging kagalang-galang,” ang tinatawag na karaniwang relihiyon ay wala kundi huwad na mga sekta na nagkukunwari bilang tunay na Kristiyanismo.

Kung Ano ang Dapat Mong Gawin

Ang tunay na Kristiyanismo ay hindi isang sekta, ni ito man ay nababaha-bahagi. Kung ikaw ay kabilang sa isang relihiyon, kung gayon marapat na suriin mong maingat kung ano ang itinuturo ng iyong relihiyon at kung anong “mga bunga” ang ibinubunga ng mga membro nito. Ang mga ito ba ay lubusang nasasalig sa at kasuwato ng Bibliya? O maaari kayang pinili rin ng iyong relihiyon ang isang landasin na kakaiba sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya, sa gayo’y ginagawa itong isang sekta? Ang masikap na pag-aaral ng Bibliya ang tanging paraan upang makatiyak.

[Blurb sa pahina 27]

Si apostol Pablo ay pinaratangan ng pagiging “isang namiminuno sa sekta ng mga Nazareno”

[Blurb sa pahina 27]

Itinataguyod ba ng iyong relihiyon ang Bibliya bilang ang Salita ng Diyos o binabansagan ito bilang alamat at katha-katha lamang?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share