Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Makakayanan ang Isang Pusong Wasak?
BASTA alam mo na ang isang ito ang iyong mapapangasawa. Nasisiyahan kayong magkasama, magkatulad ang inyong mga interes, at nararamdaman mong naaakit kayo sa isa’t isa. Subalit, biglang-bigla, natapos ang inyong kaugnayan, sumambulat sa silakbo ng galit—o natunaw sa mga luha.
Iilang bagay sa buhay ang nagdudulot ng labis na siphayo na gaya ng idinudulot ng pagwawakas ng isang pag-iibigan. Sa kaniyang aklat na The Young Person’s Guide to Love, ang awtor na si Morton Hunt ay nagsabi: “Isa lamang sa lima katao, sa pagwawakas ng pag-iibigan ng mga tin-edyer, ang nagwawalang-bahala. Doon sa mga aayaw sa paghihiwalay, karamihan sa kanila’y nakadarama ng wasak na puso, api, galit na galit.” Ang mga kabataan ay madalas na nagdadala ng pagkayamot sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagkasangkot sa pag-iibigan bago pa man sila maging handa sa pag-aasawa.
Gayumpaman, ang ilang nagbibinata o nagdadalaga ay baka handa na sa pag-aasawa at nagliligawan nang marangal at dibdiban—upang masumpungan lamang ang kanilang sarili na sawi sa pagsinta. Makakabawi kaya ang isa mula sa mapait na kasawian ng isang nawasak na pag-iibigan?
Kung Bakit Mahirap ang Paghihiwalay
Sa kaniyang aklat na The Chemistry of Love, inihahalintulad ni Dr. Michael Liebowitz ang pagpapasimula ng pag-ibig sa epekto ng isang matapang na droga. Ngunit katulad ng isang droga, ang gayong pag-ibig ay maaaring pagmulan ng ‘mga tanda ng paglayo’ kung iyon ay maglaho. Binabanggit ng sikologong si David Goss ang ‘panlulumo, kabalisahan, pisikal na pagkakasakit, kawalan ng layunin sa buhay, at isang yugto ng pagdadalamhati’ bilang karaniwang mga reaksiyon sa paghihiwalay ng magsing-irog. At walang gaanong pagkakaiba kung ang pag-ibig ay pagkahaling lamang o ‘tunay nga.’ Kapuwa nakapagdudulot ito ng nakaririnding pagkalango—at masaklap na panlulumo kung matapos na ang kaugnayan.
Kung gayon ang mga damdamin ng pagtakwil, kirot, at marahil pagkapoot na dala ng paghihiwalay ay maaaring sumira sa iyong pananaw sa hinaharap. Isang babaing Kristiyano ang nagsasabing siya’y ‘nasugatan’ dahilan sa siya’y iniwan. “Ngayon hanggang ‘Kumusta?’ na lamang ako at hindi na hihigit pa roon [sa mga lalaki],” ang sabi niya. “Hindi ko hinahayaan na mapalapit ang sinuman sa akin.” Habang mas nahuhulog ang iyong loob sa isang kaugnayan, lalo namang masakit kung kayo ay magkakawalay. Wala ring kaaliwang sabihin man ng iba na iyon ay puppy love lamang o ‘di magtatagal at malilimutan mo rin iyan.’
Kung Bakit Nangyayari ang Paghihiwalay
Ang kailangang-kailangan sa ngayon ay, hindi ang walang katuwirang damdamin, kundi ang mahinahong pagbubulaybulay. “Ang kakayahang umisip mismo ay magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo,” sabi ni Solomon. (Kawikaan 2:11) Nililiwanag ng pangangatuwiran na ang kalayaang makipagligawan sa naiibigan mo ay mayroong malaking kabayaran: ang tunay na tunay na posibilidad na magdusa ng kabiguan. Sa paano man, ano ba ang tanging marapat na dahilan upang laging makapiling ang hindi mo kasekso? Hindi ba’t ito ay upang malaman kung ang isang iyon ay baka puwedeng maging kabiyak ng dibdib? Ang makipag-date dahilan lamang sa katuwaan ay malupit na paglalaro sa damdamin ng iba.—Ihambing ang Kawikaan 26:18, 19.
Datapuwat ang pakikipag-date ba, o ang iba pang uri ng panliligaw, ay tumitiyak na ang tunay na pag-ibig ay uusbong o napipinto na ang kasalan? Hindi naman, sapagkat pagkaraan ng ilang panahon ay baka mahalata mo na kayo ay may magkasalungat na mga tunguhin, di magkatugmang mga istilo ng pamumuhay, o nagbabanggaang mga pag-uugali. Sa gayong mga kalagayan, ang matalinong gawin ay tapusin na iyon! “Nakikita ng pantas ang kasakunaan at nagkukubli,” sabi ng Bibliya.—Kawikaan 22:3.
Kaya kung may lumiligaw sa iyo na may malinis na hangarin ngunit sa dakong huli ay naghihinuha na ang pag-aasawa ay hindi katalinuhan, hindi naman nangangahulugan iyan na ikaw ay pinakitunguhan nang may pandaraya. Ang suliranin ay, walang paraan na hindi makirot sa pagwawakas ng isang pag-iibigan. Tiyak na pipiliin mo na ang taong iyon ay magpakita ng Kristiyanong konsiderasyon at makipagharap sa iyo, ipinaliliwanag kung bakit tapos na ang kaugnayan. Gayunman, kadalasang ang isang nakikipagkalas ay aayaw makipag-usap nang harapan. Siya ay maaaring gumamit ng walang kabaitang pamamaraan upang makatakas, nagpapadala ng maikli at tuwirang liham, o, mas masahol pa, basta ipagwalang-bahala ka na lamang, na para bang lulutas na iyon sa suliranin.
Kahit na kung ang paghihiwalay ay pakitunguhan nang buong taktika at kabaitan, madarama mo pa rin ang kirot at kabiguan. Gayunman, hindi ito dahilan upang mawala ang iyong pagpapahalaga-sa-sarili. Ang bagay na hindi ka “nababagay” sa paningin ng taong ito ay hindi nangangahulugan na hindi ka na nababagay sa paningin ng iba. Tutal, hindi lang naman siya ang binata o dalaga sa mundo!
Ang isa pang paraan upang paglabanan ang damdamin ng kabiguan ay ang paglalagay sa lipás nang pag-iibigan sa isang mahinahong pananaw. Ang dalaga ba na sa akala mo’y iyong iniibig ay nakatutugon sa paglalarawan ng “may kakayahang asawa” na inilalarawan sa Bibliya? (Kawikaan 31:10-31) Ang binata ba na pinaglagakan mo ng iyong puso ay isa na tunay na ‘iibig sa kaniyang asawa tulad ng sarili niyang katawan,’ o siya ba ay nagpapakita pa rin ng bahid ng pagkamakasarili? (Efeso 5:28) Totoo, maaaring siya ay guwapo o maganda at nagtataglay ng kaakit-akit na halina. Ah, subalit “ang panghalina ay magdaraya at ang kagandahan ay naglalahong parang bula.”—Kawikaan 31:30, The Bible in Living English.
Ang paghihiwalay ay maaaring magtampok ng nakababahalang mga bagay-bagay tungkol sa taong ito—kawalang-pagkamaygulang sa emosyon, hindi makapagpasiya, hindi mahusay makibagay, hindi mapagparaya, kulang ng pagpapakundangan sa iyong mga damdamin. Hindi ito ang mga katangian na kanais-nais sa isang mapapangasawa. Kasabay niyan, baka matunton mo na mayroon ka ring mga ilang bagay na pasusulungin pa upang maging kanais-nais na kabiyak.
‘Subalit Ayaw Ko Pang Magwakas Iyon!’
Datapuwat, paano kung ang paghihiwalay ay lubusang galing lamang sa isang panig, at kumbinsido ka na ang pag-aasawa ay magtatagumpay? Siempre pa may karapatan kang ipaalam sa taong iyon ang iyong nadarama. Subalit, tandaan, “siyang matamis mangusap ay nagdaragdag ng panghihimok.” (Kawikaan 16:21) Ang emosyonal na paghihiyaw at pagbubunganga ay walang magagawa. Ngunit, ang mahinahong pag-uusap ay maaaring magsiwalat na nagkaroon lamang ng ilang di-pagkakaunawaan. Gayumpaman, kung mapilit pa rin siyang makipagkalas, hindi mo kailangang hamakin ang iyong sarili, lumuluhang nagmamakaawa na pagpakitaan ka ng pagmamahal ng isa na maliwanag na walang damdamin sa iyo. Sinabi ni Solomon na mayroong “panahon ng paghanap at panahon ng pagkawala.”—Eclesiastes 3:6.
Totoo, maaaring may matibay na dahilan na maghinalang ginamit ka lamang ng isa na hindi kailanman nagkaroon ng taimtim na interes sa pag-aasawa noon pa mang una. “Nasumpungan ko na binibigyan niya lamang ako ng pansin upang papagselosin ang isang lalaki,” nagugunita ni Daniel tungkol sa isang babae na naging ka-date niya mga ilang taon na ang nakalipas. “Napakasakit nito. Bumilang ng mga taon bago ako muling umibig.” Ang taong may kalupitang pinaglalaruan ang damdamin ng iba ay hindi maaaring malasin bilang isang huwarang Kristiyano, at makatitiyak ka na ang gayong panlilinlang ay hindi makaliligtas sa paningin ng Diyos. Sa malao’t madali, pagsisisihan ng isang iyon ang kaniyang landas ng pagkilos—na hindi mo na kailangang maghiganti pa. “Ang malupit na tao ay nagdadala ng kabagabagan sa kaniyang sangkap.”—Kawikaan 11:17; ihambing ang 6:12-15.
Ang Landas sa Paggaling
Mangyari pa, ang basta pagkaalam na ang paghihiwalay ang pinakamainam na gawin ay hindi papawi sa lahat mong nasaktang damdamin. Sa pana-panahon baka pahirapan ka ng kalungkutan o ng matatamis na alaala ng pag-iibigan. Kung gayon, dagling magpakatino ng isip! Maging abala, marahil sa ilang pisikal na gawain. Iwasan ang pag-iisa. (Kawikaan 18:1) Ipako ang isip sa masasaya at nakapagpapatibay na mga bagay.—Filipos 4:8.
Hindi mo kailangang magpakabayani at kimkimin ang iyong mga damdamin. Ang pagbubuhos ng iyong niloloob sa iyong makalangit na Ama gaya ng ginawa ng salmista, ay tiyak na magdadala ng kaginhawahan. Ang pagiging abala sa ministeryong Kristiyano ay makatutulong. Makatutulong din na magsabi ng iyong niloloob sa isang matalik na kaibigan. (Kawikaan 18:24) At huwag kalilimutan na ang iyong mga magulang ay kadalasang malaking kaaliwan, kahit na sa pakiwari mo ikaw ay may sapat nang gulang upang makapagsarili.—Kawikaan 23:22.
Ang paghihiwalay ay isang mapait na karanasan. Ngunit ang isa ay maaaring makinabang kahit na sa isang kabiguan. “Ang mga latay na sumasakit ay lumilinis ng kasamaan,” sabi ng Kawikaan 20:30. Baka makita mo ngayon ang pangangailangan na pasulungin ang ilang pitak ng iyong pagkatao. Maaaring maging mas malinaw ang larawan ng isang nanaisin mong maging kabiyak. At dahil sa umibig ka na at nabigo, baka magpasiya kang pakitunguhan ang pagliligawan nang higit na maingata sakali mang isang kanais-nais na tao ang dumating sa buhay mo—ang katuparan ay maaaring higit pa kaysa inaakala mo.
[Talababa]
a Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang aspektong ito ng panliligaw.
[Blurb sa pahina 13]
“Ngayon hanggang ‘Kumusta?’ na lamang ako at hindi na hihigit pa roon. Hindi ko na hinahayaan na mapalapit ang sinuman sa akin”
[Larawan sa pahina 15]
Kung nagiging maliwanag na ang pagliligawan ay hindi nagtatagumpay, ang mabait na bagay na dapat gawin ay magkaroon nang harapang pag-uusap, ipinaliliwanag kung bakit dapat magwakas ang kaugnayan