Pagpapatubo ng Perlas—Isang Magandang Ideya!
SI Kokichi Mikimoto ay nag-iisip nang malalim. Iniisip niya ang tungkol sa mga talaba, at siya’y nagtanong nang malakas, “Paano kaya napupunta roon ang mga perlas?”
“Nagkataon lamang,” sagot ni Ume, ang kaniyang mahal na asawa.
“Kung ito’y nagkataon lamang, paano kaya natin masasadya ito?” napag-isip-isip ni Mikimoto. “Kailangang may paraan upang maghasik ng mga perlas at palaguin ito na tulad ng palay o singkamas.”a
Mga dantaon bago pa pinag-usapan ng may kabataang mag-asawa na ito sa Hapón ang ‘pagpapatubo’ ng mga perlas, ang mamahaling hiyas na ito buhat sa dagat ay inaani na sa eksotikong mga dako sa Oryente at lalo na sa Persian Gulf. Sa paligid ng munting isla ng kaharian ng Bahrain, napakaraming tálabahan. Tuwing Mayo, ang panahon ng pag-aani ng perlas ay nagsisimula sa utos ng sheikh (pinunong Arabe). Ang mga maninisid, na nag-aawitan ng mga awitin sa pag-aani ng perlas, ay naglalayag sakay ng kanilang mga bangka, na naghahanap sa maningning na mga hiyas na nakatago sa mga talaba.
Likas na Hiyas ng Dagat
Ang hinahanap nila ay mga hiyas ng dagat na tinatawag na natural na perlas. Ang isang perlas ay nabubuo kapag ilang pagkaliliit na bagay ay nakapasok sa talaba samantalang ito ay nasa dagat. Binabalot ng talaba ang nakapasok na bagay na ito ng kaniyang mahalagang bigkis, isang malaperlas na sustansiyang tinatawag na nacar. Hindi nagtatagal, ang nukleo ay hindi na makilala. Ito ay nagiging isang magandang hiyas—isang perlas, handa nang gamitin.
Ang mga teoriya tungkol sa mga perlas ay kasintanda na ng pag-aani. Tinawag ito ng sinaunang mga Intsik na “ang natatagong kaluluwa ng talaba.” Inakala ng mga Griego na ang mga perlas ay nabubuo kapag nakapasok sa dagat ang kidlat. Sinasabi naman ng mga Romano na ang mga perlas ay luha ng talaba. Itinatampok lamang ng lahat ng ito ang lihim at kasalatan nito. Kahit na noong 1947, sa 35,000 inaning talaba ng isang pangkat sa isang linggo, 21 lamang ang mayroong perlas, at sa mga ito, 3 lamang ang mamahaling klase.
Ang natural na mga perlas ang pinakahahangad na hiyas hanggang sa ang pamamaraan sa pagpapakinis sa mga bato ay mapasakdal. Noong kabantugan ng Roma, si Heneral Vitellius, ay iniulat, na nagtustos sa isang buong kampaniyang militar sa pagbibenta ng “isa lamang sa mga hikaw ng kaniyang ina.” Noong unang siglo, ginamit ni Jesus ang “mamahaling perlas” upang ilarawan ang mahalagang “kaharian ng mga langit.” (Mateo 13:45, 46) Inilarawan ni Marco Polo ang pagkakilala niya sa Hari ng Malabar, na ang mga gayak ay kinabibilangan ng isang “rosaryo” ng 104 na mga perlas at rubi na “higit pa sa halagang pantubos sa isang lunsod.” Ang mahusay na klaseng natural na mga perlas ay parang ginto, at ang mga maninisid ang tagahanap.
Habang ang daigdig ay patungo sa ika-20 siglo, ang napakagandang natural na perlas ay nanatiling popular sa mga maharlika at sa mayayaman. At, ang mamahaling halaga nito ay hindi kayang bilhin ng karaniwang tao. Ang lahat ng iyan ay magbabago sa pagdating ng pinatubong (cultured) perlas.
Ang Pangarap ni Mikimoto
Noong ika-19 na siglo, halos naubos ng pag-aani ng natural na perlas ang panustos na talaba sa buong Hapón. Dahil sa pag-ibig niya sa dagat sa paligid ng kaniyang tahanan sa Ago Bay sa Distrito ng Mie, seryosong pinag-isipan ni Kokichi Mikimoto ang tungkol sa mga talaba. Nakatawag-pansin sa kaniya ang kakayahan ng talaba na gumawa ng mga perlas. Mayroon kayang paraan na gumawa ng gayon karaming perlas anupa’t ang bawat babae na nagnanais ng isang kuwintas na perlas ay makabibili ng isa nito? Kaya sinimulan niya ang kaniyang pangarap.
Ang ideya na pagpapasok ng maliliit na butil sa loob ng talaba upang gawin itong isang perlas ay matagal nang alam. Sinasabing ginamit ng mga Intsik ang pamamaraang ito mula pa noong ika-12 o ika-13 siglo upang makagawa ng magaspang na mga umbok, o medyo bilog, na mga perlas mula sa mga paros sa tubig-tabang.
Kaya noong 1880’s sinimulan ni Mikimoto na mag-eksperimento sa mga talaba. Sa tulong ng mga mangingisda roon, nagtrabaho siya at naglagay ng maliliit na piraso ng kabibi sa isang libong mga talaba. Subalit mailap ang tagumpay; isa mang talaba ay hindi nagbunga ng isang perlas. Pinaglalabanan ang kaniya mismong kabiguan at ang paglibák ng mga tao, tinipon niya ang kaniyang yaman at tibay ng loob upang lagyan ng maliliit na piraso ng korales, kabibi, bubog, o buto ang 5,000 pa—at naghintay. Samantala, sila ni Ume ay nagsingit ng maliliit, makinis na mga piraso ng madre-perlas mula sa mga kabibi sa mas maliliit na mga ani ng talaba malapit sa kanilang tahanan.
Ang mga talaba ay may likas na mga kaaway, at isa sa pinakanakamamatay ang sumapit nang taóng iyon. Tinatawag na red tide, ito ay isang salot ng nakalalasong kulay pula-dalandan na plankton na mabilis dumami at natakpan ang mga talaba. Limang libong pinatubuang mga talaba at apat na taon ng pagpapagal ay kasamang natangay ng red tide, at ang pangarap ni Mikimoto ay naging isang masamang panaginip.
Umaasang mapasigla ang diwa ng kaniyang asawa, hinimok ng mapagmahal na si Ume ang kaniyang asawa na tingnan ang kaunting natitirang ani na hindi naapektuhan ng red tide. Banayad ang panahon, kaya’t si Ume ay sumama at naging abala sa mga talaba. Pagbukas sa isa, siya ay tumilî. Naroon, ang isang maningning na puting perlas! Ito’y medyo pabilog ang hugis at nabuo sa loob ng kabibi. Pinapatente ni Mikimoto ang paraang ito na nagbunga ng magaspang na aning ito noong 1896, ngunit ang kaniyang puso ay naroon pa rin sa kaniyang pangarap—ang sakdal bilog na pinatubong perlas.
Pagsisiwalat sa Lihim ng Talaba
Samantala, dalawang iba pang mga lalaki ay puspusang naghahangad ng gayunding bagay. Noong 1904, isang naging siyentipiko dahil sa kaniyang gawa, si Tatsuhei Mise, ay mayroong bilog na mga sampol ng perlas na ihaharap sa mga ekspertong marino sa Hapón. At noong 1907 ang biyologong marino na si Tokichi Nishikawa ay mayroon ding bilog na mga perlas na ipakikita. Ang tagumpay ng isang tao ay humantong sa kaliwanagan ng isa pang tao. Karaniwang ginagamit ng mga patubuan ng perlas ngayon ang kombinasyon ng mga pamamaraang ginawa ng mga lalaking ito. Gayunman, ang patente para sa bilog na bilog na pinatubong perlas ay sa wakas napunta kay Mikimoto noong 1916. Ano ang nangyari?
Minsan pa, noong 1905, nawala ni Mikimoto ang kaniyang pinatubuang mga ani ng talaba sa pumapatay-talaba na red tide. Naghahanap sa 850,000 patay at mabahong mga talaba sa dalampasigan ng Ago Bay, natuklasan ng pagód na si Mikimoto ang lihim ng talaba. Nasumpungan niya ang limang bilog na bilog na mga perlas, pawang nakalagak sa loob ng laman ng mga talaba sa halip na sa kabibi. Natalos niya ngayon na mali ang kaniyang ginagawa. Sapagkat itinatanim niya ang nukleo sa pagitan ng kabibi at ng laman ng talaba, ang nakukuha niya lamang ay magaspang na mga perlas. Subalit ang mga ito ay nasa kaloob-looban ng ‘tiyan’ ng talaba at sa gayo’y ‘malayang gumugulong,’ pinangyayaring ito’y ganap na makulapulan ng nacar. Ang resulta ay ang maganda’t bilog na bilog na mga perlas!
Pagkumbinsi sa Publiko
Noong 1920’s ang pinatubong mga perlas ay dumating sa internasyonal na pamilihan. Subalit isang katanungan ang nananatili: Ang mga ito ba ay tunay na mga perlas o mga imitasyon? Nagsimula ang mga labanan sa hukuman sa Inglatera at Pransiya. Subalit ang siyentipikong mga pag-aaral na ginawa sa mga bansang ito ay umakay sa konklusyon na ang tanging kaibhan sa pagitan ng natural at pinatubong mga perlas ay nasa kanilang pinagmulan. Dahil diyan, napanalunan ni Mikimoto ang mga lisensiya na iluwas ang kaniyang mga perlas na gayon nga—mga perlas. At napanalunan niya para sa kaniyang sarili ang karapat-dapat na titulong “Hari ng Perlas.”
Ang “Hari ng Perlas” ay gumawa ng katangi-tanging marka sa pamilihan sa kaniya mismong bansa. Ang Pagbagsak ng Ekonomiya ay nagpangyari sa mga negosyante na bahain ang mga pamilihan ng imitasyong mga perlas na yari sa mga abaloryong kristal na binalutan ng isang kinuha buhat sa kaliskis ng isda. Sisirain ng gayong pandaraya ang pamilihan ng mga perlas. Nakialam si Mikimoto at binili ang lahat ng masumpungan niyang huwad na perlas. Pagkatapos, isang araw noong 1933, pinala niya ang tinatayang 750,000 mga imitasyong perlas, at ilang hindi magandang pinatubong perlas, at inihagis sa apoy sa paningin ng madla. Ang mga pag-aalinlangan tungkol sa pagiging tunay ng pinatubong mga perlas ay naglahong kasama ng usok, at nasumpungan nila ang marangal na dako sa pamilihan ng hiyas mula noon.
Sa ngayon, ang kagandahan ng mga perlas ay hindi na natatangi sa mga maharlika at sa mayayaman. Maraming nagtatrabahong babae ang maaaring sumulyap sa bilog na bilog na mga perlas na animo’y buwan sa madilim na langit sa pelus ng mag-aalahas. Maaari pa nga siyang makabili ng ilan para sa kaniyang sarili—lahat ay dahilan sa ang mga perlas ay pinatubo. Anong gandang ideya!—Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón.
[Talababa]
a Ang pag-uusap na ito ay hinalaw sa aklat na The Pearl King—The Story of the Fabulous Mikimoto, ni Robert Eunson.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
K. Mikimoto & Company Ltd.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
K. Mikimoto & Company Ltd.