Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat Ba Akong Lumayas sa Bahay?
“LALAYAS ako. Ipakikita ko sa kanila.” Ganiyan ba ang nadarama mo? Para sa maraming kabataan, iyan ay hindi isang banta lamang. Hindi lamang daan-daan o libu-libo kundi mahigit na isang milyong mga tin-edyer ang aktuwal na lumalayas sa kanilang mga tahanan taun-taon.
Subalit bakit nais mo bang umalis ng bahay? Ang mga dahilan ay maaaring marami. Baka inaakala mong walang nakakaunawa sa iyo. Maaaring hindi mo nadarama na ikaw ay kailangan at minamahal. Baka naman ikaw ay aktuwal na inabuso. Marahil ay nakakaharap mo ang isang problema na hindi mo malutas. Mayroon kang hindi makasundo sa bahay. Baka inaakala mong ikaw ay sawang-sawa na na lagi na lamang pinagsasabihan nang kung ano ang dapat gawin at nais mong mamuhay ng iyong sariling buhay. O baka naman ikaw ay nababagot at nais mo ng higit na kasiyahan. Anuman ang dahilan, ikaw ay hindi maligaya sa bahay. Lulutasin ba ng paglalayas ang problemang iyan? Mayroon bang anumang bagay na magagawa pa?
Kinakailangan ang Wastong Pangmalas
Bilang isang kabataan, mayroon kang isang atas buhat sa Diyos na “igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efeso 6:2) Dapat kang “maging masunurin sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay.” (Colosas 3:20) Makatuwiran ba na takasan ang atas na iyan? Ano kung ang kalagayan sa tahanan ay waring higit pa kaysa matitiis mo?
Na ang gayong mga kalagayan ay talagang umiiral ay hindi maikakaila. Ang ilang mga magulang ay hindi makatuwiran sa kanilang mga kahilingan. Hinahatulan ng iba ang isang bata na masama o walang halaga. Ang iba naman ay abalang-abala sa kanilang sariling mga kapakanan at mga kasiyahan at nagbibigay ng kaunting atensiyon sa kanilang mga anak. Ang iba ay wala nang inisip kundi ang pag-inom, mga droga, o sekso, at tinatakot pa nga ang kanilang anak. Ang iba ay lantarang hindi iginagalang ang mga batas kapuwa ng tao at ng Diyos. Ang buhay mismo ng isa ay maaaring maisapanganib!
At kadalasan, hindi ang gayon kalubhang mga kalagayan ang nag-uudyok sa paglalayas ng isang tin-edyer. Karaniwan na, ang paglalayas ay udyok ng mga pakikipagtalo sa mga magulang tungkol sa paggawi at saloobin ng isa. Ikaw ba ay nagpapagabi sa labas na lampas sa itinakdang oras ng iyong mga magulang? Ikaw ba ay nakagawa ng isang bagay na hindi nila sinasang-ayunan—gaya ng pag-inom ng nakalalasing na inumin o pakikisama sa ilang mga kaibigan? Hindi mo ba nagawa ang isang hinihiling na gawain sa bahay? Mababa ba ang iyong marka sa eskuwela? Ikaw ba ay takot na maparusahan? Nais mo ba ng higit na kalayaan na gawin ang mga bagay-bagay sa iyong paraan? Inaakala mo bang hindi mo mapaluguran ang iyong mga magulang?
Isaisip ang Diyos
Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ang paglayas ay baka isang reaksiyon sa mga damdamin ng galit at kabiguan—isang pagsisikap na layuan ang “mapang-api at hindi mapagbigay” na awtoridad ng isang magulang. Maaari ring ito ay isang kapahayagan ng katigasan ng ulo, isang pagnanais na gawin ang maibigan. Subalit talagang kailangang isaalang-alang mo ang higit pa kaysa sarili mo lamang mga kagustuhan o kahit na kung ano ang ipinalalagay mong makatuwiran.
Maaaring ipagkait sa iyo ng iyong mga magulang ang ilan sa mga kagustuhan mo dahilan sa kanilang bigay-Diyos na tungkulin bilang mga magulang. Alam mo, kung papaanong ikaw ay may pananagutan sa Diyos, sila man ay may pananagutan sa Diyos. Maaaring masidhi nilang nadarama ang pananagutan na palakihin ka “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kaya baka igiit nila na sumama ka sa kanila sa relihiyosong mga pulong at mga gawain. At natatalos na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali,” baka takdaan nila ang pakikisama mo sa ilan sa iyong mga kaibigan. (1 Corinto 15:33) Marahil nakikini-kinita nila ang mga problema na hindi mo basta nakikita. Ang kanilang pangmalas at pag-iisip sa mga bagay ay maaaring hindi katulad ng sa iyo. Subalit iyan ba ay mabuting dahilan upang maghimagsik at lumayas?
Makabubuting isaisip na nang tagubilinan ka ng Diyos na “igalang ang iyong ama at ang iyong ina,” sinabi pa niya: “Upang mapabuti ka at mabuhay ka nang matagal sa lupa.” Oo, hindi lamang ang iyong mga magulang ang pinaluluguran mo sa pagsunod mo sa kanila. Ikaw rin ay nagpapakita ng paggalang at pagsunod sa Diyos. Nalalaman mo na, bagaman ikaw ay nahihilig na sumuway, ang pagsunod sa mga tuntunin at mga alituntunin ng mga magulang ay isang paraan ng pagpapakita ng iyong paggalang at pag-ibig sa Diyos at na gagantihin ka niya sa paggawa ng gayon.—Efeso 6:1-3; 1 Juan 5:3.
Kaya maaaring mangailangan ito ng kaunting pagpapasakop sa iyong bahagi—pagpapasakop sa iyong mga magulang at sa kanilang mga kahilingan. Pahalagahan na higit ang karanasan nila sa buhay. Gayundin, makabubuting huwag ihambing ang iyong sarili sa iba na ang mga magulang ay may budhing hindi kasuwato ng batas ng Diyos. Ituring mo ito bilang isang pagsasanay sa buhay sa hinaharap, sapagkat kahit na bilang isang may sapat na gulang hindi mo laging magagawa ang nais mong gawin. Yaong mga nakapaligid sa iyo ay dapat na isasalang-alang din. Ang ilang mga pagkilos ay maaaring magdala ng karagdagang mga problema o di-ninanais na mga pananagutan sa dakong huli. Walang sinuman ang lubusang malayang gawin ang bawat maibigan niya. Nasusumpungan mo itong totoo ngayon sa paaralan. Magiging totoo rin ito sa dako ng trabaho.
Kaya kailanma’t hilingin sa iyo ng iyong mga magulang ang isang bagay na inaakala mong salungat sa kung ano ang nais mong gawin, makabubuting isaisip ang simulaing binabanggit sa Colosas 3:23, 24: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong-kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao, yamang nalalaman ninyo na kay Jehova kayo tatanggap ng nararapat na gantimpalang mana.” Oo, huwag iwaglit sa isipan ang bagay na gagantimpalaan ka ni Jehova kung ikaw ay masunurin at mapagpasakop sa iyong mga magulang. Nasa unahan ang dakilang pagpapala ng walang katapusan, sakdal na buhay para sa mga nagtitiyaga.—Isaias 65:21-23; Apocalipsis 21:3-5.
Nilulutas ba Nito ang mga Problema?
Isa pang aspekto na dapat isaalang-alang ay kung baga ang paglalayas ba ay aktuwal na siyang lunas sa kalagayan. Totoo, maaaring matakasan mo ito nang pansamantala. Subalit ang paglayas ay hindi lumulutas sa problema. Sa wakas, ang mga ito ay kailangang harapin, sa paano man. “Ang paglalayas ay lumilikha lamang ng higit na problema sa iyo,” gunita ni Amy, na naglayas sa gulang na 14. “Hindi ito lumulutas ng mga problema.” Ano, kung gayon, ang maaaring gawin?
Hanapin ang Pag-ibig at Pag-unawa
Una, isaalang-alang kung ano ang pinagmulan ng problema. Ang kaugnayang magulang-anak ay maaaring maging maigting sa mga taon ng adolesente. Bakit? Ang babasahing Adolescence ay nagsasabi: “Ang adolesensiya ay isang panahon ng napakalaking pagbabago, samantalang ang mga magulang ng mga tin-edyer ay dumaranas din ng mga pagbabago habang sila ay papalapit sa katanghalian ng buhay, at ang kombinasyon ng dalawang yugtong ito ng paglaki ay maaaring maging totoong maigting sa lahat ng nasasangkot.” Kaya maaaring hindi lamang ikaw ang dumaranas ng maigting na panahon ng pagbabago at nangangailangan ng pang-unawa. Karamihan ng mga pamilya ay maaaring makaraos dito nang walang krisis kung ang mga damdamin ng pag-ibig at paggalang ay ipinadarama.
Samakatuwid, bakit hindi gumawa ng pagsisikap na tumingin sa kabila pa roon ng iyong sariling mga naiibigan at magpakita ng pag-ibig, natatanto na ang “pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman” at na ito ay “nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Corinto 13:8; 1 Pedro 4:8) Ang pagpapakita ng pag-ibig ay ginaganti rin ng pag-ibig ng iba.
May nagawa ka bang mali at ngayo’y natatakot ka sa maaaring ibunga ng reaksiyon ng iyong mga magulang? Pinakamabuting harapin mo ang kalagayan at humanap ka ng maygulang na tulong. Una, sikaping ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang. Karagdagan pa, ang mga kabataang Kristiyano ay may malaking tulong sa bagay na maaari silang lumapit sa mga matatanda sa kongregasyon para sa tulong sa paglutas sa mga problema at sa pagtuwid sa mga bagay-bagay. Ang mahalagang bagay ay huwag lumayas kundi may katalinuhang lutasin ang problema. Sa ganitong paraan mailalagay mo ito sa likuran mo, sa halip na nakabitin ito sa iyong ulo.
Subalit ano naman kung ang iyong kalagayan sa bahay ay isa na kung saan ikaw ay hindi kailangan, o ito’y lubhang hindi nakabubuti sa iyo? Ano kung ikaw ay inaabuso sa bahay? Ang paglalayas ba ang lunas? Sasagutin ng isang artikulo sa hinaharap ang mga tanong na ito.
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga pamilya ay kadalasang nakadarama ng labis na pagkabalisa at pagkabahala kapag ang isang membro ay lumayas