Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/22 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Bikaryong Homoseksuwal
  • Humihina ang Interes sa Relihiyon
  • Upang Magtagal ang Pinutol na Bulaklak
  • Taos Pa Ring Nagsisisi
  • Ayoko Na!
  • Unang Elektronikong Aklat
  • Higit at Higit na Tumatanggi sa Antibiotic
  • Walang Ligtas na Pangingitim
  • “Patapong Lipunan”
  • Mga Huwegong Piitan
  • Ang Sangkakristiyanuhan ay Tumatahak sa Daan ng Canaan
    Gumising!—1989
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Ang mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot—Kung Paano Nagbalik ang mga Ito
    Gumising!—2003
  • Gaano ba Kalubha ang Panganib?
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/22 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Bikaryong Homoseksuwal

Ang nagpupunong sinodo ng Church of England ay bumoto kamakailan “laban sa pagbabalik sa ‘pamantayan ng Bibliya’ tungkol sa moralidad” sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa homoseksuwal na mga membro ng klero na manatili sa simbahan, ulat ng Daily Express ng London. Ang pasiya ay bilang tugon sa isang mungkahi para sa pagpapaalis kay Tony Higton, rektor ng Hawkwell, Essex. Sang-ayon sa pahayagan, sinabi ni Higton na “ang homoseksuwalidad ay naging ‘palasak’ na sa isang kolehiyong Anglicano anupa’t ang mga estudyante buhat sa iba pang teolohikal na kolehiyo ay ipinagbawal ang pagdalaw.” Binanggit din ni Higton ang mga kaso “kung saan ang mga klero ay inilipat sa ibang mga parokya pagkatapos ng mga ulat tungkol sa panliligalig sa bata.” Ang sinodo, gayunman, ay “hindi humiling na paalisin ang baklang mga bikaryo.” Sa halip, ang mga klerigo ay hinikayat na panatilihin ang moralidad sa sekso.

Humihina ang Interes sa Relihiyon

“Parami nang paraming mga taga-Canada ang nagsasabing wala silang nagugustuhang relihiyon,” sabi ng The Toronto Star. “At mas kaunti pa sa mga may nagugustuhang relihiyon ang regular na dumadalo sa simbahan.” Sang-ayon sa isang report na inilabas ng isang ahensiyang pederal, ang Statistics Canada, 10 porsiyento ng lahat ng mga nagtatrabaho na edad 15 at mas matanda pa ay nagsasabi na wala silang nagugustuhang relihiyon, kung ihahambing sa wala pang 1 porsiyento noong 1961. At 21 porsiyento niyaong may nagugustuhang relihiyon ang umamin na hindi sila dumadalo ng mga serbisyo o mga pulong sa kanilang simbahan.

Upang Magtagal ang Pinutol na Bulaklak

Anong laking kabiguan nga kapag ang isang magandang pumpon ng mga bulaklak ay malanta at mamatay sa loob lamang ng isa o dalawang araw! Ang isang sanhi ng maagang pagkalanta ay na ang mga tangkay ay hindi wastong sumisipsip ng tubig dahilan sa kalyo, isang malambot na himaymay na nag-aanyo kung saan pinutol ang mga tangkay. Ipinapasa ng isang pahayagang Pranses ang Le Figaro ang sumusunod na payo na ibinigay ng dalawang Pranses na nagtitinda ng bulaklak: “Basta . . . putulan nang bahagya ang mga dulo ng tangkay at palitan ang tubig araw-araw.” At, iminungkahi nila na ang “pagdaragdag ng ilang patak ng tubig Javelle [isang kemikal na gamit sa pagkula] ay maaaring magkaroon ng kapaki-pakinabang na antiseptikong epekto” sa mga bulaklak.

Taos Pa Ring Nagsisisi

Noong Mayo 5, 1945, samantalang nasa isang Sunday-school piknik sa Bundok ng Gearhart sa gawing timog ng Oregon, isang babaing buntis at limang mga bata ang napatay ng isang Hapones na bombang lobo. Sila lamang ang mga tao na namatay noong Digmaang Pandaigdig II sa pamamagitan ng isang pagsalakay sa kontinente ng Estados Unidos. Nasumpungan nila ang makintab na bomba na nakakabit sa isang lobong hidroheno na yari sa rice paper, habang sila ay nakapaligid dito, ito ay sumabog. Bagaman ang insidente ay naganap mahigit na 42 taon na, pitong babaing Haponés na nakibahagi sa paggawa ng lobo ay nagsikap kamakailan na paghilumin ang mga sugat sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga liham ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima. Kabilang sa mga sagisag ng kapayapaan at pagpapahilum ang 1,000 tiniklop na mga paper crane. “Hindi ako kailanman nagalit,” sabi ni Nyle Gifford, na ang anak na lalaki ay namatay sa pagsabog. “Kami’y mga Kristiyano, at kami’y mapagpatawad.”

Ayoko Na!

Si Maria Benita Olivera, 49, isang asawa ng mambubukid sa San Juan, Argentina, ay nagsilang sa kaniyang ika-32 anak nang walang anumang insidente, ulat ng pahayagan sa Brazil na O Estado de S. Paulo. Ang panganay niyang mga anak, triplets, ay ipinanganak nang siya ay 13 anyos lamang. Nang maglaon, siya ay nanganak ng kambal. Dalawampu’t lima sa kaniyang mga anak ay sa kaniyang unang asawa at pito sa kaniyang pangalawang asawa. Hindi niya malilimutan ang kaniyang ika-25 panganganak. “Ako’y nagtatrabaho sa bukid, nang makadama ako ng pananakit ng tiyan,” gunita niya. “Nag-iisa ako. Nagpunta ako sa kubo, lumabas ang bata, at pinutol ko ang pusod sa pamamagitan ng isang labaha.” Gayunman, disidido na ngayon si Maria na tama na iyon. Paglabas niya sa ospital noong Agosto 20, 1987, sinabi niya: “Isa pa at ako’y mamamatay na. Tumatanda na ako.”

Unang Elektronikong Aklat

Isang kompaniyang Australyano ang nakagawa ng kauna-unahang elektronikong aklat sa daigdig. Kasinlaki lamang ng isang karaniwang credit card, ipinapasok nito sa iskrin ng computer ang impormasyon na kasindami ng isang nobelang aklat. Ang bawat card ay makakahawak ng impormasyon na kasindami ng isang maliit na ensayklopedia. Tinatawag na Smart Book, pinangyayari nito ang mga mambabasa na magdala ng isang malaki-laking aklatan sa isang handbag at idinisenyo para sa madaling gamit. Ang anim na butones sa iskrin ng computer ay nagpapangyari sa gumagamit nito na palitan ang laki ng tipo, hanapin ang partikular na mga salita, o tandaan ang kaniyang dako sa teksto. Ang report sa Sun-Herald ng Sydney ay nagsasabi na ang aparato ay dapat na makabawas nang malaki sa halaga ng pagpapadala ng mga aklat, tutulong na panatilihin ang lumiliit na kagubatan ng daigdig, at “baguhin ang negosyo ng aklat sa buong daigdig sa dumarating na mga taon.” Binabalak ng kompaniya na gawin muna ang Bibliya, gayundin ang pinagsamang diksiyunaryo/tesaurus.

Higit at Higit na Tumatanggi sa Antibiotic

Ang mga baktirya na nagdadala ng sakit ay higit at higit na tumatanggi sa mga antibiotic na ginagamit upang labanan ito, ulat ng magasing Insight. Mga 100 eksperto buhat sa 30 mga bansa ang nasangkot sa 1983-86 na pag-aaral. Nasumpungan nila na sa maraming bansa, mula sa 20 hanggang sa 30 porsiyento “ng kalat na mga uri ng baktirya na nagiging sanhi ng pagtatae at pulmunya ay tumatanggi sa karaniwang mga antibiotic na gaya ng penicillin at tetracycline.” Sa ilang mga kaso, ang mga uri ng batirya na tumatanggi sa gamot ay nadala mula sa isang lupain tungo sa ibang lupain. Iminungkahi ng pangkat na nag-aral na ang mga manggagamot ay dapat payuhan tungkol sa pinakamaliit na gamit ng mga antibiotic at paalalahanan na ang mga antibiotic ay hindi siyang panlahat na lunas.

Walang Ligtas na Pangingitim

“Walang ligtas na pangingitim,” sabi ni Dr. Darrell S. Rigel, ng New York University School of Medicine. Taun-taon sa Estados Unidos, mahigit na 500,000 kaso ng kanser sa balat ang iniuulat. Sa mga ito, 90 porsiyento ang sinasabing dahil sa di-nakikitang ultraviolet rays ng araw. Ang The Mexico City News ay nag-uulat na bagaman “ang mga taong nasusunog ng araw ay mas malamang na magkaroon ng kanser, . . . pinipinsala ng sikat ng araw ang balat kahit na hindi ito nasunog.” Gayunman, “inaakala ng mga tao na hindi ito mangyayari sa kanila,” sabi ni Dr. Richard Odom, presidente ng American Academy of Dermatology. Ang mga sunscreen, gaya ng kemikal na mga losyon na mataas ang marka sa sun-protection-factor (S.P.F.), ay inirirekomenda. “Wala ka nang magagawa minsang magkaroon na ng pinsala, subalit mapangangalagaan mo ang iyong sarili laban sa anumang pinsala sa hinaharap,” sabi ni Dr. Rigel.

“Patapong Lipunan”

Ipinakikita ng mga estadistikang inilabas ng Office of Population Censuses and Surveys ng Britaniya ang lumalagong di-katatagan ng pag-aasawa. Ang bilang ng mga pag-aasawa sa unang-pagkakataon ay bumaba mula sa 343,600 noong 1971 tungo sa 253,000 noong 1986, samantalang ang mga diborsiyo ay tumaas mula sa 74,400 tungo sa 153,900. Ang dami ng mga anak sa pagkakasala ay dumami mula sa 1 sa 18 mga pag-aanak noong 1971 tungo sa 1 sa 5 noong 1986. Isa sa bawat 50 babae na ang edad ay 16 hanggang 24 ay nakaranas na ng aborsiyon, at dalawang-katlo ng lahat ng mga pasyente ng aborsiyon ay walang asawa. Si Propesor Richard Whitfield, tagapamanihala ng Pambansang Kampaniya para sa Pamilya, ay nanangis: “Tayo’y nabubuhay sa isang patapong lipunan kung saan ang mga kaugnayan ng tao ay itinuturing na para bang madaling itapon na gaya ng isang kotse o gamit sa bahay.”

Mga Huwegong Piitan

Ang isang gabi sa isang piitan sa Australia ay kasinghalaga ngayon ng isang gabi sa isang primera-klaseng otel, ulat ng The Courier-Mail, isang pahayagan sa Australia. Ang isang araw na paglagi sa piitan ay nagkakahalaga ngayon ng halos A$100 ($70, U.S.) at maaari pang tumaas ng $400 para sa pusakal na mga bilanggo. Tatlo sa pinakamagarang otel sa Melbourne ay nagkakahalaga ng $110, $120, at $135 isang gabi. Isang tagapagsalita para sa Institute of Criminology ay nagsabi na ang populasyon sa piitan ng Australia ay lubhang dumami sa nakalipas na mga ilang taon. Binanggit niya na ang isang bilanggo na ang sentensiya ay habang-buhay (sa katamtaman, 15 taon) ay nagkakahalaga ng mahigit na $500,000 sa mga nagbabayad ng buwis. Dumarami ang pagkabahala sa “primera-klaseng” halaga ng mga bilanggo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share