Ang Sansinukob—Nilalang o Nagkataon Lamang?
SA PATULOY na debate tungkol sa kung baga ang sansinukob ay nilikha o nagkataon lamang, ang sumusunod na mga komento ni Paul Davies, propesor ng theoretical physics sa University of New Castle sa Gran Britaniya, sa kaniyang aklat na God and the New Physics, ay pumupukaw sa kaisipan:
“Kung ang sansinukob ay basta nagkataon lamang, ang kahigitan laban sa pagtataglay nito ng anumang mapahahalagahan kaayusan ay totoong napakaliit. . . . Yamang hindi ito ang kalagayan, lumilitaw na mahirap takasan ang konklusyon na ang aktuwal na kalagayan ng sansinukob ay ‘hinirang’ o pinili mula sa pagkalaki-laking bilang ng makukuhang mga kalagayan, wala kundi isang pagkaliit-liit na bahagi nito ay ganap na magulo. At kung ang gayong lubhang malayong mangyaring kalagayan ay pinili, tiyak na mayroong isang tagapili o tagapagdisenyo upang ‘hirangin’ ito.”
Oo, kung paano pinipili ng isang tagapagtayo ang isang disenyo at ang mga materyales upang itayo ang isang bagay na magsisilbi sa kaniyang layunin, gayundin ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, na ang pangalan ay Jehova, na lumikha sa sansinukob. (Awit 83:18; Apocalipsis 4:11) Tunay, ang konklusyon ni Propesor Davies ay nagpapagunita sa atin sa mga salita ni apostol Pablo sa Hebreo 3:4: “Ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Mga larawan ng NASA